Chapter 5
ILANG araw na akong pumupunta sa bahay ni Carmein. Halos araw-araw na nga e, kung tutuusin parang sa bahay na niya ako nakatira. Nasanay na rin kami ni Carmein sa araw-araw na routine at sobrang komportable na namin sa isa’t isa.
Nagkataon na parehas kaming walang pasok ngayong araw kaya nandito ulit ako sa bahay kasama siya. Abala siya sa pagluluto samantalang abala ako sa pag-dra-drawing dito sa sala.
“Patingin naman ako niyan.”
Napatingin agad ako kay Carmein nang tumabi siya nang-upo sa tabi ko at sinisilip ang gawa ko.
“Okay.”
Binigay ko sa kaniya ang sketch pad ko at tiningnan naman niya ‘yon. Halatang nasiyahan siya sa drawing ko base sa mukha niyang may ngiti sa mga labi.
“Ang galing mo talagang mag-drawing, tayong dalawa ba ‘to?” tanong niya sa akin.
Tumango naman ako sa kaniya habang pinagmamasdan ko pa rin ang reaksyon niya sa drawing ko.
Nilipat niya sa isang pahina ang sketch pad at halatang nagulat siya sa nakita niya kaya napakamot ako sa batok.
“Hala! Ang ganda! Para akong nagpa-picture lang dito ah,” natutuwang sabi niya.
“Maganda ba ang pag-paint ko?”
“Hindi lang maganda, sobrang ganda! Adi, p’wede bang akin na lang ‘to?” excited niyang sabi.
“Sige, pero sa isang kondisyon.”
“Anong kondisyon?”
“Mag-bonding tayo buong araw,” nakangising sabi ko.
“‘Yon lang ba? Kahit tuwing free time pa tayo mag-bonding, ayos lang sa akin.”
“Talaga?” nagningning ang mga mata ko sa sinabi niya.
“Oo naman.”
“Pero paano ‘yong manliligaw mo?”
“Si Alexis? Hindi naman niya ako inaayang mag-bonding e, ikaw pa nga lang nag-aya sa aking makipag-bonding sa akin. Ultimo mga kaibigan ko hindi nag-aayang mag-bonding dahil na rin siguro busy sila o ‘di kaya naman bonding time nila sa mga boyfriends nila kapag free time,” paliwanag niya.
“E ‘di, ikaw lang ang laging mag-isa sa tuwing free time mo no’ng hindi pa tayo magkakilala?” gulat kong tanong sa kaniya.
“Oo pero hindi naman boring mag-isa.”
“Sabagay, parehas pala tayo. Ang pinagkaiba nga lang natin, ikaw may mga kaibigan. Ako wala.”
“Ano’ng tawag mo sa akin?” nakataas ang kilay niyang tanong.
“Ang ibig kong sabihin ay noon.”
Tumango-tango naman siya sa akin. Tinanggal na niya ang isang papel sa sketch pad.
“Akin na ‘to ah, ilalagay ko na ‘to sa frame para masabit ko na sa pader.”
“Okay, ikaw ang bahala.”
Kumuha siya ng frame sa lalagyan bago niya nilagay sa loob ang papel. Nang mailagay na niya ng maayos ang papel sa loob ng picture frame at saka niya lang isinabit sa pader ang frame.
“Ayan, ang ganda!” Natutuwang banggit niya habang nakatingin sa frame.
Napangiti naman ako.
“Uuwi muna ako sa bahay,” kuha ko sa atensyon niya.
Humarap agad siya sa akin.
“Ha, bakit? Akala ko ba mag-bo-bonding tayo? At saka, hindi pa tayo kumakain.”
“Oo nga, may kukunin lang ako sandali sa bahay. Hintayin mo ako,” sabi ko sa kaniya.
“Okay sige. Hihintayin kita,” tipid siyang ngumiti sa akin.
Tumango lang ako sa kaniya bago ako umalis sa bahay niya. Sumakay na ako sa ducati at saka ko sinuot ang helmet bago ko pinaharurot papuntang bahay.
Nang makarating ako sa bahay naabutan ko si manang na nagpupunas sa sala. Napansin niya agad ang pagpasok ko sa bahay at bigla siyang nag-alala.
“Lea, mabuti’t umuwi ka na. Kanina ka pa hinahanap ng Daddy mo at mukhang galit na galit na naman,” nag-aalala niyang sabi.
“Kailan ho ba hindi nagalit si Dad? E, halos araw-araw nga hong mainit ang ulo. Nasaan ho ba siya’t ano raw ang kailangan niya?"
“Tungkol ata sa isang araw, hindi ba napaaway ka ulit? E, iyong anak daw na napuruhan mo e, anak pala ng isang congressman.”
