Chapter 12

ABALA ako sa pagkalkal ng mga gamit ni Dad. Kakatapos ko lang sa k’warto nila ni Mom at wala akong nakuhang kahit na ano kaya dumiretso ako sa private office ni Dad dito sa bahay.

Pinagpapawisan ako ng malamig dahil baka maabutan ako rito ni Dad at mahuli sa kung ano ang ginagawa ko sa opisina niya.

Abala sila ngayon sa graduation ko para bukas at naghahanda na rin si Dad sa magiging speech niya. Habang si Mom naman ay gano’n din. Tinutulungan si Dad sa kung ano man ang balak nila bukas.

Ang lahat ay abala ngayon kaya agad akong kumilos at naghanap ng impormasyon sa pagitan ng Padilla at Montemayor.

Tinawagan ko agad si Carmein at agad naman niyang sinagot ang tawag ko.

“May nakuha ka?” agad kong tanong sa kaniya.

“Wala pa rin. Wala akong mahanap sa k’warto nila. Pumunta na rin ako sa office at library ni Dad pero tungkol lang sa business ang nababasa ko.”

Napabuntong hininga ako sa sagot niya.

“Gano’n din ako. Wala pa rin akong nakukuhang impormasyon.”

“Don’t worry gagawa ako ng paraan para makakuha ng impormasyon. Pasimple akong magtatanong kay Mama baka sakaling masagot niya ang tanong ko.”

“Basta mag-iingat ka sa mabibitawan mong salita, okay?”

“Yes adi, mag-iingat ka rin lalo na sa Dad mo.”

Tumango ako kahit hindi niya ako nakikita. “Ahm . . . Kumusta ang lagay mo? Ayos ka na ba? Masakit pa rin ba ang ulo mo? Nakapagpa-check up ka na ba?” sunod-sunod kong tanong.

Natawa naman siya sa kabilang linya.

“Ayos na ako adi. Nakapagpa-schedule na si Mama at sasamahan niya ako. Don’t worry adi. Okay lang ako,” pagpapagaan niya sa loob ko.

Huminga ako ng malalim.

“Okay, basta mag-iingat ka.”

“Yes adi. Sige na, maghanap pa tayo. Magkita na lang tayo bukas sa graduation mo. Do’n na lang natin pag-usapan ang tungkol dito.”

“Sige, I love you Carmein.”

“I love you too, adi.”

Bigla akong nabunutan ng tinik sa lalamunan at nagpatuloy na ulti ako sa paghahanap ng impormasyon. Kinuha ko ang isang libro na nakapatong sa lamesa ni Dad at binuksan ‘yon. Tumambad sa akin ang isang lumang litrato.

Kinuha ko ‘yon at tinitigan ng mabuti ang litrato. Dalawang binata ang nasa iisang litrato at kung hindi ako nagkakamali ‘yong isang binata ay si Dad. Sobrang g’wapo pala talaga ni Daddy at hindi ko ‘yon ipagkakaila. Ngayon ko lang nakita na may litrato pala siya dati at mas lalong ngayon ko lang nakita ang masaya niyang mukha.

Kitang-kita sa ngiti niya ang tuwa. Nakaakbay siya sa isang binata na hindi ko kilala. Sa nakikita ko ngayon ay parang masaya silang dalawa sa litrato.

Agad kong ibinulsa ang litrato at inayos ang lamesa nang may marinig akong paparating. Umupo ako sa upuan at nagkunwaring naghihintay at ilang sandali pa’y bumukas ang pintuan at pumasok do’n si Dad.

Agad niya akong nakitang naghihintay sa upuan. Nilapitan niya ako kaya tumayo ako sa pagkakaupo.

“Ano’ng ginagawa mo rito Azalea?” ma-awtoridad niyang tanong.

“Hinihintay kita rito Dad. Busy kayo sa labas kaya naisipan kong dito ka na lang hintayin,” kinakabahan kong sagot.

“Bakit mo naman ako hinihintay? May kailangan ka?” walang emosyon niyang tanong.

