Chapter 16
Alas-dose y medya palang ng tanghali ay nakagayak na si Jasmine para sa pagkikita nila ni Genesaret. Nagpadala na siya ng mensahe rito gamit ang cellphone ni Jarred. Hindi man ito tumugon sa kaniyang mensahe, ayos lang iyon sa kaniya. Kung wala pa ito ng halos kalahating oras ay aalis na siya.
Napatingin siya sa salamin ng kwarto ng pumasok si Jarred, kitang-kita niya ang paghanga sa mga mata ito habang tinitingnan siya. Ngumiti siya rito ng magtama ang kanilang paningin mula sa salamin.
"Nasobrahan mo naman ata sa pagpapaganda, baby." anito habang naglalakad palapit sa kaniya. Humarap siya at ngumisi sa kasintahan.
"Gusto ko lang makita ni Genesaret na hindi kung sino lang ang kasintahan mo. Gusto kong iparating sa kaniya na ang ganda na meron ako, ay ang gandang hindi mo na pakakawalan pa." aniya na nakataas ang kilay.
Tumawa ng mahina si Jarred at nang makalapit sa kaniya ay ipinalibot nito ang mga kamay sa kaniyang beywang at hinapit siya palapit rito. Tinitigan siya nito ng matiim at pagdaka'y ngumisi.
"Gusto ko iyan. Pero, mukhang madaming lalaki ang mapapalingon sa iyo dahil sa ayos mo. Ayos lang iyon dahil— ibinitin nito ang sasabihin at inilapit ang bibig sa kaniyang taenga. "akin naman ang katawan mo. It's mine baby." anito na naging dahilan para tumaas ang balahibo niya sa batok.
Iba talaga ang epekto sa kaniya ni Jarred. Magmula noon hanggang ngayon alam na alam nito kung paano siya pakiligin.
"Oo naman, baby. I'm all yours." aniya. Lumayo na ito at hinawakan ang kaniyang baba tsaka bumaba ang tingin sa kaniyang labi.
"Gusto kitang halikan pero mamaya nalang dahil gusto ko mas higit pa sa halik ang gawin ko." anito. Ngumiti siya at ipinalibot ang mga kamay sa beywang nito at niyakap.
"I love you, Jarred. Hindi ko hahayaan na may sumira ulit sa relasyon natin lalo na at ikakasal na tayo at bubuo ng pamilya. Kakayanin naman natin ito diba?" tanong niya at tiningala ito. Nagtama ang kanilang mga mata, ramdam niya sa titig nito ang pagmamahal na nakalaan lang para sa kaniya.
"Oo, kakayanin natin ito. I love you too, baby. Pangako, walang makakasira sa relasyon nating dalawa. Kung handa mo akong ipaglaban, handa ko rin bantaan ang mga lalaking magkakagusto sa iyo." anito habang titig na titig sa kaniya.
"Ingatan mo fiance ko, Ronald. Ikaw na ang bahala sa kaniya." ani Jarred nang nasa labas na sila ng mansiyon at si Ronald ang magsisilbing driver at bodyguard ng sandaling iyon. Tumango si Ronald sa sinabi ni Jarred.
"Makakaasa po kayo, Sir." anito. Tinapik ni Jarred ang balikat nito tsaka pinagbuksan siya ng pintuan sa backseat ng sasakyan. Nilapitan siya ni Jarred at hinalikan sa noo.
"Mag-iingat ka." ani Jarred. Tumango siya at ngumiti.
"Oo, baby. Mag-iingat ako." aniya.
Papasok na sana siya sa loob ng sasakyan ng marinig ang message alert tone ni Jarred. Napatingin siya dito, kinuha nito ang cellphone sa bulsa at marahil ay tiningnan ang kung sino man ang nag-mensahe rito. Iniharap nito sa kaniya ang cellphone at pinabasa ang mensahe. Galing iyon kay Genesaret na nagsasabing papunta na ito sa Cletore. Tiningnan niya si Jarred, blangko ang ekspresyon ang mukha nito.
"Bye, tatawagan kita kapag naroon na ako para marinig mo ang pag-uusapan namin." aniya.
Gusto niya lahat ng sasabihin ni Genesaret ay malaman ni Jarred. Tumango si Jarred. Dali-dali siyang pumasok sa loob ng sasakyan, ng maisara iyon ni Ronald. Pumunta naman si Ronald sa driver seat at nagsimulang maniobrahon ang sasakyan palabas ng compound ng mansiyon patungo sa lugar kung saan sila mag-uusap ni Genesaret. Isinuot niya ang sunglasses, nagmistula siyang artistahin dahil doon.
Kung anuman ang binabalak mo Genesaret, hindi ko hahayaan na magtagumpay ka. Hindi mo matitibag ang relasyon na matagal na naming binuo ni Jarred, aniya sa sarili.
Nang makarating sila sa Gee Mall, ipinarada iyon ni Ronald sa parking area ng mall. Lumabas si Ronald at pinagbuksan siya ng pintuan sa backseat. Lumabas siya ng sasakyan, halos lahat ng mga kalalakihan na naroon sa parking lot ay napatingin sa kaniya. Well, ano pa ba ang aasahan niya?
