Chapter 11: Selos
NANG SUMAPIT na ang hapon. Napag desisyonan kong bumisita kila Ronnie para kamustahin ang kababata ko. S'yempre sumama pa rin sa akin si Luxary. Ayaw niya talagang nawawala ako sa paningin niya, ewan ko ba sa lalaking 'to.
Nang makarating kami sa bahay nila Ronnie dahil walking distance lang naman ang layo sa pagitan ng bahay namin ay madali lang din kaming nakarating sa bahay nila.
Sinalubong agad ako ng ngiti ni Ronnie at niyakap ako ng mahigpit kaya binigyan ko rin siya ng masayang yakap. Matagal-tagal na rin no'ng huli kaming nagkita ni Ronnie.
Nagulat ako nang makiyakap din sa amin si Luxary. Napatingin sa kaniya si Ronnie pero binigyan lang siya ni Luxary ng nakakaasar na ngiti.
"Sino 'to, Ney?" takang tanong ni Ronnie.
Bumitaw na kami sa pagkaka-yakap na naging group hug dahil nakisali sa amin si Luxary.
"Si Luxary Navarro, kaibigan ko."
Tumingin ulit si Ronnie kay Lux na parang sinusuri ang bawat anggulo ng katawan at mukha. Lumapit sa akin si Ronnie at bumulong sa tainga ko.
"Hindi ako naniniwalang kaibigan lang," sabi niya habang may mapanudyong ngiti ang sumilay sa labi niya.
"Tumigil ka nga d'yan, kaibigan ko lang si Luxary," balik kong bulong sa kaniya.
"Pero bakit siya? Hindi kaibigan ang turing niya sa'yo? Kitang-kita sa mga mata niya, Ney."
Tumingin ako kay Luxary at nagtama agad ang tingin namin. Nakakunot ang noo niya dahil siguro nagtataka kung ano ang pinagbubulungan namin ni Ronnie.
"So, kamusta ka na Britney?"
Tumingin ulit ako kay Ronnie at ngumiti sa kaniya ng pilit.
"Ayos lang, ikaw kamusta ang abroad? Balita ko, umaasenso ka na ah?" panunudyo ko sa kaniya at pabiro ko siyang siniko.
"Ayos lang naman, nakakaluwag-luwag na rin."
"Pautang," pabiro kong nilahad ang kamay ko sa harapan niya.
Parehas kaming natawa sa ginawa ko pero biglang naglaho 'yon nang biglang binigay sa akin ni Luxary ang sarili niyang wallet sa nakalahad kong palad.
Parehas kaming nagulat ni Ronnie sa ginawa ni Luxary.
"Why?" inosente niyang tanong.
"Nagbibiro lang ako," mahinahon kong sabi sa kaniya.
Natahimik ang paligid ng ilang segundo bago basagin ni Ronnie ang katahimikan.
"Maupo muna kayo, kukuha lang ako ng miryenda."
Hindi na hinintay ni Ronnie ang sagot ko dahil nagmamadali na siyang umalis sa sala. Sabay kaming naupo ni Luxary sa mahabang sofa bago ko nilahad pabalik sa kaniya ang pitaka.
"Bakit mo sa akin binigay 'yang wallet mo?" takang tanong ko sa kaniya.
"Umuutang ka sa lalaking 'yon e, nandito naman ako. Handa kong ibigay lahat sa'yo kahit sarili kong wallet."
Napailing na lang ako sa sinagot niya.
"Nababaliw ka na ba Mr. Navarro? What if, ibang babae ang mag-advantage sa'yo--"
"Walang ibang babae ang p'wedeng mag-advantage sa akin, p'wera na lang kung ikaw. Ayos na ayos lang sa akin," aniya sabay kindat.
"Ang ibig mong sabihin ay ayos lang sa'yo ma-advantage, basta ako?" gulat kong tanong habang nakaturo sa sarili ko.
Nakangiti siyang tumango-tango.
"Yes."
"Unbelievable. . ." bulong ko sa hangin habang umiiling.
"Britney."
"Ohh?"
Abala na ako sa pagtingin sa paligid ng bahay nila Ronnie. Malaki na rin ang ipinagbago ng bahay nila simula no'ng mag-abroad siya.
"Nagseselos ako."
Bumalik ang tingin ko sa kaniya habang nakabukas ang labi ko at hindi makapaniwala sa sinabi niya.
"A-ano?" gulat kong tanong sa kaniya habang nagsisimula na namang kumabog ang puso ko.
"Nagseselos nga ako," nakanguso niyang sabi.
"Kanino? At bakit ka naman magseselos?"
"Sa kababata mo, mukhang close na close pa rin kayo sa isa't-isa."
"So? Eh, s'yempre magkaibigan kami."
Tumango-tango naman siya habang nakanguso. Hindi siya nakatingin sa akin habang nilalaro niya ang sariling daliri. Mukha siyang pinagsakluban ng langit at lupa.
