Chapter 12
Bumalik na ako sa pagkakahiga at matutulog na ulit sana nang mapansin kong nakabukas ang bandang kanan na bintana ng aking kuwarto. Agad akong bumangon upang isarado ito. Marahil ay si Cindy ang nagbukas nito kanina ngunit hindi ko lang namalayan.
Isasarado ko na sana ang pintuan nang may mapansin akong isang maliit na kahon.
Binuksan ko ito at nakitang gamot ito sa sakit. Nang dahil narin sa modernisasyon at sa pag-angat ng teknolohiya sa lipunan ay nakabuo ang mga tulad naming mga bampira ng mga gamot na puwede naming inumin at gamitin tuwing masama ang aming pakiramdam. Maliit lang ito na capsule at parang candy ang laki. Tiningnan ko ang pinaglagyan nito nagbabakasakaling malaman kung saan ito nanggaling. Ngunit agad rin namang napalitan ng pagkadismaya nang walang makitang kahit na anong sulat o palatandaan ng nagbigay.
Kinuha ko ang tubig na nasa mesa at ininom ang gamot na ibinigay ng sinuman.
Bumalik ako sa kama at napagdesisyunang magpahinga na muna. Kung sinuman ang nagbigay ng gamot sana magpakilala siya.
Nagising ako bandang alas-tres ng hapon ng dahil sa gutom. Agad akong nagtungo sa dining hall ng dormitoryo upang kumain. Pagkarating ko roon ay wala ni isang estudyante na naroon. Marahil ay nandoon pa ang lahat sa kani-kanilang mga klase.
Kumuha ako ng pagkain at agad na nagtungo sa isang mesa. Magana akong kumakain nang makita kong pumasok si Primo sa dining hall ng aking dormitoryong tinutuluyan.
Naglakad ito sa lamesa na kinakainan ko at umupo sa mismong tapat ko.
"How do you feel?"
-malambing na tanong nito
Napatulala ako rito. Hindi ko inaasahan na marinig ang ganyang klase ng boses mula sa kanya. Nabalik ako sa huwestiyo ng maramdaman kong hinipo nito ang aking noo.
Agad akong napa-atras at napatayo sa gulat.
"Ano bang ginagawa mo?"
-takang tanong ko
"I'm just checking. I thought you're dying."
-saad nito at mabilis na nawala sa aking paningin.
"Buti sana kung ikaw ang mamatay!"
-galit na bulong ko sa sarili at ipinagpatuloy ang pagkain
Kinabukasan ay naging mabuti na ang aking pakiramdam. Magkasabay kaming pumasok ni Cindy sa aming mga klase sa araw na ito. Naging payapa at tahimik naman ang pangyayari sa buong araw.
.....
Maagang nagtapos ang klase ngayong araw dahil sa magaganap na aktibidad kinabukasan. Kapag walang pasok, ang Manderstein ay hinihikayat ang lahat ng mga estudyante na mas palakasin at patatagin pa ang kanya-kanyang kakayahan lalong-lalo na sa pisikal na aspeto. Magkakaroon ng isang pagsasanay sa pisikal na pagpapalakas na pangungunahan ng lahat ng mga miyembro ng Magic 8.
Agad kong inihanda ang aking isusuot kinabukasan. Wala namang required na susuotin kung kaya napagdesisyunan ko na lamang na mag t-shirt at shorts. Nakahanda na rin ang sapatos na susuotin ko. Matapos mahanda ang lahat ng mga kakailanganin sa pagsasanay bukas ay agad akong nagtungo sa banyo para makaligo.
Alas-kuwatro pa lamang ng umaga ay narinig na sa buong dormitoryo ang hudyat para sa agahan. Maaga ang oras ng agahan ngayon sapagkat maaga sisimulan ang nasabing pagsasanay. Matapos kumain ay agad kaming bumalik sa kanya-kanya naming mga kuwarto upang magbihis at maghanda para sa pagsasanay mamaya. Wala pang tatlumpung-minuto mula nang makabalik kami sa aming silid ay narinig na ulit sa buong dormitoryo ang ikalawang tunog. Hudyat para lumabas na at pumunta sa lugar ng pagsasanayan.
Lahat ng mga estudyante ay tinipon sa activity center ng unibersidad. Hindi pa nagsisimula ang pagsasanay kung kaya mapapansin na maingay ang buong paligid.
Agad rin naman itong tumahimik ng makita ang pagdating ng Magic 8.
Agad na sinimulan ang pagsasanay sa pagtakbo. Mula sa unibersidad ay lalabas ang mga estudyante patungong Mt. Matterhorn, ang pinakamalayo at pinakamataas na bundok sa mundo naming mga bampira.
Tumunog na ang hudyat para simulan na ang pagtakbo. Isang oras lamang ang ibinigay na palugit para makabalik sa unibersidad. Ang hindi makabalik matapos ang nakatakdang oras ay magkakaroon ng karagdagang oras sa pagsasanay.
Magkasabay kaming tumatakbo ni Cindy. Lahat ay kinakailangang tumakbo maliban sa Magic 8 na ngayon ay kasalukuyang naghihintay sa aming pagbabalik. Nanguna naman ang mga senior students sa pagtakbo upang masigurado na walang maliligaw.
Nangangalahati na kami sa aming pupuntahan nang magsimula akong maramdaman ng pagod at pagkauhaw. Napagdesisyunan kong huminto na muna para magpahinga.
Umupo ako sa isang malaking puno at nagpahinga na muna. Ilang saglit lang ay napagdesisyunan kong magpatuloy na sa pagtakbo. Sa pagtayo ko ay nakaramdam ako ng paggalaw sa paligid. Agad ko itong nilingon pero wala akong nakita. Itinuloy ko na lamang ang pagtakbo at binalewala ang napansin.
Dinalian ko ang aking pagtakbo nang hindi ko na makita ang dulo ng mga estudyanteng tumatakbo. Hindi naman mahirap sumunod dahil may mga gabay na nakalagay papunta sa aming destinasyon.
Matagal-tagal na rin akong tumatakbo nang mapansin kong hindi na ito ang daan patungong Mt. Matterhorn. Maging ang mga gabay na nakapaskil ay nawala na. Hindi ko matandaan kung saan ako huling pumasok o lumabas kaya nalilito ako kung saan ang daan pabalik.