Chapter 3

SA kalagitnaan ng pagmamaneho ko biglang bumuhos ang malakas na ulan at parehas agad kaming nabasa ng ulan. Lalong humigpit ang yakap ni Carmein sa baywang ko kaya mas lalo akong napangiti. Hanggang sa makauwi na kami sa bahay niya. Agad kaming pumasok sa loob, binigyan niya agad ako ng tuwalya at pamalit na damit.

“Ikaw muna magpalit ng damit, nando’n ‘yong banyo,” turo niya sa direks’yon.

Tumango lang ako sa kaniya habang abala na kami sa pagpunas ng sarili. Napatingin ako kay Carmein habang nagpupunas siya ng buhok. Hindi ko alam kung bakit parang ang sarap niyang panoorin habang nagpupunas ng buhok. Naramdaman niya sigurong nakatingin ako sa kaniya kaya agad akong nag-iwas ng tingin at napalunok ng sariling laway.

“A-ahm, magpapalit na ko para makapagpalit ka na rin ng damit, baka magkasakit ka pa.”

Hindi ko na hinintay pa ang sasabihin niya. Mabilis akong naglakad papasok sa tinuro niyang direks’yon papuntang banyo. Nang makapasok ako sa loob ng banyo ay agad kong hinawakan ang dibdib ko para pakalmahin.

“Ano bang nangyayari sa’yo Azalea Montemayor,” pagkausap ko sa sarili habang nakatingin sa salamin.

Tinampal-tampal ko ang pisngi ko para pakalmahin ang sarili. Nang maging maayos na ang pakiramdam ko, mabilis agad akong naligo at nagbihis. Lumabas na ako sa banyo at pinuntahan sa sala si Carmein.

“Magpalit ka na,” pukaw ko sa atensyon niya.

Tumango siya sa akin at ngumiti bago naglakad papuntang banyo. Bakit parang may gumagalaw sa t’yan ko kapag ngumingiti siya sa akin. Napailing na lang ako sa sarili bago ako umupo sa single sofa. Sa pagkakataong ito hindi na maalikabok ang inuupuan ko. Tumingin ako sa buong paligid at wala na ring kalat at alikabok. Napangiti naman ako ng palihim.

Wala pang tatlong minuto lumabas na si Carmein sa banyo at naupo sa sofa sa tabi ko.

“Kumain ka na ba?” tanong niya sa akin kaya umiling naman ako sa kaniya.

“Hindi pa,” sagot ko.

“Dito ka na kumain ah? Magluluto na ako ng makakain.”

Tumango na lang ako sa kaniya at sinundan siya patungo sa kusina.

“P’wede ba kitang tulungan?” paghingi ko ng pahintulot.

“Oo naman,” nakangiti niyang sabi.

Nagsuot na kami ng apron at buti na lang tatlo ang apron ni Carmein dito sa kusina. Nakatayo na kami rito sa preparation area at naghahanda na ng mga ingredients para sa lulutuin.

“Ano ang paborito mong ulam Lea?” tanong niya sa akin habang abala sa pagpre-prepare.

“Ahmm . . . Chicken curry.”

“Ay talaga?! Parehas lang pala tayo e, sakto chicken curry ang lulutuin natin.”

Ngumiti na lang ako sa kaniya. Nag-umpisa nang magpakulo si Carmein ng manok.

“Ano’ng p’wede kong maitulong?” pagpresinta ko kahit alam ko sa sarili ko na wala akong alam sa pagluluto pero gusto ko pa ring tulungan si Carmein na magluto.

“Pakihiwa na lang ‘yong garlic at onion.”

Napalunok ako dahil hindi ko alam kung ano’ng panghiwa ba ang gagamitin ko. Gusto kong magtanong sa kaniya pero nahihiya ako. Abala siya sa pagbalat ng carrot. Huminga ako ng malalim at kinuha ko ang malaking kutsilyo.

Hinawakan ko ng dalawang kamay ang malaking kutsilyo at bum’welo pa ako para hiwain ang bawang na ni-p’westo ko. Hiniwa ko sa gitna ang garlic kaya napatingin sa gawi ko si Carmein. Bigla siyang nag-alala sa ginawa ko. Inagaw niya sa akin ang malaking kutsilyo.

“Bakit chopper ang ginamit mo? At saka, hindi gano’n ang tamang paghiwa Azalea. P’wede kang masugatan sa ginawa mo tapos ‘di ka pa gumamit ng chopping board,” mariin niyang sabi.

Napalunok naman ako ng laway. Bigla akong nahiya sa ginawa ko at para na rin sa sarili ko. Mas lalo ko lang pinatatagal ang oras ng pagluluto niya.

“Ahm, ano kase . . . h-hindi talaga ako marunong magluto at wala akong alam sa mga gamit dito sa kusina,” nahihiya kong paliwanag at napakamot sa kilay.

