Chapter Twenty Two
Ramdam ko pa rin ang antok habang naglalakad kami sa underground tunnel na yon. Hindi ako gaanong nakatulog dahil paulit-ulit na pumapasok sa isip ko ang mga nangyari kagabi. Lalo na ang pagkawala ng isa sa mga kumag. Hindi man ako ganoon kalapit sa kanya ay alam kong hindi siya masamang tao. Besides, niligtas niya si Lux. Inuna niya yon kaysa sa sarili niya, kahit na siya ang nasa unahan at si Lux ang nasa likod.
"Everything will be fine, okay?" pagpapagaan nito sa aking loob. Kanina pa siya nakadikit sakin, samantalang ako naman ang nakadikit sa kanya kagabi.
"Hope so." sagot ko kay Saige. Ngumiti lang ito at nagpatuloy maglakad. Makipot ang daan sa tunnel na yon at sapat lang sa dalawang tao ang kasya na magkasabay. Si Lux at si Polo ang nasa unahan, kami ang kasunod, si Vryll at Joaquin, habang si Nyx at si Xander ang nasa dulo.
Tahimik na ulit kaming naglalakad nang biglang tumigil ang nasa harap namin. Nagtataka man ay tumigil na rin kami dahil hindi naman kami pwedeng mauna. Nang suriin ko ang nasa unahan nila ay alam ko na kung bakit sila tumigil. May munting liwanag kaming natanaw. Malayo pa ito sa kinatatayuan namin ngayon ngunit sigurado akong hindi pa iyon ang hostel namin dahil hindi pa kami gaanong nakakalayo sa warehouse.
"Kailangan nating bumalik." sabi ni Polo. Sumang-ayon naman sa kanya ang lahat. Naglakad na kami pabalik at pasulyap-sulyap sa tinatahak naming daan kanina. Wala naman kaming nakikitang tao roon o kung ano man. Pero minabuti pa rin naming bilisan ang paglalakad.
Kalaunan nama'y nakabalik na kami sa warehouse. Madilim pa rin sa loob ngunit nagawa naman naming makapasok sa salang pinasukan namin kagabi at kinandado ang pinto. Wala kaming naabutang tao roon dahil naunang umalis si Nicks kaysa sa amin. Nang magising kasi ako ay wala na siya sa kwartong tinulugan namin, wala na rin siya sa labas.
"Dito muna tayo, tumawag na rin ako kay Robie." saad ni Polo habang pauli-uling naglalakad sa harap namin. Nahawa na ata 'to kay Robie.
Nag-usap-usap sila tungkol sa nakita kanina. Ganoon din ang palagay nila, hindi pa iyon ang hostel namin. Kaya sumang-ayon sila agad sa suhestyon ni Polo kanina. Lahat sila ay nagtataka kung bakit may liwanag doon, at kung may nakakita nga ng tunnel na yon ay malamang hindi na rin magtatagal at matutunton nila ang warehouse na ito.
Maya-maya pa, may pumaradang itim na motor sa labas at malamang si Robie na yon. Nang pumasok ito'y may dala na naman itong kahon, mas malaki kaysa sa dala nito noon. Inilapag niya iyon sa lamesa sa harap namin ngunit hindi pa nito ito binuksan.
"Everything's fixed. Tumawag na ko kay Nicks, naipasara ko na ang tunnel na yon." saad nito.
"Pero, paano na kami--"
"I'm Robie Morevillano." putol nito sa itatanong sana ni Xander. Lagi na lang itong hindi nakakatapos ng pagsasalita. Kung sabagay, tama naman ang sinabi niya. Siya si Robie Morevillano, marami siyang paraan sa lahat ng bagay.
"I won't tell you now, but first, let me show you this." sabi nito bago binuksan ang malaking kahon. Hindi ko naman makita ang loob niyon. Kita ko namang napanganga ang dalawang lalaking nakatayo, malamang nakita nila ang laman. Tatayo na sana ako ngunit pinigilan ako ni Nyx kaya sinamaan ko ito ng tingin.
"Bawal sa bata." sabi nito. Ano naman ang bawal sa bata? Tsaka hindi na ko bata.
"Ash, layo ka muna." utos sa akin ni Robie. Ano ba kasi yon? Tatayo na sana ako pero pinigilan na naman ako ni Nyx.
"Pano ako lalayo?" halos iritadong tanong ko sa kanya. Ngumuso naman ito sa sahig, aba gusto pa kong pagapangin. Dahan-dahan na lang akong tumayo habang nakatalikod sa kahong iyon. Hindi ko man lang masulyapan dahil lahat sila'y nakatingin sa akin. Malamang ay wala akong takas.
Nakalayo ako sa kanila nang hindi man lang nakikita ang laman ng malaking kahon. Nakaupo ako sa isang high chair sa harap ng mini bar. Hindi ko rin kita mula rito ang kahon dahil nakaharang si Robie. Wala talaga silang balak ipakita sakin ang laman non.
