Chapter 27
Nakatalikod man ang babaeng naglalakad sa kabilang direksyon ay kilalang-kilala ni Leandro kung sino iyon. Si Estelle. Nagtataka siya kung bakit nandoon ang babae. Alam kaya nitong nag-undertime siya? Alam kaya nitong may sakit siya? O baka naman ay nandito lang ito para makapag-usap sila?
Hindi niya pa rin nakakalimutan na nakipagkita ito sa isang lalaki gayong nandoon siya sa bahay nito. Gusto niyang linawin sa pagitan nila ang kanilang relasyon pero mukhang ayaw nito sa hindi niya alam na kadahilanan. Naiinis siya!
Nagpanggap na lang siyang hindi niya ito nakikita. Pinapasok niya si Kimberly sa loob ng kaniyang unit. Titingnan niya lang kung ano ang magiging reaksyon ni Estelle kapag siya naman ang may ibang babaeng kasama. Magseselos kaya ito? Aawayin kaya siya nito o ano?
Napilitan lang naman siyang pasamahin si Kimberly dahil hindi na niya napigilan si Jed. Pumunta siya sa ospital para magpa-check up sa pinsang doktor. Mukhang gusto pa rin nitong ireto silang dalawa ng doktora kaya pinapauwi siya nito at pinasama pa si Kimberly.
Ayaw man sana niya ay naalala niyang para siyang bastos noong blind date nila. Kahit na wala siyang dapat patunayan sa babae ay binigyan na lang niya ng courtesy ang kaniyang pinsan dahil kaibigan din naman nito at ng nobya nito ang babae.
Nagpresinta na rin si Kimberly na i-make sure na ayos lang siyang nakakauwi sa condo niya. Medyo mataas din kasi ang lagnat niya at ayaw niyang mag-overnight man lang sa ER.
He hates hospitals. Siguro ay dahil iyon sa karanasan niya nang magkasakit ang kaniyang ina. Labas-masok sila noon sa ospital. Naalala niya pa kung paanong nagdusa ang kaniyang ina dahil sa sakit nito. Ang sakit talaga sa puso ang makita ang mahal sa buhay na nahihirapan. Kung maaari lang na siya ang magdurusa para rito, gagawin niya. Pero hindi. Hindi iyon mangyayari sa kahit na sino.
Hanggang ngayon ay naroroon pa rin ang galit niya sa kaniyang ama dahil hinayaan nitong magdusa ang ina niya nang mag-isa at wala ito sa tabi nilang mag-ina. Maybe that was the worst thing that happened in his life. At hinding-hindi niya mapapatawad ang kaniyang ama kahit ilang beses pa itong humingi sa kaniya ng tawad.
Napabuga siya ng hangin.
“Okay. So, nag-promise lang akong I’ll just tuck you in your bed. Wala akong ibang gagawin sa ‘yo. Kung hindi pa busy sina Jed at Linda, alam kong sila mismo ang gagawa nito para sa ‘yo, Leandro.”
Tumango lang siya at pinasalamatan si Kimberly. Ngumiti naman ito sa kaniya nang matamis.
“It’s okay. As long as you’re fine, it’s good.”
Ilang minuto pa ay umalis na rin ito nang maiayos ang lahat ng kailangan niya, katulad ng gamot at pitcher ng tubig. Nasa nightstand niya ang mga ito para hindi na siya bumaba. Subalit si Estelle pa rin ang nasa isip niya.
‘Is she still outside? Is she going to see me, after seeing Kimberly with me?’
Hindi niya alam kung ano ang nasa utak ni Estelle.
***
Hindi nakita ni Estelle na lumabas ang babae sa condo ni Leandro kaya umalis na siya. Sumakit na ang dibdib niya nang masyado.
Nang makapasok na siya sa kaniyang silid ay dumapa siya sa kaniyang kama at humagulhol na unan niya. Sa loob-loob niya ay naghimutok din siya.
‘Huh! Sinabi pa niyang mahal niya ako tapos ngayon may iba pala siyang kasama? Hindi pala totoong may sakit siya! Gusto niya lang pala magkaroon ng… ng oras para makaano sila ng babaeng ‘yon…’ Hindi na niya itinuloy ang pag-iisip kahit gusto na niyong magpinta ng larawan sa kaniyang utak. Hayun at nagsimula na nga. Ayaw niyang ituloy. Ayaw niyang isipin.
Nakadapa pa rin siya sa kaniyang kama at patuloy sa pag-iyak. Sa isang sulok ng kaniyang silid ay may binigyan siya ng isang matalim na tingin. Ang basket na bigay sa kaniya ng binata. Naalala pa niya ang mga bulaklak, ang stuffed toy, note, beef jerky, Stick-O, at donut na bigay noon ng binata.
‘Leche ka talaga sa buhay ko, Leandro! Bahala ka na. Ayoko na!’
***
Kinabukasan ay pumasok si Estelle sa trabaho nang matamlay. Napansin ni Mindy iyon.
“O, ano’ng nangyari kahapon?” usisa nito. May concern sa mukha nito habang nakatitig sa kaniya na animo’y may sakit.
“Wala.” Umupo siya sa kaniyang computer chair. Hindi niya inalis ang suot na sunglasses.
Napakuros ng mga braso ang kaibigan niyang isinandal sa mesa niya ang balakang. “Ang akala ko ba okay na kayo ni Leandro? Akala ko talaga—”
“Ayokong marinig ang pangalan niya, Mindy.”
“Wow! Touchy. May nangyari talaga sa inyo, ano?” hula pa rin nito.
Hindi na siya kumibo. Umismid ito.
“Absent ngayon si Mr. Showroom Manager. So, the floor is yours.” Hindi nga nito sinambit ang pangalan ni Leandro.
Wala siyang gana. Kahit na mapasakaniya man ang posisyon nito ay hindi pa rin siya magiging masaya. Iyon nga ang inasam-asam niyang promotion na inagaw ng binata pero parang wala na siyang pakialam sa lahat at kung ano ang mangyayari. Pakiramdam niya ay nasa isang madilim na tunnel siya naglalakad. Walang direksyon kundi ang maglakad lang sa kawalan.
Sa mga sumunod na araw ay nalaman na lang niyang nag-resign na ang binata. Biglaan daw. Walang nakakaalam kung bakit. Siguro ang main branch at ang GM nila ang may tanging alam kung ano ang nangyari.
Napatingin siya sa kaniyang regalo na hindi man lang niya naibigay sa binata. Siguro wala na siyang iba pang pagkakataon para ibigay iyon dahil wala naman siyang alam kung magkikita pa silang muli pagkatapos ng lahat ng nangyari. At siguro nga dapat ‘di na siya aasa. Masakit man iyon para sa kaniya.
‘Hindi ko man lang nasabi sa kaniya ang side ng story ng ama niya,’ malungkot siyang napaisip.