Chapter 32 - Viewer
Xena
"Ano pala ang balita? Nagkaayos na ba kayo ni Mikey? I mean, nagkausap naman na kayo nang masinsinan kanina, right? Nakapagpatawaran na rin?" biglang tanong ni Hero.
Sinimangutan ko ito.
Ngayon lamang kasi nito nakuhang magtanong dahil sa hindi kaagad umalis si Mikey at siguro ay nahihiya kahit na papaano si Hero na tahasan at direktang magtanong na naroon ang kapatid nito, nang bandang hapon naman na ay naging abala na ito dahil sa mga ka-meeting, ako naman ay inayos ang schedule nito para sa mga susunod na araw.
Pinitik ako nito nang mahina sa noo kaya naalis ang pagkakasimangot ko at napalitan ng ngiwi.
Bwiset talaga.
Napanguso ako kapagkwan at hinimas ang noo ko.
Pumalatak si Hero. "Hoy! Ito parang ewan, ayaw pang sagutin. Tinatanong nang matino, e."
Umirap ako. "Paano akong sasagot? Hindi naman ako sigurado. Pero, oo nagkausap naman kami, nag-sorry rin siya, hindi ko lang alam kung totoo ba at sincere," sagot ko habang nakatuon ang mata sa baso sa harapan ko.
Naalala ko bigla ang hitsura ni Mikey, pati na ang mga binitawan nitong salita at kilos nito.
Ibang-iba talaga kasi para sa akin, nakaka-overwhelm, nakakabitin ng hininga, nakakagulat, nakakakaba, nakakalito at higit sa lahat ay pinapabilis ang tibok ng puso ko. Sa totoo lang, kung iba ang sitwasyon na mayroon kami, gusto kong bigyan ng malisya, pero hindi kasi, e. Hindi ordinaryong sitwasyon ang mayroon kami, komplikado ang mga bagay kaya ayoko at pinipigilan ko ang sarili kong maging marupok.
"Makikipagtitigan ka na lang ba riyan sa baso, Babe? Puwede mo naman akong kausapin. Ipapaalala ko lang na nandito ako," untag sa akin ni Hero.
Napakurap ako at nilingon ito.
Natawa ito nang mahina. "Ano na? Sa akin ka na ngayon tititig? Iba ka rin, e," naiiling na puna nito.
Sumimangot akong muli at inirapan ito.
Hays.
Ayoko nang banggitin pa kay Hero lahat ng napag-usapan namin ni Mikey, bukod sa tutuksuhin ako nito ay parang tagilid kasi at hindi ako gaanong kumbinsido sa mga narinig ko sa kapatid nito. Isa pa, ayoko na rin talagang magkalapit pa kami ni Mikey. Ayoko nang sumubok pang muli at madarang. Mahirap sumugal sa isang bagay na wala namang kasiguraduhan.
"Ano na naman ang iniisip mo, hmm?"
Lumipad ang mata ko kay Hero dahil sa tanong nito. "W-Wala."
D*mn. Gusto kong batukan ang sarili ko dahil sa pagkautal ng wala namang dahilan.
"You're overthinking again," he stated.
"H-Hindi, ah," tanggi ko.
Pumalatak ito. "Deny pa. Kilalang-kilala kaya kita, Babe."
Huminga na lang ako nang malalim at hindi na kumibo pa. Alam ko kasi na hindi ito maniniwala at hindi ito titigil. Saka totoo naman kasi ang sinabi nito.
Inilibot ko na lamang ang mata ko sa paligid upang maiwasan ang mapanuri nitong tingin at para maibaling ko na rin sa iba ang atensyon ko, hindi 'yong kung anu-ano ang iniisip ko na hindi naman nakakabuti sa akin.
Ngunit kahit na ano pa ang gawin ko ay ramdam ko ang tingin nito at kita ko rin ito sa peripheral. Hindi ako komportable sa titig nito na nakabantay at nanunuri.
Hindi na ako nakatiis kaya binalingan ko na ito. Naabutan ko itong nakapangalumbaba habang tinititigan nga ako, katulad na lang noong hinuha ko.
"B-Bakit?" tanong ko, kinakabahan na baka sobrang obvious na ang pagiging apektado ko sa kapatid nito.
