Chapter 4
“P’WEDE bang samahan mo ako rito sa bahay kahit ngayong gabi lang? Dito ka na lang matulog, please adi? Tutal malakas pa rin naman ang ulan baka kung ano pang mangyari sa’yo kapag umuwi ka pa. Tapos gabi na rin naman at saka baka magkasakit ka pa kung susugod ka sa ulan. Kaya rito ka na matulog adi. Sige na, kahit ngayon lang oh?"
Napailing na lang ako dahil nagpapa-cute pa siya habang nagmamakaawa.
“Sino ba naman ako para tumanggi? Pasalamat ka, cute ka dahil kung hindi . . .”
“Kung hindi, ano?”
“Uuwi pa rin ako.”
“Buti na lang pala cute ako.”
“Oo, kamukha mo si Anabelle.”
“Lea!”
“Bakit?” natatawa kong tanong dahil sa naging reaksyon niya.
“Ang salbahe mo sa akin.”
“Hindi naman ah?” painosente kong tanong.
“Grabe ka talaga sa akin,” nakanguso niyang sabi.
“Biro lang, kaya ko lang naman sinabi ‘yon kasi gusto ko si Anabelle. Tulad ni Anabelle, gusto rin kita.”
Natigilan kaming parehas sa huli kong sinabi. Tumikhim ako para mawala ang kakaibang tension sa pagitan naming dalawa bago ko dinugtungan ang sinabi ko.
“Gusto ko si Anabelle dahil sa movie. Ikaw, kaya kita gusto kase k-kaibigan kita,” paliwanag ko agad.
“Ahh! Pinakaba mo ako do’n ah, pero nga pala. Kumusta na ‘yong mga sugat mo?”
Pinakita ko sa kaniya ang mga sugat ko sa katawan at likuran. Base na rin sa mukha niya, mukhang malungkot siya sa mga sugat na nakikita niya sa katawan ko.
“Lagi mong lalagyan ‘yan ng ointment para hindi maging peklat. Teka, kukunin ko lang ‘yong ointment tapos pahiran na natin agad ‘yan.”
Hindi na niya ako pinagsalita at umalis na siya para kunin ang ointment. Mabilis naman siyang nakabalik at pinahiran niya agad ng ointment ang mga sugat ko.
“Kapag may problema ka at wala kang mapuntahan. Lagi lang nakabukas ang pinto ng bahay para sa’yo. Nandito lang ako handang makinig para sa’yo at ‘wag mo ring kakalimutan na kakampi mo ako sa lahat, okay?”
Napangiti naman ako sa sinabi niya.
“Noted.”
“Good. Nga pala, tabi tayo sa kama mamaya, wala kase akong extra na foam or pangsapin at saka isa lang din ang kama ko kaya tabi na lang tayo matulog mamaya ha?”
Napalunok naman ako sa sinabi niya. Hindi dapat ako kabahan at walang dapat pag-isipan ng malis’ya dahil normal lang naman sa mga babaeng magkaibigan ang magkatabing matulog sa higaan. Oo, tama Azalea. Hindi ka dapat nag-iisip ng kung ano-ano dahil normal lang ang matulog katabi ang babaeng kaibigan.
Napabuntonghininga ako bago ako tumango sa kaniya.
“Okay,” sagot ko.
“Ako na ang maglalaba ng uniform mo para makapagpahinga ka na rin.”
“Hindi na, ako na lang ang maglalaba.”
“Ayos lang adi. Ako na, lalabhan ko rin naman ‘yong uniform ko. Magpahinga ka na sa k’warto, ako na ang bahala.”
“Sigurado ka?” nag-aalangan kong tanong.
“Oo naman, sige na. Maaga pa tayo bukas, parehas tayong may pasok. Sige na,” pamimilit niya.
Hindi na rin ako nakatanggi sa kaniya dahil alam ko sa sarili ko na hindi naman ako mananalo pagdating sa kaniya kaya dumiretso na lang ako sa k’warto niya.
Huminga ako ng malalim bago ako umupo sa kama. Pinalibot ko ang paningin ko at ang ayos at malinis naman pala ng k’warto niya hindi tulad doon sa sala. Kaamoy niya ang loob ng k’warto, mabango.
Humiga na ako sa kabilang side at sinubukan kong matulog pero gising pa rin ang diwa ko. Ilang minuto ang lumipas pumasok na sa loob ng k’warto si Carmein.
“Tulog ka na ba adi?” tanong niya sa akin.
“Hindi pa,” sagot ko habang nakapikit.
“Hindi ka pa inaantok? Patayin ko na ‘yong ilaw ha? May lampshade naman para kahit papaano may ilaw tayo.”
“Okay. Hindi pa ako inaantok e,” sagot ko.
