Chapter 33 - Spotlight

Xena

"I was looking for you, nandito ka lang pala at magkasama kayo ni kuya. Kaya pala wala na kayo nang pumunta ako sa office kanina, ihahatid pa naman sana kita pauwi."

Wait... what? Hinahanap ako nito at ihahatid?

Litong napatitig ako rito at napakurap-kurap.

Is he for real? Bakit naman nito iyon naisip na gawin?

“Kung hindi pa sinabi sa akin ni kuya na magkasama kayo ay hindi ko malalaman na nandito ka rin,” parang naninita na turan nito.

Ay, wait ulit. What’s with the tone? Kailangan ko bang magpaalam dito para lang malaman nito kung nasaan ako? At bakit naman ito naging interesado sa whereabouts ko?

Ipiniksi ko ang braso ko. "Masama ba? tatay ba kita o kuya at kailangan ko pang magpaalam sa iyo?" nakataas ang kilay kong tanong.

Sa halip na sumagot ay hinawakan ako nito nang mahigpit at hinila palayo sa maraming tao, dinala ako nito sa madilim na bahagi ng bar na malapit lang din sa CR at isinandal sa pader. Balak ko sanang umalis pero hindi ko magawa dahil nakaharang ang katawan nito. Trap ako sa magkabilang braso nito na nakatukod sa mismong tagliran ko.

"U-Umalis ka nga! Babalik na ako roon!" angil ko sabay tulak dito pero walang epekto at inilapit pang lalo ang katawan sa akin.

F*ck.

"Anong mayroon sa inyo ni kuya, ha? Akala ko ba, hindi talaga kayo? Bakit iba ang nakikita ko?" mahina lang pero sapat lang ang lakas para maulinigan ko pati na ang gigil sa tinig na sita nito.

Wow naman. Ang lakas ng loob na manita. E, kung ito nga, mayroon ding kasama. Tinanong at inusisa ko ba ito? Nagreklamo ba ako? Ugok din 'tong isang ‘to, e.

Nakakatawa ito.

Kung hindi ko lang ito kilala nang lubos, kung wala lang sanang Lucy, kung hindi ko sana alam ang iba pa nitong babae at kung hindi lang sana ako nito dinedma kanina na parang wala ako ro'n, puwedeng-puwede ko sanang maipagkamali na nagseselos ito.

Pero kilala ko ito. So, alam kong hindi at malabo iyon. Asa pa.

Tiningnan ko ito nang patamad. "Bahala ka kung ano ang gusto mong isipin. Isip mo naman 'yan. Utak mo 'yan."

"I don't want you to get near any other guy. I don't share what's mine," inis ang tinig na pahayag nito.

Woah! Anong pinagsasasabi nito?

Napamulagat ako. “Naka-drugs ka ba?” hindi na nakatiis na tanong ko.

Nangunot ang noo nito sa naging tugon ko bago umiling. “Hindi, bakit?”

“Ang lakas kasi ng tama mo, para kang naka-high. Kung anu-ano ang lumalabas diyan sa bibig mo,” tugon ko.

“Anong problema sa sinabi ko?” parang clueless pang tanong nito.

Iniikot ko ang mata ko. “Nakuha mo pa talagang magtanong. Iba ka rin. Hoy, Mr. Montreal, kahit na boss din kita, magtigil ka, ah. Hindi mo ako girlfriend para utusan mo akong lumayo sa ibang lalaki at may I don’t share what’s mine ka pang nalalaman, FYI lang, hindi mo ako pag-aari. Uulitin ko na hindi mo ako girlfriend at ipapaalala ko lang na may girlfriend ka nang iba. Hindi kami magkamukha kaya kung nagkakamali ka man, nando'n po ang girlfriend mo, Sir," tuloy-tuloy na sagot ko sabay turo sa direksyon na pinanggalingan namin kanina.

Bigla itong natawa. "Wait. Nagseselos ka ba?"