Umiling ito at patuloy lang na tinitigan ako, pagkatapos ay hinuli nito ang kamay ko na nasa mesa at pinagsalikop ang mga iyon.
"Wala, trip ko lang na titigan ka."
Nakahinga ako nang maluwag at napangiti na lang.
Hays. Iyon lang pala, akala ko naman ay may kung ano na itong napansin sa akin o kaya naman ay magtatanong na naman ito at hindi pa rin titigil.
Pinisil ko ang kamay nito bago hinawi ang ilang hibla ng buhok na tumatabing sa gawing noo nito.
Napatitig ako rito nang mapatingin ako sa mata nitong tila ba nangingislap.
"Wait, anong mayroon? Parang ang saya mo yata," puna ko.
Ngumiti ito nang malawak habang nakatingin pa rin sa akin. "I am."
Nahawa ako sa ngiti nito. "Care to share what's happening?"
Umiling-iling ito. "I'll join the band and I'll sing tonight," sa halip ay sagot nito.
Naikurap-kurap ko ang mata ko sa pinaghalong gulat at tuwa, nahawakan ko rin nang mahigpit ang kamay nito. "R-Really? Why suddenly ay sasama ka na sa pagtugtog?"
"Ayaw mo ba?" nakangising balik tanong nito.
Umiling ako kaagad. "Gusto. Gustong-gusto. Ang tagal ko na kayang hinihintay na makita ka ulit na tumapak sa stage at ipamalas sa maraming tao ang talent mo. T-Teka lang, pero 'di ba..."
"Kakanta lang ulit ako kapag bumalik na siya?" pagdudugtong nito sa gusto kong sabihin.
Tumango-tango ako.
Nginitian naman ako nito na parang kinukumpirma ang naiisip ko.
Nanlaki ang mata ko at natutop ko ang bibig ko. "G-God! She's back?" paninigurado ko pa rin.
Ngumiti itong lalo. Halata talagang masaya ang loko.
"Pero paano mong nalaman? Kinontak ka ba niya? Nasaan siya? Bakit ako hindi kinontak at hindi pa siya nagpapakita sa akin? Ang daya," usisa ko at pagmamaktol sa dulo.
"Kuya," putol ng boses sa usapan namin ni Hero, dahilan para manigas ako sa kinauupuan ko.
Naramdaman ko ang biglaang pagbilis ng tibok ng puso ko.
Sh*t.
Kahit hindi ko pa nakikita ay kilala ko na kaagad kung sino ang may-ari niyon.
D*mn. Niyaya rin ba ito ni Hero para sa pagtugtog nito ngayong gabi?
Kinalma ko ang sarili ko bago lakas loob na nakilingon sa pinanggalingan ng tinig.
Nang tuluyan ko na itong masilayan ay nadismaya ako, hindi kasi ito nag-iisa dahil nakaangkla rito ang kasama nito na mukhang may lihim na inis sa akin simula pa lang at kinaiinisan ko rin.
Si Lucy.
Gustong tumaas ng kilay ko, pero pinigilan ko baka kasi kung ano pa ang isipin ng mga ito kapag napansin ang reaksyon ko.
Tss.
Hindi ko pa rin kasi nakakalimutan ang ginawa sa akin ng babaeng iyan, kung hindi kasi pinagtiyagaan na hilutin ni Cloud at kung hindi ko sinunod ang payo nito na gamitan ko ng hot compress ang paa ko pag-uwi ko ay baka hindi ako nakapasok noong sumunod na araw.
Hays. Masama ang nagtatanim ng galit, alam ko naman iyon. Ako lang din ang aani kung ano man ang aking itinanim. Pero bwiset, hindi ko kasi mapigilan.
Kainis!
Umayos ng upo si Hero at dumikit sa akin. "Brother," bati nito.
"Maaga ba kaming masyado?" tanong ni Mikey kay Hero at hindi man lang ako tinapunan ng tingin.
Tss.
So, mukhang niyaya nga ito ni Hero. At sinasabi ko na nga ba, e. Saglit lang kaming magkakasundo nitong unggoy na 'to, porke may kasama ay no pansin na naman ako.
