Chapter 17
Pagkatapos mag-walk out ni Estelle sa huddle room ay inis na inis siyang lumabas ng gusali gamit ang fire exit. Ayaw niyang makita siya ng mga kasamahan sa ganitong foul mood nang dahil sa kanilang showroom manager. Sa kaniyang kinaroroonan ay hindi siya makikita ng nasa loob ng showroom dahil concrete wall ang gilid ng gusali, hindi katulad ng salamin na nasa harap.
Pabalik-balik sa isipan niya ang eksenang namagitan sa mag-ama. Hindi niya akalaing may problema palang ganoon ang binata sa ama nito. She thought he had a perfect family in the US. It turned out that it was not, at all.
Naaawa siya sa binata dahil sa pressure na ibinigay ng ama gayong hindi ito naging mabuti sa binata simula noong bata pa ito, obviously. Nang marinig niya ang dahilan kung bakit ito nanatili sa Pilipinas ay parang kinalabit ang puso niya.
Kahit na nadiskubre niyang wala itong naiwang responsibilidad sa ibang bansa na dapat ikatutuwa niya ay nalulungkot siya para sa binata. Kahit pala matagal na itong nakatira doon ay wala itong babalikan doon. Kung paano nito sinabing may nangangailangan dito rito sa bansa ay nagpaisip sa kaniyang kabaliktaran ang ibig nitong sabihin. Ang totoo ay nandito ang mga taong kailangan nito at wala roon sa America. That was when her heart went out to him. He was broken, whether he was aware of it or not. Pero kapalit ng pag-aalala niya ay ang pangungutya naman nito at ipinamukha pa sa kaniya ang bagay na ayaw na niyang isipin. Sana.
“Jerk! Manhid!” pagmamaktol niya. She was pacing, seething.
Tumunog ang kaniyang cell phone at nakitang hindi iyon nakarehistro sa kaniyang phonebook pero sinagot pa rin niya ito at baka trabaho.
“Estelle, please lang. Huwag mong ipa-blotter si Leilani!” agad na bungad sa kaniya ng boses ng isang lalaki. Si Mark.
Napatingin siya sa langit. Wala ba siyang break kahit kaunti lang sa araw na ito?
“Buwisit ka, Mark! Tigilan mo na nga ako! Tigilan n’yo na ako!” sigaw niya.
“Okay! Patawarin mo na ako. Hindi na ako manggugulo sa ‘yo. Pakiusap lang. Huwag mong ipa-blotter si Leilani. Maawa ka naman sa anak namin, Estelle.”
“Huh! Ang kapal n’yo talaga, ano? Pero, sige. Kung talagang totoo ‘yang sinasabi mong hindi ka na manggugulo sa ‘kin, hindi ko na siya ipapa-blotter, pati ikaw! Rendahan mo ‘yang bastos na asawa mo kung maaari! At huwag n’yo na ngang idamay ang Ate Erin ko o sino pa man. Naintindihan mo ba ako, ha?”
“Oo. Pangako. Titigil na ako. Pasensiya ka na, Estelle⸺”
Tinapos na niya ang tawag nito at pinakawalan ang isang malalim na buntong-hininga. Parang gusto niyang mag-amok sa inis. Hinawakan na lang niya nang mahigpit ang cell phone at nagtatagis ang bagang.
Nang kumalma na siya ilang minuto ang nakalipas, saka lang siya bumalik sa kaniyang puwesto at sinabi ng isang tauhan sa team niya na hinahanap siya ni Leandro pero umalis din ito nang may tumawag.
Tumango lang siya pero nakaupo lang siya sa puwesto niya hanggang sa oras na ng kanilang uwian. Nauna na siya upang hindi niya makasalubong ang binata. Hindi na nga niya hinintay si Mindy.
***
Kinabukasan, hindi makapaniwala si Estelle nang dumating siya sa showroom nang makitang nawala ang mga papeles na nakapatong doon kundi ay ibang mga bagay ang pumalit. Napansin niyang nagbubulung-bulungan ang mga kasamahan niya pero kuryuso siya kung ano ang nasa mesa niya. Nakahilera ang mga ito nang maayos.
Isang Stick-O ang nasa unahan. Sinundan iyon ng isang box ng donut, isang note, isang stuffed toy na may nakalagay na “I’m sorry,” sa dibdib nito at sa huli ay isang pack ng beef jerky.
Napakiling siya sa kaniyang ulo nang binasa ang tila puzzle na nakaayos sa kaniyang mesa.
“I… donut… know what got into me. I’m sorry. I’ve been such a jerk. Huh!” Napatawa siya nang marahan. Nang mapatingin siya sa ilalim ng kaniyang mesa ay isang basket ng mga bulaklak ang nakalagay roon.
“Miss Estelle, alam ko kung kanino galing ‘yan. Nakita ko siyang nag-ayos niyan kanina, eh,” sabi ng pangiti-ngiting sales representative na malapit sa kaniya.
Napaismid siya rito. “Tumahimik ka!” pagtataray niya.
Nagkatawanan ang iba nilang mga kasamahan.
“Oooh! Ano ‘yan?” pansin agad ni Mindy na kararating lang.
Bago pa niya malinisan ang mesa ay pinigilan siya nito para tingnan iyon. Napangisi ito sa kaniya nang nanunudyo ang paningin.
“Kaya pala panay ang himutok niya kahapon nang hindi ka niya makita. Hindi rin kita nakita kahapon nang uwian, ah,” anang kaibigan.
Inilagay na niya sa basket ang mga nakapatong sa mesa niya at ibinalik ang mga papeles na dapat na nandoon. Naalala niya ang nangyari noong nakaraang araw.
“Wala lang ‘yon,” deny niya.
Umismid sa kaniya ang kaibigan. “Obviously, hindi. Nag-effort pa siyang gawin ‘yan, eh,” kumumpas na anitong tinutukoy ang note at ang mga pagkain.
Hindi na lang siya nagsalita. Napabaling naman siya sa lalaking dumating, sumulpot ito sa likuran ng kaibigan. Agad namang um-exit si Mindy na nagsasabing may importante itong iche-check sa company email. Ang galing talaga nitong magpalusot.
“Hi,” mahinang bati ng lalaki na mukhang may pagkapahiya sa ekspresyon nito. Nakita nitong malinis na ang mesa niya.
“Puwede bang… iwanan mo na ako?” Makahulugan siyang napatingin sa kanilang mga kasamahan na nakamasid sa kanila na may interes sa mga mata. Medyo nahihiya rin siyang pag-usapan ng mga ito. Hindi talaga siya usap-usapan sa opisina nila kundi nitong huli lang at dahil din sa eskandalong dala ni Leilani.
“Okay. But… can we talk later?” He looked hopeful while looking at her.
Napabawi siya ng paningin. Tumango siya nang marahan. Ngumiti ito sa kaniya. Halatang bigla itong sumaya dahil sa pagsang-ayon niya nang sulyapan niya ito. Sinundan niya ito ng tingin nang tumalikod na ito upang bumalik sa HR office.
Narinig niya ang kantiyawan ng mga sales representative pero sinaway niya ang mga ito. Hindi agad natigil ang mga ito, parang mga nagdadalaga at nagbibinata lang.
Ilang minuto rin ang tuksuhan na pilit niyang huwag pansinin pero napapangiti siya at kinikilig nang hindi niya mawari.