※
~ Robie
Nang masigurong nakalayo na si Ash ay ibinukas ko pa lalo ang malaking kahong dala ko. Laman niyon ang pinaghiwa-hiwalay na parte ng katawan ng lalaking nahuli ni Saige noong isang gabi. Wala namang mahalaga sa katawan non, kailangan lang na maidispatya ang katawan sa loob ng university upang di maghinala ang nag-utos sa kanya. Isinama ko rin ang isang duplicate ng chip na nakita ko sa may tenga ng lalaki. Gumagana iyon kaya matatrack ko kung saan man itapon ang ulo ng lalaki. Kung may kumuha man sa katawan ay malalaman ko kung saan ito dadalhin.
Halatang pinipigilan lang nilang hindi maduwal sa nakikita para hindi makahalata si Ash. Hindi naman ako gaanong apektado dahil ako naman ang naghiwa-hiwalay niyon. Huwag niyo na lang itanong kung paano. Baka hindi niyo magustuhan.
"What the fuck, Robie?!" mura ni Saige sa akin. Natuwa naman ako sa tinuran niya lalo na nang mahalata ang galit sa mukha nito.
"Psychopath ka ba?" tanong naman ni Lux na ikinatawa ko. Bahagya silang lumayo sa akin na para bang kinatakutan nila ako bigla. Hindi ko naman sila masisisi.
"Of course not. Kailangan ko lang yang gawin." sagot ko sa kanya. Lumapit silang muli sa akin at bahagyang sinisilip ulit ang laman ng kahon.
Ipinaliwanag ko sa kanila na kailangan namin idispatya ang bangkay. Kung kinakailangan ay sa magkakaibang parte ng campus itatapon ang bawat parte ng katawan ng lalaki. Sinabi ko rin sa kanilang hangga't maaari ay itapon nila ang ulo malapit sa main building. Nagtataka man ay um-oo na lamang sila bilang sagot. Nang matapos kong talakayin sa kanila ang plano ay isinara ko na ang kahon at inilagay iyon sa sulok. Pinalapit na ulit namin si Ash na nasa mini bar at may iniinom na kung ano.
"Ano yan?" tanong ko sa kanya. Tumitig ito sa akin bago tumingin sa iniinom niya saka tumingin ulit sa akin.
"Ibalik mo yan don." utos ko sa kanya na ginawa naman niya agad. Hindi naman iyon matapang na alak pero alak pa din yon. At alam kong may magagalit pag nalamang hinayaan ko siyang uminom non.
Nang makabalik si Ash ay diretso itong umupo sa dating pwesto. Nasa gitna ito nina Lux at Saige. Mukhang tuwang tuwa naman ang mga mokong.
"Aalis na ko. Polo, pakiasikaso nung pinapagawa ko sa inyo." sabi ko habang inaayos ang aking damit at naglakad na papunta sa pinto. Iyong front door ang ginamit ko dahil doon din naman ako dumaan kanina at nandon ang sasakyan ko.
Sa labas, mukha itong simpleng cabin na one and a half storey lang. Maliit lang iyon at hindi kahina-hinala kung tutuusin. Maliit lang din ang harapan nito at napapaligiran ng matataas na puno. Walang path way ang makikita, yon naman ang maganda rito. Kaya kung hindi mo kabisado ang daan, maliligaw ka. Tama lang para hindi ito matunton ng ibang tao. Malayo rin ito sa mismong kalsada kaya walang maghihinala na may cabin doon. Kung titignan naman mula sa itaas, hindi ito gaanong pansin dahil sa itinatago ito ng madadahong puno. That's why I'm sure na magiging ligtas si Ash doon, pero hindi sila pwedeng magtagal doon. Kailangan ko nang makaisip ng paraan para makabalik sila sa loob ng GU.
※
Tahimik ang buong university. Masasabi mong maraming naganap kagabi. Nagkalat ang mga bubog sa kalsada, may mga hostel pang nasusunog, at may mga bangkay ding nakahandusay. Umalingawngaw ang malakas na tunog na nagmumula sa mga megaphones sa mga poste. Ang tunog na iyon ay nagdulot ng kaba at takot sa mga nagtatago sa mga hostel na hindi natupok ng apoy. Tawa iyon. Isa iyong tawa ng isang babae. Nagtagal iyon ng halos isang minuto bago biglang tumigil. Tumahimik ng ilang segundo bago nagsimulang magsalita.
"Greetings, students. I know last night was lit! Hahaha literally!" masiglang bati nito.
"As of today, at 10:43 in the morning, the population of the university dropped at 478, and later, when the bell rung, I want all survivors to gather in front of the main building. Take care!" dagdag pa ng babae bago muling tumawa hanggang sa maputol ito at muling binalot ng katahimikan ang buong paligid.
May ilang estudyante ang lumabas upang tignan ang nangyari sa kani-kanilang mga hostels. Ilan sa kanila ay napaluhod na lamang at napaiyak sa nakita. Ang mga lalaki naman ay nagtulungan para makuha ang mga bangkay at ilibing ito sa di kalayuang kakahuyan.
Marami na ang nabawas sa mga pumasok sa loob ng GU. Ngunit hindi pa rin ito sapat para itigil ang Battle of the Confréries, masyado pa itong madami. Kailangan pa rin itong mabawasan hanggang sa sampu na lang ang matira. Sa ganoong paraan ay mas masusukat ang kakayahan ng bawat isa. Kung mahina ka, hindi ka magtatagal. This is a survival assassination, you need to have bravery and brain at the same time. Time will come, when even your brother will salvage you in order for him to live.