Ako naman ang biglang natawa sa tanong nito.

Siraulo ba itong tunay at walang kupas?

Umiling ako. "Hindi, bakit ako magseselos? Ano ba kita, aber?" maanghang na balik ko.

Ang kapal kasing masyado.

Ngumisi ito, ‘yong ngisi na ang lakas makapagpataas ng presyon. "You tell me."

Pang-asar talaga ang impakto. Ang sarap burahin ng pagmumukha nito. Asar!

Sinubukan ko itong itulak pero ayaw nitong magpatinag.

Sinamaan ko ito ng tingin. "Wala, kaya nga hindi ako nagseselos, ‘di ba nga?"

"Talaga?"

Taas-noo kong sinalubong ang nakakabwiset nitong tingin. "Oo at talagang-talaga!" inis na sang-ayon ko.

Lalo itong ngumisi. "Hmm... bakit parang iba ang nakikita ko?"

“Guni-guni mo lang ‘yon.”

“Hindi ko guni-guni lang ‘yon. Alam ko kung nagseselos ba ang isang tao dahil alam ko ang pakiramdam no’n,” sambit nito na hindi ko alam kung nagbibiro ba dahil nakangisi pa rin ito.

Natigilan tuloy ako at napatitig sa mukha nito.

“I don’t want you to get near any other guy, do you understand?” he repeated and asked, looking like some lunatic while directly staring at me.

Pinanlakihan ko ito ng mata. "Tumigil ka nga. Ano bang pakialam mo sa akin? Ikaw nga, hindi naman kita pinapakialaman sa buhay mo, ah? Kahit pa nga nakipaglaplapan ka pa sa harapan ko kanina," matalas ang tingin na sagot ko.

Nangislap ang mata nito sa tuwa, "So, nagseselos ka nga?" nakataas ang sulok ng labi na tanong nito.

Tss. Yabang.

Inikot ko ang mata ko. "Duh! Pake ko sa iyo? Kahit mag-sex pa kayong dalawa sa harapan ko wala akong pake."

Inilapit nito nang dahan-dahan sa akin ang mukha.

Halos mahigit ko ang paghinga ko habang patuloy sa mabagal na lumalapit ang mukha nito sa akin, pero nakahinga ako nang maluwag noong sa wakas ay tumigil na ito at tinitigan ako nang diretso sa mata.

"Hmm? Talaga ba? Pero bakit parang may nahihimigan akong selos sa tono mo?" pagpipilit pa rin nito na parang nanghuhuli.

Pinanatili ko ang masamang tingin dito.

Supalpalin ko kaya ito para magtigil?

"Don't worry, because the feeling is mutual."

Napamaang akong bigla sa narinig.

Ha? Ano raw? Anong mutual-mutual ang pinagsasasabi nitong ugok na 'to?

"Sabihin mo lang na nagseselos ka, walang pagdadalawang-isip at tatakbo agad ako sa tabi mo," mabagal at parang nang-aakit ang boses na sambit nito.

Halos maduling na ako sa pagtitig dito dahil sa sobrang lapit ng mukha nito sa akin. Napalunok ako at napatingin bigla sa labi nito.

Papagaling na ang pasa nito pati na ang putok sa labi na ipinagamot sa akin.

Pinigilan ko ang pagtaas ng kamay ko dahil parang gusto kong haplusin ang sugat nito.

Napatitig akong lalo sa labi nito dahil kapansin-pansin ang pagiging mapula niyon.

Kalaunan ay unti-unti namang bumaba ang tingin ko sa adam's apple nito nang makitang gumalaw iyon pataas-pababa, marahil ay lumunok ito.

F*ck, bakit biglang ang sexy ng simpleng paglunok nito sa paningin ko?

Magaan na kinagat ko ang labi ko.

Nang-aakit ba ito? At ano itong nararamdaman ko? Bakit parang nagpapaakit naman ako?

