Chapter 1

Azalea’s P. O. V

DINALA niya ako sa isang bahay na walang katao-tao. Pinalibot ko ang paningin ko sa loob ng bahay. Tanging alikabok at kaunting gamit lang ang nakikita ko.

Napukaw ang atensyon ko nang magsalita siya. Humarap siya sa akin na may ngiti sa mga labi kaya napatingin ako roon.

“Nga pala, ako si Carmein. Ikaw? Ano’ng pangalan mo?” tanong niya sa akin habang nakangiti.

“Azalea. Lea na lang ang itawag mo sa akin.”

“Okay, sandali lang ha? Kukunin ko lang ‘yong first aid kit.”

Tumango na lang ako sa kaniya bago siya umalis. Umupo muna ako. Nang makaupo ako, nagliparan agad ang mga alikabok galing sa sofa kaya napaubo ako. Tinakpan ko agad ang ilong at bibig ko gamit ang sariling kamay

“Hindi ba siya naglilinis ng bahay?” bulong ko sa sarili habang umiiling.

Nang makabalik si Carmein sa sala dala na niya ang first aid kit. Nilapag niya sa isang lamesa ang first aid kit at saka niya ‘yon binuksan. Kinuha niya ‘yong bulak at betadine bago siya lumapit sa akin at naupo rin sa sofa. Magkaharap na kami ngayon, isang gahibla na lang ng buhok ang layo sa pagitan naming dalawa kaya napalunok ako ng laway.

Kitang-kita sa malapitan ang makinis niyang mukha na bumagay sa mala-porselana niyang balat. ‘Yong mga mata niyang mapupungay na kulay tsokolate ay parang nakakahalina kapag tinitigan.

“P’wede ko na bang gamutin ‘yong mga sugat mo?” tanong niya habang nakatingin sa mga mata ko.

Marahan akong tumango bago siya kumilos at ginamot ang sugat ko. Tinitingnan ko lang ang bawat pagdampi niya sa mga sugat ko. Halos ‘di ko maramdaman ang pagdampi ng bulak sa sugat ko dahil sa gaan ng kamay niya.

“Masakit ba?” tanong niya sa akin habang hinihipan ang sugat ko.

“Hindi ko nga maramdaman ‘yong pagdampi ng bulak sa sugat ko e, dati ka bang doktor?” pagbibiro kong tanong.

Umiling siya habang mahinang tumawa. “Actually, student nurse ako.”

Hindi na rin ako nagulat sa sinabi niya dahil halata naman sa suot niya. Sa hitsura pa lang niya ay halatadong maalagang nurse na siya.

“Ikaw lang ang nakatira rito?” tanong ko naman.

“Oo, dito na ko nakatira simula nang mag-aral ako."

“Mas’yado ka bang busy para hindi mo malinis ang bahay na tinitirhan mo ngayon?” diretso kong tanong.

Natawa naman siya sa sinabi ko at napakamot sa kilay.

“Pasensya ka na kung maalikabok ang bahay. Busy lang talaga ako kaya ‘di ko na napagtutuunan ng pansin ang bahay.”

Napatango na lang ako sa sinabi niya. Nagamot na niya ang lahat ng sugat ko kaya naka-focus na kami sa pagtatanong sa isa't isa.

“Nasaan ang parents mo? Bakit ikaw lang ang mag-isa rito?”

“Busy sila sa business namin. Bali, kinuha ko itong bahay dahil malapit lang sa University-ng pinag-aaralan ko pero, umuuwi naman ako sa bahay namin kapag may time ako. Ang kaso, med’yo malayo kaya kung uwian ang gagawin ko ay baka araw-araw akong hassle sa pagpasok sa eskwelahan.”

Napatango naman ako sa paliwanag niya. May point siya, iba pa rin talaga kapag malapit lang ang tinitirhan mo sa eskwelahan.

“Ahh, wala ka bang kapatid?” tanong ko ulit.

“Wala e, ako lang ang nag-iisang anak nila Mama’t Papa. Ikaw ba? Ano’ng course mo?”

Napakamot ako sa batok dahil bigla ako nakaramdam ng nahiya sa tanong niya.

“Ahh, ano kase . . . bumalik ulit ako ng Senior high school. Pangalawang balik ko na ito at kung hindi pa ako ga-graduate ngayong school year. Babalik na naman ulit ako,” nahihiya kong paliwanag.

“Ay gano’n? Bakit ka naman pabalik-balik?” takang tanong niya.

“Napapabayaan ko na ‘yong pag-aaral ko dahil na rin sa mga problema.”

“Kung ayos lang sa’yo, p’wede mo naman sa akin sabihin ‘yang mga problema mo. Promise! Hindi kita huhusgahan. Makikinig ako, pakikinggan ko ang hinaing mo at bibigyan ka ng advice sa abot ng aking makakaya,” sabi niya habang nakataas ang kanang kamay na parang nanunumpa.

Bumuntonghininga muna ako bago ko sinabi sa kaniya ang mga nangyari sa akin ngayong araw.

