Chapter 32: Kabanata 32

“AT sa holy water?” dagdag ni Mariana bago pa man idagdag iyon ni Finna. Kumibit naman ito. “Well, naisip lang namin na huwag nang magiging makulit sa inyo kaya ganoon. Alam naming natatakot na kayo kaya ‘yon ang ginawa namin, ang umatras na lang.”

Napa-ah na lang sila.

Napatingin na ang binata sa dalawang kaluluwang mahal nito. “Joanna… Mariana…” tawag ni Jules sa mga ito.

“Masaya kami’t natapos na rin ang lahat ng ito, Kuya,” ang nakangiting wika ni Joanna sa kapatid. “Gano’n din sina Mommy at Daddy.”

Napakurap-kurap si Jules, pilit na pinigilan ang mga luha. Tumango lang siya sa kapatid kahit nanginginig na ang labi niya.

“At nagpapasalamat kami sa inyong lahat na sa wakas ay hindi na kami mga bilanggo ni Karabasan,” ang dagdag ni Mariana. “Lahat kaming nabiktima niya.”

Tumango sina Finna at Jules.

“Paalam na sa inyo,” ang mahinang sabay na sabi ng dalawang kaluluwa.

Bigla nang napaluha ang binata habang tinatawag ang pangalan ng dalawang mahal sa buhay hanggang sa unti-unting naglaho ang nakangiting mga babaeng kumakaway sa binata. Napaluhod itong muli sa sahig. Pinukpok ng binata ang sahig at hinawakan ni Finna ang mga kamay nito nang mahigpit. Baka kung mapaano ang mga kamay nito.

Niyakap na niya ang binata at hinagod ito sa likod habang nakadungaw na nakamasid sa kanila sina Rina at Saling na unti-unting pinakawalan ang kanilang hininga.

“Siguro ay maghahanda na ako ng hapunan… o almusal,” ang anang Saling nang makitang dahan-dahang sumisikat ang araw.

“At ako naman ay pupunta sa jacuzzi para mag-relax,” ang anunsiyo ni Rina.

“Huwag!” ang sabay na pigil nina Finna at Jules.

“At bakit? Wala naman nang demonyo, ‘di ba? Kaya hindi ako malulunod doon o kaya’y mananaginip nang masama katulad ni Finna,” ang sagot ng nagmamatigas na si Rina.

Napabuntong-hininga na lang si Finna at sinundan ng tingin ang dalawang babaeng papalayo para gawin ang nais ng mga ito. Naiwan na silang dalawa ng binata.

“Sa tingin mo ba ay hindi na babalik si Karabasan?” ang mahinang tanong niya kay Jules na nagpapahid ng luha at humugot ng malalim na hininga.

Napasulyap muna ito sa kanya at tumayo bago sumagot. “Hindi ko alam. Mukhang pansamantala lang naman ang kamatayan niya sa tono ng pananalita ni Kokabiel. Kaya siguro dinala na niya ang katawan nito, ‘di ba?”

Napakurap-kurap siya ng mga mata at tinulungan siya ng lalaking makatayo. She could still feel that electrifying intensive energy that ran throughout her body when he touched her like the first time they met. Ibinaba na lang niya ang paningin at parang hindi siya makatingin dito nang matuwid pagkatapos ng lahat.

“So… sa tingin mo ay may posibilidad ngang bumalik si Karabasan para manlinlang ng mga lalaki?” Napaangat siya ng tingin sa mukha ni Jules.

Napatawa ang lalaki ngayon nang mapakla. “Bakit mo ako tinitingnan nang ganyan? It’s not like I want to go through like Uncle Mike here did,” ang kumumpas pang sabi nito at noon lang nila naalala ang bangkay nito.

Napangiwi ang dalaga. “I-I think we have to…”

Tumango ang lalaki kahit hindi na niya tinapos ang ibig sabihin. “Yes, we have to…” ang sang-ayon pa ng binata.

Hinila na nila ang bangkay palabas ng bahay at saka ipinasok iyon sa jeep nito. Mamaya ay dadalhin na lang ng binata ang bangkay sa simbahan at agad itong ipapalibing katulad ng mga magulang.

Iniwan na nila ang duguang bangkay roon. Hindi nila nakita ang paghilom ng sugat nito ngunit hindi pa rin nakabukas ang mga mata. Nakahiga pa rin ito sa likurang upuan ng jeep.

