Chapter 16
NANG makauwi kami sa bahay. Binuhat ako ng driver namin at inilipat niya ako sa wheelchair. Si Mama na ang nagtulak papasok sa loob ng bahay.
Pagkapasok pa lang namin ng bahay ay agad na bumungad sa amin si Papa at ang parents ni Azalea at syempre, siya ay nandito rin. Nag-unahan agad ang mga luha sa mga mata ko. Lalo na no’ng makita ko siya.
“Adi . . .”
Halos kumirot ang puso ko nang tawagin niya ako sa endearment namin. Agad siyang tumakbo at lumuhod sa harapan ko para magkapantay kami bago niya ako niyakap ng mahigpit.
“L-lea . . .”
Parehas kaming umiiyak ngayon.
“I’m sorry Lea, sorry kung nagsinungaling ako sa’yo.”
Lalong humigpit ang pagkaka-yakap niya sa akin kaya niyakap ko rin siya ng mahigpit kahit nanghihina ako.
Lumapit na kami kina Papa at si Azalea na ang nagtulak sa wheelchair ko. Tahimik lang sila at parang hinahanap pa kung sino ang unang magsasalita.
Tumikhim si Papa. “Carmein anak, nagkausap na kami ni Zion Montemayor. Umamin na siya sa mga ginawa niya. Kaming lahat, may pakalamaling nagawa sa inyo ni Azalea. Nagkagulo ang lahat nang dahil sa isang pagkakamali pero nandito kami para harapin ang kung ano man ang kamaliang nagawa namin. Handa na namin itama ang lahat. Napagkasunduan namin na, sabihin na sa inyo ang buong katotohanan.”
Si Papa ang unang nagk’wento at sinundan naman ‘yon ni Zion Montemayor. Ang lahat ay unti-unting naging malinaw sa akin. Ang lahat ng katanungan ko noon ay na sagot na. Nagk’wento rin si Mama pati na rin ang Mom ni Azalea. Halos lahat kami ay umiiyak.
Sobra akong nasasaktan sa naririnig at nakikita ko ngayon. Kitang-kita ko kung paano lumuhod si Mama kay Zion Montemayor at paulit-ulit na humihingi ng tawad. Para akong sinasaksak sa puso nang ilang beses. Hindi makatingin si Zion kay Mama at mukhang hindi pa niya kayang patawarin ang Mama ko pero naiintindihan ko siya. Naiintindihan ko ang bawat pinagkukunan nila. Naiintindihan ko na lahat-lahat.
Humingi rin ng tawad si Papa kay Zion at humingi rin ng tawad si Zion kina Papa, Azalea at sa Mom niya. Ang lahat ay humingi ng kapatawaran pero alam kong hindi agad ‘yon gagana. Paunti-unti ay mawawala rin ang mga galit sa puso nila. Unti-unti ay mapapatawad din nila ang isa’t isa at mapapatawad din nila ang mga sarili.
Nagk’wento pa si Zion Montemayor at iyon na ata ang mas ikinagulat naming lahat.
“Carmein, kami ang tunay mong mga magulang,” mahinahong sabi ni Zion Montemayor sa akin.
“At kami naman ang totoo mong magulang, Azalea.” Segunda ni Papa.
Nagkatinginan kami ni Lea at parehas kaming umiiyak. Sa wakas ay nalaman na rin namin ang buong katotohanan. Gustuhin ko mang magalit sa ginawa ni Zion sa pagpapalit sa amin ni Lea no’ng mga baby pa kami doon sa hospital ay hindi ko na nagawa.
Hindi ko na nagawa dahil alam ko na ang buong istorya nilang apat at na sangkot lang kami ni Lea dahil sila ang mga magulang namin. Kung hindi dahil sa pagkakamaling ‘yon, hindi ko makikilala si Lea at mas lalong wala kami ngayon kung hindi iyon nangyari.
“Anak ko!” Sigaw ng tunay kong ina at niyakap ako ng mahigpit.
Azalea’s P. O. V
NASA garden kami ngayon ni Carmein. Matapos ang madugong katotohanan ay hindi ko na rin pinalagpas itong pagkakataon para makasama at makausap siya.
“Para akong nasa teleserye kanina. Hindi ko lubos matanggap ang buong katotohanan pero wala na tayong magagawa kundi ang tanggapin na lang,” pauna kong sabi.
“Sa totoo lang, nagulat, nagalit, nalungkot, natakot at nasaktan ako sa mga nalaman ko pero masaya pa rin ako na nalaman na rin natin sa wakas ang buong katotohanan.”
“Sabi ko sa’yo, hindi talaga tayo magkapatid dahil mas maganda ako sa’yo,” tumawa kami ng mahina.
Ilang segundo kaming natahimik bago niya binasag ang katahimikan.
“May iilang araw na lang ako para mabuhay, Azalea.”
Parang piniga na naman ang puso ko. Malungkot akong tumingin sa mga mata niya. Kitang-kita sa kaniya ang panghihina.
“S-sorry kung mapapaaga ang pag-iwan ko sa’yo,” gumaralgal ang boses niya.
Tuluyan nang bumagsak ang mga luha niya galing sa mga mata at gano'n din ang akin. Hinawakan ko ang kamay niya at hinalikan ‘yon.
“Sorry kung iniwan kita no’ng araw na ‘yon. Natakot lang ako, natakot ako na mas lalo kang masaktan. Sorry. I’m sorry.”
