Chapter 28

“Magpatingin na tayo sa doktor, Louise, anak. Ilang hapon ka nang ganyan,” ang himok ng ina niya. Nakasalamin sa mukha nito ang pag-aalala.

Nakaratay siya ngayon sa kama nila ni Calvin. Hindi siya makatayo dahil sa sobrang hilo at nagduduwal siya pagkatapos. She really felt terrible. Minsan nga ay parang maisip na niyang mamamatay na siguro siya dahil sa sobrang sama ng kanyang pakiramdam pero nawawala naman pagkalipas ng ilang oras at ayos na siya pagkatapos.

“Ma, pagod lang yata ako at siguro dahil na rin sa jet lag,” ang aniya sa ina nang mahinahon. Halos hindi niya maigalaw ang ulo dahil sa sobrang pagkahilo.

“Sasabihin ko na lang kay Calvin na magsama siya ng doktor dito kung hindi mo talaga kayang bumangon, ‘nak. Hindi ka nga rin nakakain nang maayos, eh. Paano na ‘yan? Hindi puwedeng ganyan.”

“Ayoko talaga sa ospital, Ma. Alam mo na po ‘yan,” protesta naman niya.

“At ano? Hahayaan na lang kitang ganyan? Hay naku! Magpapatawag talaga ako ng ambulansya kay Rosa kung magmamatigas ka pa, eh.”

Bago pa siya makapagsalita ay umalis na ang kanyang ina dala ang tray at ang bowl ng sopas na hindi niya maubos-ubos. Ayaw niya kasing kumain ng kahit na ano maliban sa sopas.

Tumawag sa kanya ang asawa mula sa opisina nito.

Ayaw sana nitong pumasok dahil sa pag-aalala sa kanya. Kanina pa siya nito hinimok na samahan sa ospital pero daig niya pa ang galit na toro at sininghalan ang asawa dahil ayaw niyang pumunta sa lugar na iyon.

“How are you, honey? Still not feeling well? Dadalhin na kaya kita sa ospital?” alalang tanong nito sa kanya.

“I don’t like hospitals, you know that, Calvin,” ang sabi na naman niya. Inulit lang niya ang sinabi sa ina. Nababanas na talaga siya. “Isa ka pa talaga, eh. Bakit ba kasi ayaw n’yo akong pakinggan ni Mama?”

“Tumawag nga kasi si Mama sa ‘kin. Pareho ang sinabi niya. Pero kung ayaw mo, paano ka matitingnan ng doktor? Paano ka magagamot niyan?” Pilit nitong huminahon ngunit natunugan niyang malapit na rin itong mawalan ng pasensiya sa kanya.

Napatiim-bagang na lang si Louise. “Calvin, magiging okay na ako mayamaya. You know, like these past few days. Ipagpahinga ko lang ‘to.”

“But that’s the point. You’ve been like that for days now. Nag-aalala na talaga kami sa ‘yo, Louise. Ba’t ba ang tigas ng ulo mo, ‘ha?” ang himutok nito.

She could just imagine his furrowed brows when he said it. Ewan niya pero napangiti siya. Bakit kaya naisip niyang kakatwa ang mukha nito na ganoon?

“Fine! I promise to go to the family doctor tomorrow morning, if you’ve made the appointment. Just don’t worry. I’ll be fine,” pinapalubag na lang niya ang loob nito. “Sige na. Maghanap-buhay ka muna para sa ‘kin.”

Narinig niyang napatawa ito nang mahina. “Okay. I have to work and buy you a lot of things you need and whatever it is you want,” ang sang-ayon nito. “Also, we have to save some money for our future kids.”

Nakikinita ni Louise na nakangiti ngayon ang asawa. Napakagat-labi na lang siya.

‘Kids?’ Bigla siyang kinabahan at napahawak sa kanyang tiyan. Oo nga pala. Nakalimutan man lang niyang mag-PT para malaman iyon. Subalit ayaw niyang gawin ngayon dahil wala naman siyang kit.

***

Napabuntong-hininga si Calvin. Alalang-alala siya sa kanyang asawa na parati nang nahihilo at nagduduwal kada hapon mula nang pumunta sila sa sementeryo.