“Dapat sinabi mo kaagad sa akin para naturuan kita. Paano na lang kung nasugatan ka kanina? E ‘di, mag-aalala na naman ako sa’yo niyan."

Napatingin ako sa kaniya at saktong nakatingin din siya sa akin at halatang nag-aalala. Tumibok na naman ng mabilis ‘yong puso ko at alam kong hindi na normal ang nararamdaman kong ito.

“B-bakit ka naman mag-aalala sa akin?” kinakabahan kong tanong.

“Tinatanong pa ba ‘yan Lea? S’yempre kaibigan kita.”

Para akong sinampal ng katotohanan sa sinabi niyang ‘yon. Tama nga naman siya, kaibigan nga naman niya ako. Kaibigan lang ang turing niya sa akin. Ano ba ang ine-expect ko mula sa kaniya? At bakit parang na dismaya ako sa salitang kaibigan na kung tutuusin ay dapat akong matuwa dahil ngayon ko lang naranasan magkaroon ng kaibigan. Ngumiti ako ng tipid sa kaniya at nagsimula na ulit siyang magluto.

Pinaupo na lang ako ni Carmein at siya na lang ang kumilos sa pagluluto. Pinanood ko na lang siya kung paano maghiwa ng mga ingredients at gano’n lang pala ka-simpleng maghiwa hindi ko pa nagawa ng tama. Habang pinapanood ko siya kung paano magluto. Hindi ko alam kung ilang minuto na akong nakatingin sa kaniya. Seryoso lang ang mukha niya habang nagluluto ng ulam.

Sobrang amo at ang ganda ng mukha niya. Tahimik ang paligid kaya ako na ang bumasag ng katahimikan.

“Carmein.”

Tumingin siya sa akin. “Hmm?”

“Magtatanong lang sana ako.”

“Ano ‘yon?”

“May boyfriend ka na ba?”

Natawa siya sa tanong ko habang ako ay seryoso lang na nakatingin sa kaniya.

“Wala pa.”

“Wala pa?”

“Oo.”

“Ano’ng ibig mong sabihin sa wala pa? May nagugustuhan ka na ba o may nanliligaw na sa’yo?” kinakabahan kong tanong.

“Both,” nakangiti niyang tugon.

Para akong sinaksak ng maraming beses sa sagot niyang ‘yon. Isang salita lang ‘yon pero bigla akong nagising sa katotohanan. Hindi ko alam kung bakit parang tinutusok ‘yong puso ko ng karayum. Sobrang sakit talagang malaman ng katotohanan at hindi ko rin maintindihan sa sarili ko kung bakit ang bilis kong na attached kay Carmein.

Rinig na rinig ko ang pagbuhos ng ulan sa labas ng bahay na parang dinadamayan ako sa nararamdaman kong ito. Kahapon ko lang nakilala si Carmein pero parang gusto ko na agad siyang makuha.

Kailan nga ba ako huling umiyak? Bakit parang nag-iinit na ang mga mata ko at parang may lalabas na luha?

Nang hindi na nakatingin sa akin si Carmein mabilis at pasimple kong pinunasan ang mga mata ko. Alam kong masyado akong mabilis para sa nararamdaman kong ito o sadyang nadala lang ako ng emosyon kaya parang iba ang nararamdaman ko para kay Carmein.

Huminga ako ng malalim bago ako ngumiti sa kaniya nang tumingin ulit siya sa akin para ipatikim ang niluto niyang chicken curry. Tinikman ko naman ‘yon at natuwa naman ako dahil masarap ang luto niya kumpara sa luto ng kusinera sa bahay.

“Mas masarap ka pang magluto kay manang.”

“Talaga? Compliment ba ‘yan para sa akin?” natatawang tanong niya.

“Seryoso nga, mas masarap ka pang magluto sa chef ng restaurant.”

“Ay wow grabe naman pala, pang-international na ba ang talent kong ito?” pagbibiro niya.

“Oo naman, kung sasali ka sa cooking show tapos ako ang magiging judge, ikaw na agad ang champion.”

Natawa naman siya sa sinabi ko kaya napangiti ako dahil ngayon ko lang siya nakitang tumawa ng malakas. Lalo tuloy siyang gumanda.

“Ikaw talaga Lea! ‘Di mo sa akin sinabi na pala-biro ka rin pala,” natatawa niyang sabi.

“Hindi ako nagbibiro, seryoso ako.”

“Okay sige, sabi mo e, tara na nga. Kumain na tayo at luto na ang ulam.”

Naghain na ng pagkain si Carmein at sabay kaming kumain habang nagku-k’wentuhan.

“Bakit hindi ka man lang hinatid pauwi ng manliligaw mo? Muntik ka pa tuloy mapahamak kanina.”

“Nagkatampuhan kase kami kanina ni Alexis kaya hindi niya ako nahatid pero buti na lang talaga dumating ka at niligtas mo ako. Salamat talaga sa’yo, Lea.”

“Wala ‘yon. Nga pala, saan ka nga ulit nag-aaral?” tanong ko.