Napalunok ako sa sinabi ni manang. Alam ko na ang kahahantungan ko ngayong araw. Napapikit ako nang mariin nang marinig ko ang boses ni Dad na nakapagpataas sa balahibo ko.
“Azalea Montemayor!”
Huminga ako ng malalim bago ako humarap kay Dad at kitang-kita sa mukha niya ang pagiging istrikto at ma-awtoridad.
Nagtatagis na ang panga ni Dad at halatang galit na naman sa akin. Tumalikod siya at nagsimulang maglakad papunta sa pribadong opisina rito sa bahay. Sinundan ko naman si Dad kahit labag sa akin dahil alam ko na ang gagawin niya at hindi nga ako nagkamali.
Sinaktan na naman niya ako na parang hindi niya ako tunay na anak. Sinuntok niya ako sa mukha na parang ako na ang pinaka masamang taong nakilala niya.
“Napaka walang k’wenta mo talagang bata ka! Nang dahil sa’yo, nagkanda letse-letse ang plano ko! Malilintikan ka talaga sa akin kapag hindi ako ang nanalo sa darating na halalan, naiintindihan mo?!” sigaw niya sa mukha ko habang marahas niyang pisil-pisil ang pisngi ko.
Marahas niyang binitawan ang pisngi ko at hindi pa siya na kontento dahil sinampal niya pa ako nang malakas sa isang pisngi.
"Itong tatandaan mo Azalea. Kung hindi ka natatakot sa nakapaligid sa’yo, d’yan tayo magkakatalo,” panduduro niya sa mukha ko.
“Hindi ka lalabas ng bahay ngayon! Lian!”
Pumasok ang kanang kamay ni Daddy at saka ako nilapitan ni Lian bago niya ako hinawakan sa dalawang kamay.
“Ikulong mo ‘yan, siguraduhin mong hindi makakawala dahil kung hindi, ikaw ang malilintikan. Naiintindihan mo?”
“Copy boss.”
Dinala na ako ni Lian sa ginawang kulungan ni Dad para sa akin, kapag nakakagawa ako ng pagkakamali ay doon niya ako kinukulong. Nagtagis ang panga ko habang pumipiglas. Kinuha muna ni Lian ang cell phone ko sa bulsa bago niya ako ipinasok sa kulungan na parang isang kriminal.
“Pakawalan mo ako rito!” Sigaw ko sa kaniya.
“Pasensya na Lea, utos lang ni boss,” walang pakialam niyang sabi bago niya ako iniwan sa selda.
Nagpadausdos ako nang-upo sa sahig at nagsimula nang pumatak ang mga luha ko. Kung kailan hinihintay ako ngayon ni Carmein at saka pa nangyari ‘to.
Napahikbi ako ng iyak dahil hindi ko na alam ang gagawin ko para makatakas sa seldang kinalalagyan ko. Hinihintay ako ngayon ni Carmein, hindi ko alam kung kailangan ako papalayain dito ni Dad sa selda at baka mag-alala sa akin si Carmein kung hindi ako makakabalik agad.
Nagsisisi ako kung bakit bumalik pa ako sa bahay na ito. Gusto ko lang naman maging memorable ang magiging bonding sana namin ni Carmein. Gusto kong mag-effort kahit sa simple bagay lang pero nasira lang ang lahat ng ‘yon dahil kay Dad.
Naikuyom ko ang kamao ko at lumapit sa rehas at saka ako sumigaw ng malakas. Binuhos ko ang lakas ko sa pagsigaw kahit na alam kong hindi rin naman nila pakikinggan ang daing ko.
“Palabasin niyo ko rito!” Paulit-ulit kong sigaw pero ni isa ay walang nagtangkang pakawalan ako sa rehas.
Hanggang sa mamaos ako at naubusan na ng lakas sa kakasigaw. Hindi pa rin ako pinapakawalan. Napaiyak na lang ako dahil sa halo-halong emosyong bumabagabag sa akin.
“Sorry adi kung hindi ako tutupad sa pinag-usapan natin ngayon.”
PANG-ANIM na araw ko na rito sa selda at hindi pa rin nila ako pinakakawalan. Nakatingala lang ako habang nakatulala, iniisip ko pa rin hanggang ngayon si Carmein. Alam kong nag-aalala na siya sa akin at gano’n din ako sa kaniya.
Napukaw ang atensyon ko nang may pumasok sa pintuan at si manang iyon na may dalang pagkain.
“Lea, kumusta ka?” nag-aalala niyang tanong.
“Ano ho ba ang dapat kong isagot sa tanong niyo kung nakikita mo naman ang kalagayan ko,” mahinahon kong pananalita pero malaman.
Huminga ng malalim si manang at halatang naaawa sa kalagayan ko.
