Chapter 43 Ang Kapahamakang Nakaabang kay Jillian
LAKAD... lakad... lakad...
Shucks, hindi napigilang sabihin ni Jillian dahil pakiramdam niya'y isang malaking kahangalan lang ang kanyang ginagawa. Ang buong akala niya kasi kapag umalis siya sa bahay ni Lance ay tuluyan na siyang makakatakas. Ngunit, paano naman mangyayari iyon kung wala na siyang lulusutan para magawa iyon?
Gubat ang kanyang pinasok at kasabay ng reyalisasyon na iyon ay naisip din niyang may panganib na ihahatid iyon sa kanya. Kaya naman ngayon ay gusto na niyang huminto at bumalik na kay Lance. Maaari ngang magalit ito sa ginawa niya pero sa palagay naman kasi niya ay iyon ang tama niyang gawin. Pamilyado siyang tao kaya hindi dapat si Lance ang kanyang kasama.
Kahit pa sabihing ito ang mahal niya.
Ngunit, nang lumingon siya sa kanyang pinanggalingan ay parang biglang nanlaki ang kanyang ulo. Hindi na rin kasi niya alam kung saan siya galing dahil may apat palang lagusan doon. Kaya, hindi na niya alam kung saan siya lumusot.
SOBRA nang nag-aalala si Lance kay Jillian. Kung mayroong masamang mangyayari rito, alam niyang walang ibang dapat sisihin kundi siya. Ibig pa niyang ipagpilitan ang kanyang sarili kay Jillian kahit mayroon na itong pamilya.
Ganoon na ba talaga siya kasama?
O marahil ay alam niyang naghihirap din naman kasi ang kalooban ni Jillian. Talaga lang abot-abot ang pagpipigil nito para huwag makagawa ng kasalanan kay Mark Wayne.
Ngayon ay alam na niya kung bakit sobra siyang nagagalit kay Mark Wayne. Sobra niya itong kinaiinggitan dahil kahit sa anong pagkakataon ay palagi itong pipiliin ni Jillian.
Ngunit nang mga oras na iyon, alam niyang hindi muna siya dapat na maghinanakit dahil mas importanteng matagpuan niya si Jillian.
"Damn!" sigaw niya nang may tubig na bumagsak sa kanyang mukha. Nang mapatingin siya sa langit ay alam niyang mas kailangan niyang matagpuan si Jillian. Alas dos pa lang pero nangingitim na ang kalangitan kaya alam niyang maya-maya lang ay bubuhos na ang malakas na pag-ulan.
NAYAKAP ni Jillian ang kanyang sarili. Talagang nagsisi na siya kung bakit umalis pa siya samantalang pwede naman niya pakiusapan si Lance na iuwi na lang siya. Marahil dahil ayaw din naman niyang makita sa mukha nito ang sakit.
Nasasaktan din naman siya dahil alam niyang nagkamali siya ng desisyon. Kung hindi siya naging duwag noon ay dapat kapiling pa rin niya si Lance hanggang ngayon kaso inuna niyang isipin na masasaktan lang siya ni Lance. Pinili niyang huwag magtiwala sa pagmamahal nito gayung alam naman niyang totoo iyon.
At kahit naman alam niya kung kanino siya liligaya ay hindi na niya maaaring tanggapin dahil mali.
Ssssss...
Para siyang pinanlamigan ng katawan nang marinig niya ang sound na iyon mula sa mga dahong nadadaanan. Gusto niyang tumili pero hindi niya magawa. Sigurado kasing mas mapapahamak siya.
"Jillian!"
Nang marinig niya ang boses mi Lance, parang gusto niyang sumigaw. Nais niyang isipin na ligtas na siya.
"Jillian?"
Ssss...
Oh my God! Dama niya kasing nasa likod na lang niya halos ang nilalang na iyon at anumang sandali ay tutuklawin na siya. Hanggang sa maramdaman na lang niyang may kung anong dumaan sa kanyang binti na naging dahilan ng pag-ikot ng kanyang paningin.
"JILLIAN!" tanging naisigaw ni Lance nang makita niyang bumagsak ang kanyang minamahal.
Ngunit, alam niyang hindi iyon dahil sa ahas dahil nabato niya ito ng punyal na laging nasa likuran ng kanyang suot na pantalon. Ngunit hindi dahilan iyon para hindi siya mag-alala lalo pa't nang bumagsak si Jillian ay tumama ang ulo nito sa bato.
Mas tumindi ang pag-aalalang naramdaman niya ng makakita siya ng dugo sa ulo nito kaya agad niya itong binuhat.
Namura niya nang paulit-ulit ang sarili sa kaisipang kung hindi siya dumating sa oras ay siguradong may masamang nangyari na sa kanyang minamahal.
"MOMMY!"
Biglang napabalikwas nang bangon si Mark Wayne dahil sa sigaw na iyon ni Apple. "Anak..."