“Gusto mo ba ng gatas para makatulog ka na?”
“Hindi na, ayos lang ako baka lalo akong hindi makatulog.”
“Ha? Bakit naman?”
“Hindi ko rin alam, kapag gatas ang iniinom ko hindi ako nakakatulog sa gabi pero kapag kape ang iniinom ko inaantok agad ako.”
“Luh? Baliktad ka adi,” natatawa niyang sabi. “Gusto mo ba ng kape?”
“‘Wag na, kanina ka pa kumikilos at alam kong pagod ka na rin. Matulog ka na, maaga pa tayo bukas.”
Tumabi na siya ng higa sa kama. Ako ang nasa right side at siya naman na sa left side.
“Sige, med’yo inaantok na nga rin ako baka maunahan pa kitang makatulog.”
“Ayos lang, sige na. Matulog ka na. Ay, nga pala, adi?”
“Ano ‘yon?” tanong niya habang nakapikit na ang mga mata.
Tumagilid ako ng higa at tumingin sa kaniya.
“Hindi ka ba natatakot mag-isa rito o nalulungkot?”
“Minsan nalulungkot pero ‘di ako naman natatakot. Mas natatakot ako sa mga taong nakapaligid sa akin kasi alam ko, mas kaya nila akong saktan dahil buhay sila.”
“Ahh . . . e, kailan ka babalik sa bahay niyo?”
“After ng second sem siguro, kailan nga pala ‘yong graduation niyo?”
“‘Di ko pa alam.”
“P’wede ba akong punta sa graduation mo?”
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa gulat. Dumilat siya at halatang inaantok na. Paniguradong nakita niya ang naging reaksyon ko dahil ngumiti siya sa akin kahit inaantok na.
“P’wede ba, adi?” ulit niyang tanong.
“Oo naman, magiging masaya ako kung nando’n ka sa graduation ko.”
“Sige, pupunta ako sa graduation mo, promise. Good night adi," at tuluyan na nga siyang kinain ng antok.
Napangiti ako habang pinagmamasdan ko siyang matulog. Kahit sa pagtulog, ang ganda niya pa rin.
“Good night, adi.”
Hinayaan ko na rin ang sarili ko na magpalamon sa antok.
KINABUKASAN nagising ako sa amoy ng aroma ng pagkain. Bigla akong nagutom dahil sa bango ng pakaing naaamoy ko. Lumabas na ako ng k’warto ni Carmein nang maabutan kong wala na siya sa kama at mukhang siya ang nagluluto ng mabagong pagkain. Hindi nga ako nagkamali dahil naabutan ko siyang nagluluto ng fried rice.
“Oh, gising ka na pala adi. Good morning!” Masaya niyang bati sa akin.
“Good morning din sa’yo adi.”
“Tara kain na tayo.”
“Mukhang masarap na naman ang luto mo adi, nagising ako sa sobrang bango ng aroma,” pagpupuri ko.
“Ayan ka na naman adi ah, baka masanay ako niyan, sige ka.”
“Baka ako ang masanay, hahanap-hapin ko ang masarap mong luto.”
“Asus! Bolera ka rin ah, sige na. Kumain na tayo.”
Sabay kaming kumain ni Carmein at nang matapos kami. Siya na ang pinauna kong maligo at ako na ang naghugas ng pinagkainan namin. Bigla ko tuloy na isip na para kaming magka-live-in. Napailing na lang ako sa mga pumapasok sa utak ko ng kung ano-ano.
Natapos na rin akong maghugas ng plato na muntikan ko pang mabasag at saktong kalalabas lang din ng banyo ni Carmein kaya naligo na rin ako. Saglit lang ako sa banyo para hindi ko na paghintayin ng matagal pa si Carmein. Hinatid ko muna siya sa University nila. Pinagtitinginan kami ng mga estudyante este, ako lang pala.
“Carmein!”
May biglang tumawag sa kaniya.
“Cynthia.”
“Ang aga natin ngayon ah?" panunukso nito.
“Ngayon lang, nakita mo si Alex?”
“Hindi bes, kakarating ko lang din. Oh! Sino itong kasama mo sis?”
“Ahh, Oo nga pala. Si Azalea nga pala, best friend ko. Adi, si Cynthia classmate at kaibigan ko.”
“Nice to meet you, Cynthia.”
“Likewise! Ang ganda mo naman Azalea, sa ibang University ka ba nag-aaral o transfer ka lang dito? Ngayon lang kasi kita nakita rito at ngayon ko lang din nalaman na may best friend na pala ngayon si Carmein?”
Hindi ko alam ang isasagot ko kaya tinulungan na ako ni Carmein na magpaliwanag.
“Oo bes, sa ibang eskwelahan nag-aaral si adi. Senior high school pa lang siya.”