Ang masama pa, hindi niya ito nakikita dahil nakaratay ito ngayon sa kama ng kuwarto nila. Walang CCTV cam doon na naka-install. Kailangan kaya niya iyong gawin para malaman at masigurong ayos lang ito?

Napahilamos siya sa kanyang mukha.

Napalingon naman siya sa pintuan ng kanyang opisina nang biglang pumasok ang tila napaka-excited niyang executive secretary na halos kasing-tangkad at kasing-edad niya lang.

“Sir, they found him at last!” balita ni Scott.

“Who?” He could not digest what Scott just said. His thoughts were all about his sick wife, lying in their bed at home.

“They found Bill in New Mexico!” pagpaalam ng sekretaryo sa kanya.

“New Mexico?” At naalala niya kung sino ang nandoon. Ang pangalawang pamilya ni Bill. Ang mistress na matagal na nitong iniwan at ang anak nito sa babaeng iyon.

Napatawa siya nang mapakla at napailing ng ulo na nakatingin kay Scott.

“Sir?”

“The old bastard!” naiiling na aniya. “Thank you for the information, Scott. You notify the BOD on the good news.” Pero parang napakapait ng mga salita niyang iyon. After all, Bill was like his second father when his biological father passed away because of a car accident. Kaibigan ito ng ama niyang yumao.

Napatingin siya sa kanyang monitor at nakita ang ina ng asawa niyang pumasok sa kanilang kuwarto na mag-asawa ngunit hindi na niya makita kung ano ang ginawa nito roon at kung ano na ang kalagayan ng asawa niya.

Perhaps he had to take this time off work. He had to be by his wife’s side at this moment. Inayos na niya ang kanyang mga gamit at maagang nilisan ang opisina. Nag-iwan na lang siya ng mensahe para kay Scott na umuwi na siya nang maaga, ipinaalam ditong may sakit ang asawa. Lahat ng importanteng tawag ay tatanggapin na lang niya roon sa bahay.

***

“O, ba’t ka umuwi? ‘Di ba dapat kang maghanap-buhay para sa ‘tin?” ang bungad ni Louise kay Calvin nang dumating sa kanilang bahay.

Hinalikan niya ang noo ng babaeng nakaratay sa kama. She looked pale and tired.

Umupo siya sa tabi nito sa kama at hinawakan ang isa nitong pisngi habang nakatitig sa mga mata ng asawa.

“Hon, I can’t concentrate on work. My thoughts are filled with fear, not knowing what you have. I won’t be able to accept it if something happens to you. So, please, I’m serious. Let’s go to the doctor tomorrow, okay?” Marahang pinalandas niya ang hinlalaki sa malambot na pisngi ni Louise.

“Sinabi ko na nga sa ‘yo, ‘di ba? Pupunta tayo bukas. Sasamahan mo ‘ko. Ano, nagpa-book ka na ba ng appointment? Okay lang ba sa schedule niya?” pakli nito sa kanya at hinawakan ang kamay niyang nakahawak sa pisngi nito.

“Yes. I called our family doctor while on my way home, and she will be available tomorrow morning.”

“Don’t worry. Feel ko namang hindi pa ako kukunin ni Lord bukas kaya malalaman natin kung ano’ng meron ako.”

“Hey, don’t joke like that. It’s not funny! Kung puwede lang, bubuhatin na kita ngayon at dadalhin sa ER. But I respect what you want. That’s what’s keeping you here, Louise. Kung ako lang ang masusunod, noong isang araw ka pa napaospital, eh.”

Inirolyo nito ang mga mata. “Hay, naku! Ba’t ba ang OA n’yo ni Mama? Kayo yata ang mag-ina, eh.”

Napasingasing siya. “Baka buntis na ‘yang asawa mo, Calvin,” ang sabat ng biyenan niyang may dalang maaligamgam na tubig para ipainom sa anak.

Napatitig siya nang husto sa asawa at pabaling-baling ng tingin dito at sa biyenan.

“Ma, magdilang-anghel ka sana,” tanging nasabi niyang maluwag ang ngiti.

Ngayon pa lang ay masaya na siya kapag kumpirmado nang magkakaanak na sila ni Louise.