Pasimple ko itong sinulyapang muli pero wala, wala talaga! Ayaw mamansin!
Hindi ko mapigilang manggigil. Ayoko naman na talagang magkalapit kami at hindi ko rin naman inaasam na magkaayos kami ng tuluyan o ang bumalik kami sa dati, okay na sa akin na maging civil kami sa isa't isa, hindi 'yong ganito.
Ibinaling ko kapagkwan ang tingin sa katabi ni Mikey, naabutan ko itong tila ba sinusuri ako ng tingin bago inirapan.
Napailing-iling na lang ako sa inasta nito at inalis na ang mata rito.
Bagay na bagay na maging couple at magkasama ang mga ito, parehong takas sa impiyerno ang pag-uugaling taglay. Compatible na compatible.
Pinaglaruan ko na lang ang daliri naming dalawa ni Hero para maiiwas ang tingin sa hindi kanais-nais na tanawin na nakakainit ng bumbunan.
"Ayos lang. Mag-start na rin naman kami maya-maya, e. Sakto nga ang dating ninyo at magkakaroon na ng kasama itong babe ko," sagot ni Hero na sa tingin ko ay hindi magandang ideya.
Napatingin ako rito at ngumiti nang peke. "Okay lang naman ako. Nag-text na ako sa kasama ko, papunta na raw siya," kontra ko, ayoko kasing tanawin na utang na loob na may makakasama ako dahil lang sa dalawang ito.
Mas okay pa nga na mag-isa lang ako kaysa ma-stress sa mga ito.
"Honey, order na tayo?" singit ng babae sa usapan, napakalambing ng tinig.
Umupo na ang mga ito at humilig kaagad ang babae kay Mikey, ni hindi kami binati ni Hero!
Tss. Kung wapakels ito, puwes, dapat ay kami rin!
Pasimpleng umismid ako at nag-iwas na lang ng tingin dahil ang sakit ng mga ito sa matang tingnan.
Hays. Buong akala ko pa naman ay makakapag-relax ako ngayong gabi. Akala ko lang pala. Dahil mukhang kabaligtaran pa ang mangyayari at nag-uumpisa na nga akong maimbyerna.
Tumawag si Mikey ng waiter para um-order.
"Kayo?" tanong nito kay Hero na hindi pa rin ako tinitingnan, talagang nakapokus ang mata nito sa katabi ko.
Tss. E, ano naman ba sa akin? Ano sa akin kung hindi ako nito pansinin?! Ikakamatay ko ba kung hindi man ako nito sulyapan? Hah! Ang yabang! Hitsura nito!
Umiling si Hero. "Kumain na kami kanina sa resto na nadaanan namin bago kami tumuloy rito, nagutom kasi si babe."
"Okay," sagot ni Mikey at ibinaling na ulit ang pansin sa katabi nito.
Umayos na si Hero ng upo at maya-maya ay lumingon ito sa tumawag sa pangalan nito na hindi kalayuan sa puwesto namin.
Sinundan ko ng tingin ang kasenyasan nito at nakita ko na isa pala sa kabanda at kaibigan nito iyon-si Calix.
Ngumiti ako nang sa akin mabaling ang tingin nito, kumaway pa si Calix sa akin at nagbibiro na nag-flying kiss pa sa huli.
Hay nako, hindi pa rin ito nagbabago. Maloko pa rin.
Napailing na lang si Hero sa ginawa noong kaibigan nitong abnoy rin. "Dapat iniwasan mo. Poisonous ang halik ng isang 'yon, bahala ka."
Natawa ako. "'Di na kailangan, sumabog naman na sa hangin bago pa makarating dito sa puwesto natin."
"Kaibigan mo, Kuya?" singit ni Mikey na akala ko ay abala sa kasama nito.
"Yeah. Si Calix," tugon ni Hero.
"Ah. Kilala si Alexena?" kunot-noong tanong ni Mikey.
Kumunot din ang noo ko dahil sa pagtataka.
Why does he sound so curious?
At bakit kailangan pa nitong itanong 'yon?
"Yeah, why?" taas-kilay na tanong ni Hero.
"Wala naman, natanong ko lang. Napansin ko lang na parang close sila."
