Chapter Twenty Three

Tahimik at maaliwalas sa labas, sana ganto rin sa loob ng GU. Pero hindi, alam kong pagbalik namin doon ay ibang GU na ang madadatnan namin. Hindi na ito mukhang nasa fairy tales. Para na siguro iyong nasa mga horror stories.

"Ash, tara na, nasa labas na si Nicks." tawag sa akin ni Polo. Halos dalawang oras din kaming nakatulala simula nung umalis si Robie kanina. Tumayo ako at inayos ang sarili bago sumunod sa labas.

Paglabas namin ay nandoon na silang lahat. Suot pa rin ang maruruming damit na may bahid pa ng dugo. Naalala ko na naman si Jin. Nang makalapit ako sa kanila'y nagsimula agad silang maglakad, papunta sa kakahuyan.

"Maglalakad lang tayo?" tanong ko nang makalipas ang halos sampung minutong paglalakad dahil parang wala naman kaming patutunguhan.

"Nope." sagot ni Nicks saka tumigil sa paglalakad. Huminto rin kami at nanatiling nakatingin sa kanya. Nagtatanong ang mga titig ng mga kasama ko, tila naguguluhan.

"Everyone, at the back. Ako ang magmamaneho. Buksan niyo na lang yan malalakas naman kayo." sabi nito at naglakad papunta sa isang bagay na may talukbong. Nang mahila ang tela ay bumungad ang isang truck. Sumunod kami sa kanya ngunit dumeretso kami sa likurang bahagi niyon. Nabuksan naman agad nina Lux ang likuran at nakita namin ang laman niyon. Mga malalaking kahon na gawa sa kahoy. Nang subukan naming iusog ay hindi namin nagawa dahil sa mabigat ang mga yon.

"Ah, nga pala, magtago kayo dyan. Dapat di kayo makita pag binuksan tong truck." dinig naming sabi ni Nicks na nasa unahan na.

"Ano tayo? Trojan?" bulong ni Nyx sa akin. Halos maubo ako nang mapagtanto kung ano ang sinabi niya. Tinutukoy nito yung Trojan Horse. Nabatukan ko pa siya na medyo napalakas.

"Totoo naman ah?" parang batang sabi nito sakin. Babatukan ko pa sana siya ulit nang biglang umandar ang truck at halos sumubsob kami sa kahong nasa harap namin. Mabuti na lang at naialalay ko agad ang kamay ko.

Nakataklob kami ng mabigat na tela. Ilang minuto na rin simula nang umandar ang truck at hindi ko alam kung nasaang lupalop na kami. Hindi ko alam kung bakit kailangan pa naming bumalik kung nagkaroon na kami ng pagkakataong makalabas ng GU. Ang iba siguro ay gustong-gusto nang makalabas pero hindi nila kaya, samantalang kami nasa labas na pero papasok ulit. Yun ang gusto kong itanong kay Robie, pero hindi ako nagkakaroon ng pagkakataon dahil sa tuwing babalikan niya kami ay mayroon itong dalang mga bagay-bagay at kung anu-anong mga sinasabi. Nang makasama ko naman si Nicks sa kwarto at tinanong siya tungkol doon. Sinabi naman niyang si Robie lang ang nakakaalam at sumusunod lang siya sa utos niya.

Ilang sandali pa naramdaman kong tumigil ang truck at nakarinig ng pagbukas ng isang gate. Malamang ay nasa harapan na kami ng GU. Di kalaunan ay mag liwanag na pumasok sa loob at dinig namin ang ilang mga lalaking nag-uusap.

"Kumpleto ba 'to?" tanong ng isa na halos sigaw na. Malaki ang boses niyon at parang iritado pa.

"Oo naman. 50 per box." sagot ng isang babae na kung hindi ako nagkakamali ay si Nicks.

Marami pang sinabi ang lalaki at sinasagot naman ito agad ni Nicks. Kung makipag-usap ito ay parang kilala ito ng mga lalaking iyon. Para bang kilala ito na sadyang nagtatrabaho sa loob ng university.

"Sige, pasok na." dinig kong sabi ng isang lalaki bago muling dumilim sa loob. Ilang sandali pa ay umandar na ulit ang truck.

Di nagtagal ay huminto ulit ito. Maya-maya pa ay lumiwanag ulit at may nagtaas ng telang nakatalukbong sa amin. Si Nicks yon.