“May sasabihin lang ako tungkol sa graduation ko bukas.”

“Ano ‘yon?”

“Nakipag-ayos na ako sa anak ng congressman at tinulungan ko ang anak niya no’ng nakaraang araw dahil muntikan na siyang barilin. Mukhang na ik’wento na sa kaniya ng anak niya ang tungkol do’n at dahil ayaw nilang magkautang na loob sa akin. Binigyan nila ako ng pabor,” walang emosyon kong sabi.

“Ano’ng pabor naman ang sinabi mo?”

“Na tulungan ka nilang manalo sa magaganap na halalan,” diretsong sabi ko.

Lumitaw ang ngisi sa labi ni Dad at mukhang natuwa siya sa naibalita ko sa kaniya.

“Magaling Azalea!” tumawa siya.

Tinampal tampal niya ang pisngi ko dahil sa galak.

“Kung ganiyan ka parati ay magkakasundo tayo at hindi ka masasaktan.”

“Binigyan nila ako ng pabor at ibinigay ko naman ang pabor na ‘yon sa’yo pero Dad . . .”

Unti-unting nawala ang ngisi sa labi niya at naghintay sa susunod kong sasabihin.

“Bigyan mo rin sana ako ng pabor.”

“Ano naman ang gusto mo?”

“Ang gusto ko. Hayaan mo ako sa magiging desisyon ko sa buhay at hindi mo ako p’wedeng salungatin o saktan. Dahil kung hindi, alam mo na ang mangyayari. Ako ang binigyan ng pabor ng congressman kaya isang pagkakamali mo lang, p’wede nilang bawiin ang lahat sa’yo. Ibigay mo na sa akin ang gusto kong buhay. Palayain mo na ako sa mga palad mo,” seryoso kong sabi.

Ilang sandali pa niya akong tinitigan bago siya kumuha ng isang sigarilyo sa kaha at sinindihan ‘yon bago binuha ang usok sa mukha ko.

“‘Yon lang ba Azalea?”

“Mayroon pa, dahil lagi akong napapahamak sa mga bully, gusto kong bigyan mo sila ng leks’yon. Kung sino man ang magtangkang mang-bully ng kapwa nila sa eskwelahan man o sa buong Las De Vaña. Gusto kong takutin mo lang sila para hindi na sila magtangka o umulit pang mang-bully ng kapwa nila.”

“Alam mo Azalea?” ngumisi siya sa akin at bumuga ulit ng usok habang nakasandal sa lamesa niya.

“Manang-mana ka sa ama mo," mariin niyang sambit. “Asahan mong tutupad ako sa pinagkasunduan natin ngayon.”

Tumango lang ako sa kaniya.

“Sigurado akong ikaw na ang mananalo sa halalan.”

KINABUKASAN ay graduation na. Maayos ang naging daloy ng graduation ko. Hindi ko akalain na makakatungtong ako sa stage at makuha ng diploma. Maraming tao at hindi ko pa nakikita si Carmein pero sigurado akong nandito siya at isa sa mga pumapalakpak ngayon.

Hanggang sa matapos ang martsa ay agad na nangibabaw ang boses ni Dad. Tama nga ako’t nagsuot na naman siya ng maskara. Para siyang hindi makabasag pinggan at sobrang plastic ng mga sinasabi niya sa mga tao. Halos lahat ay sumasang-ayon sa sinasabi niya at hindi ko mapagilan ang pagtiim ng panga.

Sino ang mag-aakala na ang sinasang-ayunan nila ay masahol pa sa inaakala nila. Dahil hindi ko na masikmura ang mga sinasabi ni Dad ay tumayo na ako sa pagkakaupo ko sa upuan at dumiretso sa restroom.

Kinuha ko ang cell phone ko at tinawagan si Carmein. Nakailang ring pa ‘yon bago niya sinagot ang tawag ko.

“Where are you?” agad kong tanong.

“Nasa likod mo.”

