Chapter 14

NAGISING ako na hindi ko na katabi sa higaan si Carmein. Dumiretso ako sa kusina dahil do’n ko siya laging naaabutan pero sa pagkakataong ito ay wala siya do’n. Pumunta ako sa banyo, kumatok ako pero walang nagsasalita kaya binuksan ko ang pintuan pero wala rin siya sa banyo. Inikot ko na ang buong bahay pero wala talaga si Carmein.

“Carmein!”

Walang sumasagot kaya kinuha ko na ang cell phone ko at sinubukan siyang tawagan pero nakapatay ang cell phone niya.

“Bakit hindi ka man nagpapaalam?!” frustrated kong tanong sa cell phone ko.

Napahilamos ako ng mukha bago ko kinuha ‘yong susi ng motor at lumabas ng bahay. Hindi na ako nag-abala pang magpalit ng damit o maghilamos. Pinaharurot ko na ang motor para hanapin sa lugar si Carmein.

Carmein’s P. O. V

MAAGA akong gumising. Tinawagan ko si Mama at agad naman niyang sinagot ‘yon.

“Where are you Carmein?!” halatang nag-aalala ang tono ni Mama.

“‘Ma, ngayon ang schedule ng results, right? Magkita na lang tayo sa clinic.”

“Okay. Are you fine, honey? Nag-aalala kami ng Papa mo sa’yo. Saan ka ba pumupunta?”

“I’m fine ‘Ma, don’t worry.”

“Okay honey, magkita na lang tayo sa clinic ni Dr. Lopez.”

“Okay ‘Ma.”

Pinatay ko na ang tawag at marahan akong dumiretso sa banyo. Naghubad na ako ng damit at nag-umpisa na akong maligo. Nakaramdam ako ng pagsusuka at pagkahilo kaya agad akong humawak sa gilid ng lababo nang tuluyan na akong sumuka.

Habol ko ang aking hininga habang nakatingin sa salamin. Huminga ako ng malalim. Pinagpatuloy ko na lang ulit ang pagligo ko. Hanggang sa natapos na ako pati ang pagbihis. Hindi na rin ako nag-abala pang kumain at agad akong lumabas ng secret house at naglakad papunta sa sakayan ng mga tricycle.

Nang makasakay ako ng tricycle ay nagpahatid ako pabalik sa Las De Vaña kung saan nandoon ang clinic ni Dr. Lopez. Huminga ako ng malalim at kinuha ko sa poach ang liptint na ginagamit ko sa tuwing kasama ko si Lea para hindi niya makita ang pamumutla ng labi ko. Tiningnan ko lang ‘yon at muling ibinalik sa bag at hindi na lang ginamit.

Nang makarating ako sa clinic ay agad kong nakita si Mama na naghihintay na sa labas ng clinic ni Dr. Lopez. Agad niya akong nakita at nag-aalalang lumapit sa akin.

“Carmein!”

“‘Ma . . .”

Halata ang panghihina ko kaya agad niya akong inalalayan.

“Ano’ng nangyayari sa’yo, Carmein?” nag-aalala niyang tanong.

“I’m not feeling well, ‘Ma.”

“Tara pumasok na tayo sa loob.”

Kinakabahan ako sa resulta ng test. No’ng nakaraan, nagpasama na ako kay Mama para magpa-check up na hindi alam ni Lea. Tinago ko sa kaniya ang totoo. Tinago ko sa kaniya ang tunay kong kalagayan. Tinatago ko sa kaniya na nanghihina ako sa tuwing lumilipas ang araw. Pinapakita ko sa kaniya na malakas ako. Na wala akong karamdaman, na kahit ang totoo ay talagang nanghihina na ako.

Halos manginig ang buong kalamnan ko nang makapasok na kami sa clinic ni doc at agad siyang tumambad sa amin na may hawak na papel at nakapaskil sa mukha niya ang lungkot. Inalalayan ako ni Mama makaupo.

“Kumusta na ang pakiramdam mo Carmein?” tanong sa akin ni doc nang makaupo kami ni Mama sa visitor’s chair.