Lumunok ako bago tumaas ang tingin ko sa mata nito at nakitang sa gawing labi ko yata ito nakatingin.

Pareho ba kami ng nararamdaman?

D*mn it! Ano ba 'to? Taglandi ba ang panahong ito?

Kinabahan ako nang unti-unting lumalapit pa lalo ang mukha nito sa akin.

Is he going to kiss me?

Agad na nag-flashback sa isip ko ang ginawa nito sa akin sa pantry at sumunod na naisip ko ang babaeng kasama nito na kalaplapan nito kanina kaya nga pala sobrang pula ng nguso nito. Tss.

Dahil doon ay walang alinlangan at malakas na sinupalpal ko ang mukha nito bago pa mag-landing ang nguso nito sa nguso ko.

Hah! Hindi ako papayag na maulit ang nangyari sa opisina nito, lalo na ang mahalikan ako ng maduming labi nito.

Yuck. Baka may germs.

"Tang*na. Ang sakit. Konti na lang, e," reklamo nito.

Sinamaan ko ito ng tingin. "Tumigil ka nga, Mr. Montreal. Nakakadiri!"

Tiningnan din ako nito nang masama. "Anong nakakadiri? Hindi naman mabaho ang hininga ko, ah?" naiinsultong tanong nito.

Umikot ang mata ko. "Hindi nga siguro. Pero natikman na ng iba 'yang nguso mo, kaya kadiri kung makiki-share pa ako. Yuck! Nalawayan na ng iba!"

Bigla itong natawa. "So, kung hindi pala ako hinalikan ni Lucy, magpapahalik ka sa akin?"

Namilog ang mata ko bago ito dinuro. "H-Hoy! Hindi, ah! Wala akong sinabing gano'n! Ang kapal mo! Iba na lang ang hahalikan ko kaysa makihati sa may dyowa at nahalikan na ng iba 'no!" naiinis kong sagot.

Hinapit nitong bigla ang beywang ko dahilan para manigas ako sa kinatatayuan ko.

"Kung papayagan kong mangyari iyon. Subukan mo lang at hindi mo magugustuhan ang gagawin ko," pagbabanta nito bago ako biglang niyakap.

Kumalat ang kilabot sa buong katawan ko.

Naikuyom ko ang kamao ko at kalaunan ay naipikit ko na lang ang mata ko dahil sa kapamilyaran sa akin ng ganitong eksena sa nakaraan.

F*ck, ang hirap mang aminin pero na-miss ko talaga ang yakap nito. Ngayon ko lang ulit naramdaman kung gaano kalala ang pangungulila ko rito sa mga nakalipas na taon na hindi ko ito nakasama.

Pero mali ito.

Unti-unti akong nagdilat ng mata bago naglakas-loob na itinulak ko ito palayo sa akin, mabuti na lang at bumitaw naman ito.

"L-Lumayo ka nga! Ang init, e. Anong problema mo at nangyayakap ka? Naroon ang girlfriend m-mo! Kapag ako nasabunutan no'n, sa iyo ako gaganti at ikaw ang sasabunutan ko!" singhal ko upang pagtakpan ang nararamdaman ko.

Hindi ito kumibo.

"Babalik na ako roon, alis diyan."

Tumawa ito at inilapit pa lalo ang katawan nito sa akin. "Dito na muna tayo, walang istorbo at solo natin ang isa’t isa. Tutal lagi na lang si kuya ang kasama mo, sisingit lang ako kahit saglit lang, ako naman muna," may lambing na sabi nito bago sinamyo ang buhok ko.

Tumaas ang mga balahibo ko sa ginawa nito.

D*mn. Nilalandi ba talaga ako ng lalaking 'to? Kasi kung oo, tinatablan ako! Punyeta.

“Natatandaan mo ba ‘yong sinabi ko sa iyo na babawi ako?” seryosong tanong nito.

