Chapter 11

“Ang bilis lumipas ng araw ‘no?”

Nagbaba ako ng tingin kay Carmein na nakaunan sa hita ko. Nandito kami ngayon sa k’warto niya at katatapos lang namin sa gawaing bahay.

Sumang-ayon naman ako sa sinabi niya bago ako huminga ng malalim at sumandal sa headboard ng kama niya.

“Two days na lang graduation ko na,” pabulong kong sagot.

“Sino ang a-attend sa graduation mo?”

“Panigurado akong si Dad ang a-attend sa graduation ko.”

“Talaga? E ‘di ayos pala’t may parents kang a-attend sa graduation mo,” natutuwa niyang sambit.

“Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi dahil sa totoo lang, hindi naman talaga ako ‘yong sad’ya ni Dad sa graduation . . . kundi ang mga tao mismo sa graduation day. Madalas mautak talaga si Dad. Lagi niyang ina-advantage ang mga kahinaan ng tao at saka lang siya gagalaw kapag may mapapakinabangan siya. Tulad na lang sa magiging graduation ko, nagpapalakas na naman siya sa buong eskwelahan at nagsusuot ng maskara para sa darating na halalan ay siya ang iboto ng mga tao. Kumbaga nagpapalakas muna siya sa una at sa huli, kapag nakuha na niya ang gusto niya at nasa palad na niya ang alas. Kontrolado na niya ang lahat,” mahaba kong paliwanag.

“Hindi nalalayo ang ugali ni Papa sa Dad mo pero kabaligtaran naman ang ginagawa ni Papa. Si Papa kasi, kapag may nakikitang oportunidad hindi na niya hinahayaan pang makawala kumbaga kahit sa pilitan pa niyang makuha ay gagawin niya,” paliwanag naman sa akin ni Carmein.

“Alam naman nating dalawa na palaging magkatunggali ang Padilla at ang Montemayor lalo na pagdating sa usaping politika.”

Tumango naman si Carmein at sumang-ayon sa sinabi ko.

“Noong mga bata pa lang tayo, noong dating halalan na nagtunggali ang Padilla at Montemayor pero ang nanalo ay ang Padilla. Kung tutuusin ang nanalo dapat ay ang Montemayor dahil marami naman talagang bumoto sa mga Montemayor pero dahil sa vote buying, naabutan ng Padilla ang Montemayor.”

“Paano mo nalaman ang bagay na ‘yan?” tanong ko sa kaniya.

“Ako mismo ang nakasaksi na nag vo-vote buying ang Padilla pero hindi ko pa alam noon na bawal ang gano’n sa halalan. Ang akala ko dati ay tulong ‘yon sa mga mahihirap pero advantage pala ang kahirapan sa mga tumatakbo sa politika.”

“Masyado tayong nabulag sa pamilya natin. Alam mo ba, no’ng natalo ang Montemayor sa halalan isa sa mga nagalit si Dad no’n at nagbigay sila ng threats sa Padilla. Takot na takot ako no’ng panahong ‘yon kaya mas pinili ko na lang na manatili at magkulong sa sariling k’warto.”

“Sinasaktan ka na ba ng parents mo no’ng panahong ‘yon?”

“Oo, isang maling galaw ko lang sinisigawan o sinasaktan nila ako kaya ang hirap sa bahay na magkamali lalo na kapag kaharap ko si Dad. Nakakatawang isipin na pinagawaan niya pa ako ng kalungan sa bahay para kapag nagkamali ako, do’n niya ako ikukulong ng mga ilang araw para sa punishment kuno.”

Bumango siya sa pagkakahiga niya sa hita ko at hinarap ako. Pinunasan niya ang pisngi ko na hindi ko na malayang may tumulo na pa lang luha sa mga mata ko. Masuyo niya akong niyakap at tinugon ko naman ‘yon.