Tumango si Hero habang nakangiti. "Ah, oo. Malapit nga sa kanya 'yon, pati na ang ibang mga kaibigan ko na kasali sa banda."
"Really?" seryosong tanong ni Mikey na mukhang walang kabalak-balak na tingnan man lang ako pero kung makapagtanong ay para namang interesadong-interesado ito at wala ako sa eksena.
Tss. What's really his problem?
"Honey, nagugutom na ako. Kumain na tayo," singit na yaya na naman ng babaeng katabi nito.
Nilingon ko ito pero sa halip na kay Mikey ito nakatingin ay natagpuan ko na sa akin pala!
Tinaasan ako nito ng kilay at inirapan bago hinaplos ang gawing panga ni Mikey.
Nangunot ang noo ko.
Hah! Ano rin ang problema ng isang 'to?
Bakit ang lalakas ng saltik ng magdyowa na 'to? Bagay na bagay.
Tumikhim si Hero. "Mag-start na yata kami. Iwanan ko muna kayo. Babalik ako. Kayo na muna ang bahala sa babe ko," paalam nito at bilin.
"Okay lang ako, ano ka ba? Hindi mo ako kailangang ibilin," pagbabawal ko rito.
"Hmm? I'm worried na baka mapanis ang laway mo, wala kang makakausap," tugon ni Hero sa akin.
Hah! Okay lang at 'di bale na mapanis ang laway ko kaysa kausapin ang dalawang nasa harap ko.
Ngumuso ako at pinanliitan ito ng mata.
Tumindig na ito at ngumisi.
D*mn. Ang cute nito.
Napangiti na rin tuloy ako.
Ngunit nagulat na lang ako sa sumunod na ginawa nito, yumuko ito at inilapit ang mukha sa akin bago magaan na hinalikan ako sa sentido.
"Pampatanggal lang ng kaba," turan nito nang nakangisi, wala naman akong napansing tanda na kinakabahan ito.
At kailan naman kaya ito kinabahan? Bago 'yon, ah. Parang wala naman kasi ito no'n.
Hinampas ko na lang ito sa braso at itinulak na para makaalis. "Sira. Layas na," pagtataboy ko.
Natatawang kumilos naman na ito pero bago pa man ito tuluyang umalis ay pahabol na pinisil pa nito ang pisngi ko.
Pasaway talaga.
Nasundan ko lang ito ng tingin dahil sa bilis ng kilos nito.
Nang tuluyan na itong mawala ay no choice na nabaling ang pansin ko sa couple na kasalo ko sa mesa na naglalambingan, kahit na ayoko mang pagtuunan ng pansin ang mga ito ay imposible iyon dahil katapat ng puwesto ko ang mga ito at mismong kaharap ko.
Inalis ko rin agad ang tingin sa mga ito.
Lumipat na lang kaya ako ng ibang mesa? Naaalibadbaran ako sa pagmumukha ng mga ito sa totoo lang, e.
Sobrang sweet kasi. Hays. Parang ang sarap tuloy budburan ng langgam ng mga ito, para masubukan lang kung gaano ba katamis.
Tss.
Kasalukuyang inililibot ko ang mata ko nang may biglang sumipa sa paa ko sa ilalim ng mesa nang ilang ulit.
Kumunot ang noo ko at inilihis na lamang ang paa ko, ako na lang ang mag-a-adjust. Baka kasi nakahara ang paa ko. Tss.
Pero sino ba 'yon? Ang likot!
Hindi ko na sana papansinin pa pero ayaw yata talagang tumigil at naabot na naman ang paa ko kaya tiningnan ko na ang kaharap kong couple, sigurado kasi na isa sa mga ito ang pangahas na naninipa sa akin.
Pero nanlaki ang mata ko nang makitang hindi na basta lambingan lang ang ginagawa ng mga ito.
Dahil sapo na ni Lucy ngayon ang magkabilang pisngi ni Mikey at hinahalikan nito nang malalim ang lalaki!
D*mn!
Naikuyom ko ang kamay ko.
Bwiset na dalawang ito, ang lalandi talaga! Hindi na nahiya! May take two pa talaga ang nasaksihan kong halikan ng mga ito sa office dati.
