Kabanata 31

NAKAHANDUSAY nang duguan sa sahig ang Uncle Mike ni Jules na wala nang buhay. Ilang saglit ang lumipas ay lumitaw ring muli ang babaeng nakaputi at ang aninong nakatalukbong ng itim. Unti-unting lumiwanag ang anino at pumorma na itong tao.

Napaangat ng mukha si Jules at bumalong ang luha sa mga nito. “Joanna… Mariana…” sambit pa ng binata.

“Kuya…” ang sambit din ni Joanna.

“Jules…” ang sabay na tawag ng pinsan sa lalaki.

Nalaman ni Finna na kapatid pala ng binata ang babaeng nakaputi at si Mariana ang aninong nakatalukbong ng itim.

“Hindi ko maintindihan…” ang umpisa ng binata na kinakausap ang mga ito. Gumuhit ang kalituhan sa mukha nito.

“Kuya, dahil sa kapangyarihan ni Karabasan ay ikinubli niya ang katauhan ni Mariana sa isang anino. At dahil sa ilang nalalamang engkantasyon ni Mariana ay nahiram niya ang katawan ko kaya gano’n…”

“P-pero… ang rituwal na nakita ko…” ang umpisa ni Jules na tinutukoy ang tila pagniniig na iyon ng demonyo sa katawan ng kapatid sa kuwarto nito. “A-ano’ng ibig sabihin n’on?” Tumayo ang binatang hindi inihiwalay ang mga mata mula sa dalawang babaeng mahal nito.

“Ako ang nasa loob ng katawan noon ni Joanna, Jules. Tinawag ko ang incubus na si Karabasan upang pigilan siyang maging succubus sa tuwing kasama niya si Daddy… pero…” ang umpisang paliwanag ni Mariana para kay Joanna. Napailing-iling ang kanyang pinsang hindi na makapagsalita.

“Sadyang napakalakas niya at kaya namatay ako… ‘Yong katawan ko, Kuya,” ang salo ng kapatid niya nang malungkot. Napatingin ito kay Finna. “At ikaw, natutuwa akong makilala ka at makita kang nakatira sa bahay namin.”

Napakurap-kurap si Finna. “Huh? Bakit?”

“Ang aura mo ang siyang nagbigay sa ‘min ng lakas para hindi tuluyang mawala habang kinakalaban n’yo pa si Karabasan at si… Uncle Mike,” ang turan ni Joanna saka napasulyap ito kay Mariana.

Naiiling naman si Mariana. “Kasalanan ko ‘to,” pagsisisi pa nito sa sarili. “Kung hindi ko tinuruan si Dad tungkol sa mahika at sa mga engkantasyong nalaman ko… Kung hindi lang namatay si Mommy at malungkot na iniwang mag-isa si Dad… hindi sana ito nangyari.”

“Wala kang kasalanan, Mariana. Pinili ni Uncle Mike iyon. Tinawag niya ang succubus na si Karabasan,” ang sansala ni Joanna.

“Teka… succubus at incubus si Karabasan?” ang gustong klaruhin ni Finna.

“May dalawa siyang… sabihin na nating personalidad. Puwede siyang maging babae at puwede rin siyang maging lalaki,” ang paliwanag ni Mariana.

“Ah, kaya pala…” ang sabi ni Saling. May pagkamangha sa mukha nito.

Tiningnan lang nila ito at bumaling silang muli sa dalawang kaluluwa.

Nagsalita na rin lang si Finna, “Kung ang aura ko ang siyang tumulong sa inyo… partly… gano’n din ba ‘yon kay Jules?”

“Dahil may koneksyon kami sa kanya kaya gano’n,” ang paliwanag ni Mariana.

Napa-ah na lang ang dalaga. “P-pero ‘yong panaginip ko…”

“Gusto naming humingi ng tulong sa ‘yo at iyon ang pinakamadaling paraan para sa ‘min. Pero… natakot ka…” ang nanghihinayang na ani Mariana.

