Chapter 38 Ang Pakiramdam kapag Kasama ang Tunay na Minamahal

KAHIT alam niya mali na makatabi niyang matulog ang kanyang ex-boyfriend, hindi ito magawang itaboy ni Jillian. Gusto rin kasi niyang makasama ito kaya habang may pagkakataon pa, nagpapakasawa na siyang titigan ito. Hindi rin siya tumututol kapag hinahalikan at niyayakap siya ni Lance. Salamat na nga lang at hindi na humihiling pa si Lance ng higit pa roon dahil baka tuluyan na siyang magtaksil kay Mark Wayne.

"Kung nahihirapan ako, alam kong mas nahihirapan ka."

Ang lakas ng kanyang pagsinghap nang marinig niya ang boses ni Lance. Hindi niya akalain na gising pa ito. Bigla tuloy siyang nahiya kaya agad niya itong tinalikuran saka siya pumikit. Ngunit, paano pa siya makakatulog kung alam niyang umiba ng puwesto si Lance tapos naramdaman niya ang kamay nito sa kanyang balikat?

Kung hindi lang niya napigilang ang sarili, talagang mapabubulalas siya ng mahabang-mahabang 'ohhh'. Naramdaman na naman kasi niya ang mistulang kuryenteng nanulay sa kanyang balat. Hindi niya tuloy napigilang kagatin ng mariing-mariin ang pang-ibaba niyang labi sabay bigkas ng, 'Oh tukso, layuan mo ako'.

"Huwag ka na magtulog-tulugan.'

"Tulog na ako, promise," wala sa loob niyang sabi sabay tapik sa kanyang bibig. Wala na tuloy siyang pagpipilian kundi pumihit nang higa. Hindi nga lang niya napigilan ang mapasinghap ng sa pagharap niya'y muntik na magbanggaan ang kanilang mukha. Tapos ay napatitig pa siya rito. Miss na miss na niya ang mga matang iyon kaya nagwala na naman ang kanyang puso.

"Alam mo bang matagal ko na pinapangarap na makasama kita ulit?"Nasa boses ni Lance ang sobrang pangungulila kaya gusto niyang maiyak.

"Kaya kinidnap mo ako," kunwa'y mataray niyang sabi. Iyon lang naman kasi ang alam niyang paraan para maitago rito ang tunay niyang nararamdaman.

"Hindi mo naman ako binigyan ng ibang pagpipilian."

"Magkasama na nga tayo sa kumpanya mo."

"Pero, lagi mo akong iniiwasan. Saka ang gusto ko magkaroon talaga tayo ng panahon sa isa't isa."

"Pwede naman kasing tanggapin mo na lang na hindi na magiging tayo. Kahit pa sabihin mong mahal mo pa ako, hindi na mababago ang katotohanang may asawa na ako. Hindi ko makakayang pagtaksilan ang bestfriend... ang asawa ko," mariin niyang sabi sa tatlong huling kataga na iyon. Kailangan din kasi niyang ipaalala iyon sa kanyang sarili.

"Hindi ka lang naman sa gawa maaaring magtaksil?"

Kumunot ang noo niya sa sinabi nito.

"Kung iba ang laman ng nasa puso't isipan mo, maikukunsidera pa ring nagtataksil ka."

Hindi siya agad nakakibo. Totoo naman kasi ang sinabi ni Lance. Kahit na magkasama sila ni Mark Wayne, lumilipad pa rin kay Lance ang puso't isipan niya. Kaya kung malalaman iyon ni Mark Wayne, siguradong masasaktan lang ito.

Ngunit, hindi nga ba talaga alam ni Mark Wayne kung ano ang kanyang nararamdaman? Napalunok siya nu'ng maalala niya kung kailan nanlamig sa kanya si Mark Wayne. Dama niyang ibig nitong subukan muli ang pagkalalaki nito kaya lang parang tumututol ang kalooban niya. Sa kanyang isip kasi si Lance ang kanyang nakikita.

"Huwag mo na kasi akong pahirapan pa," nakikiusap niyang sabi. Magmula kasi ng magtagpo muli ang landas nila ay nagulo na ang kanyang emosyon. Palagi ng nagtatalo ang puso't isipan niya.

"Sa palagay mo, ikaw lang ang nahihirapan?" sarkastikong tanong nito sa kanya.

"Mag-move on ka na kasi."

"Ikaw ba nakapag-move on na?" mariing tanong nito sa kanya. "Hindi ba't hindi? Kahit na inakala mo na niloko lang kita. Kahit kasi iyon ang pinaniniwalaan mo, mahal mo pa rin ako."

