Kabanata 30

ISANG maitim na nilalang ang unti-unting lumitaw sa salamin ng bintana. Pula ang mga mata nito, may malalaki itong dalawang pakpak na puwedeng magkubli sa buong katauhan nito, wala itong suot na damit na pang-itaas pero sa baba ay nakasuot ito ng tila black leather pants na naglabas ng maliit na mga baga kahit na hindi naman ito nag-aapoy, at may mahaba itong buhok. Ang magkabilang kamay nito ay nakahawak ng espada na nangingintab sa talim.

“Sino ang pangahas at hangal na tumawag sa ‘kin?” ang galit na sita nito sa malaking boses na garalgal at nakakatakot.

Marahang itinaas ni Finna ang kanyang kamay na tila nasa classroom siya. Napabaling sa kanya ang mapupulang mga mata ng fallen angel.

“Ano ang kailangan mo, babaeng mortal?” matigas nitong tanong. Sa bawat galaw nito ay tumatalsik ang mga baga sa paligid nito. Buti na lang ay nasa salamin lang ito at wala mismo sa bahay nila. Baka masusunog sila kung nagkataon.

“I-ikaw ba si Kokabiel?” ang paninigurado ng dalaga.

“Oo. Bakit ako naririto, babaeng mortal?” tanong nitong iginala ang mapupulang mga mata sa paligid. Napalanghap ito sa hangin na tila may inaamoy.

“Kailangan namin ng tulong mo…” Bago pa siya makapagtapos sa pagsalita ay nakita na nilang lumitaw ang demonyong nakita ni Jules nang dalawa o tatlong beses na.

Napabaling ang pansin ng fallen angel sa kararating lang na demonyo. “Karabasan!” ang malakas na bulalas nito.

Bumaling kay Kokabiel ang kararating lang na demonyo. Tila ngumisi pa ang pangit na demonyo sa fallen angel na nasa salamin.

“Ah… Kokabiel, puwede mo ba kaming tulungan mula sa kanya?” ang singit pa ni Finna.

“With pleasure,” ang mahinay na sabi nitong ngumisi. Tila ninamnam nito ang mga salitang iyon.

Napasinghap sila nang binasag nito ang salamin upang makalabas para makipag-away sa demonyong tinatawag nitong Karabasan.

“Iyon ang pangalan ng demonyo?” ang tanong ni Saling sa kanya.

Kumibit naman siya habang nanonood silang nag-aaway ang fallen angel na si Kokabiel at ang demonyong si Karabasan. Sumiksik silang apat sa isang sulok ng bulwagan. Napansin nilang naglaho lang nang basta ang babaeng nakaputi at ang aninong nakatalukbong ng itim.

‘Nasaan na sila?’ sa isip ng dalaga.

“Matagal na kitang hinahanap, Karabasan!” ang galit na anang Kokabiel.

Tinamaan ng espada nitong hawak sa kaliwang kamay ang demonyo. Napaimpit sa sakit ang demonyo at napasapo ito sa duguang tagiliran. Subalit agad iyong naghilom kaya napamangha sina Finna.

‘Paano magagapi ni Kokabiel si Karabasan kung ganitong agad siyang naghihilom?’

Nagpatuloy sa pag-aaway ang mga ito. Kahit kailan ay hindi man lang natamaan ng demonyo ang fallen angel. Tinamaan na naman nito sa balikat at kamay ngunit ay naghilom din iyon kaagad.

“Paano mo ba siya matatalo kung ganyan siya?” ang tanong ni Finna sa fallen angel na abala sa pakikipag-away.

“Pupugutan ko lang siya ng ulo, babaeng mortal,” ang tugon nitong napangisi.

Nanindig ang balahibo ng apat na mortal.

“A-at mamamatay na ba siya?” ang dagdag na tanong ni Saling sa fallen angel.

Ngunit hindi ito sumagot.

“Siguro ay dahil ako ang tumawag sa kanya kaya ako lang ang gusto niyang kausapin?” ang teorya ni Finna.

“Huwag!” ang sigaw ng kararating na si Mike na pumasok mula sa pintuan.

Napatingin silang lahat dito at napatigil sa pag-aaway ang fallen angel at ang demonyo.

“Karabasan…” ang mahinang tawag ni Mike sa demonyo.

Napamaang silang apat kay Mike.

“Kilala niya ang demonyo?” anas na tanong ni Finna kay Jules na mukhang na-shock din.

