Chapter 4 Delikado
We're on our way on the hospital. Malayo layo rin ang nilakad namin. Mabuti na lang pala at hindi nakakaramdam ng gutom ang mga kaluluwa ano? Dahil kung ganoon lang din ang nilakad ko ay baka nayaya ko na si Gino na kumain sa mga dinaanan naming mga food stalls.
Napatigil ako sa paglalakad nang biglang may humila sa ‘kin. Napabalik ako sa tabi ni Gino dahil sa paghila niya. Hanggang ngayon kasi ay nakahawak pa rin ang kamay niya sa kamay ko.
"Bakit?" tanong ko.
"Si Joyce." aniya.
Nakuha agad ang atensiyon ko sa sinabi niya. Hinanap ko si Joyce at nakita ko siyang nag-aabang ng masasakyan di kalayuan sa ospital.
"Dumalaw yata sa 'yo." sabi ko.
Tumango siya ‘tsaka ako hinila. "Tara sundan natin. Sigurado akong pauwi na 'yan. Halos mag-aalas yiete na ng gabi. Baka mapano pa siya."
Tinitigan ko siya at ramdam ko sa mga mata niya ang pag-aalala.
"Sige tara, ihatid natin siya ulit." sabi ko.
Alam kong nag-aalala siya sa girlfriend niya. Akala ko ay nag-aabang ng sasakyan si Joyce pero bigla na lang siyang nagpatuloy sa paglalakad kaya sinundan na namin. Medyo natandaan ko na ang bahay ni Joyce dahil pangatlong beses ko na rin yatang sinasamahan si Gino sa pag-alalay sa girlfriend niya para ligtas na makauwi sa tuwing dadalaw siya dito.
Mukhang sa bahay niya si Joyce uuwi at hindi sa condo nito. Sabi kasi ni Gino na sa tuwing biyernes ay lagi itong umuuwi sa bahay nila. Naglalagi lang ito condo kapag weekdays dahil sa trabaho nito.
"Bakit ka naman nagpagabi Love, alam mo namang delikado maglakad dito pag gabi." ani ni Gino sa tabi ko.
"Siya ba kinakausap mo?" walang kuwenta kong tanong. Halata naman ata.
Hindi niya ko pinansin dahil nakatingin siya sa harapan, kay Joyce, pero tumango siya.
"Kinakausap mo talaga siya ano?" I almost laugh.
"Ganyan talaga ako. Kahit noon, pinapagalitan ko siya kung bakit siya nagpapagabi sa daan. Kahit na hindi naman niya ako naririnig at nakasunod lang ako sa kanya." seryoso niyang saad.
Nakanguso akong tumango sa kanya. Mukhang delikado nga ang lugar na 'to. Naka subdivision kasi sila kaya maraming talahiban. Isa pa, madilim sa parteng dinaraanan namin. Meron namang poste ng ilaw pero malayo ang agwat sa isa't isa kaya madilim dilim at nakakatakot. Sanayan na lang siguro para sa mga taong nakatira dito.
"Joyce!" sigaw ni Gino.
Nagulat ako sa kanya nang bigla siyang tumakbo. Doon ko na lamang nakita si Joyce na may nakalapit nang tatlong kalalakihan sa kanya. Hinawakan na ng isang lalaki ang braso ni Joyce at parang pilit na pinapasama sa kanya.
"Bitawan niyo ko! Sino ba kayo! Tulong!" sigaw na ni Joyce. Umiiyak na.
"Hindi ka naman namin sasaktan Miss, e. Sumama ka lang ng maayos." sabi ng isang lalaki.
Napatakbo na akong lumapit sa kanila dahil mukhang nasa peligro ngayon si Joyce. Nakita kong nagpupumiglas na siya sa hawak ng lalaki. Nakangiting demonyo naman ang dalawa pa nitong kasama na pilit pinapakiusapan si Joyce na sumama na lang,
"Gago kayo! Bitawan niyo siya!" rinig kong sigaw ni Gino.
Pinagsusuntok ni Gino ang lalaking nakahawak sa braso ni Joyce na pilit na pinapasama siya. May kung anong kumirot sa dibdib ko nang makitang pilit na sinusuntok ni Gino ang lalaki kahit na tumatagos lamang siya dito.