“Sa bawat araw na lumilipas, ramdam ko po ang panghihina ko doc. P’wede na po ba namin malaman ang resulta ng test?” nanghihina kong tanong.

Hinagod ni Mama ang likuran ko na parang pinapagaan ang loob ko. Tumango sa amin si doc at seryosong nagsalita.

“Di-diretsuhin ko na kayo. I am sorry to say but you have a stage 3 brain cancer, Carmein.”

“B-brain cancer po, doc?” gulat at nauutal kong tanong.

“Baka naman nagkamali lang ang result? doc,” segunda ni Mama at halatang nag-aalala.

“Malinaw sa biopsy na may medulloblastoma si Carmein. Mrs. Padilla, tatapatin ko na kayo. Hindi biro ang sakit ng anak niyo. Kailangan ni Carmein sumailalim sa operasyon para matanggal ang bukol niya sa utak.”

“Doc, M-may taning na ba ang buhay ko?”

Pumatak na ang luha ko habang nanginginig dahil sa takot at panghihina.

“Honestly yes, mabilis lang ang pagkalat ng cancer sa utak. Carmein,” bumuntong hininga si doc at tinitigan niya ako sa mga mata.

“May paraan pa ba doc?” tanong ni Mama.

“Yes. Kung maging successful ang operasyon, maaari siyang sumailalim sa chemotherapy para hindi na kumalat ang cancer cells sa utak niya pero pati ang healthy cells ay madadamay rin at may mga posibilidad na side effects din ang pag-chemo, tulad ng paglalagas ng buhok, panghihina, pagsusuka at iba pa. Kaya ipagdasal na lang natin ang p’wedeng mangyari.”

“Ilang chemo ang kakailanganin ko doc?” tanong ko.

“High risk ang mangyayari because you need 6 cycles of cisplatin, cyclophosphamide, vincristine for every 28 days.”

Tuluyan nang humagulhol ng iyak si Mama at gano’n din ako. Yumakap ako sa kaniya dahil sa takot at pangamba.

“Kaya ba lagi akong nahihilo, nagsusuka at nanghihina? Sorry Mama kung ngayon ko lang naisipan magpa-doktor,” humahagulgol kong iyak.

“I’m sorry anak! Kasalanan ko ‘to. K-kasalanan ko ang lahat ng ‘to. Hindi ako naging mabuting ina sa’yo. I’m so sorry! Pupunta tayo ng ibang bansa para do’n kita maipagamot. Maraming magagaling na doktor nakilala do’n ang Papa mo, b-baka may paraan pa para g-gumaling ka.”

“‘Ma, I am really dying.”

Azalea’s P. O. V

ILANG buwan na ang lumipas. Hindi ko pa rin natatagpuan si Carmein. Sa bawat araw na lumipas ay hindi ako makakain at makatulog ng maayos. Madalas natatagpuan ko ang sarili na umiiyak o ‘di kaya naman malalim ang iniisip.

Magmula no’ng araw na ‘yon na hindi ko na makita si Carmein ay parang araw-araw ding dinudurog ang puso ko. Hindi ko na alam kung saan ko siya hahanapin o matatagpuan.

Tulad na lang ngayon. Malalim na naman ang iniisip ko. Kung hindi lang ako kinalabit ni manang ay hindi magigising ang diwa ko.

“Sasama ka sa akin ngayong araw, Azalea.”

Napaangat ang tingin ko kay Dad. Nandoon pa rin ang awtoridad sa boses niya. Mag mula no’ng nanalo siya sa halalan medyo nagbago na rin ang pakikitungo niya sa akin tulad ng inaasahan ko. Walang emosyon akong tumingin sa kaniya.

“Saan Dad?”

“Alam mo na.”

Tumango na lang ako sa kaniya. Kabisado ko na si Dad pero ang mga taong nakapaligid sa kaniya ay walang kamalay malay na ang binoto nila ay may suot pa lang maskara. Kung sabagay, ako rin naman ang dahilan kung bakit siya ang nanalo sa halalan pero hindi ko hahayaan na may balakin si Dad sa buong Las De Vaña ng masama dahil kung tutuusin, ako pa rin ang may hawak ng alas.

