Chapter 34 Ang Damdaming Pinaglalabanan

PAKIRAMDAM ni Jillian ay hindi na niya kaya pang pigilan ang kanyang sarili. Miss na miss na rin naman kasi niya ang halik ni Lance kaya nagawa pa niya itong yakapin habang tumutugon siya sa halik nito. Sabi kasi ng puso't katawan niya, si Lance lang ang karapat-dapat na umangkin sa kanyang katawan.

Ngunit, bigla niyang naitulak si Lance, nang pumasok sa isip niya si Mark Wayne. Ang kanilang kasal. Ang init ng pag-ibig na kani-kanina lamang ay nararamdaman niya'y parang binuhusan ng malamig na tubig. Kung hindi man niya kayang ibigay kay Mark Wayne ang pag-ibig na ibinuhos niya kay Lance, hindi niya dapat kalimutang irespeto ang bestfriend niya bilang asawa.

"I hate you, Lance!" sigaw niya. Kung nagagalit siya sa kanyang sarili, mas matinding galit ang nararamdaman niya ngayon sa kanyang ex-boyfriend.

Kung hindi ito muling pumasok sa kanyang buhay, hindi magugulo ang emosyon niya. Hindi dapat siya nakakaramdam ng matinding guilt ngayon sapagkat kahit kinidnap siya ni Lance, masaya pa rin siyang kasama ito. Para pa rin siyang idinuduyan sa ulap habang nakatitig siya sa mga mata nito.

"You hate me because you love me," mariing sabi sa kanya ni Lance. Ikinulong pa ng kamay nito ang kanyang mukha tapos pinakatitigan siya ng husto. Pakiwari niya'y gusto ni Lance mabasa ang nilalaman ng kanyang puso kaya naman pinakatitigan pa siya nito.

"I don't love you," mariin niyang sabi pero nang tumingin siya sa mga mata nito'y naramdaman na lang niya ang paglandas ng luha sa kanyang mga mata. Talaga naman kasing mahirap magsinungaling. Pakiramdam niya tuloy ay may bakal na nakadagan sa kanyang dibdib. Gusto niyang palayain ang kanyang nararamdaman pero hindi pwede.

Ayaw niyang saktan si Mark Wayne.

Hindi niya kayang pagtaksilan ang kanyang bestfriend.

Sabihin mang ang kanilang kasal ay sa papel lang, responsibilidad pa rin niyang panindigan ang kanilang pagsasama.

"Sa akin mo ba sinasabi 'yan o sa sarili mo?"

"Iuwi mo na kasi ako!" tili niya. Parang nai-imagine na niya kung gaanong nag-aalala sa kanya si Mark Wayne. At ang sakit na nakikita niya sa mukha nito kapag nasasaktan ay hindi niya kaya. Para ring dinudurog ang kanyang puso.

Mahal niya si Mark Wayne. Una niya itong pinangarap na makasama sa habambuhay. At dahil nga nangyari iyon, kailangan niyang panindigan. Ah, kung maaari nga lang na mabura sa kanyang puso't isipan si Lance, ginawa na sana niya. Kaya lang kahit na sabihin niyang nagagalit siya rito kaya dapat na niyang kalimutan, hindi niya magawa. Masyadong malalim ang pag-ibig niya rito ngunit mas malalim pa rin ang pinagsamahan nila ni Mark Wayne.

"Hindi kita iuuwi hanggang hindi tayo nagkakaayos."

"May asawa na ako!"

"Wala akong pakialam," anito saka humalukipkip pa.

Kitang-kita niya ang kaseryosohan sa mukha ni Lance kaya naman nanghihina ang kanyang tuhod. Parang gusto nu'ng bumagsak. Ngunit, dahil sa biglang umalalay sa kanya si Lance, parang imposibleng mangyari iyon.

"Bakit mo ako iniwan?"

