Chapter 15

HALOS mangunot ang noo ko sa pagtataka. Hindi ko pa rin maunawaan kung ano ba talaga ang pinagtatalunan nila pero isa lang ang alam ko. Alam nilang dalawa ang buong katotohanan sa mga katanungan namin ni Carmein.

“Si Cristine ang may kasalanan ng lahat. Siya ang dahilan kung bakit kayo naghiwalay ni Carlos. Biktima rin ako sa mga kasinungalingan, biktima rin ako ng pag-ibig. Gusto kita noon kaya nagpagamit ako sa’yo. Sinalba kita Zion pero hindi mo binalik sa akin ang pagmamahal na binigay ko sa’yo dahil alam ko sa sarili ko na kahit kailan hindi mo kayang palitan si Carlos d’yan sa puso mo!”

Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko. Kung hindi ako nagkakamali, ang Papa ni Carmein ang tinutukoy niya.

“Ang sakit mong mahalin Zion, sobrang sakit magmahal ng taong may mahal pang iba. Mahal na mahal ni Cristine si Carlos no’ng panahong ‘yon kaya nabulag siya ng pagmamahal. Ginawa niya ang lahat para magkahiwalay kayo ni Carlos. Gumawa siya ng bagay na ikakagalit mo habang buhay! Dapat noon ko pa ‘to sinabi sa’yo para hindi na rin ako nagdusa sa pagmamahal ko sa’yo pero gano’n talaga e, handa akong sumugal sa letseng pagmamahal na ‘to! Hindi ko na kaya Zion, ayoko na!”

“A-alam mo ang lahat pero hinayaan mo lang? Hinayaan mo!”

Kitang-kita ko ang pagtulo ng luha ni Dad at ang panginginig niya dahil sa galit.

“I’m sorry Zion pero si Cristine talaga ang may pakana kung bakit siya nabuntis ni Carlos. Nilagyan niya ng kung ano ang iniinom noon ni Carlos para may mangyari sa kanila. Walang kasalanan si Carlos.”

“B-bakit mo alam?!”

“D-dahil bestfriend ko noon si Cristine at gusto na kita noon pa man at gano’n din siya kay Carlos. K-kaya nakikiusap ako sa’yo Zion. Itigil mo na ang lahat ng ‘to, sabihin na natin ang totoo sa kanila. M-maawa ka sa anak natin. Maawa ka kay Carmein, may taning na ang buhay ng anak natin, Zion!”

Halos tumaas ang balahibo ko sa mga naririnig ko. Nag-uunahan sa pagtulo ang mga luha ka. Hindi mag-sink in sa isip ko ang mga naririnig ko ngayon.

“Ano’ng sabi mo?”

“May brain cancer si Carmein! Mamamatay na ang anak natin Zion, parang-awa mo na. Tumigil ka na, ayoko na! Gusto ko ng makasama ang tunay kong anak. Gusto ko na siyang mayakap at makasama kahit sa kaunting panahon. Alam kong marami tayong pagkakamali at pagkakasala noon, hanggang ngayon. Pero p’wede pa tayong magbago. P’wede pa tayong magpatawad.”

“H-hindi . . .”

“Sabihin na natin kay Azalea na hindi natin siya tunay na anak. Sabihin na natin kina Carlos na anak natin si Carmein at ang tunay nilang anak ay si Azalea. Sabihin na natin sa kanila ang totoo para sa kapakanan ng anak nating si Carmein. Ayokong mamatay siyang hindi niya nalalaman ang buong katotohanan.”

“Alam kong mapapatawad ka ni Carlos sa pagpapalit mo sa anak natin noon sa hospital. Alam kong mapapatawad ka nila sa ginawa mo, ginawa mo lang naman ‘yon dahil sobra kang nasaktan at nagpakain sa galit. P’wede pa tayong magbago Zion. Pagod na akong magsinungaling, pagod na akong masaktan, pagod na pagod na ako Zion.”

“Hindi ako mapapatawad ng anak natin, hindi ako mapapatawad ni Carlos at mas lalong hindi ako mapapatawad ni Azalea! Sa kaniya ko binuntong ang lahat ng galit ko sa ama niya. H-hindi niya ako mapapatawad.”

Paulit-ulit akong sinampal ng katotohanan at paulit-ulit akong sinaksak sa puso sa mga nalalaman ko. Napahikbi ako ng malakas kaya mariin kong tinakpan ang bibig ko gamit ang dalawang palad. Nanlambot ang mga hita ko kaya tuluyan akong napaluhod sa sahig. Bumukas nang tuluyan ang pintuan kaya napatingin silang dalawa sa akin. Kitang-kita ang pagbalatay ng pag-aalala at pangamba sa mga mukha nila nang makita nila ako.

