Chapter 21

Ipinakilala ni Estelle si Leandro sa kapatid, hipag, at sa mga bata. Nakita pa niya ang panunukso sa mga mata ng kaniyang sister-in-law pero hindi ito nagsalita. Pangiti-ngiti ito sa kaniya habang sinusukat din ng paningin ang binata.

“Tutulungan ko pa sana si Tatay. Tapos na pala niyang pinturahan ang kisame?” anang Eric na napatingin sa itaas.

“Hmm… late ka na, Eric. Buti may import si Tatay. Si Leandro ang tumulong kanina,” komento niyang inismiran ang nakababatang kapatid.

Napangiti sa kaniya ang binatang tinutukoy. Napalingon dito ang kaniyang kapatid.

“Salamat sa tulong, boss.” Tinanguan ito ng kapatid niyang nakangisi. “Paano kasi ‘yong kapitbahay namin muntikan nang masunog ‘yong bahay nila. Tinulungan ko munang ayusin ‘yong electrical wiring niya.” Kahit hindi electrician at isa itong company driver ay may alam ang kapatid niya dahil electrician dati ang kanilang ama na siyang nagturo rito.

Tumango na rin lang si Leandro. “Importante nga naman ‘yong pagtulong mo sa kapitbahay n’yo. At walang problema, hindi naman ako busy. Kailangan ko ring magpapawis paminsan-minsan.”

Napatawa nang mahina ang kapatid niyang napahagod ng tingin sa katawan ni Leandro.

“Okay, boss, ah!”

Inirapan ni Estelle ang kapatid nang paismid. “May snacks sa mesa kung gusto n’yo at ng mga bata. Aalis kami ni Leandro.” Binalingan niya ang sister-in-law at ang dalawang pamangkin na naghahabulan at palibot-libot sa kanila.

“O, saan ang punta n’yo?” kaswal na tanong ni Eric sa kanilang dalawa. Napabaling-baling ito ng tingin sa kanila habang ang mga batang nakarinig ng snacks ay tumakbo na sa kusina at sinundan ng asawa nito.

“Sa mall lang kami,” sabi ni Leandro.

“At may ipapadala ako sa isang kustomer.” Ipinakita ni Estelle ang isang paper bag na may binalutang item sa loob.

Tumango ang kapatid. Nakipag-shake hands ito kay Leandro. “Baka kung hindi ka busy, boss, inuman tayo,” suhestiyon ng kapatid.

“Sure! Cool,” tugon ng binata sa kapatid niya.

***

“Wow! Magkasundo kayo ni Eric, ah!” ang komento niya nang lulan na sila sa kotse ni Leandro.

“Friendly naman kasi ang kapatid mo.”

Tumango siya. “Totoo ‘yon. Parang ikaw rin.” Napatikom siya ng bibig nang lumabas sa kaniyang bibig ang huling pangungusap.

Napatawa sa kaniya ang binata. “Well… actually, pinipili ko lang ang mga taong kaibiganin ko.”

Napakiling siya ng ulo. “Talaga? Hmm…”

Napangiti ito sa kaniya nang makahulugan. “Okay. Here we are.”

Napatingin siya sa harap ng gusali na kanilang hinintuan. Napasimangot siya.

“Teka, hindi ito ang courier office na—”

“Sorry. I got to shower and change para sa date natin,” agaw nito sabay kindat sa kaniya.

Napamaang siya rito saka napakurap-kurap.

Sumenyas itong lumabas na siya ng kotse. “Halika muna sa loob,” kumbida nito.

Napatingin siya sa loob ng condo building nitong halatang mamahalin. Ngumiti sa binata ang guwardiya at napatingin ito sa kaniya.

Napahanga naman siya nang makapasok sa malaking condo unit ni Leandro. It was spotless, although she already half expected it. May hagdan sa kaliwang gawi niya nang pumasok siya. Patungo iyon sa kuwarto ng binata. Sa baba ay living room, kusina, at banyo. Sa gitna ng dingding ng living room ay may nakasabit na painting. Isang view ng dagat at kalangitan habang papalubog ang araw.

“So, you love sundown,” naikomento niya nang halos wala sa sarili habang napatingin sa paligid. Puti ang kulay ng sofa na may velvet upholstery fabric. Maganda at malinis iyon sa mata.

“Colorful compared to sunrise. I like colorful things… and colorful people. They make life exciting,” tugon ni Leandro na nakangisi sa kaniya nang makahulugan. Patakbo itong pumanhik sa itaas.

Napatingin siya sa mga appliances doon sa living room. May malaking LED TV, VCD player, at game console. May laptop itong nakapatong sa salaming center table.

Biglang sumulpot ang binatang nakahawak sa safety rail sa itaas. Nakahubad na ito ng T-shirt.

‘Talaga bang kailangan niyang ipakita sa ‘kin ang yummy look niya?’ anang isipan niya. Pinilit niyang huwag ipakita ang paghanga sa maganda nitong katawan.

“Feel at home. I’ll be down in about ten minutes,” pagpaalam nito.

“Okay,” nasabi na lang niyang napaiwas na ng paningin. Pero nahuli niya ang pagngiti nito sa kaniya bago ito bumalik sa loob ng kuwarto. Sa tantiya niya ay may isa pang banyo sa itaas dahil hindi ito bumaba.

Pumunta na lang siya sa kusina. Mayroong refrigerator, electric stove, electric water dispenser, at dining set na pang-apatang katao. Tiningnan niya ang laman ng fridge ng binata. May mga prutas at gulay, fresh milk, yogurt, cheese, itlog, karne, at iba pa. Naisip niyang nagluluto pala ang binata kung ganito ang laman ng fridge nito.

Bumalik siya sa sala at napatingin sa mga larawang naka-display. Ang ina ng binata at ang younger version ni Leandro. Nakasuot ng pang-winter ang mga ito habang nasa isang ice skating rink. Nakita niya ang kaunting pagkahawig nito sa ina. At nang mapaisip siya sa ama ng binata ay medyo napalabi siya. Naisip niyang nahahati ito sa mga magulang, hindi lang ito nagmana sa ama. Kapwa maganda ang genes ng mga ito. No wonder Leandro was blessed with good looks. It was a fact she could not deny herself.

“Mommy ko.” Narinig niya ang mababang tono ng boses ng binata nang sinilip ang hinahawakan niyang picture frame.

Hindi niya namalayang matagal niya pala itong pinagmamasdan.

Ibinalik niya ito sa kinalalagyan. Tumango siya.

Ngumiti ang lalaki sa kaniya. Ibang T-shirt at jeans na ang suot nito ngayon. Napakabango nito at napakapreskong tingnan. Tuloy ay kumabog nang husto ang kaniyang dibdib.

“Puwede na ba tayong umalis?” tanong na lang niya nang makita ang paglumbay ng mga mata nito.

Tumango ito nang marahan na may pilyong ngiti.