Humarap ako sa likuran ko at agad na sumalubong sa akin ang labi niya. Ikinawit niya ang kamay sa balikat ko at pinalalim ang halik na pinagsasaluhan namin. Siya ang unang humiwalay at nginitian ako ng malawak.

“Congratulations adi!” nagagalak niyang pagbati sa akin.

“Thank you!” nakangiting pasasalamat ko.

“Na miss kita ng sobra.”

“Ako rin, kumusta na ang lagay mo?”

“Ayos na ako adi, nga pala. Kumusta? May nakuha kang impormasyon sa bahay niyo?” pag-iiba niya ng topic.

“Mayroon.”

“Talaga?” nanlaki pa ang mga mata niya sa gulat.

“Oo, ikaw ba?”

“Wala nga e, hindi rin sinagot ni Mama ‘yong tanong ko. Ano’ng nakuha mo?”

“Ito lang,” kinuha ko sa bulsa ng dress ko ang litrato.

Ibinigay ko sa kaniya ang lumang litrato para makita niya.

“Si Papa ‘to ah?” gulat niyang tanong.

“Papa mo?” gulat ko ring tanong.

“Oo si Papa ‘to! Hindi ako p’wedeng magkamali dahil may mga picture siya sa bahay no’ng binata pa siya.”

“Bakit magkasama sila ni Dad noon? Magkaibigan ba sila noon?”

“‘Yan din ang katanungan ko. Parents lang natin ang makakasagot niyan para tuluyan na natin malaman ang buong katotohanan kung ano ba ang nangyari’t gano’n na lang ang galit nila sa isa’t isa.”

Nagkatinginan kami ni Carmein ng ilang saglit dahil parehas na kaming naguguluhan.

“Kung magkaibigan sila no’n. Paniguradong may malalim silang dahilan kung bakit malaki ang galit nila sa isa’t isa.”

Sumang-ayon naman sa akin si Carmein. Ilang sandali pa’t biglang may pumasok sa restroom at si Lian ‘yon, ang kanang kamay ni Dad.

“Ano’ng ginagawa mo rito sa restroom ng mga babae?” tinaasan ko siya ng kilay.

“Pinatatawag ka ni boss. Ipapakilala ka niya sa lahat,” walang emosyon niyang sagot.

“Sige susunod ako.”

Tumango siya sa akin at pasimple niyang tiningnan si Carmein bago siya tuluyang lumabas ng restroom. Bumaling ako kay Carmein.

“After ng speech ni Dad. Magkita na lang tayo sa labas.”

“Okay.”

Hinalikan ko muna siya sa pisngi bago ako lumabas ng restroom at dumiretso malapit sa stage. Nang tawagin ni Dad ang pangalan ko ay agad akong umakyat at pilit akong ngumiti sa harap ng maraming tao.

Nagpasalamat muna si Dad sa lahat ng mga nakinig bago kami tuluyang bumaba sa stage.

“Where’s Mom?” tanong ko kay Dad.

“I don’t know,” pagkasabi niya no’n ay sinalubong niya ang congressman.

Kitang-kitang nakasuot na naman ng maskara si Dad kaya napailing na lang ako’t iniwan siya do’n na nakikipag-usap sa congressman at sa mga alipores.

Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatayo sa stage kanina dahil ang haba ng speech ni Dad.

Hinanap ko si Carmein sa loob baka sakaling nandito pa siya pero dahil hindi ko na siya makita ay paniguradong nasa labas na siya at naghihintay tulad ng pinag-usapan namin kanina.

Lumabas na ako sa loob ng eskwelahan at agad kong nakita sa hindi kalayuan si Carmein at may babae siyang kausap kaya agad akong lumapit sa kanila.

“Carmein anak, maniwala ka sa akin. Anak kita! Sa akin ka nanggaling, dugo’t laman kita!”

Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko at halos manlamig ang buong katawan ko sa mga narinig. Kitang-kita ko rin ang mga luhang pumapatak sa mata ni Carmein habang nakatingin sa babaeng kausap.

“M-mom.”