Chapter 2

NAGK’WENTUHAN pa kami ni Carmein at hindi namin namalayan ang oras. Gabi na pala at mukhang na abala ko pa siya ngayong araw. Tumingin ako sa oras at saktong alas syete na ng gabi.

“Pasensya ka na sa abala Carmein,” nahihiya kong sabi.

“Ano ka ba! Wala ‘yon, anytime p’wede kang pumunta rito. Kahit araw-araw pa,” masayang sambit niya.

“Talaga?” natutuwa kong tanong.

“Oo naman, walang problema sa akin. Kahit may ginagawa pa ‘ko, p’wede naman tayong makapag-usap dito sa bahay.”

“Bakit ang bait-bait mo sa akin?” seryoso kong tanong.

“Kasi mabait ka rin sa akin lalo na sa iba. So, bakit naman ako hindi p’wedeng maging mabait sa isang ‘tulad mo?”

Napangisi ako sa sinabi niya. Hindi ko maitago ang kilig na nararamdaman ko dahil lang sa mga sinabi niya.

“Bakit namumula ka Lea?” nag-aalala niyang tanong.

Nilapitan niya ako at sobrang lapit lang namin sa isa’t isa. Nag-umpisa na namang magwala ‘yong puso ko sa loob ng dibdib ko. Lalo na no’ng sinalat niya ang noo ko, halos milyong bultahe ang naramdaman ko nang dahil lang sa pag-aalala ni Carmein.

“Wala ka namang lagnat ah?” pagtataka niya.

Dumistansya agad ako sa kaniya dahil sa pinaghalong kaba at hiya. Palihim akong huminga ng malalim at ngumiti ng tipid sa kaniya.

“A-ahh, mukhang na abala na talaga kita Carmein, mauuna na ko. Salamat talaga sa’yo,” yumukod muna ako sa kaniya bago ako nagmamadaling umalis.

Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at baka himatayin na talaga ako. Ramdam ko pa rin ang pagbilis ng tibok ng puso ko at hindi ko alam kung paano ko ‘yon patitigilin.

Mabilis akong sumakay sa motor at pinatakbo ‘yon pauwi sa bahay. Malayo-layo rin pala ang inabot ko para lang makatakas sa kontrolado kong mundo.

Nang makauwi ako sa bahay, umakyat agad ako sa taas ng k’warto ko nang masigurong wala sila Mom at Dad. Napagdesisyonan kong maligo muna bago matulog. Hindi ko alam kung ilang minuto akong natagalan sa banyo dahil sa mga sugat ko. Ang sabi kase ni Carmein ay maligo raw muna ako pagkauwi ko sa bahay para malinis ng mabuti ang mga sugat ko kaya, sinunod ko naman ‘yong sinabi niya.

Matapos kong maligo, kinuha ko ang first aid kit sa cabinet. Humarap ako sa salamin dito sa loob ng banyo habang wala pa ring saplot ang katawan. Inumpisahan ko nang linisin ang mga sugat ko sa buong katawan. Napapadaing ako sa tuwing nahahapdian. Nahirapan lang talaga akong linisin ‘yong sugat ko sa may bandang likuran dahil hindi ko masyadong maabot.

Nakakpagtaka lang kung bakit no’ng si Carmein ang naglinis ng sugat ko kanina ay wala akong maramdamang hapdi sa paglinis niya sa mga sugat ko pero nang ako na ang naglinis ng mga sugat ko sa katawan, ramdam ko agad ang hapdi sa bawat lapat ng bulak sa mga sugat ko.

Tinitigan ko sa salamin ang sarili ko. Halatang pagod na pagod sa pakikipaglaban araw-araw dahil sa mga taong nakapaligid sa akin. Kung hindi lang dahil kay Carmein, paniguradong pinaglalamayan na ako ngayon. Laking pasasalamat ko talaga sa kaniya na niligtas niya ang buhay ko. Pina-realize niya sa akin kung gaano kahalaga ang buhay at mabuhay sa mundo.

Hindi man maayos ang mundo ko ngayon. Alam ko, darating din ang araw na maaayos ito dahil sa tulong ni Carmein.

Ang madilim kong mundo ay binigyang liwanag ni Carmein. Nagbilang alitaptap siya para bigyan ako ng kaunting liwanag at ipakita sa akin ang kagandahan ng buong paligid na hindi ko dati nakikita dahil sa madilim kong mundo. Binigyan niya ako ng pag-asa para bumangon at lumaban ulit.