Ngunit napalunok ako nang mapansing diretsong nakatingin si Mikey sa akin habang patuloy lang ang mga ito sa ginagawa.
Kadiri. Ano 'to live show? Tss. Porno ang datingan.
Inis na iniwas ko na ang tingin ko, iniba ko ang direksyon ng pagkakaupo ko at inilayo ang paa ko para hindi na masipa ulit.
Ang kakapal ng mukha.
Inip na hinintay ko na lang ang pagdating ni Miranda para makalipat na kami ng mesa at hindi na muling nagbaling pa ng tingin sa mga kasalo ko sa mesa na mga bastos.
Nang tuluyan na akong mainip ay tiningnan ko ang telepono ko kung may text, pero wala pa akong natatanggap mula kay Miranda.
Hays.
Napabuntung hininga ako at tumayo na lang.
"Where are you going?" tanong bigla ni Mikey.
Uy! Tapos na ang mga itong maglandian? Punyeta.
Tsk. Wala na sana akong balak pang magpaalam dahil abala ang mga ito sa isa't isa. Pero ang nakakainis ay napansin pa ako!
Tiningnan ko ito at pilit na pilit na ngumiti para hindi nito mahalatang naiirita ako.
"Sa CR po, Sir," sagot ko at tumalikod na, hindi ko na hinintay pa ang sagot nito.
Mabilis ang lakad na nakipagsiksikan ako sa maraming taong nagkalat.
D*mn. Ito ang ayoko, e. Masyadong crowded. Nakaka-suffocate.
Hingal na hingal tuloy ako nang makarating ako sa comfort room, para akong tanga na walang pakialam kung may makabunggo man ako para lang makarating doon. Pumasok kaagad ako sa isang cubicle na bakante at sumandal sa nakasarang pinto bago pumikit.
Tss. Wrong move ako. Dapat pala ay sa labas na lang ako pumunta.
Nagsisisi tuloy ako kung bakit pa ako pumunta rito, ang init na nga tapos ang dami pang taong nagkalat sa dadaanan ko na naman mamaya.
Huminga ako nang malalim at sinubukang tawagan si Miranda. Pero mukhang ayaw makisama sa akin ng pagkakataon dahil walang signal.
Imbyerna naman talaga, oo.
Inayos ko ang sarili ko bago lumabas ng cubicle, pinasadahan ko muna ng tingin ang sarili ko sa harap ng salamin bago lumabas ng comfort room.
Katulad na nang inaasahan ko ay marami pa ring tao ang nagkalat pero nagulat ako nang nahagip ng mata ko ang isang pamilyar na bulto ng tao na nakatayo lang sa malapit at parang sadyang may hinihintay-si Mikey.
Napalunok ako.
Anong ginagawa nito rito? Sinundan ba ako nito?
I shook my head immediately with that thought.
Imposible. Mali iyon. Bakit naman nito iyon gagawin? Baka sinamahan lang nito ang girlfriend nito.
Lumakad na ako at balak na lang sana itong lagpasan pero lumingon ito kaagad sa gawi ko at umayos ng tayo na parang naramdaman ang presensya ko.
Kinabahan akong bigla.
Imposible! Ano 'yon may signal ako at nararadaran nito? This can't be! Nagkataon lang siguro.
Tinanggal ko ang kaba na unti-unting kumakalat.
Pagtapat ko rito ay nagkunwari akong hindi ko ito napansin at may hinahalungkat sa pouch ko, lumihis din ako ng lakad at palayo sa pwesto nito ang ginawa ko.
Binilisan ko ang hakbang kahit na nanghihina ang tuhod ko nang naramdaman kong nakasunod ito sa akin.
D*mn. Nasaan si Lucy? Bakit hindi nito hinintay ang babae?
Binilisan ko pa lalo ang lakad pero nagulat ako nang hinagip nitong bigla ang braso ko dahilan upang mapaharap ako rito, balak ko sanang alisin ang pagkakahawak nito sa akin pero hindi ko na nagawa pa nang mapatingin ako sa mata nito, tila ba may bahid ng galit na nakatingin ito sa akin kaya natigil tuloy ako sa planong makalayo rito.
F*ck. Ano na naman ba ang nagawa ko? Ano na naman ang ikinagagalit ng impakto na ito?