"Alam kong walang tayo at wala akong karapatan, Britney. Pero nagseselos talaga ako. 'Yong puso ko parang pinipiga kapag ngumingiti ka sa kaniya."
Tumingin siya sa akin kaya nagkatinginan kami. Parang nakipagkarera na naman ang puso ko sa sobrang bilis no'n. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko o sasabihin ko sa kaniya.
Sumulpot bigla si Ronnie kaya laking pasasalamat ko dahil nakahinga na ako ng maluwag. Hindi ko rin alam ang sasabihin ko sa kaniya kung nagkataong hindi dumating si Ronnie.
"Mag miryenda muna kayo."
Inabot sa amin ni Ronnie ang miryenda at naupo siya sa single sofa. Nag-umpisa na kaming mag-usap ni Ronnie. Tahimik lang si Luxary sa tabi ko kung minsan ay tinatanong din siya ni Ronnie pero maikli lang ang mga sagot niya.
Natapos na rin kaming magkamustahan ni Ronnie at napagdesisyonan na naming umuwi ni Luxary. Tahimik pa rin siya habang naglalakad na kami pauwi.
"Ang tahimik mo," wala sa sariling sambit ko.
Hindi pa rin siya kumikibo at parang ang lalim ng iniisip niya.
"Hindi ka pa ba uuwi sa manila?" tanong ko.
Napahinto siya sa paglalakad kaya napahinto rin ako. Tumingin siya ng seryoso sa akin. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kaba kaya napalunok ako sa sarili kong laway.
"Gusto mo na akong umalis? Bakit parang gusto mo na akong umalis? Para makapagsolo na kayo ni Ronnie? Gusto mo ba siya? Siya ba ang tipo mong lalaki?" sunod-sunod niyang tanong sa akin.
Para akong nalula sa sunod-sunod niyang tanong. Sa bawat tanong ay mahahalata mo sa boses niya ang pait.
"Kaibigan ko lang si Ronnie at kaibigan lang din ang turing niya sa akin at isa pa, may girlfriend na 'yon. Hindi ko siya gusto dahil kaibigan lang ang turing ko sa kaniya," paliwanag ko.
"Eh, bakit parang gusto mo na akong umalis--"
"Hindi naman sa gano'n, ang akin lang. May trabaho pang naghihintay sa'yo."
"Kahit wala ako do'n, gagalaw pa rin ang kompanya."
Nang makauwi kami sa bahay ay sumalubong sa amin si Tatay na parang may lakad.
"Saan po kayo pupunta, 'Tay?"
"Mamamasada sana kami ng Nanay mo pero sumama ang pakiramdam niya kaya balak kong ako na lang ang mamamasada para makapagpahinga muna ang Nanay mo."
"Ah gano'n po ba? Eh, kung gusto mo 'Tay ako na lang ang sasama sa'yo sa pamamasada?" pagpresinta ko.
"Sigurado ka 'nak?"
"Oo naman po," masaya kong sabi.
"P'wede rin ho ba akong sumama sa pamamasada?" tanong ni Luxary kay Tatay.
"Sigurado ka hijo?" gulat na tanong ni Tatay.
"Oho, kung hindi niyo ho naitatanong. May experience na po ako sa pamamasada," proud niyang sabi kay Tatay.
Natuwa naman si Tatay sa sinabi ni Luxary.
"Oh siya sige, tara na't mamasada na tayo mga anak."
Sumakay na kami ni Luxary sa jeep. Natuwa pa siya no'ng nakita niyang jeep ang gagamitin namin para sa pamamasada. Pumarada na si Tatay sa waiting shed kung saan naghihintay na ang mga pasahero. Mabilis lang din napuno ang jeep nang tulungan ako ni Luxary na magtawag ng mga tao.
Natuwa naman si Tatay dahil mabilis lang nakakuha ng mga pasahero si Luxary. Hindi tulad namin, na kapag kami ni Tatay ang namamasada ay kung minsan hindi napupuno ang jeep.
"Bakla ba talaga 'yang kaibigan mo, anak?" bulong ni Tatay sa akin.
Napatingin ako kay Luxary na nagtatawag ng mga pasahero bago ako bumaling kay Tatay.
"Hindi ko rin po sigurado," pagsisinungaling ko.
Hindi ko naman gustong magsinungaling kay Tatay pero kilala ko siya. Kapag nalaman niya ang totoo ay baka sipain na lang si Luxary palabas ng bahay o ang mas malala ay habulin pa siya ng itak at ayokong mangyari 'yon.
"Gandang lalaki e, sayang naman. No'ng kabataan ko ay gan'yan na gan'yan ang pangangatawan ko kaya nga na in love agad sa akin ang Nanay mo e," natatawang sambit ni Tatay.
Natawa na rin ako sa sinabi niya at napailing. Bumaling ako ng tingin kay Luxary at naabutan kong nakatingin na siya sa akin. Binigyan niya ako ng ngiti na parang hindi nagtampo kanina.