Napangiti siya nang alanganin at saka kumibit ng balikat. “S-siyempre. Hindi ko naman kayo kilala. At saka… dagdagan pang… pang-horror talaga ang ginawa n’yo, ‘di ba?”

Napahagikhik ang dalawang babaeng kaluluwa. “Pinilit naming mabait pero gusto talagang ipakita ni Karabasan sa ‘yo ang tunay na naming kaanyuan. So… that explains the bony hand,” ang pabirong paliwanag ni Joanna.

Napalunok naman si Finna. Takot talaga siya dahil sa panaginip na iyon. “I went through a lot before I came here… kaya hindi ko in-expect na…” umpisang paliwanag niya sa mga ito.

“Alam namin ang tungkol kay Bryan,” ang napangiting sabi ni Joanna.

Napasulyap ang dalaga sa binata nang alanganin. Nakatitig pala ito sa kanya.

“Sino si Bryan?” ang tanong ng lalaki. Hindi na ito umiiyak, pansin niya lang.

“Ang kasintahan niya na sana’y naging asawa na niya kung hindi sila nagkaroon ng engkuwentro sa isang restoran,” ang salo ni Rina para sa pamangkin nang hindi makapagsalita kaagad si Finna.

Napatingin si Jules dito nang saglit bago muling bumaling sa kanya. “I’m sorry. Ano’ng nangyari?”

“He’s dead, brother,” ang agad na singit ni Joanna. “In fact, na-meet na namin siya. Dahil sunod siya nang sunod kay Finna, eh.”

Napatingin ang dalaga sa kapatid ni Jules. “Si Bryan? Nandito ba siya ngayon at hindi ko lang siya nakikita?”

“Well, oo pero sabi niya babantayan ka lang niya palagi,” ang sagot ng kaluluwa.

Biglang namuo ang luha sa mga mata niya. “P-puwede bang ipaabot mo sa kanya ang mensahe ko?” ang pakiusap niya kay Joanna sa pumiyok na boses.

“Shoot,” ang anitong nakangisi naman.

“I loved him. At… at… nagsisisi akong hindi ko siya sinagot kaagad nang… nang mag-propose siya sa ‘king magpakasal. I was just too naïve then… at saka… mahal ko talaga siya…” Wala sa sariling napasulyap siya kay Jules na wari ay ito ang kinakausap niya.

“Okay. ‘Yan lang ba ang gusto mong ipaabot sa kanya o… meron pang iba?” ang tanong ni Joanna.

Nagkatitigan sila ni Jules. Pagkatapos nang ilang saglit ay napabaling siya ng tingin kay Joanna. “Umm… pakisabi sa kanyang huwag siyang mag-aalala at puwede na siyang pumunta sa kung saan niya gustong pumunta… ‘Tsaka pakisabi na ring magiging masaya rin ako… balang araw,” ang aniya at bahagyang napayuko dahil sa medyo bigla siyang nahihiya kay Jules.

‘Para kasing nag-confess ako ng feelings ko para sa kanya. Bakit ba ganito ang nararamdaman ko? Hindi ko pa siya masyadong kilala.’

Napangiti naman si Joanna nang tila may ideya na kung bakit ngunit wala itong sinabi kundi ang tumingin lang sa kapatid nito. “Okay. Narinig na ni Bryan ang lahat at sabi niya at natutuwa siya para sa ‘yo, Finna. Pero hangga’t hindi niya nakikitang masaya ka nga talaga ay hindi siya lalayo sa ‘yo,” ang sa halip ay sabi nito sa kanya.

Ngumiti siya at pinasalamatan si Joanna. Napasinghot siya at pinahid ang luha sa kanyang pisngi.

“Salamat, Joanna.”

“So, hindi na siguro kami magtatagal,” ang saad ni Mariana na nakatingin sa malayo. Parang may tinitingnan ito na kung ano na hindi nila nakikita.

“Question,” biglang singit ni Saling.

Napabaling ang paningin ni Joanna sa direksyong iyon. “Ano ‘yon, Saling?”

“Bakit kayo natakot sa krus?” tanong nito.