Napangisi ako sa salamin bago ako tuluyang nagbihis at lumabas na ng banyo. Humiga ako sa kama at agad kong inisip, kung ano na ngayon ang ginagawa ni Carmein. Napangiti na naman ako nang maalala ang mga pinagsaluhan naming pag-uusap kanina. Parang ang tagal na naming magkakilala para maramdaman ko agad ang kagaanang pakiramdam para sa kaniya.

Bukas ay p’wede ulit akong pumunta at bumalik sa bahay niya. Ngayon na lang ulit ako nakaramdam ng tuwa, saya at kagalakan. Ngayon na lang ulit ako ngumiti ng ganito kasaya na magaan sa loob. Hindi ko alam kung ilang taon na ba ang lumipas simula no’ng huli akong ngumiti. Bukod tanging ngayon na lang ulit.

Sa pagpikit ko ng mga mata may huling ngiti ang sumilay sa mga labi ko hanggang sa tuluyan na akong lamunin ng antok.

KINABUKASAN maaga akong pumasok sa eskwelahan na ikinagulat ng mga kaklase ko. Sanay na kase sila na hindi ako pumapasok sa first subject lalo na kung Physics ang asignatura. Seryoso lang akong umupo sa pinakadulong upuan para mamaya maganda ang magiging tulog ko.

Papasok lang ako pero ‘di ko sinabing makikinig ako. Unang-una ay sobrang hirap ng Physics, pangalawa ay boring at pangatlo, ayoko sa teacher namin na napaka-suplada.

Nang makaupo ako sa dulo, inilagay ko ang bag ko sa desk para gawing unan. Kanina paggising ko, ‘di na ako kumain dahil wala akong balak na sabayan sila Mom at Dad sa pagkain at buti na lang hindi pa sila gising kanina nang umalis ako.

Natulog na ako sa classroom habang hinihintay ang first subject teacher namin. Sa kalagitnaan ng panaginip ko bigla akong nagising sa sigaw ng subject teacher namin.

"Miss Montemayor!"

Napatayo agad ako dahil sa gulat. Ang lahat ay nakatingin na sa akin, tahimik at walang kumikibo habang ang teacher namin sa Physics ay nanggagalaiti na sa galit.

“Yes po ma’am?”

“Tamang behavior ba ‘yan Miss Montemayor? Ang matulog sa klase ko? Aba! Wala ka sa bahay hija! Isuot mo nang maayos ‘yang uniform mo. Bakit nakasando ka lang habang ang uniform mo, nakasablay lang sa balikat mo? Lalaki ka ba Miss Montemayor, ha? Kababae mong tao ganiyan ka kung kumilos, umayos ka! Answer this question number four, now!”

Natapos na lang ang buong klase at ang lahat ng teacher ko sa bawat subject ay nagalit sa akin.

Napabuntong hininga na lang ako at bumili muna ng mineral water sa canteen. Tiningnan ko ang oras sa cell phone ko at mag-aalas sais na pala ng hapon. Siguradong nakauwi na si Carmein sa bahay niya, p’wede na siguro akong pumunta.

Sumakay agad ako sa ducati nang makarating ako sa parking lot ng University. Nag-helmet muna ako bago ko pinaharurot ang motor palabas ng eskwelahan.

Sa kalagitnaan ng pagmamaneho ko, lumusot ako sa masikip na eskinita kung saan mayroong short cut papunta sa bahay ni Carmein. Med’yo madilim na rin ang kalangitan pero makakaaninag ka pa rin sa paligid.

Sa hindi kalayuan ay may naaninag akong dalawang lalaki na may pini-p’wersang babae na kaagad kong nakilala. Halos lumuwa ang puso ka sa kaba at pag-aalala. Mabilis kong pinaharurot ang motor ko papunta sa kanila. Naagaw ko agad ang atensyon ng dalawang lalaki na may hawak kay Carmein.

Tanging ilaw lang ng ducati ang tumatanglaw para makita ko si Carmein na umiiyak at halatang takot na takot. Para akong sinaksak nang makita ko siya sa malapitan.

Umigting ang panga ko at naikuyom ko ang dalawa kong kamao dahil sa namumuong galit sa dalawang lalaking kaharap ko ngayon.