“Sa Harvest University.”

“Ahh okay, d’yan na rin ako mag-aaral kapag naka-graduate ako ng senior high school.”

“Talaga?!”

“Oo, para kahit papaano mas malapit na ako sa’yo, kapag may nanggugulo sa’yo o nangbabastos sa’yo maipagta-tanggol agad kita.”

“Wow naman kina-career mo na talaga ang pagiging best friend mo ah? ‘Di lang bestfriend kundi knight in shining armor ko. Naks naman Azalea!” Natutuwa niyang sabi.

“S’yempre, mula ngayon. Ako na ang taga-pagtanggol mo, ayos ba?”

“Ayos na ayos! Nga pala, ano’ng balak mong kuning course sa college?”

“Fine arts.”

“Wow! E ‘di magaling ka pa lang mag-drawing niyan?” excited niyang tanong bago siya sumubo ng kanin.

“Hindi, pero marunong akong mag-drawing.”

“May mga sample ka ba diyan? Patingin naman ako.”

“Oo, mayroon ako rito sa cell phone.”

Pinakita ko sa kaniya ‘yong mga drawing ko sa gallery. Tiningnan niya ‘yon isa-isa at halatang namamangha siya sa mga drawing ko.

Hala, ang galing! Ang ganda lahat! Akala ko ba hindi ka magaling? Ang galing mo pa lang mag-drawing e, pa-humble ka pa d’yan.”

“Hindi naman masyado, sakto lang.”

“Asus! Pa-humble nga si Azalea.”

Natawa na lang ako at pinagpatuloy na namin ang pagkain. Hanggang sa matapos kaming kumain.

“Interesado ka pala sa mga drawing at painting?”

“Oo, simula pa no’ng bata pa ako.”

“May kilala rin akong interesado sa mga arts-arts na ‘yan pero hindi ko na siya nakikita ngayon e, hindi ko na nga rin alam kung nasaan na siya ngayon. Ultimo ‘yong pangalan niya nakalimutan ko na dahil sa tagal na ng panahon no’ng makilala ko siya.”

“Kababata mo?” tanong ko.

“Oo pero hindi ko rin naman siya lubos na kilala noon e. Nga pala, si Alexis din fine arts ang kinuha niyang course. Magaling siyang mag-drawing, alam mo ba. Na drawing niya ako. Regalo niya sa akin no’ng birthday ko," tinuro niya ‘yong frame na nakasabit sa pader.

“Ahh.”

“Pero, kung tutuusin parang mas maganda ang mga drawing mo kumpara kay Alexis.”

“Talaga?” bigla akong natuwa sa sinabi niya.

“Oo, kase sa totoo lang. Si Alexis kase parang hindi niya sinasa-puso ang mga drawing niya. Ang lagi niya kasing goal ay matapos niya agad ‘yong drawing. Nakalimutan na niyang isama ang pagmamahal sa ginagawa niya kaya minsan lagi siyang umuulit o ‘di kaya pumapangit ang mga gawa niya, pero ikaw? Nakita ko sa mga drawing mo, alam kong binibigyan mo ng meaning at pagmamahal ang bawat pagguhit kaya sobrang ganda at asintado ng drawing mo. Parehas kayo ng interest ni Alexis at parehas kayong mahusay mag-drawing pero ang pinagkaiba niyo nga lang ay magkaiba kayo sa paraan ng pagguhit paguguhit," paliwanag niya.

Halos lumabas na naman ang puso ko sa bilis ng tibok. Para akong kakapusin ng hininga dahil lang sa papuri ni Carmein. Pasimple akong huminga ng malalim.

“Salamat,” nakangiti kong sabi.

“Totoo lang naman ang sinasabi ko adi.”

“Adi?”

“Oo, endearment ko na sa’yo ngayon tutal, best friend na kita. Adi means blessing from the Lord. Blessing ka para sa akin Lea. Nang dumating ka, nagkaroon ako ng kakampi na alam kong magiging totoo sa akin.”

Parang may kung ano’ng humaplos sa puso ko nang sabihin niya ‘yon.

“Parehas lang tayo Carmein. Ang s’werte ko kase nakilala kita, kung hindi dahil sa'yo. Siguradong wala na ako ngayon sa mundong ‘to.”

“Ang bait sa atin ni Lord. Binigay ka niya sa akin. Samantalang, binigay niya ako sa’yo.”

“Masaya ako dahil doon. Binigyan niya ako ng pagkakataon na mabuhay at ginawa ka niyang instrumento para bigyan niya ako ng pag-asa.”

Tumingin ako sa mga mata niya at gano’n din siya. Pinunasan niya agad ang tumulong luha sa mata niya kaya bigla akong nag-alala.

“Bakit ka umiiyak?”

“Hindi ko rin alam. Siguro, masaya lang ako, masaya akong nakilala kita.” Natatawa niyang sagot.

“Gano’n din ako, adi.”