Chapter 18

“So, ano ba talaga ang nangyari sa inyo kahapon? May LQ na kaagad kayo kahit hindi pa kayo mag-on?” pabirong usisa ni Mindy kay Leandro bago pa siya makaupo sa kaniyang puwesto.

Umupo muna siya sa kaniyang mesa bago humarap sa kausap. “It’s just a little misunderstanding.”

“Hmm… pagkatapos ng pag-uusap n’yong mag-ama?” taas-kilay na komento nito.

“It’s… complicated. My father and I don’t see eye to eye. He’d never been there for me since I was a kid, and I don’t have any idea why! Although sinabi ng mommy ko na naghiwalay sila, hindi pa rin ako naniwala. I just don’t know if I’m stupid or something.” Kumibit pa siya. “I just… maybe made excuses for him for a long time. But I knew it wasn’t enough. And then… what happened yesterday… naipit lang si Estelle. Kasalanan ko rin ‘yon. Na-realize ko ‘yon. I’ve been up all night, you know? I really feel remorseful for what I’ve done to Estelle. She was concerned, and I just… blew it up right in her face!” sabay kumpas niya pa ng kamay.

“Ah, gano’n?” nasabi ni Mindy. “Sabagay, palagi namang complicated ang pamilya. Hindi na ‘yan bago para sa ‘kin pero natutuwa ako at nalutas mo na ang problema n’yo ni Estelle. Alam mo kasi, ang kaibigan kong iyan… tulak ng bibig, kabig ng dibdib ‘yan.”

Napatawa siya sa sinabi nito.

Pinandilatan siya nito. “Pero huwag mong sabihin sa kaniyang ako ang may sabi, ah!” babala nitong itinaas ang kilay.

***

Pangiti-ngiti si Leandro habang hinihila ang upuan para kay Estelle. Sa wakas ay pumayag din itong makipag-dinner sa kaniya.

“Dinner date?” tanong nito para makasigurado. Klaro iyon. Ito ang parehong tanong nito noong una niya itong imbitahan.

Tumango siya nang nakangiti. Kumibit ito.

“Fine.”

“Fine?” alunignig niya.

Tumango ito. “May label na ang imbitasyon mo. Hindi na malabo.”

Kaya heto sila ngayon. Nag-order siya ng specialty ng restoran para sa kanilang dalawa at nagkuwentuhan sila ng dalaga. Nagkomento itong masarap ang pagkain at dumako sa iba’t ibang paborito nila ang kanilang usapan. Napahaba ang usapan nila nang hindi nila napansin ang oras na late na pala.

Inihatid niya ang dalaga sa bahay nito. Napapihit ito sa kaniya na tila ba may gustong sabihin pero mukhang hindi nito kayang ilabas yaon.

“Pinag-isipan mo na ba ang tungkol sa sinabi ko sa ‘yo noon?” marahang paalala niya rito.

Nagtatanong ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya. Kinabig niya ito hawak ang likod ng leeg nito. Siniil niya ito ng halik sa labi. Hindi nagtagal ay bumuka rin ang bibig nito at tinugon ang kaniyang halik. Nang tinapos niya ang halik na sinimulan ay idinikit niya ang kaniyang noo sa dalaga.

“I really, really like you, Estelle. Will you give me a chance to be with you? To be your boyfriend?” marahang hinging-permiso niya sa dalaga.

“Pag-iisipan ko pa,” pabulong nitong tugon nang nakangiti at kagat ang pang-ibabang labi.

Marahan niya itong binitiwan kahit ayaw pa niya sana. Marahan siyang tumango nang nakangiti rin.

“Okay,” aniya na may saya sa puso.

He thought he could wait while playing this sexy game with her.

Umibis siya ng sasakyan at binuksan ang pinto ng passenger seat. Lumabas ang dalaga sa kotse niya. Pumasok ito sa gate bago humarap sa kaniyang muli para pasalamatan siya sa dinner at siyempre sa paghatid sa bahay nito. Nababanaag pa niya ang saya sa mukha ni Estelle kahit sa malamlam na liwanag kaya napangiti siya rito nang maluwag.

“Goodnight, Estelle.”

***

Kalalabas lang ni Estelle sa kaniyang kuwarto. Mataas na ang araw sa Sabadong iyon. Dumiretso na siya sa banyo para maghilamos at mag-toothbrush. Habang nandoon ay narinig niya ang mga boses sa labas. Hindi lang ng kaniyang mga magulang. Pinag-usapan ng mga ito ang tungkol sa pagpipintura sa kanilang kisame. Gusto kasi ng ina niyang dahan-dahanin ang pagpipintura sa kanilang bahay kapag may kaunting budget na bigay ng Ate Erin niya.

Nagtungo na siya sa may sala at nalaglag ang panga niya nang makitang walang suot na T-shirt si Leandro. Tanging faded jeans lang nito at medyas ang natira sa katawan. Nasa malayong banda naman ang sneakers nito.

“A-ano’ng ginagawa mo rito?” agad na sita niya sa binata.

Pinilit niyang huwag mapatingin sa magandang abs nito, pati biceps at malapad na dibdib at balikat.

‘Leche! Pakita pa siya ng abs, ah! Ano’ng nakain nito?’

Medyo pawisan ang katawan nito, halata sa makintab na balat, pero tila nagpapatingkad lang ito sa kakisigang nakakatulo ng laway at naghahatid ng kakaibang pakiramdam sa kaniyang tiyan, not to mention ang pagkabog nang husto ng puso niya. Hindi niya mawari ang pakiramdam na animo’y may nagsiliparang mga paru-paro sa kaniyang puson.

‘Diyos ko po! Ba’t ganyan siya?’

Nakahawak ang lalaki ng paint roller para sa pagpintura. Nagkalat ang ilang plastic at newspaper sa sahig upang hindi iyon mamantsahan ng pintura kahit puti ang kulay niyon. Ang ama at ang ina niya ay nakatayo sa isang tabi at nakatingala sa kisame.

Ngumiti sa kaniya ang binata. Parang nag-slow motion ang lahat ng bagay sa paningin ni Estelle. Tila nagliwanag din sa paningin niya ang binata nang hindi niya mawari.

“Hey, Estelle. I am helping your father do the painting. Wala naman akong gagawin ngayong araw na ‘to, eh.” Kumindat pa ito sa kaniya na siyang nagpasikad ng kaniyang puso sa loob ng kaniyang tadyang. Ang bilis pa nitong tumibok pagkatapos niyon.

“’Nay? ‘Tay?” Napamangha siyang napalingon sa mga magulang. Pinandilatan niya pa ang mga ito. Hindi siya makapaniwalang hinayaan ng mga ito na patrabahuhin si Leandro sa bahay nila. Nakakahiya!