“Ay hala? Akala ko college na rin siya.”
Ngumiti lang ako sa kaniya na parang nahihiya. Buti na lang hindi sinabi ni Carmein na dalawang beses akong bumalik sa Senior high school bagkus ibinahagi niya sa kaibigan niya ang talento ko sa pagguhit.
“Alam mo ba, ang galing mag-drawing ni adi! Sobra!” Proud niyang sabi sa kaibigan niya.
Parang may kung ano ang humaplos sa puso ko dahil sa totoong ngiti ni Carmein habang pinagmamalaki niya ako sa kaibigan niya.
“Talaga?! Wow naman, ang talented naman pala ng best friend ng kaibigan ko.”
“Salamat,” nahihiya kong sabi.
“Bes, si Alexis!” Turo ni Cynthia sa lalaking papalapit sa p’westo namin.
Nilapitan agad ng Alexis si Carmein at saka niya niyakap. Napaiwas ako ng tingin habang nagtitiim ng bagang.
“Good morning my love, I'm so sorry about yesterday. Please forgive me?” nakangiting sabi niya kay Carmein.
“It’s okay. Good morning din sa’yo. Ay nga pala Al! Si Azalea, best friend ko,” pagpapakilala sa akin ni Carmein sa Alexis.
“Kailan ka pa nagkaroon ng best friend my love?”
“Importante pa ba kung kailangan?”
“Sabagay, infairness love. Maganda ang best friend mo at mukhang sexy,” natatawang sambit niya.
Kinakalma ko ang sarili ko dahil kapag hindi ako nakapagpigil baka lumagapak na siya sa lupa.
“Ano ka ba naman Alexis!” Pinalo ni Carmein sa braso si Alexis pero tumawa lang ito habang ngumunguya ng bubble gum.
Pa-cool kid ang p*ta. Mukha namang kambeng. Tiningnan ko siya mula paa hanggang ulo at saka ko siya tinaasan ng kilay.
“Nagbibiro lang naman ako pero mukhang mataray ang best friend mo love. Nako! Kung ako sa’yo, lalayo na ako diyan, mukhang bad influence ang isang ‘to.”
“Alexis! Tama na nga ‘yan! Tara na, pumasok na tayo sa loob,” inis na sabi ni Carmein sa manliligaw niya.
Ngumiti sa akin si Carmein nang alanganin at parang humihingi ng sorry ang mga tingin niya.
“Sorry sa inasal sa’yo ni Alexis ah? Salamat sa paghatid, mag-iingat ka sa pagmamaneho, adi. Una na ko ha? Aral ng mabuti, kita na lang tayo ulit sa bahay anytime. Bye!”
Tumango lang ako sa kaniya. Hinintay ko muna siyang makapasok sa gate ng campus bago ko pinaharurot ang motor. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang yakapan nila kanina at ang namumuong selos sa dibdib ko. Huminga ako ng malalim at nag-isip ng magandang bagay na kasama si Carmein.
Nang makarating ako sa eskwelahan. Pumasok na ako sa classroom, tulad kahapon maaga ulit akong nakapasok sa school kaya ang iba kong kaklase na naunang pumasok sa akin ay napatingin sa gawi ko na para bang may mali akong nagawa. Napailing na lang ako ng palihim.
Gusto kong subukan na maging normal munang estudyante. Ang maging disente tulad ni Carmein, susubukan kong maging maayos. Para na rin sa akin at sa pagbibigay inspirasyon sa akin ni Carmein. Huminga ako ng malalim at sinikap kong makisabayan sa mga kaklase ko at sagutin ang mga tanong ng mga teacher namin.
Halatang nanibago silang lahat dahil sa pagiging active ko ngayon. Kahit ako ay nagulat din sa sarili ko, kaya ko pa lang makisabayan sa mga matatalino kong kaklase at kaya ko rin pa lang sagutin ang mga tanong ng guro sa klase.
“Very good Miss Montemayor! Kung araw-araw ka ba namang ganiyan, paniguradong araw-araw din akong good mood sa’yo,” papuri ng teacher namin sa Physics.
“Thank you po ma’am.”
“At nagiging magalang na! Ano ang nakain mo Miss Montemayor? Pero, good for you. Ipagpatuloy mo lang ‘yan, Matutuwa ang lahat sa’yo.”
Nakangiting sabi ng guro kaya napangiti na rin ako. Nagpalakpakan naman ang mga kaklase ko nang masagot ko ang problem number eight sa Physics.
Hindi kase nasagot nang tama ng matalino naming kaklase ang problem number eight kaya sa akin pinasagot ni ma'am at tama naman ang naging sagot ko.
“Very good again Miss Montemayor! Okay class, that’s all for today. Good day!”
“Good day ma’am!” sabay-sabay naming binanggit.