“Shh . . . naiintindihan ko. Kailangan kong intindihin. Wala na akong karapatang magalit sa’yo Carmein, maikli lang ang buhay natin. Gusto kong gumawa tayo ng masasayang memories na magkasama hangga’t nabubuhay pa tayo.”
“Sobrang kitang na miss, adi.”
“Ako rin. Sobra-sobra.”
Nang matapos kaming mag-usap ni Carmein sa mga nangyari no’ng hindi kami magkasama ay mas nalinawan na ako. Ang lahat ng pangamba at pangungulila ko ay bigla na lang nawala nang makita at mayakap ko siya kanina.
Pumasok na kami sa loob ng bahay. Umalis na ang mga parents namin, may kaniya-kaniyang inasikaso at kaming dalawa lang ang naiwan ni Carmein bukod sa mga katulong nila. Alam na rin nila ang tungkol sa amin ni Carmein at hindi na rin sila nag-abalang pigilan kami sa kung ano man ang namamagitan sa aming dalawa.
Pumasok kami sa k’warto niya at humarap kami sa salamin. Nagkatinginan kaming dalawa. Tinanggal niya ang suot niyang bonnet at tumambad sa akin ang ulo niyang wala ng buhok. Bigla akong nalungkot at nangamba sa maaaring mangyari sa darating na mga araw.
Ngumiti ako sa kaniya habang may lungkot sa kislap ng mga mata ko. Kinuha ko sa ibabaw ng lamesa ang hair clipper bago ko pinaandar ‘yon at unti-unti kong tinanggal ang buhok ko gamit ‘yon. Halatang nagulat siya sa ginagawa ko dahil napatakip pa siya ng bibig habang nangingilid ang luha sa mga mata.
“Adi.”
Hinawakan ko ang isa niyang kamay habang patuloy kong tinatanggal ang buhok ko gamit ang clipper. Hanggang sa tuluyan ko ng kinalbo ang buhok ko. Umiiyak na si Carmein kaya lumuhod ako para magkapantay kami at niyakap siya.
“Hindi mo naman kailangan gawin ‘to,” umiiyak niyang sabi.
“Gusto kong gawin adi, dahil mahal kita.”
Hinalikan ko siya sa noo bago ako humiwalay sa kaniya. Tumayo ulit ako sa pagkakaluhod at nginitian niya ako ng tagos sa puso habang umiiyak. Pinunasan ko ang pisngi niya na basa ng luha.
“Thank you and I love you, adi.”
“Mahal din kita.”
TATLONG araw pa lang ang lumipas nang isinugod sa hospital si Carmein. Agad siyang na confine at matatagalan pa siya sa hospital. Pinagmamasdan ko siya ngayon habang wala pa ring malay. Tatlong araw na rin akong walang maayos na tulog at kain. Namamaga na rin ang mga mata ko sa kakaiyak.
Sobra na akong nasasaktan sa kalagayan niya. Tatlong araw pa lang kaming magkasama. Ang bilis bawiin ng panahon ang masasayang nilaan ko kasama siya.
Narinig ko ang pagbukas ng pintuan at pumasok do’n si Dad. Hanggang ngayon ay gano’n pa rin ang set up namin. Kasama ko pa rin sila Dad at Mom at gano’n din ang kay Carmein pero madalas si Mom ang sumasama kay Carmein. Gusto na niyang makasama ang tunay na anak.
Lumapit sa akin si Dad. Tinapik niya ang balikat ko at sabay naming pinagmasdan si Carmein na parang mahimbing lang na natutulog.
“Hindi pa ako nakakabawi sa inyo ni Carmein. Malaki ang kasalanan ko sa inyong dalawa. Nagsisisi ako ng sobra kung bakit ko pa kayo pinagpalit ng anak ko. Kayo ang mas nagdusa sa kagagawan namin, kayo ang mas nasaktan at namulat sa mga kasinungalingan. Sana pagdating ng panahon, mapatawad niyo ako ni Carmein nang tuluyan," mahinahon niyang sabi.
“Alam mo ba Dad, nagtanim ako ng galit sa inyong dalawa ni Mom dahil hindi ko alam ang dahilan niyo kung bakit sinasaktan niyo ako na parang hindi tunay na anak. No’ng panahong ‘yon, sawang-sawa na ako kaya tinangka kong magpakamatay pero nang dahil kay Carmein. Nadugtungan pa ang buhay ko. Binigyan niya ako ng pag-asa. Siya ang naging alitaptap ko na nagbigay ng liwanag sa madilim at walang pag-asa kong buhay. Nagalit ako sa inyo ni Mom, noon. Pero no’ng malaman ko ang buong katotohanan. Namulat ako, lahat tayo biktima kaya wala na akong karapatang magalit sa inyo ni Mom. Bigyan mo lang ako ng kaunting panahon Dad, mapapatawad din kita.”
“S-salamat anak.”
“Dati, ingit na ingit ako sa mga kaklase ko dahil mahal sila ng mga magulang nila. Kasama nila sa masasayang okasyon. Hindi sila kayang saktan ng parents nila. Ako lang ata ang na iba sa kanila kaya siguro ang hilig kong makipagbasag ulo para lahat siguro ng galit ko ay kahit papaano ay mabawasan.”
Alam kong nakikinig si Dad sa hinaing ko at habang binubuhos ko ang lahat sa kaniya ay unti-unting lumuluwag ang pakiramdam ko. Unti-unti akong nakakahinga.
Binuhos ko na ang lahat para marinig niya rin ang side ko at para tuluyan na ring gumaan ang kalooban ko.