Seryoso ba ito roon? Kasi ako, hindi ko kayang seryosohin ang sinabi nito. Lalo na sa mga ganitong galawan nito na parang nanglalandi gayong kasama nito ang girlfriend nito. Pakiramdam ko ay ginagawa ako nitong laruan, e.

Hindi ako kumibo, bagkus ay itinapat ko ang kamay ko sa tapat ng dibdib nito para sana itulak ito pero mukhang mali ang ginawa ko dahil naramdaman ko ang bilis ng tibok ng puso nito.

Napatingin ako sa mukha nito pero kalmado lang naman ito habang nakatitig sa akin, kabaligtaran ng naramdaman kong pagtibok ng puso nito.

Kinakabahan ba ito? Bakit gano'n? Pagod ba ito?

Nalito akong bigla at parang tanga na bumilis din ang tibok ng puso ko na tila ba ay nakikipagpaligsahan sa pagririgodon ng puso nito.

Sinubukan ko itong itulak pero hindi ako nito hinayaan na makaalpas, sa halip ay idinikit pa nito lalo ang katawan nito sa akin at pinagdikit ang mga noo namin.

D*mn. Ramdam ko na lalong bumibilis ang tibok ng puso ko.

Kung may makakakita man sa ayos naming dalawa ay siguradong mapagkakamalan na magkasintahan kami na nagmo-moment.

F*ck. Alam kong mali pero gusto ko munang manatili rito, kung nasaan ito at kasama ko ito.

Ano ba 'tong ginagawa sa akin ni Mikey? Nababaliw na yata ako.

“About Lucy, I want you to know that she’s not my girlfriend,” biglang sabi nito na sobrang hindi ko inaasahan.

Hindi girlfriend? Pero bakit magkasama ang mga ito at lagi pang nakadikit ang babae rito?

“Hindi ko talaga dapat siya isasama rito, nagpumilit lang siya. Saka ‘yong sa halik kanina... hindi ko iyon gusto. Siya ang humalik sa akin, hindi ako tumugon,” patuloy pa nito.

Nahigit ko ang paghinga ko at hindi ko man gusto ay nakaramdam ako ng tuwa.

Nagpapaliwanag ba ito? Pero bakit ba nito ito ginagawa?

Napalunok ako at naikuyom ang kamao ko kapagkwan.

F*ck. Hindi dapat ako natutuwa at hindi maaari na mahulog na naman ako nang ganito kabilis.

"Naalala mo 'yong sinabi ko sa kapatid mo? Mangyayari 'yon at makukuha ulit kita," pahayag nito.

Kung puwede lang sana. Pero hindi, hindi puwede.

Bumuntung hininga ako. "Tama na, Mikael. Tigilan mo na kung naglalaro ka, I don't want to play your game," sa halip ay nakikiusap na sagot ko.

Lumuwag ang pagkakahawak nito at sinamantala ko ang pagkakataon para makaalis sa pagkakakulong sa bisig nito.

“Kung seryoso ka talaga sa sinabi mong babawi ka. Then, do me a favor. S-Stay away from me,” pilit na pinatatag ang tinig na turan ko bago nagmamadaling tinalikuran ito at iniwan.

I can't afford to lose again, to lose him. Not again. Not this time. Not at this moment, never and ever. Dahil pakiramdam ko ay hindi ko na kakayanin pa. Mas mabuti pang hindi ko na ito makasama kung maiwawala ko na naman ito sa bandang huli. Mas mabuti pang hindi ko na ito hawakan kung bibitawan ko lang din ang magiging katapusan.

Pilit kong kinakalma ang sarili ko habang naglalakad.

Hindi na ako dumiretso sa mesa na kasalo ang mga ito sa halip ay lumipat na lang ako kung saan may bakante, ayoko munang makaharap ito pagkatapos ng nangyari.