Ngayon ko lang nakita sa mga mukha nila ang pag-aalala kaya mas lalo akong umiyak. Malakas akong umiyak na parang bata dahil sa mga narinig ko. Para akong dinudurog. Sobrang sakit malaman ang buong katotohanan pero aminin ko man o sa hindi, para akong natanggalan ng tinik sa lalamunan pero tumusok naman ‘yon sa puso ko.

Parang sasabog ang isip ko. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nalaman ko. Agad akong nilapitan ni Mom pero nagpumiglas ako.

“I’m sorry anak,” paulit-ulit na humihingi ng tawad si Mom habang parehas kaming nakaluhod sa sahig.

Parehas kaming umiiyak at sinusubukan niya akong hawakan o yakapin pero tinutulak ko siya.

“A-ano’ng kasalanan ko para ganituhin niyo ako? Ang dami kong pinagdaanan sa mga kamay niyo. S-sobrang sakit ng puso ko! Bakit niyo ako sinasaktan ng ganito?! Bakit?! Bakit?!” Sinusuntok ko ang dibdib ko kung nasaan ang puso ko pero pinipigilan ako ni Mom.

“Patawarin mo kami anak. Patawarin mo kami.”

Lumapit sa akin si Dad at gaya ni Mom ay lumuhod siya. Pare-pareho na kaming nakaluhod ngayon.

“P-patawarin mo ako Azalea. Nagawa ko lang naman ‘yon dahil sobra akong nagmahal at nasaktan. Kaya nabulag ako at nagpakain sa galit. Kung hindi mo man ako mapapatawad ngayon, maghihintay pa rin ako. H-handa ko nang harapin ang buong katotohanan at ang mga consequences. Hindi na ako maduduwag sa mga nagawa kong kasalanan. Sorry anak, patawarin mo ang Daddy.”

Halos madurog ang puso ko dahil kitang-kita ko kung paano tumulo ang mga luha ni Dad na ngayon ko lang nakita. Pare-pareho lang kaming nakulong sa mga kasinungalingan. Lahat kami ay biktima. Hindi ko magawang magalit sa kanila o sumbatan dahil alam ko sa sarili ko na nagmahal lang naman sila pero nagpabulag sila sa maling desisyon at gawa.

Lumapit sa akin si Dad at niyakap niya ako ng mahigpit. Umiyak ako ng malakas dahil sa unang pagkakataon, niyakap niya ako bilang isang anak. Pinaramdam niya sa akin na may pakialam siya sa nararamdaman ko ngayon. Pinaramdam niya sa akin ngayon kung gaano kahalaga ang magpatawad ng tao.

“A-ang sakit-sakit Dad . . .”

“I know anak. I’m s-sorry, sorry. Sorry, please forgive me.”

Carmein’s P. O. V

“Are you okay anak?” tanong ni Mama.

“Y-yes ‘Ma,” nanghihina kong sabi.

Pauwi na kami ngayon sa Pilipinas. Habang tumatagal ay pahina na ako ng pahina. Nakiusap ako kay Mama at Papa na bumalik na lang kami sa Pilipinas at kung sakali man na mawala na ako ay gusto ko sa Pilipinas ilibing para mas malapit pa rin ako kay Azalea.

Sobra ko na siyang na mi-miss. Kahit gustuhin ko man na magpaalam sa kaniya no’ng araw na ‘yon hindi ko kayang gawin lalo na no’ng nasa States ako para magpa-opera at magpa-chemo. Hindi ko kayang sabihin sa kaniya na mamamatay na ako. Hindi ko kayang sabihin sa kaniya na iiwan ko na siya. Dahil nangako kami sa isa’t isa na walang iwanan pero hindi ako tumupad sa pangako ko.

Pinunasan ko ang luhang tumulo sa mga mata ko. Nandito na kami ni Mama sa eruplano para umuwi sa Pilipinas. Wala na rin kaming magagawa kung ito na talaga ang nakatadhana sa buhay ko. Kaya hangga’t nabubuhay pa ako, gusto kong makabalik sa Pilipinas.

“Anak?” tawag sa akin ni Mama habang hawak-hawak ang isang kamay ko.

Hindi namin kasama si Papa dahil na una na siyang umuwi sa Pilipinas para asikasuhin ang mga dapat niyang asikasuhin bago ako umuwi sa Pilipinas.

“Gusto mo bang k’wentuhan kita?”

Tumango naman ako sa kaniya. Ngumiti siya sa akin ng tipid.

“Alam mo ba, gustong-gusto ko ang Papa mo noon?”

“Paano po kayo nagkakilala ni Papa?”

“Kaklase ko siya no’ng highschool at sobrang talino at g’wapo ng Papa mo kaya nagustuhan ko siya.”

“Niligawan ka ni Papa?”

Ilang segundong natahimik si Mama bago siya huminga ng malalim.