"Makakalimutan din kita," inis niyang sabi rito. Ewan nga lang niya kung talaga nga bang magagawa niya iyon gayung kahit na nga lumipas ang limang taon ay hindi niya ito nagawang kalimutan. Maaaring naisantabi lang niya ito dahil kasama niya si Mark Wayne, abala siya sa pag-aalaga sa kanilang anak, ngunit hindi niya ito kailanman nakalimutan.

May mga pagkakataon ngang iniisip niya, paano kaya kung si Lance ang kanyang kasama? Mas magiging maligaya ba siya? O baka naman, tama lang na si Mark Wayne ang pinili niya dahil hindi siya nasaktan.

Kahit naman nahuli si Mark Wayne na sabihin nito ang kanyang nararamdaman, nakasisiguro siyang mahal na mahal siya ng kanyang bestfriend. Marahil hindi nito naipapakita at naipapadama sa pamamagitan ng pakikipagtalik pero alam niyang mahal siya ni Mark Wayne. Damang-dama niya sa pag-aasikaso nito.

Nu'ng malaman nitong buntis siya, ito ang kanyang naging karamay. Para ngang hindi na ito nabigla nu'ng sabihin niyang buntis siya. Nakikita naman kasi nitong nagsusuka siya, nahihilo at naging matakaw. Basta ng malaman nito ang kanyang sitwasyon ay agad itong nag-alok ng kasal.

Nu'ng una inakala niya na kinailangan lang siya nitong pakasalan dahil gusto nitong makuha ang mana nito ngunit napag-alaman niyang walang ganoong senaryo buhat sa parents nito. Ayaw lang talaga ni Mark Wayne na makaramdam siya ng guilt kapag nagpatali ito sa kanya. Ang importante lang rito ay maging maayos silang mag-ina.

Kaya naman kahit hindi tulad ng pagmamahal niya kay Lance ang nararamdaman niya para kay Mark Wayne, hindi niya ito maiisip na pagtaksilan. Kaso nga lang, gaya nga ng sinabi sa kanya ni Lance, nagagawa rin niyang pagtaksilan si Mark Wayne dahil sa puso't isipan niya'y pag-aari pa rin ni Lance.

"Saan kayo nagpakasal ni Mark Wayne?"

"Sa Las Vegas."

"Very good."

"Ano?"

"Pwede kayong mag-Divorce."

"No way."

"At gugustuhin mo talagang matali habambuhay sa lalaking hindi mo naman mahal?"

"Mahal ko nga si Mark Wayne."

"Ako ang iniibig mo."

"'Yun lang ang gusto mong paniwalaan."

Humalakhak ito.

Tinapunan niya ito ng matalim na tingin. Ngunit, kahit na naiirita siya sa ginawi nito ay hindi pa rin niya maiwasan ang mapatulala dahil sa pagtawa nito. Ang sarap kasing pakinggan noon. Hayun tuloy bumibilis na naman ang tibok ng kanyang puso.

"Nagugutom ako," sabi niya.

Napangiti ito.

"What?" inis niyang sabi sabay palo sa braso nito.

"Baka masakal mo ako kapag tinanong ko sa'yo kung ako ba ang gusto mong kainin," mapanudyong sabi nito.

Dapat sana ay magalit siya sa sinabi nito pero hindi niya iyon nagawa. Bigla kasing sumuot sa isipan niya ang maiinit na tagpong pinagsaluhan nila noon ni Lance kaya naman naramdaman na naman niya ang pagpula ng kanyang mukha.

"Just joking. Halika, pakakainin kita ng hotdog."

"Lance!"

"Favorite mo ang hotdog, hindi ba?"

Shucks, wika niya sa sarili sabay tango. Talaga naman kasing nagkulay berde na naman kasi ang utak niya dahil sa sinabi ni Lance. Kahit ang tono nito ay parang inosente, alam niyang double meaning ang sinabi nito dahil noong magkarelasyon pa sila ay ganoon ang madalas nilang biruan.

"Halika na," wika nito saka bumalikwas nang bangon at inalok ang kamay para maka-holding hands siya. Kahit na alam niyang mali na gawin niya ang ganoong gesture ay hindi pa rin niya napigilan ang sariling tanggapin ang kamay nito.

At dahil muli na naman siyang nagkakasala sa kanyang asawa, hindi niya napigilan ang mag-sorry rito. Kahit alam naman niyang hindi iyon makakarating sa pandinig ni Mark Wayne.