Chapter 33-Hintay
Nandito na ako ngayon sa Lerte's beach. Hindi ko alam kung ilang oras na ba akong naghihintay pero sa palagay ko ay nasa tatlong oras na dahil tirik na tirik na ang araw, nasisiguro kong tanghali na.
Ginala ko ang paningin sa magagandang tanawin. Sana ay katulad na lang nila ako, walang problema at hindi nasasaktan. Walang katatao rito, lagi namang ganoon dahil alam ko ay pribado ito.
Naririnig ko na ang sigaw ng tiyan ko na gusto na nitong kumain pero pinipigilan ko ang pagkagutom, hihintayin ko rito si Kavez kahit na anong oras man siya dumating.
Nilalamok na ako ngayon pero wala pa rin si Kavez, papalubog na ang araw. Hindi pa ako kumakain simula kanina. Nasaan na ba si Kavez?
Naramdaman ko ang unti-unting pagpatak ng ulan ngunit hindi ito naging hadlang para umalis na ako doon, nanatili akong nakaupo sa mga buhangin. Hanggang sa lumaki na ang butil ng pagpatak ng ulan pero hindi pa rin alintana para umalis ako roon. Tumitigtig ako sa kawalan.
Sana makarating ka Kavez, hihintayin kita.
Hindi ko na maramdaman ang malamig na tubig na pumapatak sa aking katawan, agad akong napaangat ng tingin. Ngingiti na sana ako dahil akala ko ay si Kavez 'yon ngunit ang tumambad sa mata ko ay si Arielle. Pinatayo niya ako.
"Bakit ka narito at nagpapaulan? Halika na, baka magkasakit ka," nag-aalala niyang saad.
"Hinihintay ko si Kavez. Ikaw? Paano mo nalaman na narito ako?" kunot-noong tanong ko sa kaniya.
"Napadaan lang ako rito, nakita ko sa labasan 'yong kotse mo kaya tiningnan ko kung nandito ka."
"Nakabalik ka na pala?" nagsimula siyang maglakad, hindi ko siya sinundan.
Kumunot din ang kaniyang noo at sinagot ang aking tanong, "Oo, kahapon lang. Halika na umuwi na tayo."
"Hihintayin ko pa si Kavez," ngumiti ako sa kaniya.
"Anong oras ka dumating dito?"
"9 am."
Nanlaki ang mga mata niya sa sagot ko.
"Ano? 9 am?!"
Tumango ako sa kaniya.
"Hindi pa rin dumarating si Kavez? Darating pa ba 'yon? Halika na tawagan mo na lang siya mamaya."
Hinila na niya ako paalis doon. Pinasakay ako ni Arielle sa sasakyan niya.
"Arielle, may kotse ako."
"Alam ko, ipapakuha natin yan. Sa bahay ka na lang muna namin dumiretso. Magbihis ka na muna do'n, mas malapit ang amin kaysa sa inyo."
"Baka dumating si Kavez?" tanong ko ulit sa kaniya.
"Sana nga dumating siya. Alam ko ang nangyari sa inyo noong isang araw," mataray na sagot ni Arielle.
Dumako ang paningin ko sa kaniya.
"Paano?"
"May pakpak ang balita," 'yon lang ang sinagot niya at pinaharurot na ang sasakyan.
Pagkarating sa bahay nila ay agad kaming inasikaso ng mga kasambahay. Pinaligo ako ni Arielle sa kwarto niya at pinahiram ng damit. Pagkatapos naming maligo ay kumain muna kami at kinausap niya ako sa kaniyang kwarto.
"Alam ko na kung sino si Paizel, pero hindi ko talaga mapaniwalaan na kapatid pala siya ni Kavez," gulat ang tono niya habang ako ay hindi naman sumagot.
"Tawagan mo muna si Kavez," binigay niya ang cellphone ko, siya kasi ang kumuha nito sa kotse ko kanina bago kami umalis sa Lerte's beach.
Hinanap ko ang numero nito at tinawagan. Napailing-iling ako ng hindi ito sumasagot. Inulit ko ng ilang beses pero nabigo lang ako.
"Ayaw sumagot," itinabi ko ang cellphone sa mesa malapit sa inuupuan naming kama.
"Galit ka ba kay Kavez?" biglang tanong niya.
Umiling ako, "Nagpakabasa nga ako kanina para lang makita siya pero wala eh, 'di siya dumating."
Biglang tumunog ang cellphone ko, walang kasing bilis kong kinuha ang cellphone at sinagot ang tawag.
"Hello, Kavez?" agad na sabi ko.
"Yexie?" agad akong nanlumo ng hindi boses ni Kavez ang narinig ko.
Tiningnan ko ang screen at nakitang si Sercide 'yon.
"Bakit, Sercide?"
"Yexie, I'm sorry dahil sa ginawa ko kanina. Nagawa ko lang 'yon kasi....." pambibitin niya.
"Kasi?" tanong ko, nakakunot ang noo.
"Inutos ni Paizel. Sinunod ko naman kasi..." ayon na naman ang pambibitin niya.
"Kasi?" tanong ko kahit gulat sa unang sinabi niya.
"Gusto kong makuha ang matamis na oo ni Paizel," pagkasabi niya noon ay bigla akong napatingin kay Arielle, seryoso siyang nakatingin din sa akin.
"Nililigawan mo si Paizel?" pagkukumpirma ko, nawala sa isip ang dapat na punto ni Sercide.
"Oo, ayoko namang magkalabuan kayo ni Kavez. Kaya sinabi ko sa'yo 'to at alam ko ring mali talaga ang ginawa ni Paizel," paliwanag ni Sercide.
Wala akong maisagot sa kaniya.
"I have to go, papasok na ako sa loob ng room ni Paizel," at ibinaba na nito ang tawag.
Agad naman akong nagtanong kay Arielle,
"Alam mo ba na nililigawan ni Sercide si Paizel?" mabilis na tanong ko sa kaniya.
"Oo, nagkausap na kami noon ni Sercide. Tanggap ko na naman na hindi niya ako magugustuhan," malungkot na ngumiti si Arielle.
Nakaramdam ako ng awa sa kaniya. Hindi ko alam na gano'n pala ang nangyari sa kanila. Pero bakit kaya inutusan ni Paizel si Sercide na halikan ako? Inalala ko ang nangyari kanina at naalala ko na may sasakyan akong narinig nang halikan ako ni Sercide. Si Kavez kaya 'yon?