Chapter 29
Isang buwan na ring hindi nakikita ni Leandro si Estelle. Mukhang tinikis talaga siya ng babae. Gusto man niya itong puntahan, hindi niya magawa nang dahil sa kaniyang trabaho⸺at sa takot na rin.
Halos dalawa o tatlong oras lang ang tulog niya dahil sa daming backlogs na gawain na naiwan ng ama dahil sa pagkaospital nito. May marami rin siyang dapat na pag-aralan at i-catch up kaya halos wala na siyang oras para sa sarili man lang. May mga pagkakataong sa opisina lang siya natutulog hanggang sa medyo gumaan na ang mga gawain niya nang mga nakaraang araw.
Napatingin siya sa hawak na cell phone at tiningnan ang wallpaper. Ang mukha iyon ng dalaga. Kuha niya iyon sa MRT nang hindi napansin ni Estelle.
Yeah, he was kinda creepy, but he did not care. He just loved her since then.
“Oh, so ‘yan pala ang secret girlfriend mo!”
Paglingon niya ay si Kimberly pala ang sumilip. Nakaupo siya sa sofa at hindi alintana ang kaniyang mga bisita. Itinabi na niya ang device at umupo ang babae sa tapat niya habang busy sa kusina si Jed at ang nobya nitong naghahanda ng pagkain.
Magsasalita sana siya nang biglang tumunog ang kaniyang cell phone. Nagtataka siya dahil si Mindy iyon, hindi ang inasahan niyang babae.
“S. O. S., Leandro! Kahit hindi siya dambuhalang babae, hindi ko siya kayang pasanin! Ayoko namang tawagan ang sinuman sa pamilya niya dahil baka mag-aalala.”
Nalilito siya sa sinasabi nito. Napatingin siya ulit sa kaniyang cell phone. Si Mindy nga ang tumatawag. But he had no idea what the hell she was talking about!
“Ano’ng sinasabi mo, Mindy? Hindi kita maintindihan.”
“Nasa Baywalk kami. Ewan ko na lang. Kanina pa kami rito bago lumubog ang araw dahil gusto niyang makita ang paglubog ng araw! Halos araw-araw kaming nandito para manood sa paglubog ng araw, alam mo ba? At halos araw-araw na rin siyang umiinom but not to the point of being drunk. We were just hanging out. Pero ngayon naglasing na talaga siya nang ganito. Sa araw lang na ‘to. Trust me. It’s not my doing!”
“Ano? Lasing? What the hell? Sino ba ang sinasabi mo?”
“Duh! May iba pa ba kundi si Estelle? Bakit ang slow mo ngayon? Katulad ka na rin ba niya?”
Napatayo siya mula sa kinauupuan na tila sinilaban ang puwet. “What?” Agad niyang kinuha ang car keys. Hindi na niya pinansin ang pagtawag sa kaniya ni Kimberly at pati ni Jed. Tuloy-tuloy na siya sa elevator at nang marating at makasakay sa kotseng nasa parking lot, pinaharurot na niya ito patungong Baywalk. May ideya na siya kung saang lugar iyon. Sa may restoran kung saan sila nag-dinner ng dalaga noon.
Ang lakas ng pagkabog ng kaniyang dibdib. Sa sinabi ni Mindy na pinapanood ni Estelle ang paglubog ng araw? Parang nagbigay iyon ng kakaibang kasiyahan sa puso niya. Naalala niya pang nakatanaw sila noon bago sila umuwi sa kaniyang condo at nagniig.
Napalunok siya habang nagmamaneho. May malaking pag-asang bumangon sa kaniyang puso.
Hinanap niya ang dalawang babae sa paligid. Nang makita ang mga ito ay marahan siyang humakbang papalapit sa mga ito. Nakaupo si Estelle sa may seawall. Inaalo naman ito ni Mindy.
“Sino ba ang tinawagan mo, Mindy? Boyfriend mo?” usisa ng babaeng halatang lasing nga.
“Well… we do need a ride, ‘di ba?” tugon naman ng tinanong.
Napatungo si Estelle. “Mindy, naniniwala akong masaya na siya ngayon… kaya… ayos lang. Sabi ni Eric magkasundo na sila ng daddy niya. Buti pa si Eric nakakausap niya. Updated ang kapatid ko. Bakit ako hindi? ‘Di ba… ‘di ba parang ang unfair naman no’n? Ni tawag o text… wala akong natanggap mula sa kaniya. Kaya naman wala akong masasabi kina Tatay at Nanay kapag nagtatanong tungkol sa kaniya. Pati ba naman si Ate Erin at mga pamangkin ko ay kinumusta siya? Huh! Pero masaya na siya, Mindy, eh. Alam ko ‘yon. Nakita ko ‘yon. Kitang-kita ko ‘yon sa dalawang mga mata ko! Bakit naman hindi siya magiging masaya? Ang ganda ng girlfriend niya, eh! Elegante pa.”
