Chapter 19

“Ah… ipaghahanda kita ng pagkain mo, anak,” mabilis na sabi ng ina ni Estelle saka nagmamadaling umeksit.

“Ipagtitimpla ko na rin ng juice si Leandro, ‘nak, baka nauuhaw na siya,” ang saad naman ng kaniyang ama. Mabilis din itong tumalilis patungo sa kusina pagkatapos nitong bitiwan ang isa pang paint roller.

Naiwan na lang silang dalawa sa may sala na magkaharap.

Pinilit niyang pakalmahin ang sarili dahil sa nakikitang half-naked na boss niya sa loob ng bahay nila. Lumapit siya rito upang agawin ang hawak nitong paint roller. Itinaas nito ang kamay upang hindi niya maabot.

“Akin na nga ‘yan!” sabi niyang nalukot ang mukha.

“Hindi pa ako tapos, o!” sabay turo nito sa kisame na kalahati pa lang ang napipinturahan.

Hindi niya pinansin ang sinasabi nito. Pinilit niya pa ring agawin ang paint roller. Hindi niya napansing natapakan na pala niya ang paint roller na iniwan ng ama at dumaplis ang kaniyang paang naka-tsinelas. Nadulas siya pero bago pa siya tuluyang bumagsak sa sahig ay nasalo siya ni Leandro pagkabitiw nito ng hinawakang paint roller. Dahil sa awkward naman ang posisyon nito kung kaya’t patagilid itong bumagsak sa sahig kasama siya. Prinotektahan pa rin siya ng lalaki kaya naman sa halip na sa sahig din siya babagsak ay nakadagan siya sa katawan nito.

Medyo napakislot ito ng mukha dahil siguro sa impact. Kaya nag-alala siyang napatitig dito.

“O-okay ka lang?”

Tumango ito kahit na mukhang namimilipit.

“Sorry, hindi ko naman sinadya,” hinging despensa niya.

“It’s okay. I just had no idea you weigh this much, Estelle,” sabi nito. Tumawa pa ang binata nang may panunukso sa kaniya.

Hinampas niya ito sa pawisang dibdib pero nahuli nito ang kamay niya. Magkahinang tuloy ang kanilang mga mata. Hindi niya alam kung ilang segundo iyon o kaya ilang minuto.

“O, napa’no kayo? Kayo pala ang bumagsak? Ayos lang ba kayo?” alalang tanong ng kaniyang ina nang makita sila sa ganoong posisyon.

Bigla siyang kumalas mula sa pagkakahawak ng lalaki. Tinulungan siya ng kaniyang ina na tumayo. Umupo muna ang binata bago ito tumayo.

“Opo. Nadulas po kasi si Estelle sa paint roller. Buti na lang ako ang binagsakan niya,” paliwanag ng binata na natawa. Sumulyap ito sa kaniya at kinindatan siya nang hindi nakatingin ang ina.

“Ang kulit mo kasi! Bakit ka ba namimintura ng kisame, eh, hindi mo naman ‘to bahay at hindi ka rin taga-pintura!” Inirapan niya ang lalaki.

Sekreto siyang napalunok habang pilit na huwag isipin kung gaano kasarap maramdaman ang matigas nitong katawan na sumalo sa kaniya. Ang ina naman niya ay napatingin sa paa niya.

“Ayos lang ba ang paa mo, ‘nak?” alalang tanong ng ina sa kaniya.

Tumango siya rito. “Ayos lang, ‘Nay.”

Napabuntong-hininga ito nang maginhawa. “O, kumain ka na roon. Nakahanda na ang mesa.” Bumaling ito sa boss niya. “Ikaw naman, Leandro, mag-snacks ka muna, ha? Sabayan mo na si Estelle sa pagkain,” nakangiting sabi nito kay Leandro.

“Opo,” mabilis na sang-ayon ng binata.

Sumunod ito sa kaniya. Nakita nilang nagsalin ng juice sa apat na baso ang kaniyang ama.