“Hindi pa rin gumagaling ang mga pasa mo Lea, nakiusap ako sa Mommy mo kanina nang makausap ko siya. Pinakiusapan ko kung p’wede ka na bang pakawalan dito sa selda tutal umalis naman ang Daddy mo papuntang abroad kanina at pumayag naman ang Mommy mo, siya na raw ang bahala sa Daddy mo,” paliwanag ni manang at pinakita sa akin ang susi.
Napatayo agad ako at abot tainga ang ngiti ko habang may namumuong luha sa mga mata ko dahil sa tuwa. Pinakawalan na agad ako ni manang kaya agad ko rin siyang niyakap.
“Maraming salamat po manang,” naiiyak kong sabi.
“Shh . . .”
Hinimas niya ang likuran ko na parang kino-comfort para pagaanin ang loob ko. Ilang segundo ko siyang niyakap bago ako humiwalay sa kaniya.
“Manang, kailangan ko na hong umalis, maraming salamat ho ulit.”
“Hindi ka ba muna kakain Azalea?”
“Hindi na ho manang, salamat po ulit,” hindi ko na hinintay pang magsalita si manang dahil tumakbo na ako palabas ng pinto.
Umakyat muna ako sa taas para kunin ang gitara ko bago ako lumabas nang tuluyan sa bahay at sumakay sa motor. Hindi na ako nagsayang ng oras at pinaharurot ko na ang ducati papunta sa bahay ni Carmein.
Papunta na ako Carmein, kaunting hintay na lang magkikita na ulit tayo adi. Sana lang ay maabutan kita sa bahay bago ka pumasok sa eskwelahan. Gustong-gusto na ulit kitang makita.
Nang makarating ako sa bahay niya, hindi ko na siya naabutan kaya mas minabuti ko munang mag-stay na lang muna doon ng ilang sandali. Makalat ang loob ng bahay kaya napagdesisyonan kong linisin na lang muna ‘yon habang hinihintay siyang makauwi.
Hanggang sa sumapit na ang hapon, hindi na ako nakapaghintay pa at pinuntahan ko na siya sa eskwelahan at doon ko na lang siya hinintay.
Habang naghihintay ako sa labas ng gate, naaninag ko si Alexis kung hindi ako nagkakamali siya ang manliligaw ni Carmein. Kumunot ang noo ko nang makita ko siyang may kahalikan sa hindi kalayuan. Gumalaw agad ang panga ko at bumaba sa motor. Malalaki ang hakbang kong lumapit kay Alexis at mukhang napansin naman niya ang presensya ko.
“Oh, kilala kita. Ikaw ‘yong kaibigan ni Carmein ‘di ba? Ano nga ulit ang pangalan mo? Azilei? Azalyn? Ahh, Oo! Aizalei.”
Hindi ko alam kung bakit ako naiirita sa lalaking ‘to. Hindi naman ako naiinis dahil lang siya ang manliligaw ni Carmein, kundi napaka yabang niyang kumilos at magsalita. Feeling g’wapo mukha namang talampakan.
“T*nga, Azalea!” Sigaw ko sa kaniya at sinuntok siya ng malakas sa pisngi.
Napasigaw ang babae sa tabi niya dahil sa gulat. Nagulat din si Alexis sa ginawa ko ultimo ang mga estudyante sa paligid at napatingin sa akin dahil sa ginawa kong panununtok sa lalaki.
“Ayan ang napapala mo dahil babaero ka! Ang kapal ng mukha mong lokohin si Carmein e, manliligaw ka pa lang naman niya!”
Pinunasan niya ang gilid ng labi niya gamit ang hinlalaki dahil pumutok iyon kaya nagdugo.
“Wala kang pakialam!” Sigaw niya sa akin at handa na niya akong saktan pero naunahan ko na agad siya.
Sinuntok ko agad siya sa mukha at siniguro kong magkakaroon siya ng black eye bago ko sinipa ang dibdib niya kaya natumba siya sa sahig.
Marami na ang nanonood na mga estudyante. Tumayo ulit si Alexis at nakipagsuntukan sa akin. Hindi ko hinayaan na masuntok niya ako kahit saang parte ng katawan ko.
Napansin naman agad kami ng g’wardya kaya agad siyang lumapit sa amin at pimagitan. Napangisi ako sa kaniya habang nanggagalaiti sa galit. Duguan na ang buong mukha niya samantalang ako, kahit isang galos o suntok ay wala akong natanggap mula sa kaniya.
“Ano’ng nangyayari rito?”
Naagaw ang atensyon ko nang makita ko agad si Carmein. Hindi niya agad ako napansin dahil napatingin agad siya kay Alexis na puro dugo ang mukha.
“Oh my God, Alexis! Ano’ng nangyari sa’yo?!” pag-aalala niya sa babaerong manliligaw.