Napasingasing si Leandro sa narinig at napailing. Napahinto na siya malapit sa mga ito at pinanood ang dalagang naghimutok. Nakatukod ang mga siko nito sa tuhod habang ang mga kamay ay nakasapo sa ulo nito. She really was a mess, sa obserbasyon niya.
Napalingon sa kaniya si Mindy. Para itong nabunutan ng tinik nang makita siya. Naiiling ito habang napatingin sa kaniya. Tinanguan niya lang ito at sinenyasang puwede na itong makaalis at siya na ang bahala. Tumango ito at umalis na nga nang wala man lang pasabi sa dalagang lasing.
Napadungaw na naman siya sa dalagang nasa ganoon pa ring ayos. Hula niya ay nahihilo ito dahil sa kalasingan.
Narinig na lang niyang napasinghot-singhot ito. Mukhang umiiyak. Naaawa naman siyang napaupo sa tabi nito. Pero mukhang hindi pa rin siya nito napapansin. Akala siguro nito ay si Mindy pa rin ang kasama nito dahil sa puwestong iniwan ni Mindy siya umupo.
“Alam mo ba, Mindy na… may binili akong regalo para sa kaniya pero hindi ko naibigay? Binili ko ‘yon nang magkasama kami ni Francis no’ng araw na nagpasama siya sa ‘kin para bilhan ng polo ang boyfriend niya. Huh! Buti pa ang baklang ex ko may love life pa rin, hanggang ngayon. Eh, ako? Ang malas ko naman sa mga lalaki, Mindy. Kung hindi bakla ang boyfriend ko… may iba namang babae ‘yong isa. Tss! Gawain niya yatang mang-seduce ng babae sa Amerika, eh!”
Napatitig siya rito nang husto. Naalala niyang may hawak nga itong paper bag nang pumunta ito sa condo niya at nagkunwari siyang hindi ito nakikita. Iyon yata ang tinutukoy nitong regalo. At si Francis pala ang kasama nito noon sa department store at bakla raw ito? Halos hindi siya makapaniwala sa rebelasyon nito.
“Ang tanga ko talaga! Sana hindi na lang ako bumili ng regalo. Muntik ko nang sinabi sa kaniya ang totoong nararamdaman ko pero hindi ‘yon natuloy. Alam mo ba kung bakit?” patuloy nito. “Nakita ko kasing may kasama siya… iyon ‘yong girlfriend niya. Pero ang hindi ko maintindihan… ay kung bakit pa niya sinabi sa ‘kin ang mga salitang ‘yon… no’ng… gabi na ‘yon… na… na magkasama kami. He’s really a jerk!”
Marahan niyang inangat ang kamay upang akbayan sana ito at tapikin sa balikat. Pero nagtaas ito ng ulo at humarap sa kaniya nang bigla at sumigaw.
“How could he do that to me, Mindy?”
Tumikhim na lang siya at nagbawi ng kamay nang makita niyang nanlaki ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya. Parang bigla na lang itong nahimasmasan nang makita siya.
“B-bakit ka nandito? Totoo ka ba?” Napailing-iling ito at saka nagbukas-sara nang ilang ulit ang mga mata.
“To listen to your rants perhaps?” he answered mockingly.
Napalunok ang babae. Tumayo itong parang robot at agad na humakbang pero sumuray ito. Mabilis niya itong inalalayan upang hindi bumagsak sa lupa ngunit nagpumiglas ito mula sa pagkahawak niya.
“Bitiwan mo ako!”
Iyon na nga ang ginawa niya. Marahan niya itong binitiwan. Ayaw niyang gagawa sila ng eksena gayong gumawa na nga ito ng eksena kanina pa. Ilang pares din ng mga mata ang nakamasid sa kanila ngayon.
“Huwag kang lumapit!” sabay duro nito sa kaniya na nanlilisik ang namumungay na mga mata. “Nasaan si Mindy? Huwag mo siyang itago!” Slurry pa rin ang mga salita nito.
“What nonsense are you spewing, woman? Mindy just left with her boyfriend, and I’m here for you.”
Napatigil ito sa paglalakad. Pumihit ito para harapin siya.
“A-ano? Iniwan nila ako?” Pumiyok ang boses ng dalaga saka nakita niyang umaagos ang mga luha nito. “Iniwan nila ako… Iniwan mo ‘ko…” mahinang bulong nito at tuluyang humagulhol.