“Gusto ko ng matapos ang ano mang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng pamilya natin. Gusto ko ring malaman kung ano nga ba ang tunay na pinagmulan ng away sa pagitan ng pamilya natin. Imposibleng politika lang ang dahilan. Bakit ‘yong ibang pumapasok sa politika? Hindi naman gano’n kalaki ang galit sa ibang kandidato? Bakit ‘yong pamilya lang natin ang may galit?” tanong niya.

Humiwalay ako sa pagkaka-yakap sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang pisngi.

“Iyan din ang malaking katanungan ko at dahil kasama na kita sa laban na ‘to. Hahanap tayo ng sagot sa mga katanungan natin para matapos na ang gumugulo sa mga isip natin.”

Hinawakan niya ang dalawa kong kamay na nakahawak sa pisngi niya bago siya tumango at ngumiti ng tipid sa akin.

“Bukas uuwi ako sa bahay at mag-uumpisa na akong maghanap ng impormasyon sa pagitan ng pamilya natin baka sakaling may makuha ako,” sabi ko.

Binitawan ko na ang pisngi niya.

“Sakto, tumawag kanina sa akin si Mama pinapauwi niya ako bukas dahil may reunion ang mga Padilla at sa bahay gaganapin. Susubukan ko ring humanap ng impormasyon baka sakaling makakuha rin ako.”

Parehas kaming tumango at nagkasundo. Nag-usap pa kami para sa magiging plano para bukas. Sumapit ang hapon at nandito ulit kami sa k’warto niya.

“Lea, laro tayo?”

“Bored ka na ba?”

Tumango siya habang nakanguso kaya natawa ako ng mahina’t hinaplos ang buhok niya.

“Okay.”

“Yey!”

Napailing at natawa ako sa naging reaksyon niya.

“Ano naman ang lalaruin natin?” tanong ko sa kaniya.

Nag-isip naman siya kung ano nga ba ang lalaruin namin at ilang sandali pa’t nakaisip na siya kung ano ang lalaruin namin.

“Guess the flavor of my lip balm with a twist!” Excited niyang sabi.

Nanliit naman ang mga mata ko dahil sa pagtataka. Umupo kami ng maayos sa kama at kinuha niya ang mga lip balm sa lalagyanan.

“Paano ko mahuhulaan?” tanong ko sa kaniya.

Ngumisi siya sa akin ng kakaiba kaya kumalabog na naman ang puso ko.

“Simple lang adi. You can sniff.”

Kumunot ang noo ko.

“So, ano ang twist do’n?”

Lalo siyang ngumiti na nagpabigay ng kakaiba sa kalamnan ko. Kumuha siya ng isang lip balm at saka niya nilagyan ang labi bago siya lumapit sa akin.

“Amuyin mo and guess the flavor.”

Napalunok ako sa uri ng tingin niya. Ramdam ko ang pag-init ng mukha ko dahil sa sobrang lapit niya. Mas lumapit pa ako sa labi niya para maamoy ang flavor ng lip baln na nasa labi niya.

“It’s orange,” halos pabulong ko na lang na sabi ‘yon.

Ngumiti siya at tumango. Pinunasan niya ang labi gamit ang tissue at kumuha ulit ng panibagong lip balm at in-apply ulit niya sa labi niya bago siya lumapit sa akin.

“Guess the flavor adi.”

Hindi ko alam kung ako lang ba, dahil biglang nag-iba ang tono ng pananalita ni Carmein. Tono na parang nang-aakit kaya napailing na lang ako sa sariling imahinasyon.

Lumapit pa ako sa kaniya pero wala pa rin akong naaamoy kaya kumunot ang noo ko.

“Hindi ko maamoy adi.”

“I know, wala talaga siyang amoy at malalaman mo lang ang flavor kapag nilasahan mo.”

Napaangat ang tingin ko sa mga mata niya at do’n ko nakita ang kakaiba niyang tingin.

“P-paano?” nautal kong tanong.

“Taste it," pabulong niyang sabi at tumingin sa mga labi ko.