"Dahil si... Mark Wayne ang.... mahal ko," wika niyang hindi halos lumabas sa bibig niya ang mga katagang iyon.

"Siya ang mahal mo o siya ang pinili mo dahil inakala mo na niloko kita?" galit nitong tanong sa kanya.

Maang siyang napatingin dito. Kita niya ang galit sa mga mata nito ngunit hindi rin maipagkakaila sa boses nito ang pagdaramdam. Kaya, parang ibig matunaw ng puso niya. Mahal na mahal pa rin niya si Lance kaya naman apektado pa rin siya kapag nasasaktan ito. Talaga lang pinipilit niyang nilalabanan ang tunay niyang nararamdaman pero kapag mistulan itong talunan, hindi rin niya kaya.

"Mahal na mahal kita noon hanggang ngayon, pero, bakit hindi mo pinaniwalaan iyon? Bakit agad kang naniwala sa salitang hindi naman ako nagsabi kundi si Franco? At kung hinintay mo lang ang sinagot ko sa kanya, hindi mo maiisip na iwanan ako."

Sa sinabi nito, parang may granadang sumabog sa kanyang harapan. Ayaw niya sanang paniwalaan ang mga sinabi nito pero biglang nag-flashback sa kanya ang lahat. Totoo kasi ang sinabi ni Lance. Hindi niya hinintay ang isinagot nito kay Franco. Ang nasa isip niya kasi noon ay mas masasaktan siya kapag narinig dito ang katotohanan.

Kaya nga, mas minabuti niyang pairalin ang galit. Ginusto niyang maghiganti na lang dito para hindi na siya masaktan. Pakiramdam niya kasi kung ipapamukha rin niya rito ang hindi ito ang mahal niya ay mas madali siyang makakapag-move on. Akala niya kapag nagawa niyang matupad ang kanyang pangarap ay magiging masaya na siya.

Ngunit, hindi pala. Ayaw lang niyang aminin sa sarili at ibig niyang itago kay Mark Wayne. At nang pakasalan niya ang bestfriend niya, umasa siyang makakalimutan na rin niya si Lance, ngunit, paano niya magagawa kung naroroon si Apple na laging ipinapaalala sa kanya na si Lance ang ama nito?

"Hindi na natin mababago ang nangyari na," wika niyang parang gustong umiyak. Sa sinabi kasi ni Lance ngayon talagang pinagsisihan niya na nagpabigla-bigla siya sa kanyang pagdedesisyon. Dahil sa kamalian niya, tinanggalan pa niya ng ama si Apple. Kahit naman labis ang pagmamahal dito ni Mark Wayne, alam niyang mas higit na pagmamahal ang mabibigay dito ng tunay na ama. At tiyak niyang kung malalaman ni Lance ang totoo ay higit itong magwawala.

No! hindi dapat malaman ni Lance na anak nito si Apple. Tiyak niyang hindi iyon kakayanin ni Mark Wayne. Masyado ng masakit ang pinagdaraanan nito dahil sa 'kapansanan' nito kaya kung malalaman pa ng lahat na hindi ito ang ama ni Apple, mas matinding paghihirap ang mararanasan nito.

"Tama ka. Hindi ko na mababago ang nangyari na pero mababago ko ang ngayon at kinabukasan natin," mariing sabi nito sa kanya.

Ang lakas ng pagsinghap niya sa sinabi nito. Kita niya sa mga mata nito ang determinasyon na baguhin ang kinabukasan at mangyayari lang iyon iyon kung mananatili siya sa piling nito. Na ang ibig sabihin ay ang kalimutan niya ang kanyang asawa at... kanilang anak.

"No. Hindi ako papayag," mariin niyang sabi na sinabayan pa niya nang pag-iling.

Ngumisi naman sa kanya si Lance sa paraang nakakaloko. "Nagdesisyon ka noon para sa ating dalawa. Pwes, ako naman ngayon," wika nito sa tonong parang hindi niya mababali ang salita.