"Gino..." mahinang usal ko habang nangingilid na ang luha sa mga mata ko sa nakikita kung paano pilit na nakikipag laban si Gino kahit na hindi naman siya nakikita o nararamdaman ng kalaban niya.
"Tulong! Bitawan niyo ko! Tulong!..." sigaw ni Joyce.
Hindi ko makuhang makapagsalita sa nasasaksihan. Si Joyce! Pati si Gino, umiiyak na siya at pilit pa rin ang pagsuntok sa lalaki kahit na wala namang ‘yong silbi.
Akma pa sanang susuntok si Gino nang biglang tumilapon ang lalaki sa kalsada. Lumingon ako at nakita ang di kilalang lalaki na pinagsusuntok rin ang mga kasamahan nung lalaki. Nakita kong nagsipaktakbuhan sila pagkatapos silang bugbugin ng lalaki.
Nilapitan ko si Gino na nasa tabi ni Joyce na nakaupo na sa sahig habang umiiyak. Pilit siyang hinahawakan ni Gino at pinapatahan kahit na hindi naman siya nakikita ng girlfriend niya.
"Gino..." mahinang tawag ko.
Hindi niya ko pinansin dahil nakatuon pa rin ang atensiyon niya kay Joyce.
"I'm sorry, love... I'm sorry... Wala ako diyan para protektahan ka," mahinang sabi niya habang kita ko dito kung paano umagos ang luha sa kanyang mga mata.
"Gino..."
"Joyce!..." sigaw ng isang lalaki at linapitan si Joyce. Siya yung lalaking tumulong kanina.
Pinatayo niya si Joyce pagkatapos ay pinahid ang luha sa mukha niya.
"Ayos ka lang ba? May masakit ba sa 'yo? Sinaktan ka ba nila?" tanong ng lalaki.
Nakayukong umiling iling si Joyce pagkatapos ay nanlalaki ang mga mata niyang nag-angat ng ulo sa lalaki.
"Anong ginagawa mo dito Mark?" gulat na tanong ni Joyce pagkatapos ay napahiwalay sa hawak ng lalaki sa kanya.
Pumungay ang mga mata ng lalaki pagkabitaw ni Joyce sa kanya.
"Wala akong masamang intensiyon. Niligtas lang kita." aniya.
Nag-iwas ng tingin si Joyce pagkatapos ay napayuko.
"Ihahatid na kita. Baka mapano ka pa sa daan," sabi ng lalaking nagngangalang Mark.
Mukhang nagdadalawang isip si Joyce pero pumayag na rin siya ng pilitin siya ni Mark.
"Si Mark pala nagligtas sa kanya." mahinang sabi ni Gino, tama lang na marinig ko.
"Kilala mo ba siya?"
Tumango siya. Kuyom ang kamao at napapatiim bagang pero halatang pinipigilan niya.
Akma akong magsasalita pero nakita ko siyang naglakad na at sinusundan na sina Joyce kaya sumabay na lang din ako.
"Sige na pumasok ka na..." ani ni Mark nang tumigil sila sa tapat ng gate.
Tumango si Joyce at binuksan ang pulang gate nila pero hindi pa rin pumapasok.
"Binisita mo ba si Gino? Kaya ginabi ka?" biglang tanong ni Mark.
Lumingon si Joyce sa kanya at tumango. "O-Oo, medyo ginabi lang ako..."
Pinagmasdan ko si Gino na nasa tabi ko at nanonood lang sa kanila. Nakikinita ko sa mukha niya na hindi niya gusto ang nasasaksihan.
"Huwag ka na lang sanang magpagabi sa susunod. Mabuti na lang at nakita pala kita dito. Wala si Gino para magligtas sa ‘yo kaya sana alagaan mo sarili mo. Alam kong kung nandito siya hindi niya rin magugustuhan na nagpapagabi ka sa daan." sabi ni Mark.
Marahang tumango si Joyce at nag-iwas ng tingin. Nakita ko namang mapait na napangiti si Mark pagkatapos ay walang sabi-sabing tumalikod at naglakad palayo.
"T-Thank y-you..." mahinang usal ni Joyce pero mukhang narinig naman ni Mark dahil napatigil siya sa paglalakad.
Hindi umikot si Mark at nanatiling nakatayo lamang pero itinaas niya lang ang kanang kamay niya na nagpapahiwatig na ayos lang.