"Mauuna na muna ako, susunod ka nalang sakin pagkalipas ng limang minuto. Sa Cletore kami magkikita." aniya kay Ronald. Tumango ito.
"Okay po, Ma'am." anito.
Naglakad na siya na parang isang modelo papasok sa loob ng mall. Napapatingin sa kaniya ang mga nadadaanan niyang kalalakihan, ganun din ang ibang mga babae. Nang marating niya ang Cletore. Huminga siya ng malalim, para humugot ng lakas ng loob. Ginagawa niya ito para sa kanila ni Jarred at para sa pamilyang bubuuin nila.
Itinulak niya ang glass door ng Cletore. Nang makapasok, iginala niya ang paningin sa loob at hinanap kung naroon na ba si Genesaret. Napadako ang paningin niya sa isang mesa malapit halaman na nasa bandang gilid kung saan tanaw ang ibaba ng mall.
Naroon si Genesaret at nakatingin sa kaniya na may ngiti sa mga labi, pero ramdam niya na may halong kaplastikan iyon. Gustong-gusto niyang paikutin ang kaniyang mga mata, pero pinigilan niya ang sarili.
Bagkus, ngumiti siya rito at naglakad patungo sa kinaroroonan nito. Nang makarating siya roon. Iniangat niya ang salamin patungo sa kaniyang ulo at umupo sa kaharap nitong upuan. Kinuha niya ang cellphone sa kaniyang bag at lihim na tinawagan si Jarred.
"Hello, good afternoon." aniya at nang makaupo.
"Good afternoon din. Gusto mo mag-order muna tayo?" tanong nito.
"Sure." aniya.
Kinuha niya ang menu sa mesa at tumingin ng oorderin. Ganun din ang ginawa ni Genesaret. Tinawag niya ang isang crew at sinabi rito ang order niya, ganun din si Genesaret. Nang umalis ang crew, hinarap niya si Genesaret at tipid na nginitian.
"Salamat sa pagpapaunlak sa aking paanyaya na magkausap tayo ngayon." aniya. Ngumiti rin pabalik sa kaniya si Genesaret.
"Mahihindian ko ba ang paanyaya ng isang Jasmine Saderra?" tanong nito.
"Soon to be Mrs. Jasmine Racqueza." aniya. Tumawa si Genesaret.
"Yes, i know that. Hindi mo na kailangan sabihin pa. By the way, congratulations." anito.
"Thank you." aniya. Dumating naman ang order nila. Nang mailapag iyon ng crew at umalis. Uminom siya sa drinks niya.
"Thank you. Praprangkahin na kita Genesaret, may gusto ka ba sa fiance ko?" tanong niya.
Ayaw niyang magpaligoy-ligoy pa. Tumawa si Genesaret, na naging dahilan para mapatingin ang ibang costumer na naroon.
"Ang ganda niya." komento ng isang lalaki sa tabi nila na may kasamang dalawang babae. Bulong iyon, pero rinig nila.
"Mas maganda yung may salamin. Parang kilala ko siya. Siya ba iyong kasintahan ni Jarred Racqueza?" tanong ng isang babae.
"Oo, siya nga. Ang ganda niya ano?" anang kasama nitong babae.
Nakita niya ang pagkuyom ng kamao ni Genesaret na nakapatong sa mesa. Galit ba ito dahil hindi napapansin ang kagandahan nito? Gusto niyang matawa ng palihim. Kinastigo niya ang sarili dahil sa kamalditahang nasa isip.
"Wala akong gusto kay Jarred, Jasmine. Hindi porke't kinuha ko ang cellphone number niya at tinawagan ko siya, ibig sabihin ay may gusto na ako sa kaniya. Maghunos-dili ka sa mga sinasabi mo " anito na may diin ang bawat salita at matalim ang titig sa kaniya. Nagkibit-balikat siya.
"Okay. Atleast, nagkakaunawaan tayo ngayon." aniya at tinitigan ito.
"Hindi kita pinagbabawalan na lumapit kay Jarred, makipag-usap. At hindi ko rin siya pinagbabawalan na makipag-usap sayo dahil malaki ang tiwala ko sa kaniya. Pero once na nalaman ko na may iba ka pang motibo bukod sa pagiging investor mo sa kompanya, makikita mo kung gaano ako kamaldita, Genesaret." aniya.
Oo, dalawa sila ng kaniyang ama ang investor ng Racqueza Steel Corporation. Malaki ang paggalang niya sa ama nito kaya hindi niya pakikiusapan si Jarred na tanggalin ito sa pagiging investor.
Hangga't wala itong ginagawang masama sa kanila, mananatili itong investor. Pero kung may di kanais-nais itong ginawa, pasensyahan nalang.
"Don't worry, Jasmine. Iyong-iyo lang si Jarred." anito at matamis siyang nginitian. Tumango siya at tumayo na tsaka kumuha ng isang libo sa wallet at inilapag iyon sa mesa.
"Ako na magbabayad, tutal ako naman ang nag-aya sa iyo dito." aniya at nginitian ito. Tumayo na siya. "I have to go. Thanks for the time, Ms. Viesta." aniya.
Tumalikod siya tsaka naglakad palabas ng Cletore. Nang makalabas siya, sumilay ang matagumpay na ngiti sa kaniyang labi dahil kitang-kita niya ang paglukot ng mukha ni Genesaret.