Nag-umpisa na namang kumalabog ang puso ko bago ko inilapat ang labi ko sa mga labi niya. Sa una ay masuyo lang ang pagritmo ng mga labi namin hanggang sa naging hayok at uhaw.

Nalasahan ko na ang flavor ng lip balm niya. Siya ang unang humiwalay na hinabol ko pa kaya natawa siya ng mahina sa ginawa ko.

“Guess the flavor adi.”

“Watermelon.”

KINABUKASAN ay maaga kaming gumising. Nagluto si Carmein ng umagahan at ako naman ang naghanda ng plato sa lamesa. Nang matapos siyang makaluto ay agad kaming kumain.

Nag-uusap kaming dalawa sa magiging plano at nagkakasundo naman kaming dalawa. Ilang sandali pa ay nag ring ang cell phone ni Carmein at agad naman niyang sinagot ‘yon.

“Hello po ‘Ma? Opo, susunduin niyo po ako ni Papa rito? Okay po ‘Ma. Po? M-malapit na po kayo? A-ah . . . okay po.”

Nang binaba na niya ang cell phone ay agad na bumalatay sa kaniya ang pag-aalala.

“Kailangan mo nang umuwi sa inyo adi,” kinakabahan niyang sabi. “Parating na sila rito.”

Sumang-ayon naman ako sa kaniya at tumayo na sa pagkakaupo. Gano’n din ang ginawa niya at lumabas na kami sa dining area. Nang nasa sala na kami ay niyakap niya ako ng mahigpit at tinugon ko naman ‘yon.

“Mag-iingat ka adi.”

“Ikaw din.”

Humiwalay ako sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang pisngi para halikan siya sa mga labi.

“A-attend ako bukas sa graduation mo.”

Tumango ako sa kaniya at muli ko siyang niyakap ng mahigpit.

“Aalis na ko.”

Tumango siya bago siya bumitaw sa pagkaka-yakap.

“Sige na, baka maabutan ka pa nila.”

Handa na akong umalis nang bigla siyang mapakapit sa akin at bumalatay sa mukha niya ang sakit.

“Carmein, ano’ng nangyayari?”

“Lea . . . masakit ‘yong ulo ko, aray!”

Agad ko siyang inalalayan nang muntikan na siyang matumba. Napasabunot siya sa buhok at napapikit dahil kumikirot na naman ang ulo niya.

“Napapadalas na ang pagsakit ng ulo mo, Carmein. Gusto mo bang magpa-check up na tayo--”

“Hindi! Ayos lang ako. Sige na, umuwi ka na baka maabutan ka pa nina Mama at Papa rito. Sige na Lea, iwan mo na ako rito.”

“Hindi kita maiiwan sa ganitong sistema adi.”

“Umalis ka na nga Lea! Baka maabutan ka pa nila! Gusto mo bang mas lalo tayong mapahamak?!” Sigaw niya sa akin habang nakasabunot pa rin sa buhok dahil sa iniindang sakit.

“Pero . . .”

“Adi, please! Makinig ka sa akin. Ayos lang ako, magiging maayos ako. Darating na rin sina Mama. Sila na ang mag-aasikaso sa akin dito.”

Huminga ako ng malalim bago ako Napilitang tumango. Tumingin ulit ako sa mukha niya at kitang-kita ko ang pamumutla ng mga labi niya. Inalalayan ko muna siya sa k’warto niya at pinahiga sa kama.

“Magpahinga ka muna. Magkita na lang tayo bukas sa graduation.”

Tumango siya sa akin habang nakapikit at halatang nasasaktan at nahihirapan sa kalagayan niya ngayon. Hinalikan ko muna siya sa noo bago ako tuluyang lumabas ng bahay at sumakay sa motor. Tiningnan kong muli ang bahay ni Carmein.

Napabuntong hininga ako at napailing dahil sa pag-aalala bago ko pinaharurot ang motor pauwi sa bahay.