Agad na nag-iba ang anyo ng demonyo. Naging isang napakagandang babae ito. Nakasuot ito ng isang manipis na damit at aninag ang walang saplot nitong kaaya-ayang katawan. Muli ay napamangha silang apat sa nasaksihan.

“Mike…” ang sambit ng magandang babae ngunit nakangiti ito nang medyo alanganin.

“Bakit mo siya sinasaktan?” ang matigas at matapang na singhal ni Mike kay Kokabiel.

Napatingin si Kokabiel dito. “Dahil isa siyang masamang demonyo!” ang tugon nito. “Sinabihan ko na siya, matagal na, na huwag niyang galawin ang mga tao sa mundo pero hindi siya nakikinig sa ‘kin! Patuloy pa rin niyang pinagsasamantalahan ang mga babaeng walang malay at patuloy niya ring nililinlang at ginagamit ang mga kalalakihan upang mananatili ang kanyang kapangyarihan.”

Napamaang silang apat na nakarinig niyon samantalang napasimangot si Mike na nakatingin nang matalim sa fallen angel at bumaling sa magandang babae. Parang tinatantiya pa nito kung ano’ng dapat na sabihin dito.

“Ano’ng ibig niyang sabihin, Karabasan?” tanong ni Mike sa babae sa wakas. “Ibig bang sabihin ay nilinlang mo lang ako?”

“Mike, magpapaliwanag ako,” sagot nito nang alanganin pa rin.

“Sige, magpaliwanag ka dahil gusto kong malaman ang totoo! Ginawa ko ang lahat para sa ‘yo, Karabasan. Isinakripisyo ko ang lahat-lahat para sa ‘yo…”

“Pati ang anak at kamag-anak mo, Uncle Mike, at huwag mo ring kalilimutan ang mga inosenteng taong nadamay,” tiim-bagang na sabat ni Jules upang ipaalaala sa tiyuhin iyon. Kahit iyon man lang ay makokonsensiya ito.

Ngunit tiningnan lang nito ang binata at bumaling na sa magandang babae. “Karabasan, akala ko ba ay magsasama na tayo habang-buhay kapag ginawa ko ang gusto mo? Ginawa ko nan ga ang rituwal na sinasabi mo, ‘di ba? At heto. Isa na lang ang kulang na isasakripisyo ko para sa ‘yo para hindi na tayo magkakalayo pa…”

Subalit natigil ito sa pagsasalita dahil sa malakas na pagtawa ni Kokabiel.

Napatingin silang lahat dito.

“Gago! Uto-uto! Hindi totoo ang sinabi sa ‘yo ni Karabasan. Ginawa niya lang iyon para hindi siya manghihina. Kailangan niya ang rituwal at ang mga sakripisyo upang mapalakas mo siya at hindi dahil para magkasama kayo habang-buhay!” ang rebelasyon ni Kokabiel.

At naliwanagan din silang lahat sa pangyayaring ito. Ang lahat ng iyon ay parte ng rituwal.

“Kaya ngayon ay dapat ko nang tapusin si Karabasan!” ang sigaw ng fallen angel.

Bago pa man makasalungat si Mike at makapagpalit-anyo ang magandang babae ay sinaksak na ito ni Kokabiel sa dibdib gamit ang isang espadang hawak ng kaliwang kamay at saka pinugutan nito ng ulo ang demonyo gamit ang isa pang espada na hawak ng kabila nitong kamay. Bago pa man mahugot ni Kokabiel ang espada mula sa katawan ni Karabasan ay humakbang si Mike sa likuran ng wala nang ulong babae at sinadyang masaksak din siya ng espadang hawak ng fallen angel.

“Huwag!” ang sigaw ni Jules na humakbang pa ngunit huli na ang lahat.

Nakita niyang ngumiti sa binata nang matamlay ang tiyuhin nito bago nito ipinikit ang mga mata at nalagutan na ito ng hininga. Napaluhod ang binata sa sahig at napabaling sa kanila si Kokabiel. Hindi nila inakalang iyon din pala ang magiging katapusan nito.

“Thou art dismissed,” ang matamlay na wika ni Finna sa fallen angel.

Napalingon ito sa kanya nang nakangisi at agad itong naglaho pati na ang katawan ni Karabasan na pinugutan nito ng ulo.

‘Dinala kaya niya sa impyerno si Karabasan?’ sa isip ng dalaga.