“O, maupo na kayo riyan,” sabi nito. Binigyan sila ng may-edad na lalaki ng juice kung saan ay maaabot lang nila. “At ako naman, magpapatuloy sa pagpipintura sa kisame,” patuloy ng ama na dala-dala ang dalawang basong juice para sa sarili nito at sa kaniyang ina na nadoon sa sala.

“’Tay! ‘Di ka puwede sa juice, ah!” pahabol na paalala niya rito pero hindi na nakinig ang ama kaya napabuga na lang siya ng hangin. “Ang tigas talaga ng ulo.”

Magkatapat na nakaupo silang dalawa ni Leandro sa hapag-kainan. Nakahain doon ang garlic fried rice, chorizo, at sunny sideup na itlog. May baso rin ng tubig sa tabi ng kaniyang plato, samantalang baso ng juice at chicken sandwich ang nasa harap ng binata.

Napahagod ito ng tingin sa kaniya. Dumako iyon mismo sa bandang dibdib niya. Noon pa niya naalalang lumang manipis na T-shirt at shorts lang ang suot niya at wala siyang bra sa ilalim. Agad na nag-iinit ang kaniyang pisngi sa realisasyong ito. Napansin kaya iyon ng binata? Kaya ba ito napatingin sa kaniya nang ganito?

Tumikhim siya at pinilit na ipagsawalang-bahala ang katotohanang iyon. Nagsimula na lang siyang kumain dahil tahimik lang naman itong umiinom ng juice habang nakamasid sa kaniya.

“Bakit ka ba talaga naparito?” usisa niya ulit sa lalaki.

“Iimbitahan sana kitang manood ng sine o kaya naman mag-shopping. Depende kung anong gusto mong gawin.” Inilapag nito ang baso na nangangalahati na.

“Ano? Magde-date tayo?” taas-kilay niyang tanong.

Napatawa ito nang marahan. “Yes, Estelle. I’m asking you on a date.”

Lumunok siya bago sumubo ulit ng pagkain habang sinalubong ang paningin nito. Sa parehong pagkakataon, pinilit niyang huwag ma-distract sa pagiging half-naked nito sa harap niya.

“Fine. Pero maghihintay ka pa nang matagal. May gagawin pa akong iba.” Tiningnan niya ito nang may mapanukat na mga mata. Tinantiya niya ang reaksyon ng binata sa sinabi niya. Sa totoo lang, wala naman talaga siyang dapat na gawin kundi magpalipas lang ng oras dahil weekend. Kapag ganito kasi ay nagpapakatamad lang siya kapag wala siyang orders.

Kumibit naman si Leandro. “Then, I’ll wait for you. Hindi pa rin naman tapos ang ginagawa namin ng tatay mo, so it’s okay. You can take your time. No rush.”

Nandilat ang mga mata niya. “Huwag ka ngang makialam do’n! Hayaan mo na ang dalawang ‘yon. Pampalipas-oras din nila ang magpintura.” Ikinumpas niya ang kubyertos sa ere habang nagsasalita.

“Eh, hindi naman madali ang laging nakatingala habang nagtatrabaho, ano? Kaya tinutulungan ko na sila. Isa pa, gusto ko rin namang tumulong sa kanila. Ano bang masama ro’n?” Pagkasabi ay uminom ito ng guyabano juice. Inubos nito yaon bago muling inilapag ang baso sa ibabaw ng mesa.

‘Anong masama ro’n? Aba! Baka masanay ang mga ‘yon sa ‘yo, Leandro. At ako rin. Baka masanay rin ako. Mukhang ayaw pa naman ako ng daddy mo.’ Gusto niyang sabihin pero itinikom niya lang ang bibig.

Sa ngayon, hindi niya alam kung ano ang gagawin niya sa binata⸺kung opisyal na niya itong sasagutin o hindi pa o hindi talaga. Nalilito pa siya.