"Baba na kayo." sabi nito at tumayo naman agad si Polo kaya tumayo na rin kami at maingat na bumaba. Nang makababa naman ay umuna si Polo sa paglalakad at dumeretso sa kaliwang bahagi ng daan, at pumasok sa mapunong parte.

"Nicks!" tawag ni Lux sa kanya bago ito muling sumakay. Lumingon naman ito.

"Bakit?" halos sabay na sagot ng babae at ng lalaking katabi ko. Siniko ko naman ito at binulungang hindi siya ang tinatawag ni Lux. Napayuko na lang siya bago naglakad palapit kina Xander.

Nagpasalamat naman si Lux sa babae at ganoon din ako. Maya-maya pa'y narinig naming umandar ang truck at kamakailan ay hindi na namin ito matanaw. Kaya naglakad na ulit kami.

Medyo nakalayo na rin kami sa kalsada ngunit naglalakad pa rin kami. Nauuna pa rin si Polo na tila kabisado ang buong mapa ng university. Ngunit ako at ang iba ay nababahala na.

"Huwag kayo mag-alala, di tayo naliligaw." sabi nito sa mahinahong tono. "Sinend sakin ni Robie ang top view ng buong university, tinuro rin niya sa akin kung saan tayo dapat dumaan nang walang nakakakita sa atin." dagdag pa nito. Kaya naman pala parang alam niya kung saan dadaan kasi alam naman talaga niya.

"Kelan?" tanong ng katabi kong si Nyx na nakamove on na siguro sa pagkakapahiya kanina.

"Kagabi, sinend niya sakin." sagot nito nang hindi man lang kami nililingon. Natahimik ang lahat at nanatiling ganoon hanggang sa may matanaw kaming mga hostel sa di kalayuan. Nakahinga naman ako ng maluwag. Ngunit di rin nagtagal ay napasinghap ako. Nakita ko ang mga nasunog na hostels, may natanaw din akong mga bangkay sa kalsada. Napatigil ako sa paglalakad at maya-maya'y may humawak sa braso ko. Nang tignan kung sino yon ay hindi na ko nagulat.

"We're here, okay?" sabi ni Saige. Matapos niyon ay naglakad na ulit ako. Tinatahak namin ang daan papunta sa isang hostel. Nang makalapit ay may kung anong tinipa si Polo sa may pinto. May lock din iyon na katulad ng nasa tinaguan naming kwarto.

Bumukas ang pinto at nakita naming maayos ang hostel na iyon. Walang sira, hindi tulad ng ibang hostel na malapit dito. Nilibot namin ito at nakitang normal naman yon at walang ibang tao. Nang silipin ang bawat kwarto ay kumpleto rin ang mga gamit at may isang kwartong pang-isang tao lamang.

"Doon ka." bulong sa akin ni Polo at tinuro ang kwartong tinutukoy ko. Pumasok kami roon at iginiya ako nito sa harap ng cabinet. Nang buksan niya iyon ay maraming damit ang nandon.

"Maglinis ka ng katawan tapos magbihis ka. May assembly mamaya." dagdag pa nito bago lumabas at inilock ang pintuan. Naiwan akong mag-isa at nakatitig sa mga damit na nasa cabinet. Puro iyon pang-heavy duty, iisipin mong puro costume yon sa isang action film. Leather jackets, tight pants, ripped jeans, tank tops, v-neck shirts. Feeling ko tuloy nagbukas ako ng loot box na katulad ng sa mga laro.

Hinubad ko muna ang boots at ang leather jacket na suot ko bago dumeretso sa banyo at naligo.

※

~ Lux

Nasa kwarto na kami at iniintay ko na lang matapos si Nyx sa paliligo para ako naman ang sunod. As usual, kaming tatlo nina Joaquin ang magkakasama sa kwarto. Nakakasawa na rin minsan mga pagmumukha nila, pero no choice naman ako.

Naupo ako sa kama ni Joaquin kaya nauga ito at sinamaan niya ako ng tingin. Nakahilata na naman kasi ito na akala mo sobrang layo ng nilakad namin.

"May kama ka di ba?" angal nito sa akin. Tumawa lang ako bago ko siya binatukan. Lalong tumalim ang tingin nito sa akin at nagbabadya nang tumayo para manapak kaya tumayo na ako. Sakto namang labas ni Nyx sa banyo na nakatapis lang ng tuwalya.

