Chapter 34-Suko
Inaayos ko ang sarili ko ngayon. Pinakatititigan ko ang itsura ko sa salamin. Naisipan kong pumunta ngayon sa condo ni Kavez para makausap siya. Kahapon ay sinubukan ko ulit siyang tawagan pagkauwi galing kina Arielle ngunit hindi niya pa rin ako sinasagot. Ang isip ko ay nagalit siya sa akin dahil baka nasaksihan niya ang ginawa ni Sercide. Gusto kong ipaliwanag sa kaniya ang totoo at maipaliwanag din niya ang tungkol sa kanila ni Paizel.
"Manang, alis na po muna ako," paalam ko kay manang ng makita ko siya sa sala na naglilinis.
"Sige, Ingat!"
Agad akong sumakay sa sasakyan at pinaharurot ito papunta sa condo ni Kavez.
Dumating naman kaagad ako. Kinatok ko ito at pinakinggan kung may tao sa loob, nang wala akong marinig ay sunod-sunod na akong kumatok. Inilapit ko ang tainga ko sa pinto ngunit katahimikan lang ang naririnig ko.
Laylay ang balikat ko habang papalabas sa building ng condo. Asan kaya si Kavez? Naisip ko na baka nasa bahay nila ito. Pupunta ako do'n!
Pinaandar ko ulit ang sasakyan, ngayon ay papunta naman sa bahay nina Kavez. Sana ay nando'n siya.
"Ate, si Kavez po?" tanong ko sa kasambahay na natagpuan ko sa labas ng kanilang bahay.
"Si Kavez po? Ay, wala po rito eh."
"Nasaan po kaya siya?"
"Alam ko po eh nasa kompanya po nila."
"Sige po, salamat po," gusto kong mag-alinlangan, baka mamaya ay nando'n pala si Kavez at hindi sinabi sa'kin ang totoo pero wala akong magagawa, hindi naman ako makapapasok sa loob ng bahay nila.
Pinaandar ko nang muli ang kotse ko, papunta naman sa kompanya.
"Good morning Miss. Can I ask? Is Kavez here?" tanong ko sa babaeng naka-assign sa mga bumibisita sa kanilang kompanya.
Mataray siyang humarap sa akin, hindi niya sinagot ang tanong ko, basta na lang niya kinuha ang telepono at may tinawagan.
"Good afternoon po, may naghahanap po rito kay sir Kavez.... Ahmm, sige po," 'yon lang at ibinaba na nito ang tawag.
Salubong ang kilay niya nang tumingin sa akin.
"Maghintay na lang po kayo. sir Kavez is busy right now," at tinalikuran niya na ako.
Umupo naman ako sa area kung saan pwedeng maghintay.
Pabalik-balik ang tingin ko sa elavator at wrist watch ko. Ilang oras na akong naghihintay pero wala pa ring Kavez na lumalabas. Bumalik ako sa pwesto ng babaeng napagtanungan ko kanina.
"Miss, busy pa rin daw ba si Kavez?"
Sinamaan niya ako ng tingin, "Kita mo nang wala pa diba? Natural busy pa 'yon," pabarang sagot niya.
"Sige, Thank you," saad ko kahit naiinis na.
Ramdam ko ang pagkalam ng tiyan ko. Tanghali na at oras na ng pagkain, ang ibang empleyado ay pumupunta na sa canteen ng kompanya. Baka lumabas na rin si Kavez, titiisin ko na muna ang gutom.
Hindi ko namalayang nakatulog ako sa upuan, nagising ako dahil sa sigaw ng isang babae.
"Hoy! Hindi raw muna aalis si sir Kavez, baka rito na 'yon matulog," ang babaeng mataray na kausap ko kanina.
Kinapa ko muna ang gilid ng labi ko bago siya sinagot, "Hindi ba pwedeng puntahan ko na lang siya?"