Natapos kaming kumain ay agad akong bumalik sa k’warto. Araw-araw pa rin akong nangungulila kay Carmein. Hindi ko alam kung bakit niya ako iniwan no’ng araw na ‘yon. Masaya naman kami pero bakit hindi man lang siya nagpaalam na iiwan niya pala ako? Nangako siyang hindi aalis sa tabi ko pero ano ang ginawa niya. Araw-araw akong pinapatay sa pangungulila ko sa kaniya. Araw-araw kumikirot ang puso ko para sa kaniya. Sa bawat pagdilat ko ng mata sa umaga, siya agad ang naiisip ko.

Kinailangan ko pang uminom ng pills para makatulog sa gabi o ‘di kaya, uminom ng beer. Namalayan ko na lang ang sarili ko na umiiyak dito sa loob ng k’warto ko habang yakap-yakap ang sariling mga tuhod. Hanggang kailangan ba ako ganito? Hanggang kailangan ba ako mangungulila kay Carmein? Akala ko ba, hindi siya naniniwalang magkapatid kami? Akala ko ba gagawa kami ng paraan para malaman ang katotohanan? Bakit iniwan niya ako ng walang pasabi o paalam man lang?

Hindi ko alam kung ilang oras na ba akong umiiyak sa k’warto ko at ramdam ko ang pamamaga ng mga mata ko dahil sa pag-iyak. Kumatok na rin si manang sa k’warto dahil pinapatawag na ako ni Dad para samahan siya ngayon.

Naligo muna ako at nagbihis. Naglagay ako ng kaunting makeup para matakpan ang pamamaga ng mga mata ko. Huminga muna ako ng malalim bago ako lumabas ng k’warto at dumiretso sa opisina ni Dad.

Nang makarating ako sa opisina ni Dad ay agad kong narinig ang pagtatalo nilang dalawa ni Mom. Marahan kong binuksan ang pintuan para marinig ang kung ano man ang pinagtatalunan nila. Kaunting awang lang ang ginawa ko para hindi nila ako makita.

No’ng una ay hindi ko maintindihan kung ano ba talaga ang pinag-aawayan nila. Ang akala ko ay tungkol sa pamamahala ni Dad sa Las De Vaña pero nagkamali ako nang marinig ko ang pangalan ko. Ako pala ang pinag-uusapan nilang dalawa pero bakit sila nagtatalo gayong wala naman talaga silang pakialam sa akin mula noon hanggang ngayon.

“Hindi ka ba naaawa kay Azalea?! Ilang buwan na siyang ganiyan! Zion naman, kailan mo ba paiiralin ‘yang pride mo? Ilang taon na ang lumipas pero puro galit pa rin ang nasa puso mo!”

Hinawakan ni Dad sa panga si Mom. Gusto ko siyang pigilan sa pananakit niya kay Mom pero hindi gumagalaw ang katawan ko dahil parang mas gusto ko pang makinig sa pinag-uusapan nila.

“Alam mo kung gaano ako nasaktan! Alam mo kung paano gumuho ang mundo ko! Wala kang karapatang diktahan ang ginagawa ko!”

Marahas niyang binitawan si Mom kaya nag-umpisa na siyang umiyak.

“Bakit ba ayaw mong sabihin ang totoo kay Azalea? Karapatan niyang malaman ang katotohanan! Alam mo ba kung gaano ako na ko-konsensya sa tuwing nakikita ko siya? Kung hindi mo lang ako tinatakot, matagal ko ng sinabi sa kaniya ang totoo!”

“Sige, subukan mo para may kalagyan ka! Kulang pa ang ginawa nila sa akin, kulang pa!”

“Kulang? Sobra-sobra na Zion! Pati ang batang walang kamalay-malay, nagdurusa dahil d’yan sa mga pinaggagawa mo!”

“Wala kang alam!”

“Ano’ng wala? Alam ko ang lahat Zion, dahil saksi ako sa mga nangyari noon!”

“Ay! Oo nga pala,” tumawa si Dad ng mapanuya. “Kayo ang dahilan kung bakit nagkanda letse-letse ang buhay ko!”

“Hindi ako Zion, hindi ako.”