Chapter 2

“Open your mouth, baby. Ahh…” marahang pakiusap ng dentistang si Byron Maranan sa batang babaeng pasyente niya. Nasa sampung taong gulang ito. “Yes, a little bit wider.”

Tumalima naman ang bata. Nakita niya na ang cavity nito at in-examine niya gamit ang maliit at bilugang salamin na bahagyang ipinasok sa maliit na bibig nito.

“May cavity na nga ang ngipin mo, hija. Ano ba’ng sabi ng mommy mo? Magto-toothbrush palagi, ‘di ba?” marahang wika niya sa bata.

“Oho,” tugon nitong nakanganga pa rin.

Nilinisan niya muna ang ngipin nito bago niya pinastahan ang cavity na mababaw pa naman. Mabuti lang at madadala pa ito ng pagtapal sa cavity para mailigtas ang ngipin ng bata.

“Dapat hindi ka palaging kumakain ng sweets o sugary food or uminom ng sugary drink. At dapat palagi ka na ring magto-toothbrush, ha?” marahang dagdag na paalala niya sa bata.

Binigyan niya rin ng pointers ang bata kung paano ang tamang pagto-toothbrush pagkatapos.

“Sige, ikaw nga,” himok niyang nakangiti sa likod ng kaniyang mask. Napatawa siya nang marahan at tumango nang tumalima ang bata. “Very good! That’s how you do it.”

Pinasalamatan siya ng ina nitong nanonood sa ginagawa niya simula kanina pa. Sinamahan niya ang mga ito sa labas ng consultation room at nagbayad na ang ina nito sa sekretarya niyang si Ate Nida na dating isang nurse.

Simula nang mag-practice siya bilang dentista ay ito na ang sekretarya niya dahil ayaw nito sa ospital pagkatapos mamatayan ng pasyente. Tila nagkaroon ito ng trauma. Ewan na lang ng binata kung paano ito nakatagal sa internship noon pero nalaman niyang unang pagkakataon yaong namatayan ito ng pasyente sa assigned ward nito.

Maraming taon na rin silang magkasama ni Ate Nida sa klinika niya kaya masasabi niyang marami na rin silang pinagsamahan at malapit sila sa isa’t isa.

“Salamat po, Doc,” anang ina ng bata sa treinta y kuwatro anyos na dentista bago umalis ang mga ito.

Kumaway siya sa mag-ina. “So, last patient ko na ‘yon, Ate Nida?” hinging kumpirmasyon ng binata sa sekretarya.

“Yes, Doc, at weekend na bukas kaya free na tayong makapagpahinga!” nakangiting paalala nito sa kanya.

Napangiti siya pero agad iyong napalis. Napatingin sa kanya ang kuwarenta anyos na sekretarya. Binigyan pa siya nito ng knowing look.

“Wala kang date bukas, Doc, ‘no?” hula nito. May panunudyo sa mga mata ng babae.

“What’s wrong with me, Ate Nida?” Hindi niya alam pero namutawi na lang basta iyon sa kanyang mga labi.

Lately, he felt lonely for some reason. Subalit ayaw naman niyang makipag-date lang nang basta-basta. He always valued relationships. Hindi siya katulad ng ibang mga kalalakihan na basta-basta lang nakikipagrelasyon basta’t naa-attract sa isang babae.

Siya, hindi. Ang gusto niya ay tunay ang damdamin niya kapag nakikipagrelasyon. Ayaw niya kasing makapanakit ng babae. Ayaw niyang paglaruan ang sinuman. He wanted everything to be genuine between him and the woman he wants to be with. Dahil kung mababaw lang ang pundasyon ng isang relasyon, alam niyang hindi rin siya magiging masaya.

Napataas ito ng kilay si Ate Nida saka napatawa sa kanya. “What’s wrong with you, Doc? Aba, ngayon ko lang narinig ang tanong na ‘yan mula sa ‘yo, ah. Hindi ka naman ganyan dati.”

“Well, yeah. I know that… I acted arrogant all this time, thinking that the woman I loved was… you know…”

Marahang tumango ang sekretarya pero hindi nagsalita.

“Chinnie…” Kumibit siya at nagpatuloy, “Well, I just thought she would like me, too. Pareho kami ng profession. I never thought she’d end up marrying a Marine!” Napailing siya at napa-deadpan. “Hanggang ngayon, ‘di pa rin ako makapaniwala. Alam mo ‘yong… akala mo may chemistry kayo pero… sa huli, wala pala? Kaya nga ayokong mag-dive lang nang basta-basta sa isang relasyon nang walang kasiguraduhan, eh. Gusto kong kapag nasa relasyon ako, kailangang mahal ko ‘yong karelasyon ko at mahal niya ako. That way, we’ll be both happy. Right, Ate Nida?”

Tumango ito bilang pagsang-ayon sa sinabi niya.

“Because what’s the use of plunging into a relationship when you know yourself that it’s not going to last? It’s like a waste of time for me.”

“Maybe for you, Doc. Pero may iba riyang nag-e-enjoy sila habang hindi pa sila natatali sa kasal. ‘Ika nga, tikim lang nang tikim ng iba’t ibang putaheng nakahain, ‘di ba?”

Napailing siya. “I don’t think eating different dishes is enjoyable, though. Magkaka-bloat ka pa kaya. At kung iyon ang mangyayari, ikaw lang din ang hindi mapapalagay sa huli, ‘di ba?”

Tumayo ang sekretarya sa kinauupuan at tinapik ang balikat niya. “Don’t worry, Doc. You and Chinnie were just not meant to be. Si Doctora Olalia ay… nasa kapalaran na niya iyon siguro. At ikaw, iba naman. So… darating din ang babaeng para sa ‘yo, Doc. Magkakaroon ka rin ng sarili mong forever… or happy ending.” Kumibit pa ito.

Napabuntong-hininga ang binata. Kahit paano ay wala naman siyang maipintas sa naging asawa ni Chinnie, ang babaeng kinahuhumalingan niya noon.

Matangkad at guwapo ang asawa ng babae kagaya niya ayon pa kay Ate Nida. Pero siguro ay mas gusto nga talaga ni Chinnie ang ma-action o heroic man at hindi katulad niyang isang dentista. Kahit lumipas na ang panahon pagkatapos maikasal ni Chinnie sa Marine na iyon ay heto siya at single pa rin.

“I wonder if there’s truly a happy ending for me, Ate Nida,” nausal na lang niya na tila wala sa sarili.