"No, kailangan mong maghintay na bumaba sila pero sorry ka, hindi ata bababa ngayon si sir dahil busy talaga siya."
Tumango na lang ako at tumayo na, nalipasan na ako ng gutom. Tiningnan ko ang aking wrist watch, alas-otso na ng gabi.
"Ano?! Umuwi ka na!" sigaw pa ng babae ng makitang hindi pa rin ako umaalis.
Agad ko namang ginalaw ang paa ko para makaalis na sa kompanya. Ilang beses ko pang ibinalik ang tingin sa bukana para makita kung lumabas na ba si Kavez ngunit nabigo lang ako.
Sumakay ako sa kotse ko at umuwi na sa bahay namin.
Sa sumunod na araw ay parang naulit lamang ang kahapon. Pumunta ako ng condo, sumunod ay sa bahay nina Kavez at ang huli ay naghintay sa kompanya na wala naman akong napapala.
Ikalimang araw ko na ngayon sa pagpunta, hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon nagtitiis pa rin ako.
"Yexie?! Aba eh anong oras na hindi ka pa rin ba aalis?!" tanong sa akin ni Ms. Krela, ang mataray na babaeng nangangalaga sa mga taong bumibisita.
"Ilang araw na po kasing hindi umaalis dito si Kavez, pwede po bang puntahan ko na siya sa opisina niya?" tanong ko, nagbabakasaling payagan ako.
"Hindi! Umuwi ka na, 'wag ka nang bumalik," mahina ang pagkabanggit niya sa huling linya.
Ngumiti ako sa kaniya, ngiting alam kong pilit lang.
"Sige po, thank you."
Pagkalabas pa lang sa pinto ng kompanya ay nangilid na ang luha ko, agad ko itong pinunasan para walang makakita. Sinimulan ko na ulit ang paglalakad, napatigil ako nang makita si Arielle na nakatayo sa medyo malayong harapan ko. Nakangiti siya pero kita sa mukha niya ang awa.
"Kamusta?" nabigla rin ako sa tanong niya, isang linggo pa lang kaming hindi nagkikita pero tinanong niya na ako no'n.
"Okay lang," sinagot ko pa rin ito.
"Alam ko ang araw-araw mong ginagawa rito," sinabi niya iyon sa akin nang seryoso na ang mukha.
Napalunok ako sa sinabi niya, unti-unti ring uminit ang gilid ng mata ko, agad ko naman itong pinigilan.
Lumapit sa akin si Arielle, "Napapabayaan mo na ang katawan mo, hindi ba pwedeng tumigil ka na? Para kasing wala namang pake sayo si Kavez."
Parang punyal iyon na tumama sa aking dibdib, hindi ko napigilan ang emosyon ko. Napapansin ko, nagiging madalas na ang pag-iyak ko. Napayakap ako kay Arielle, bigla ay nanghina ako.
"Gusto kong makausap si Kavez, simula no'ng nangyari sa'min ni Paizel hindi ko na ulit siya nakita," saad ko, humihikbi sa bawat salita.
"Andito lang ako, Yexie," hinagod niya ang likod ko.
"Pwede bang huli mo nang pagpunta bukas? 'Yon na lang ang regalo mo sa birthday ko, malapit na 'yon, sa isang buwan na," dagdag niya pa.
Hindi ko na naalala pa ang birthday ni Arielle, naging busy ako sa mga nangyari nitong nakaraan. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya, inalis ko na ang pagkayakap.
Naalala ko ang pag-uusap namin ni mommy kahapon lamang.
"Anak? Gusto kang kunin ng tita Lay mo sa States, ikaw ang makipag-usap sa kaniya."
"My, magtatrabaho na ako sa isang buwan dito pati paano si Kavez?"
"Anak, pwede kang tumanggi na muna sa trabaho at alam kong kaya nahuhuli ka lagi sa pag-uwi ay pinupuntahan mo si Kavez? Nakapag-usap na ba kayo?"