Anak? Talaga lang, ha? sarkastikong tanong ng isang bahagi ng kanyang isipan.
Marahas na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Kung maaari lang niyang bugbugin ang kanyang sarili, ginawa na sana niya. Hindi na dapat niya maalala ang katotohanang iyon dahil kahit hindi galing sa kanya si Apple, siya naman ang amang kinagisnan nito. Kaya naman nakaramdam siya ng pagsisisi dahil napabayaan niya ito.
Hindi na niya kasi alam ang gagawin niya dahil ilang araw nang nawawala si Jillian at alam niyang si Lance ang kasama nito. Ngunit, kahit na ibang lalaki ang kasama ng kanyang misis ay gusto pa rin niyang makaramdam ng kapanatagan dahil alam niyang hindi naman pababayaan ni Lance si Jillian. Gayunpaman, hindi ibig sabihin nu'n ay di nginangatngat ng panibugho ang kanyang puso.
"Kailan ba darating si Mommy?"
"Babalik na siya," wika niya kahit hindi naman talaga niya ang sagot.
Ewan niya kung dapat nga ba niyang paniwalaan ang sinabi ng Bianca Francisco na iyon na nasa Palawan si Jillian gayung hindi naman nito alam kung saan nga ba ang eksaktong lokasyon.
"Gusto ko na makasama ang Mommy."
"Me too," hindi niya napigilang sabihin. Kahit alam niyang si Lance pa rin ang mahal ni Jillian, umaasa siya na mas mangingibabaw pa rin kay Jillian ang pinagsamahan nila. Ngunit, kung magagawa man nitong pagtaksilan siya'y hindi niya ito lubos na masisisi dahil hindi naman niya maibigay dito ang pangangailangan nito.
Kahit naman sabi ng oktor niya'y nag-i-improve na ang kanyang 'kapansanan', hindi naman niya gugustuhing angkinin lang si Jillian dahil sa pagiging mag-asawa nila. Ang gusto niya ay makuha niya ito ng buung-buo.
Isip, puso at kaluluwa.
"Mahal pa ba tayo ng Mommy?"
"Of course," mariin niyang sabi. Iyon kasi ang gusto niyang paniwalaan. Babalik si Jillian. Naniniwala siya na hindi rin nito gustong mag-stay sa kung saan man ito naroroon ngayon. Tiyak niyang hindi rin naman nito magagawang tiisin si Apple kung hindi lang talaga ito naiipit sa sitwasyon nito.
At alam niyang walang ibang dapat sisihin kundi si Lance Madrigal. Damn you! galit pa niyang sabi nang rumehistro sa kanyang isipan ang mukha ng mortal niyang kaaway.
ISA man siyang tunay na lalaki, gusto na maiyak ni Lance dahil sa kalagayan ni Jillian. Hanggang ngayon kasi'y hindi pa ito nagiging kaya sobra na siyang nag-aalala. Kahit naman kasi mababaw lang ang sugat nito sa ulo ay hindi siya dapat makampante lalo na't hindi naman siya doktor.
Habang pinagmamasdan niya ang maamong mukha ni Jillian na walang malay ay parang dinudurog ang kanyang puso. Mahl na mahal niya ito pero sa tuwina'y siya ang dahilan kung bakit nagagalit ito at nasasaktan.
Nang bata pa sila ay gustung-gusto niyang inaaway si Mark Wayne dahil doon lang siya napapansin ni Jillian. Kaya naman, nagpagamit siya kay Jillian para pagselosin nito si Mark Wayne pero siniguro rin niyang mahuhulog ang loob nito sa kanya. At dahil sa ramdam na naman niya na mahal siya ni Jillian ay pinili na niyang i-seduce ito para kapag nabuntis ito ay mapilitan na itong pakasalan siya. Ngunit ang plano niya ay hindi nangyari ay dahil mas pinili pa rin nito si Mark Wayne kaysa sa kanya.
Masakit man sa puso pero pagdating kay Jillian, hindi niya nagawang matalo si Mark Wayne. Gayunman, nararamdaman din naman niyang nahihirapan si Jillian ngunit mas pinili pa niya itong lituhin. Talaga kasing gusto niyang ipa-realize kay Jillian na siya ang ang dapat piliin nito Ngunit, anong nangyari?
Kung hindi niya kinuha si Jillian ay hindi sana nito gugustuhing tumakas sa kanya at hindi ito mapapahamak dahil sa kanya. Maaari ngang hanggang ngayon ay mahal pa rin siya ni Jillian pero hindi naman ang tipo ni Jillian ang magtataksil lalo na kay Mark Wayne kaya kahit masakit ay nakapagdesisyon na siya.
Ibabalik na niya si Jillian sa mag-ama nito dahil iyon naman talaga ang tamang gawin.
"It's my Lance..." bulalas ni Jillian nang imulat nito ang mga mata at pinakatitigan siya.
Oh, gusto niyang maiyak sa sobrang tamis ng ngiti nito ngayon sa kanya.