"Sarap mo naman, pre." asar ko sa kanya bago hinablot ang tuwalyang nakapulupot sa bewang niya sabay takbo papasok sa banyo. Nang maisara ko ang pinto ay dinig ko pa ang malulutong niyang mura.

Pinadaloy ko ang maligamgam na tubig sa aking mukha papunta sa aking katawan. Pumasok na naman sa aking isipan ang mga nangyari simula noong isang gabi. Ang mga pagsabog, si Jin, yung warehouse, at ang babaeng yon. Noong makita ko siya ay parang pamilyar siya sakin. Na parang nakita ko na siya noon. And I ain't wrong, I've seen her before.

Nicks Durante. Isa siya sa mga officials ng The Council, at hindi lang siya basta opisyal. She is the secretary.

Naalala ko pa noong unang assembly, she was one of the people standing at the stage. Katabi pa niya ang lalaking nakasalamin na nagdiscuss sa amin noong may nangyaring sunog sa katabing room.

That's what made me so confused that night. How the heck she's there? How come she's one of Grim's puppets? Spy ba ang ganap niya sa Council? Or it's the other way around? Yon ang mga tanong na gusto kong ibato sa kanya noong gabing yon ngunit hindi ko nagawa. Kanina, nang tawagin ko siya ay gusto ko pa ring itanong sa kanya. Ngunit sumakay na ito kaagad sa truck kaya hindi ko na naman nagawa. Napayuko na lang ako at hinayaang tumulo ang maligamgam na tubig sa aking balat mula sa aking buhok.

Then a slow smile worked its way across my face. I don't know why, but I felt like doing it. May kung anong pumasok sa isip ko. Isang planong siguradong magbibigay ng sagot sa mga katanungang ko.

※

Abala ako sa pagmumuni-muni nang mapadako sa bintana ang aking tingin. May bigla akong naalala at bigla na lang akong napabangon sa pagkakahiga. Napasinghap ako at halos manlaki ang aking mga mata.

"Si Luna!" mahina kong sigaw nang maalalang nasa kwarto ko siya noong may nangyari sa hostel. Hindi ko man lang siya naalalang silipin at dalhin.

Dahil sa pagkakadismaya sa sarili ay isinubsob ko ang aking mukha sa kama. Pakiramdam ko tuloy ay isa akong masamang amo. Pano na lang kung may nangyari sa kanya? Pano kung di siya nakalabas sa hostel? Nasunog kaya siya? Baka nabaril din siya nung mga lala--

"Meow."

Napabangon ako nang marinig ko iyon. Nang lingunin ko ang bintana ay wala naman akong nakitang pusa. Inilibot ko ang tingin sa buong kwarto ngunit wala akong nakita kundi si Nyx na nakatayo sa may pinto habang malawak ang ngiti na hindi na halos makita ang mata.

"Meow."

Muli kong dinig sa tinig na yon. Wala pa rin akong nakita sa bintana kaya naman nagtaka na ako. Nang muli kong tignan si Nyx ay medyo nakalapit na ito at nakasara na ang pinto. Bumangon ako at pinanood siyang lumapit sa akin.

"Meow."

Mas lalong lumawak ang ngiti nito. Sa pagkakataong yon ay hindi ko na talaga makita ang mata niya.

"Pinagtitripan mo ba ko?" tanong ko sa kanya nang hindi pa rin nawawala ang ngiti niyang yon. Pakiramdam ko tuloy nasapian na ng clown 'tong lalaking 'to. Baka mamaya sa phone lang pala nanggagaling yung tunog.

"Meow."

Sinamaan ko na siya ng tingin. Hindi pa rin kasi ito umiimik. Nakatingin lang ito sa akin habang naglalakad palapit. Nasa paanan na ito ng kama ko. Deretso lang itong nakatingin sakin. Ngunit maya-maya ay unti-unting nagbabago ang ekspresyon ng mukha nito hanggang sa nakikita ko na ulit ang mata niya.

"Meow."

Muling dinig ko sa tinig na iyon ngunit sa pagkakataong iyon ay alam ko na kung saan iyon nanggagaling. Halos mapatalon ako sa tuwa nang lumabas mula sa jacket ni Nyx si Luna. Nanatili siya roon sa may leeg ni Nyx, tanging ulo lang ang kita. Maya-maya ay tumalon na ito palabas at mabilis na tumakbo palapit sa akin. Agad itong sumiksik sakin. Kahit masama akong amo bumalik siya.

