Chapter 20

Bumalik sa alaala ni Estelle na tinawagan siya ng sekretarya ng ama ni Leandro upang kausapin. Pumunta siya sa opisina ng ama ng binata na lingid dito.

“How’s your relationship with my son, Estelle?” bukas ng ama ng binata nang makaupo na siya sa tapat na upuan sa living area ng malaking opisina nito.

May leather upholstery ang mahabang sofa na beige. Bumagay iyon sa kremang pintura ng dingding ng buong opisina. May isang painting ng nature na may ibong nakapatong sa sanga ng kahoy. Makulay at may buhay ang painting kaya maganda sa paningin.

“Po?” napamulagat na aniya sa ama ng binata.

Napatitig sa kaniya nang husto ang mestisong may edad na. Halos kamukha ito ni Leandro.

“Personally, wala akong pakialam kung sino ang magiging nobya o mapapangasawa ni Leandro.” Tumigil ito sa pagsasalita nang ibinigay ng sekretarya nito ang kani-kaniyang tasa ng tsaa. Umalis din agad ang huli pagkasilbi sa kanila ng maiinom. “My only concern is regarding Leandro’s taking over the company in the future.”

“So… bakit po ako nandito?” nalilitong tanong niya rito. Hindi niya kasi ma-gets kung saan patutungo ang usapang ito.

Was he going to ask her to help him and convince his son to take over the management of the company? Or was he going to blackmail her, so that his son would have no choice but to follow his wishes?

“Hindi mo sinagot ang unang tanong ko, Estelle,” paalala nito sa kaniya.

“H-hindi ko po alam kung ano ang koneksyon⸺”

“My son hates me. It’s obvious. Nasaksihan mo naman ang pagkikita namin sa unang pagkakataon mula noong sampung taon pa lang siya.”

Napamaang siya sa tagal ng panahon na hindi pagkikita ng mga ito. Hindi niya masisisi si Leandro kung ganoon na lang ang nararamdaman nito pero gusto rin niyang maintindihan kung bakit at ano ang nangyari sa pamilya nito. Marites na kung marites siya. Dapat lang niyang malaman dahil sa malao’t hindi, baka mas mai-involve pa siya kay Leandro, one way or another.

“Naghiwalay kami ng mommy niya. Hindi kasi kami magkasundo. Gusto niyang mag-migrate kami sa America pero nandito ang negosyo ko at ayokong iwanan ‘to. Nagmatigas ang mommy ni Leandro at tumira sila sa America. Hindi matanggap ni Leandro na naghiwalay kami ng mommy niya. Gustuhin ko mang bisitahin siya sa America, hindi ko magawa. I’ve undergone a bypass surgery. Yes, coronary bypass surgery,” tumangong anito nang mag-react sana siya. “Hindi ako puwedeng bumiyahe nang matagal. Medyo maselan ang kondisyon ko. My doctor emphasized it everytime. I did call my son a few times noong bata pa siya pero hindi ko siya nakausap dahil sa mommy niya. She held a grudge dahil sa hiwalayan namin. Hindi ko alam kung may isiniksik siyang kung anu-ano sa isip ng anak namin kaya ganito na lang ang pakikitungo sa ‘kin ng anak ko.”

“Wala po siyang isiniksik sa isip ni Leandro, sa pagkakaalam ko. He’s just… stubborn,” sansala niya para madepensahan naman ang yumao nitong asawa.

Tumango ang may-edad na lalaki. Nagmuwestra itong uminom siya ng tsaa kaya ginawa na niya iyon.

“So, I heard she died. I was so devastated. Kahit papaano ay mahal ko pa rin ang asawa ko kahit na nagkahiwalay na kami sa loob ng mahabang panahon. Na-confine ako sa ospital for the entire period during her wake until after her funeral. I wasn’t able to even say goodbye to her.” Gumaralgal ang boses nito. Pasimple nitong pinahid ang mga luha sa mata.

‘Iyon pala ang dahilan kung bakit hindi siya nakapunta sa libing,’ sa isip ng dalaga. ‘That explains it.’ Nababanaag niya ang hinanakit nito.

“Kinausap kita ngayon dahil gusto kong malaman mong ayokong magiging hadlang ka sa pag-take over ni Leandro sa kumpanya ko. I worked hard for it, para sa anak ko. Dito ko ibinuhos ang lahat ng enerhiya ko nang nawala sa tabi ko ang pamilya ko, Estelle.”

Napaawang ang mga labi niya sa narinig. Medyo nalito siya.

“Naiintindihan mo ba ako, Estelle? Whether or not you’re aware of it, somehow… you’re holding back Leandro from working for me. Iyan ang gusto ko, na gumawa ka ng paraan, kung maaari, para mag-resign siya sa kumpanya n’yo. At gusto kong ipaalam mo sa kaniya ang totoong nangyari dahil hindi siya makikinig sa ‘kin. Knowing him, he might not believe me, at ikaw lang ang tanging makakatulong sa ‘kin, Estelle.”

Hindi siya nakapagsalitang napatitig lang sa ama ng binata.

***

Napabuntong-hininga si Estelle dahil sa alaalang iyon. Tanging tango lang ang ginawa niya pagkatapos niyon bago niya nilisan ang opisina nito.

Ilang araw na rin yaong nakalipas pero hanggang ngayon ay hindi pa niya alam kung paano sasabihin kay Leandro ang lahat ng sinabi sa kaniya ng ama nito. Hindi rin niya alam kung ano ang magiging reaksyon ng binata kapag nalaman iyon. Batid niyang walang kasiguraduhan ang buhay ng ama ng binata, kung kaya pini-pressure itong magtrabaho na sa kumpanya sa lalong madaling panahon.

Hinugasan muna ng dalaga ang pinagkanan habang tinutulungan ng binata ang kaniyang mga magulang. Inihanda na rin niya ang dapat na ipapadala sa kaniyang kustomer bago siya pumili ng damit para sa kanilang date ng binata.

Isang sundress na halter ang kaniyang napili. Powder blue ito na may maliit na printa ng mga bulaklak. Puting sandals naman ang napili niyang ipares dito.

Naligo na siya bago nagbihis at nag-makeup. Nagpabango rin siya gaya ng dati. Paglabas niya ay nakasuot na ng T-shirt si Leandro at malinis na rin ang sahig. Nasa likod ng kanilang bahay ang kaniyang mga magulang para linisan ang roller paints at iba pa na ginamit ng mga ito sa pagpintura.

Pinakunot niya ang ilong. “Hmm… hanggang bukas o sa makalawala malamang ay mangangamoy pa rito.” Napatingin siya sa kisame. Hindi niya alintana na nakatingin ito sa kaniya nang may paghanga sa mga mata at ngiti sa mga labi.

“Yeah, it will go away… eventually,” anang binata.

Napatingin siya kay Leandro. Saglit na magkahinang ang kanilang mga mata. Napunit na lang ang paningin niya mula rito nang dumating ang pamilya ng kaniyang bunsong kapatid na si Eric kasama ang asawang si Raizel at ang mga anak na sina Ashley at Denver. Agad siyang niyakap ng mga pamangkin at hinalikan niya ang mga ito sa pisngi habang nanonood si Leandro sa kanila.