Chapter 28

Nagmamadaling pumunta si Leandro sa ospital. Nagpaalam naman siyang absent sa kumpanya dahil may sakit pa rin siya kaya libre siya ngayon. Tinawagan kasi siya ni Atty. Mendez na isinugod doon ang kaniyang ama. Sinabi nitong baka hindi na ito magtatagal at may iba pa itong sinabi sa kaniya ukol sa ama at sa sitwasyon nito. Kahit na hindi mabuti ang pakiramdam niya ay pinilit niyang pumunta.

“Dad?” tawag niya sa ama nang pumasok siya sa private room nito.

Naroroon ang abogado at ang sekretarya ng ama. Nasa opisina ng kaniyang ama nang atakihin ito sa puso. Siguro pagkatapos ng pagtawag nito sa kaniya kaninang umaga. Nagkasagutan kasi sila dahil sa pamimilit na naman nitong dapat na magtrabaho na siya sa kumpanya nito. Nahalata niyang may pagmamadali sa tono nito nang hindi niya mawari.

“Iwanan na natin sila,” suhestiyon ni Atty. Mendez sa sekretarya.

Napansin niyang nagmulat ng mga mata ang ama. Mayroon itong oxygen mask. Mukhang nahihirapan pa rin itong huminga. Inabot nito ang kamay niya. Hinawakan ito. Ngumiti ito nang matipid sa kaniya.

“Damn it, Dad! Bakit hindi mo sinabi sa ‘kin ang totoo?” sumbat niya sa ama. Ikinuwento na kasi ng abogado ang lahat-lahat sa kaniya kaya naman ay nandito na siya.

“Matigas kasi ang ulo mo at kahit gusto kong makipag-usap sa ‘yo, ayaw mong makinig,” pilit na sabi nito. “Si Estelle?”

He chuckled bitterly. “What about her?”

“Hindi ba niya sinabi sa ‘yong ipinatawag ko siya at nag-usap kami?”

“Ano?” Naalala niya ang pag-uusap nila ng dalaga nang binanggit nito ang kaniyang ama. Sa halip na iyon ang nais niyang pag-usapan nila ay pinutol niya iyon dahil gusto niyang ang tungkol sa kanila ng dalaga ang pagtutuunan nila ng pansin.

“So… Estelle can keep a secret, huh?” Napahingal ito pagkatapos nitong tinangkang tumawa.

Napailing-iling siya. “I guess.”

Marahang napangiti ang ama. “So, magtatrabaho ka na ba para sa kumpanya ko? It seems that another month and a half is so long for me to wait.”

“Dad…”

“Leandro, wala na akong sapat na oras pa. Nakikinita ko nang⸺”

“Don’t say it! Pakiusap lang, Dad. After all that’s happened… after all that I’ve learned… Those things about you…? Bakit ba? Gano’n na lang ba?” Umiling siya rito.

Pakiramdam niya ay ang bigat ng puso niya ngayon. Hindi siya makapaniwalang ang sama pala niyang anak. Pinagsisihan na niya ang mga sandaling nag-decline siyang makipag-usap sa ama nang masinsinan. Hindi naman niya masisisi ang ina na siyang dahilan kung bakit sila nagkaganito. Nakalipas na rin iyon at wala na ang ina. Hindi na niya puwedeng sumbatan. Hahayaan na lang niyang makapagpahinga na ito.

“Natatakot kasi ako kung ano ang malaman ko kapag nag-usap tayo. Ang tanging tumatak lang sa isipan ko ay ang negosyo mong dapat na mapasakamay ko na. It felt like… I’m not a son to you but some guy who should work for you and take care of your company! I felt like I was nothing to you but just a tool.”

“Siguro hindi ko lang alam kung paano ang makipag-usap sa ‘yo, Leandro. Pero nakakatawa dahil madali ko lang namang nasabi ang tungkol sa akin kay Estelle.”

Napalunok siya sa sinabi ng ama. Halos hindi siya makapaniwala sa sinabi nito.

“Just rest, Dad. Nandito na ako,” mahinang aniya sa ama habang tahimik na napaluha.

Nang makapag-isip na siya nang maigi habang pinagmamasdan ang amang natutulog ay naisip na niyang mag-resign sa kumpanyang pinagtatrabahuhan. In-email lang niya ang kaniyang resignation, immediate ang effectivity, at naintindihan naman iyon ng kaniyang superiors sa main branch.

Kinausap niya si Mr. Intog at kinumpirma nitong si Estelle na nga ang na-promote para sa posisyon niya. Kahit papaano ay natutuwa siya para sa dalaga. Iyon ang gusto nitong posisyon. Naalala pa niya ang galit na dalaga at sinabi nitong inagaw niya iyon. Ngayong napag-isip-isip siya ay siguro para nga talaga sa dalaga ang posisyon na iyon. Sabagay, temporaryo lang naman siya roon.

Just that he had no clue what to make of their relationship now. Susuko na ba siya kay Estelle? At sumuko na rin ba ito sa kaniya? Ni text o tawag ng babae ay wala siyang natanggap. Hindi man lang siya kinumusta kahit alam nitong may sakit siya noong huli silang nagkita. Sigurado siyang may dahilan ito nang pumunta ito sa condo niya pero nakita sila nito ni Kimberly na magkasama.

Mukhang wala naman itong totoong nararamdaman para sa kaniya. Kung galit ito sa kaniya, dapat sana ay kinausap siya nito. Kung nagselos man ito kay Kimberly, bakit hindi siya kinumpronta man lang?

Ngayong wala na siya sa kumpanya at hindi na showroom manager, masaya na kaya si Estelle sa posisyon nito ngayon? Kasama kaya nito ang lalaking nakita niya sa department store noon? Ito na kaya ang bago nitong nobyo ngayon? Kaya ba hindi siya agad sinagot ng babae ay dahil ang lalaking iyon ang mas gusto nito? Pinagsisisihan kaya nito ang nangyari sa kanilang dalawa? O eksperimento lang siya ng babae?

It hurt. It felt like he was going crazy just by thinking about all these questions in his head, with no possible answers, especially now that they had not seen each other.

Ayos na ang pakiramdam niya at nagsimula na siyang mag-take over sa kumpanya ng ama. Tinulungan siya ng mga magagaling na empleyado ng kaniyang ama na matagal nang naninilbihan sa kumpanya para mapadali ang transition. Hindi naman na bago sa kaniya ang trabaho dahil mataas din naman ang naging posisyon niya sa ibang kumpanyang pinagtatrabahuhan niya sa America bago umuwi ng Pilipinas at madali siyang matuto.

Nakalabas na ang kaniyang ama pagkatapos ng dalawang linggong confinement sa ospital. Laking pasalamat niya dahil dito. His father was clearly resilient. Nang makapasok na itong muli sa opisina ay pormal na nitong ipinasa ang responsibilidad sa kaniya na sinuportahan naman ng lahat ng mga empleyado.

Pinilit siya ni Jed na magkaroon sila ng kaunting belated celebration sa kaniyang condo unit dahil nagkasundo na rin sila sa wakas ng kaniyang ama at may bago na siyang responsibilidad sa buhay. He thought it was unnecessary. But given that Jed was persuasive enough, he caved in.