Pagkaupo ko ay tiningnan ko ang telepono ko kung nag-text na si Miranda, sakto naman at nasa loob na raw ito, hinahanap na ako. Sinabi ko na lang ang lugar kung nasaan akong gawi.

"Sorry, late ako," sabi nito na hinihingal pa nang makarating.

Ngumiti ako nang bahagya. "Okay lang. Hindi pa naman kumakanta sina Hero."

Ipinagpasalamat ko ang pagdating nito, mabuti at may kasama na ako. Malilibang na rin ako kahit na papaano at maaalis sa isip ko ang nangyari kanina lang.

"Sakto. Hmm? Guwapo ba talaga siya, Ma'am? Hindi ko pa nakikita sa personal si sir Hero, e. Pero iyon ang usap-usapan sa opisina."

Tumango ako.

Excited na inilibot nito ang paningin. "Nandito rin pala sina sir Mikey pati 'yong girlfriend niya, Ma'am."

Hindi ko na sinundan pa ng tingin ang tinitingnan nito.

Bigla namang namatay ang mga ilaw at nagkaroon bigla ng spotlight sa stage. Nakita kong naroon na ang banda nina Hero, napunta na rin doon ang pansin ni Miranda.

Nagsimulang magpakilala si Hero at magbigay ng kaunting impormasyon tungkol sa banda ng mga ito habang nag-aayos pa ang mga kasama ng kanya-kanyang instrumentong hawak.

Nakuha naman nito ang atensyon ng mga naroon dahil natahimik ang kanina ay maingay na paligid.

Nang matapos itong magsalita ay may nagpasimula ng palakpak hanggang sa humugong na ang malakas na palakpakan.

Nakagat ko ang labi ko at sa bandang huli ay napangiti bago nakipalakpak.

Ngumiti ito kaya nag-ingay ang ilang babaeng naroon, mukhang mga kinilig at tinamaan sa charm nito.

Napailing ako habang nakangiti.

"Ma'am! My gosh! Ang guwapo nga pala talaga ni sir!" kinikilig na sambit ni Miranda, mukhang pati ito ay madadagdag pa sa fans club ni Hero.

"This night is a special night for me, dahil muli kaming nagkasama-sama at nabuo ang tropa. Isa pa, gusto ko ring gamitin ang gabing ito upang pasayahin, pasalamatan at alayan ng kanta ang aking favorite girl na palaging nagtutulak sa aking huwag kong sukuan ang pagkanta. 'Yong babaeng nakasama ko noong naglayas ako, ‘yong babaeng umakay sa akin sa tamang landas sa mga nakalipas na taon. Thank you dahil hindi mo ako iniligaw,” biro nito sa dulo na nagpatawa sa mga taong naroon.

Nagulat man ay naaaliw na hindi ko inalis ang tingin dito.

Panandalian kong nakalimutan ang mga alalahanin at gumaan ang pakiramdam ko.

Gumala ang mata nito na parang may hinahanap habang nakahawak pa rin sa mikropono. "Kaso lang, hindi ko siya makita. Nawala sa puwesto niya kanina, e. Please raise your hand, babe. I know that you are here. I can feel it," hiling nito dahilan para magtawanan ang mga kabanda nito.

Hala, nakakaloka. Ayoko ngang magtaas ng kamay, nakakahiya kaya.

Bwiset na Hero. Ano 'to recitation?

Lagot ito sa akin mamaya.

Naku-curious namang umikot ang ulo ng mga naroon at hinahanap kung sino ang tinutukoy nito.

Umiikot pa rin ang mata ni Hero hanggang sa magtagpo na ang mata namin.

F*ck.

Agad na pinandilatan ko ito at iniling ko ang ulo ko.

Sa halip ay lumawak ang ngiti nito.

Sinenyasan ko na magsimula na ang mga ito, pero natigil ako sa pagsenyas at napapikit ako sa gulat nang biglang tumapat sa akin ang spotlight.

Sh*t na malagkit.