"Nakita ko siya kanina sa labas pakalat-kalat. Hinahanap ka ata. Kaya kinuha ko tapos tinago ko sa jacket ko, buti na lang hindi ako kinalmo--" hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang yakapin ko siya. Maging ako ay nagulat sa ginawa ko. Masyado lang siguro akong natuwa sa ginawa niya.

"Salamat." tanging nasabi ko nang makabitaw ako sa pagkakayakap sa kanya. Nang makita ang mukha niya ay bakas pa rin ang gulat doon.

"W-wala yon. Sabi ko naman sayo gusto ko din mag-alaga ng pusa." sagot nito. Napangiti naman ito at nawala na naman ang mata nito.

"Meow." singit ng itim na pusa sa pagitan namin. Marahan ko siyang hinihimas nang biglang tumunog ng malakas ang mga kampanilya. Kaya naman mabilis kaming tumayo at lumabas habang bitbit ko pa rin si Luna.

Nang lumabas kami mula sa kwarto ay nakalabas na ng hostel ang iba. Sina Lux, Saige at Polo na lang ang naabutan namin sa sala.

"Tara na." saad ni Lux. Palapit na sana ito sa amin nang makita nito si Luna na hawak ko pa rin.

"Hindi mo siya pwedeng dalhin. Baka mapano pa yan." dagdag nito. Nang maisip ko ang sinabi niya ay bumalik ako sa kwarto at ibinaba siya sa kama ko bago muling lumabas. Hindi ko na lang isinara ang pinto.

Nang makabalik sa sala ay lumabas na kami. Naabutan pa namin ang ibang mga tao na tumatakbo papunta sa arena. Hindi na ganoon karami. Ang pinagsama-samang mga guilds ay parang iisa na lang. Hindi na nasakop ang buong arena. Hindi tulad noong naunang araw. Nanatiling nakatayo ang lahat. Suot pa rin ang kulay ng bawat pangkat. Mapapansin ang mga ekspresyon ng kanilang mga mukha, lungkot, takot at galit.

"Welcome back, students!" masiglang bati ni Ma'am Rivera, ngunit walang sumagot. Malakas ang bulungan ng mga tao, ang iba'y nagtatanong kung mga estudyante pa ba sila o mga preso na.

"You're not prisoners, just ordinary people fighting for their lives." dagdag nito bago humalakhak na nagpatahimik sa buong paligid. Halos maiyak ang iba nang banggitin iyon ng babae. Lalo na nang magsimula itong tumawa. Samantalang kami ay nakatitig lamang sa kanya at sa mga kasama niyang nasa stage. Seryoso lang ako nakatingin sa kanila nang mapansin ang isang babae. Si Nicks ba yon? Tinitigan ko pa ito ng lubos at masasabi kong siya nga yon.

"Yes, it's Nicks." bulong sa akin ni Lux na nasa tabi ko pala. Napatango na lang ako bago muling napatingin sa kanya.

"Pero baki--"

"Huwag mo sakin itanong kasi hindi ko rin alam." putol nito sa akin. Malamang iniisip din niya kung bakit nandon si Nicks. Pero bakit nga ba? Nakatayo siya sa stage kasama ang Council, at nakangiti pa ito. Nakasuot ito ng maiksing puting short at itim na tank top. Mukha siyang leading lady sa isang action film. Kinabog ang mala-Indiana Jones kong outfit.

Tsaka ko lang naalala ang mga kaganapan kanina habang nasa truck kami. Kaya pala ganoon makipag-usap ang mga lalaki sa kanya. Pero bakit niya kami tinulungan kung isa pala siya sa kanila? Ayst, sumasakit ang ulo ko.

"In front of you are huge wooden boxes, right? There are four of them and each box is for one house. These boxes contains goods that can help you survive. So, dig in!" paliwanag ng isang lalaki, si Niccoli yon a. k. a Stickman kung hindi ako nagkakamali.

Hindi magkandamayaw ang mga tao sa pagtakbo papunta sa mga kahon. Feeling ko tuloy ay nasa loob kami ng isang online battlegrounds ngayon at nakakita kami ng bumagsak na loot box. Eto na ang totoong loot box, hindi yung cabinet ko.

Nang makalapit kami ay kita kong isa-isa silang kumukuha at nang makalayo ay may mga bitbit na silang mga baril, mahahabang baril.

So this would really feel like inside of an online battlegrounds.