“Napasabak na naman ako sa gulo kaya na guidance ako.”

“Ikaw lang?” bigla niyang singit.

“Oo, pinauwi agad ‘yong mga napuruhan ko.”

“H-ha? Ilan ba sila?”

“Marami.”

“Marami?!”

“Oo.”

“Paanong nangyaring napatumba mo silang lahat tapos ikaw lang ang mag-isa?”

Nagkibit lang ako ng balikat.

“Nasanay na rin siguro ako, araw-araw ba naman akong may kasuntukan.”

“E, bakit ka naman laging napapasama sa gulo?” mausisa niyang tanong.

“Akala kasi nila gusto ko lang lagi ng away o gulo. Ang hindi nila alam, pinagta-tanggol ko lang ‘yong mga na bu-bully sa school.”

“Kung gano’n, e ‘di pinasasalamatan ka ng mga pinagta-tanggol mo? Kase ‘di ba, sino ba naman ang hindi magpapasalamat kung pinagtanggol ka sa mga bully.”

“Nagkakamali ka, kahit isa ay wala pa akong natanggap na pasalamat mula sa mga estudyanteng pinagtanggol ko,” malungkot kong sambit pero tipid akong ngumiti.

”Ano?! Bakit naman gano’n sila? Dapat nagpasalamat sila sa’yo kasi utang na loob nila sa’yo ‘yon! Grabe naman ang mga estudyanteng ‘yon. E, bakit patuloy mo pa rin silang pinagta-tanggol kung hindi naman pala sila marunong magsabi ng salamat?” iritable niyang tanong.

Natawa ako ng mahina sa naging reaksyon niya. Ang cute pala niyang mainis kaya parang ang sarap pisilin ng pisngi niya. Napailing na lang ako sa naisip.

“Kagustuhan ko namang magtanggol, hindi ko naman hinihingi sa kanila ang pasasalamat. Ayos na ako na makita silang ligtas at maayos. Hindi kaya ng konsensya ko kung makikita ko silang nasasaktan habang ako ay nakatayo lang sa isang tabi at wala man lang ginagawa para mailigtas sila kahit na alam ko sa sarili ko na kaya ko silang tulungan,” paliwanag ko.

“Pero ikaw naman ‘yong napupuruhan, nasasaktan at napapahamak,” dagdag niya.

“Sanay na ako Carmein.”

Sa unang pagkakataon, binanggit ko ang pangalan niya na parang ang sarap banggitin palagi. Halatang natigilan siya sa pagtawag ko sa pangalan niya.

“Ayaw mo bang tawagin kita sa pangalan mo?” pag-aalinlangan ko.

“Ha? Hindi! Nakakapanibago lang, parang kakaiba sa pandinig ko nang banggitin mo ang pangalan ko,” paliwanag niya.

“Gano’n ba?” tumikhim ako.

“Oo, ahm . . . so, may kaibigan ka ba?” pagbubukas niya ng panibagong topic.

“Wala e, halatang ayaw nilang makipagkaibigan sa akin. Dahil siguro sa takot.”

“Hindi ka naman nakakatakot ah? Kung ayaw nilang makipagkaibigan sa’yo, e ‘di ako na lang! Ayaw nilang may kaibigan silang astig?”

Natigilan naman ako sa sinabi niya. Halatang nagulat ako sa sinabi niya. Sa unang pagkakataon mararanasan ko nang magkaroon ng kaibigan.

“Kung ayos lang sa’yo?” habol niyang sabi.

Ilang segundo akong natigilan bago na proseso sa isip ko ang salitang binitawan niya.

“Oo naman!” Masaya kong sabi habang may ngiti sa mga labi.

“Simula ngayon, p’wede mo na sa akin sabihin ang lahat ng problema mo at nandito lang ako palagi para sa’yo.”

“Salamat.”

“Wala ‘yon, basta puntahan mo lang ako rito kapag kailangan mo ng kausap o ng tulong. Tutulungan kita.”

“Sige. Ahm, Carmein?”

“Yes? Ano ‘yon?”

“May favor sana ako.”

“Ano ‘yon?” tanong niya.

“P’wede bang sa ating dalawa lang--”

“Ano ka ba! S’yempre naman ‘no! Hindi ko naman p’wedeng sabihin o i-k’wento sa iba ‘yong mga personal mong problema, depende na lang kung pumayag ka. You can trust me, Lea. Then I will trust you too.”

“Salamat talaga sa’yo Carmein, ang dami ko ng utang sa’yo.”

“Ano ka ba! Hindi naman kita sinisingil ‘no! ‘Di ba nga, ikaw na rin ang nagsabi na kagustuhan mo ang tumulong sa kapwa at hindi mo na kailangan piliting hingiin ang pasasalamat ng isang tao kung labag naman sa kalooban nito. So, ako na lang ang magbabalik ng pasasalamat nila sa’yo dahil sa kabutihang ginagawa mo para sa kapwa. Deserved mong tratuhin ng maayos at mahalin, Lea.”