Chapter 11

Agad akong napatayo nang marinig sa buong dormitoryo ang hudyat para sa hapunan. Pagod man ay pinili kong bumaba nalang at kumain.

Sinimulan ko na ang aking pagkain nang mapansin kong wala si Cindy. Agad kong inilibot ang aking paningin at sinubukang hanapin ito sa ibang lamesa pero hindi ko ito nakita. Nakakapagtaka sapagkat ito ang unang beses na hindi ito nagpaalam sa akin.

Agad kong binilisan ang aking pagkain. Marahil ay masama ang pakiramdam nito kung kaya mas pinili na lang nitong magpahinga.

Nang matapos na akong kumain ay agad akong kumuha ng isa pang plato at naglagay ng maraming pagkain doon. Ako nalang siguro ang maghahatid nito sa kuwarto niya.

Nang matapos ko na ang paglalagay ng mga pagkain sa plato ay agad na akong nagtungo sa kuwarto nito.

Agad akong kumatok nang marating ko na ang pintuan ng silid ni Cindy. Ilang beses ko itong kinatok pero walang nagbubukas. Hindi naman siguro aalis iyon.

Sinubukan kong buksan ang pinto at nagulat ng malamang hindi iyon nakalock. Agad ko itong binuksan at sinilip ang paligid.

"Cindy andiyan ka ba?"

-mahinang tawag ko dito

Nilibot ko ang buong paligid pero hindi ko ito nakita. Agad akong nagtungo sa banyo pero wala rin ito doon. Nagtataka man ay inilapag ko na lamang ang pagkain sa isang maliit na mesa malapit sa kama nito.

Umupo ako sa kama habang nililibot ng paningin ko ang kabuuan ng silid ni Cindy. Wala namang masyadong pinagkaiba sa aking silid. Kung meron man ay napansin ko na masyadong kaunti lamang ang gamit nito para sa isang babae.

Tinitingnan ko ang mga libro na nakapatong sa mesa ng di-sinasadyang masagi ng kamay ko ang nag-iisang libro na nakahiwalay sa lahat.

Tuluyan itong nahulog at nagkalat ang mga papel na nakaipit doon. Mabilis na pinulot ko ang libro at ang mga nagkalat na papel at ibinalik sa lamesa. Babalik na sana ulit ako sa pagkakaupo nang mapansin ko ang isang kuwentas sa sahig. Pinulot ko ito at bahagyang tinitigan. Nagtaka ako ng mapansin na parang pamilyar ang disenyo sa pendant nito. Para itong isang mata. Mukhang nakita ko na ito noon hindi ko lang matandaan kung kailan at saan.

"Anong ginagawa mo dito?"

-agad akong napatili ng malakas sa biglaang pagdating ni Cindy.

"Ba't ka nanggugulat?"

-reklamo ko

"Wala ka kasi kanina kaya hinatiran kita ng pagkain. San ka ba nagpunta?"

-dagdag na saad ko

"Diyan lang sa labas."

-tipid na sagot nito

"Sige mauna na rin ako. Kainin mo yan ah!"

-paalala ko

Agad kong inilagay ang kuwentas pabalik sa mesa nang makitang nagsimula na itong kumain at di kalauna'y lumabas na ng silid.

Pagkabalik ko sa aking silid ay agad akong nagtungo sa banyo para maligo. Pagkatapos nang mabilisang pagligo at pagpapatuyo ng buhok ay agad akong nagbihis ng pantulog at humiga na sa kama. Di kalaunan ay agad rin akong nakatulog.

Nagising ako sa ingay ng tunog para sa agahan. Imbes na bumangon ay nanatili ako sa aking higaan. Hindi ko alam kung bakit masama ang pakiramdam ko. Masakit ang aking ulo na parang mabibiyak na. Ilang saglit lang ay natapos na ang tunog at bumalik ang katahimikan sa buong dormitoryo. Siguro ay ipapahinga ko nalang muna ang nararamdaman ko.

"ASTRID! ASTRID!"

Nagising ako sa pagkatok at pagsigaw ng kung sinuman galing sa labas ng aking kuwarto. Pagod akong bumangon at pinagbuksan ang kumakatok.

"Ano bang nangyayari sayo? Ba't di ka pumasok ng klase?"

-bungad sa akin ni Cindy nang pagbuksan ko na ito ng pinto

"Medyo masama kasi ang pakiramdam ko."

-matamlay kong sagot

Agad niyang hinipo ang aking noo upang malaman kung may sakit ba ako.

"Mainit ka. Kumain ka na ba?"

-nag-aalalang tanong nito sa akin

"Hindi pa. Nakatulog kasi ako kanina. Ngayon lang ulit ako nagising."

-sagot ko

"Magpahinga ka muna. Kukuha lang ako ng pagkain mo."

-sabi nito at nagmamadaling lumabas

Bumalik ako sa aking kama at humiga. Hindi na masyadong masama ang pakiramdam ko kumpara kanina. Imbes na ipikit ko ulit ang aking mga mata ay pinili kong ibuka ito at hintayin si Cindy. Di nagtagal ay bumalik ito dala ang dalawang platong punong-puno ng mga pagkain.

"Ubusin mo yan lahat ah."

-utos nito

"Hindi ko yan mauubos Cindy. Sobrang dami niyang kinuha mo!"

-reklamo ko

Imbes na sumagot ay agad nitong kinuha ang kutsara. Naglagay ng maraming pagkain at sinubo lahat sa bibig ko. Halos mabulunan ako sa dami ng pagkain na sinubo niya na ikinatawa nito.

Pagkatapos kumain ay muli itong lumabas para kumuha ng dugo na iinumin ko. Kahit na kumakain kami ng mga pagkain ng mga normal na tao ay kinakailangan parin naming uminom ng dugo dahil dito kami kumukuha ng lakas at enerhiya para maging malakas at malusog ang aming pangangatawan.

Pinayuhan ako ni Cindy na magpahinga nalang muna. Matapos masiguro na wala na akong kakailanganin ay agad rin itong nagpa-alam para pumasok sa panghapon na klase nito.