“Hindi ako gusto ng Papa mo noon. Siguro hanggang ngayon . . . hindi niya pa rin ako kayang mahalin.”

Kumunot ang noo ko.

“Po?”

“No’ng panahon kasi noon. May karelasyon pa ang Papa mo, at sa sobrang pagkagusto ko sa kaniya . . . nakagawa ako ng hindi maganda,” huminga ng malalim si Mama habang nilalaro niya ang daliri ko. Hindi siya makatingin sa akin ng diretso.

“Gumawa ako ng paraan para paghiwalayin sila ng Papa mo. Ang sama ko ‘no, anak?”

Hindi ako kumibo pero nakinig lang ako sa k’wento niya.

“Sa sobrang pagkahumaling ko sa Papa mo. Gumawa ako ng paraan para mapunta siya sa akin. Nilagyan ko ng gamot ang iniinom niyang alak noon para lang may mangyari sa amin . . . at no’ng mabuntis niya ako. Nagtagumpay ang plano ko. Pinagkasundo kami ng parents namin na magpakasal. Sobrang saya ko no’ng araw na ‘yon pero, sa pagdaan ng mga araw. Unti-unti akong nadudurog. Unti-unti akong natauhan sa nagawa ko. Kasalanan ko naman kung bakit ako nagdusa.”

“Akala ko, kapag napunta na sa akin ang Papa mo. Magiging masaya na ako pero mas lalo lang akong nasasaktan. Araw-araw actually. Hindi ako natutuhang mahalin ng Papa mo. Kasi akala ko p’wede pa niya akong magustuhan o mahalin kapag naghiwalay na sila. Akala ko, p’wede ko pang baguhin ‘yong nararamdaman niya para sa taong mahal niya.”

Narinig ko ang paghikbi ni Mama. Gusto ko siyang paratangan pero hindi ko magawa. Gusto kong mainis at magalit sa ginawa niya pero naaawa ako sa kaniya.

“Kasalanan ko kung bakit naging miserable ang buhay ng Papa mo. Kung bakit lagi siyang malungkot at hindi na niya magawang sumaya. Dahil sa pagmamahal ko sa Papa mo, nagawa kong maging selfish. Sarili ko lang ang inintindi ko no’ng panahong ‘yon. Nagalit sa akin ang Papa mo pero kinalaunan napilitan na siyang pumayag na pakasalan ako.”

Tumingin sa akin si Mama habang pumapatak ang mga luha.

“Nagawa kong saktan ang Papa mo pati na rin ang taong pinaka mamahal niya. Hindi ko alam kung napatawad na ba ako ng Papa mo pero ang taong minahal ng Papa mo, galit na galit. Hindi sa akin, kundi sa Papa mo. Hindi na nagawang ayusin ng Papa mo ang gusot sa pagitan nila. Ang akala niya siguro ay niloko siya ng Papa mo pero ang hindi niya alam . . . ako talaga ang dahilan.”

“Dapat sa akin siya nagalit at hindi sa Papa mo dahil ako naman talaga ang puno’t dulo ng lahat. Sorry anak kung ngayon ko lang nasabi ‘to sa’yo kahit pa kinukulit mo ako sa States na sabihin sa’yo ang lahat. Hindi ko kasi kaya kung paano ko haharapin ang lahat. Hindi ko rin alam kung paano uumpisahan. Sorry kung masama ang Mama mo. Sorry dahil ako ang naging Mama mo, kung p’wede nga lang sana, sana hindi na lang ako ang naging Mama mo dahil masama akong tao.”

“Shh . . . don’t say that ‘Ma, alam ko pong hindi kayo perpekto ni Papa pero mahal na mahal ko po kayo. Kung may nagawa man po kayong pagkakamali, dahil tao po kayo. Lahat po tayo nagkakamali. Ang importante ay natuto tayo sa pagkakamali natin.”

“Sorry anak.”

“Sino po ang dating karelasyon ni Papa?”

“S-si Zion Montemayor, ang Daddy ni Azalea Montemayor.”

Nanlaki ang mga mata ko sa gulat at biglang nag-sink in sa akin ang litratong pinakita sa akin ni Lea no’ng graduation niya. Kaya pala!

“Sa totoo lang, gusto ko pong magalit sa’yo, ‘Ma. Pero alam mo naman na hindi ko po kayang gawin ‘yon dahil mahal ko kayo ni Papa. No’ng panahong ‘yon ay talagang na pressure ako dahil sa inyo. Gusto ko na lang mawala para makatakas sa depression pero nanaig ang pagmamahal ko sa inyo ni Papa. Nagpakatatag ako at pinatawad ko na kayo ni Papa. Lahat po tayo nagkakamali, lahat po tayo ay may pagkakamali sa buhay. Walang perpektong tao, ‘Ma. Wala po.”