“Bitawan niyo siya!”

Nagtawanan lang ang dalawang lalaki na mukhang lasing pa dahil sa pustura ng galaw at pananalita.

“Aba p*ta p’re! Ang s’werte naman pala natin ngayon. Tayo na ang nilalapitan ng mga babae,” sabay silang tumawa na parang bang may nakakatawa sa sinabi ng isa.

Tiningnan ko ulit si Carmein. Umiiyak pa rin siya nang tahimik habang may pag-aalala rin sa hitsura niya. Nginitian ko lang siya ng tipid para iparating sa kaniya na magiging maayos din ang lahat.

“Carmein,” tawag ko sa atensyon niya.

“L-lea, umalis ka na . . . iwan mo na ako dito, baka pati ikaw mapahamak pa," umiiyak at nanginginig niyang sabi dahil na rin sa takot.

“‘Wag kang matakot. Hindi kita iiwan mag-isa rito na kasama ang dalawang manyakis na ‘to,” mariin kong sabi habang masama ang tingin na pinukol ko sa dalawang lalaki.

“P’re, manyakis daw tayo,” sabay ulit silang tumawa na parang baliw.

“Carmein, ipikit mo muna ang mga mata mo at bumilang ka ng sampu bago ka ulit dumilat. Ngayon na!”

Sinunod naman niya ang utos ko kaya wala akong sinayang na segundo para mapatumba ang dalawang manyakis sa harapan ko.

Malakas kong sinipa sa dibdib ang isang lalaki na mas malaki pa ang katawan kumpara sa akin. Natumba naman siya sa pagsipa ko kaya ang isa naman ang inatake ko ng suntok sa mukha. Siniguro kong asintado sa mata ang pagsuntok ko at saka ko siniko ang lalamunan niya kaya napainda siya sa sakit. Sa huling atake, sinuntok ko nang malakas ang mukha niya hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay.

Humarap ako sa isa pang lalaki na nakahiga pa rin hanggang ngayon sa sahig dahil sa iniindang sakit. Malakas kong inapakan ang dibdib niya at nang hindi pa rin ako na kontento malakas kong inapakan ang t’yan niya at sa huli kong atake, ini-luhod ko ang isang tuhod ko sa sahig at saka ko siya sinuntok nang malakas sa mukha, kaya tuluyan na siyang nawalan ng malay.

Sakto ang sampung segundo na ibinigay ko kay Carmein bago siya nagmulat ng mga mata. Nagtama ang paningin namin kaya agad ko siyang nilapitan. Niyakap niya ako ng mahigpit habang umiiyak dahil sa takot.

“S-salamat Lea, hindi ko alam ang gagawin kung iniwan mo akong mag-isa rito,” nanginginig niyang sabi habang umiiyak.

“Shh . . . tahan na, hindi naman kita iiwan tulad ng ginawa mong hindi pag-iwan sa akin. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa’yo. Hindi ko kakayanin,” bulong ko sa tainga niya.

Mas lalo niyang hinigpitan ang yakap niya sa akin at isiniksik ang mukha sa balikat ko.

“Alam kong hindi mo ako iiwan, kahit kahapon lang tayo nagkakilala. Sa mga nalaman ko tungkol sa’yo, sapat na ‘yon para pagkatiwalaan kita.”

Kumabog na naman nang mabilis ang puso ko. Hindi ko alam kung naramdaman niya ba iyon dahil nakayakap siya sa akin.

“Salamat sa pagligtas sa akin, Azalea.” Bulong niya rin sa tainga ko.

Hindi ko alam kung ano ang itutugon ko kaya niyakap ko na lang din siya pabalik. Wala na akong pakialam kung maramdaman pa niya ang pagbilis ng tibok ng puso ko.

Nang huminahon na siya sa pag-iyak. Inaya ko na siyang sumakay sa motor ko. Sinuot ko ang helmet sa kaniya bago ako sumakay sa ducati at umangkas naman siya sa likuran.

“Wala kang helmet, Lea.”

“Ayos lang, mas kailangan mo ‘yan. Humawak ka sa akin baka mahulog ka,” utos ko sa kaniya.

Ang akala ko ay kakapit lang siya sa balikat ko pero nagkamali ako dahil yumakap siya sa baywang ko. Pigil ko ang mapangiti bago ko pinaharurot ang ducati pauwi sa bahay niya.