***

ILANG buwan ang nakalipas…

Suot ang shorts at sleeveless top pati running shoes, nag-jo-jogging si Finna at napunta na lang siya sa mini-forest nang tila wala sa sarili. Kadalasan ay iniiwasan niya ang lugar na ito. Ngunit ngayon ay parang may nagtulak sa kanyang pumunta rito.

Unti-unti ay napahinto siya sa pagtakbo upang tingnan ang malaking puno ng balete. Napaisip siya kung ano ang ginawa noon ni Karabasan sa ibabaw ng puno nang makita ito nina Jules at Mike.

‘Baka pinagmasdan niya lang ang bahay mula riyan?’

Napatili siya nang bigla na lang siyang sinunggaban at niyakap sa baywang mula sa likuran. And he tackled her down the grassy ground. Napahiga siya at nakapatong sa kanya si Jules nang nakangisi.

“Gotcha!” matagumpay na anito.

“Masuwerte ka lang at wala ang atensyon ko sa ‘yo,” ang maktol niya sa nobyo na pinalabas ang dila na parang bata.

Alam niyang gawain ni Jules ang sundan at sabayan siya sa pag-jo-jog mula sa bahay nila ng tiyahin. Nakitira na rin si Jules doon dahil hindi nito maatim na tumira sa bahay ng tiyuhing si Mike pagkatapos ng nangyari. Dahil ang binata ang tanging tagapagmana sa lahat ng ari-arian nito ay ibinenta ni Jules ang bahay.

Buti na lang ay ayos lang sa tiyahin ni Finna na tumira ang lalaki roon sa kanila para hindi lang sila puro babae ang nasa kanilang bahay. Subalit iginigiit ng tiyahin na dapat walang mangyayari sa pagitan ng magkasintahan hangga’t hindi pa sila naikasal, bagay na ipinangako naman ng dalawa.

Dahil umunlad naman na ang kanilang lugar ay kaya paminsan-minsan na lang pumupunta sa Maynila ang binata upang asikasuhin ang negosyong naiwan ng mga magulang na tumatakbo nang maayos.

“Alam mo namang sinusundan kita sa pag-jo-jog mo tuwing umaga, ‘di ba?” ani Jules na ninakawan siya ng halik sa pisngi.

“Right, stalker!” ngumising aniya rito at bigla niya itong itinulak. Siya naman ngayon ang nakapatong sa ibabaw ng matigas na katawan nito. “Siya nga pala, sabi ni Lily ay darating na siya mamayang hapon kaya huwag kang aalis mula sa tabi ko, okay?”

Napataas ng kilay ang nobyo niya. “Bakit ko naman gagawin iyon?”

“Para hindi ka maagaw ni Lily mula sa ‘kin,” at sabay kinindatan niya ang nobyo.

Dumukwang siya upang bigyan ng halik sa labi ang nobyo. Hindi nila kapwa alintana ang mga matang nakamasid sa kanila mula sa puno ng balete.

***

“FINNA? Nasaan ka ba?” ang tawag ng magandang si Lily sa pinsan at umakyat ng hagdan.

“Pasukin mo na lang sa silid niya, Lily, baka nandoon lang iyon kasama si Jules!” ang sigaw sa kanya ni Saling mula sa sala.

Katulad ng dati, abala sa panonood ng palabas ang ina sa kuwarto nito. May gusto siyang pag-usapan sana kasama ang pinsan.

Mula nang dumating siya sa bahay ilang araw na ang nakalipas ay may naramdaman na siyang kakaiba at nagkaroon siya ng mga panaginip ng ukol sa isang napakaguwapong lalaki at doon ay gusto nitong makipagniig sa kanya. Humahangos siya sa tuwing nagigising. Sa tingin niya ay hindi iyon normal dahil gabi=gabi na lang nangyayari.

“Finna,” ang tawag pa niya ulit at ipinihit ang seradura ng pinto ng kuwarto ng pinsan. Ngunit walang sumagot sa kanya. “I wanna talk to you about something…” Nawala ang boses niya nang may makita siya sa ibabaw ng dresser ng pinsan na isang itim na aklat.

Binasa niya iyon. Demons and Spirits: How to Conjure Them.

Kinuha niya iyon at saka binuklat ang itim na aklat.

Napasigaw na lang siya nang makita ang isang demonyong lumabas mula sa isang pahina ng aklat. Nakangisi ito sa kanya at napasigaw siyang muli nang sobrang lakas…

“Lily… magiging akin ka rin!” ang anas ng demonyo at tumawa sa mabilis na kumaripas na dalaga.

-- Wakas --