Nahihiya akong umiling. Malalim siyang bumuntong-hininga.
"Pag-isipan mong mabuti ang sinabi ng tita mo. Maganda ang kita kung sa States ka magtrabaho."
Sinang-ayunan ko ang gusto niya, unti-unti na rin akong napapagod sa paghahantay kay Kavez na wala man lang paramdam.
Kung wala akong mapapala bukas ay sasang-ayunan ko na ang gusto ni tita Lay.
Kumain muna kami ni Arielle sa labas bago umuwi. Ang swerte ko lang dahil naging bestfriend ko si Arielle, kapag siya ang nangailangan ay hindi ako mag-aalinlangang tulungan siya.
Maaga akong pumunta sa condo kinabukasan, as usual wala pa ring sumasagot. Sinunod ko naman ang bahay nina Kavez at 'ayon, sabi ng kasambahay ay nasa kompanya raw ito at hindi umuwi.
Sinalubong ako ng walang ganang tingin ni Ms. Krela, alam niya na ang sadya ko rito.
"Hindi ka talaga nadadala, maghintay ka buong araw kung gusto mo," at kinalikot na niya ang computer sa harap.
Nang magtanghali ay kumain na lamang ako ng biskwit, nagbaon na ako dahil alam kong aabutin ako ng tanghalian dito. Hindi ako umaalis sa aking kinauupuan kahit oras na ng tanglian dahil baka lumabas si Kavez ngunit wala pa rin akong napala, bumalik na ang mga empleyado galing sa canteen pero wala pa ring Kavez na nagpapakita.
Inabot na ako ng gabi sa paghihintay. Unti-unti nang umaalis ang mga empleyado. Hindi ko na pinaabot pa na pagsabihan na naman ako ni Ms. Krela. Dahan-dahan akong tumayo sa aking kinauupuan, natakatitig na nakatitig sa elavator, nagbabakasakali na sa huli kong punta rito ay makikita at makakausap ko na si Kavez. Hindi ko alam pero sa palagay ko, wala na kami ni Kavez.
Sunod-sunod ang naging pagtulo ng luha ko, hindi ko na alintana kung may nakatingin ba sa akin. Hindi ko na napigilang humikbi, paunti-unti kong inihakbang ang mga paa ko palabas ng kompanya. Walang tigil ang aking pagluha. Suko na ako, isang linggo siyang walang paramdam, sa palagay ko ay wala na talaga.
Pababa na ako sa huling hagdan ay bigla ko na lang naramdaman ang mainit na yakap galing sa aking likod. Nakaramdam rin ako ng mainit na hininga sa aking tainga. Mas lumakas ang paghikbi ko ngunit agad iyong natigil nang sinakop ng namamaos na boses ang tainga ko,
"Lar? I'm really sorry, my mom doesn't want me to see you. Ayaw niya akong paalisin ng opisina ko nitong mga nakaraang araw. May bantay ako sa labas, wala akong magawa pero kahapon nasabi ko na sa kaniya ang aking gusto. Gusto kong makasama ka, ayokong mawala ka. Wala na siyang nagawa ng sabihin kong gusto kitang pakasalan. Ngayon, nakalabas ako at buti naabutan kita. I'm really sorry too because I didn't tell you the truth about Paizel. Nalaman ko lang na magkapatid kami before our graduation, she is my half sister. Sorry rin if hindi ako nakarating sa Lerte's Beach last week. Pumunta ako sa inyo pero hindi ko inaasahan ang makikita ko, nalaman ko na inutos pala 'yon ni Paizel. Lar? 'Wag mo akong iwan, please?" mahabang paliwanag niya. Rinig na rinig ko rin ang garalgal ng boses niya, halatang umiyak ito.
Dumami lalo ang mga luhang pumapatak galing sa aking mata, hindi ko na napigilan ang panghihina. Unti-unting pumikit ang mata ko at pagkatapos no'n ay hindi ko na alam ang nangyari.