Chapter 3
Tinulungan si Niam ng dalawa niyang empleyado sa paglo-load ng mga pagkain at desserts sa van. Hawak niya ang lollipop stands kung saan nakalagay na ang ordered penis chocolate lollipops nang mag-ring ang cell phone niya. Agad niya itong dinukot mula sa bulsa ng kanyang suot na slacks.
“Ace! What now?” Sinagot niya ang tawag ng kakambal habang inilagay na ang hawak sa loob ng van. Sa gilid ng sasakyan ay nakalagay roon ang pangalan ng catering service niya, ang “Sinfully Tasty Catering,” pati na ang contact number nito.
“May gagawin ka ba sa Lunes?” tanong ni Ace sa kanya.
“Running my business, of course. What else do you think?” Tumaas ang isang kilay niya.
“I mean, puwede ka ba? Kailangang dalhin sa dentist si Benjamin para bunutin ang isang ngipin niya sa harap. Nakapag-set na ako ng appointment kanina at sa Lunes na nga siya naka-sched na bunutan. Kaso, may sakit si Yaya Luming niya, may trangkaso at baka hindi siya agad makabawi ‘tsaka hindi ako makapuslit sa opisina dahil may kailangan kaming tapusin. May hinahabol kaming deadline sa project namin,” mahabang paliwanag ng kausap sa kabilang linya.
Napabuntong-hininga siya at saglit na napapikit ng mga mata. “Fine. Ano’ng oras ba sa Lunes?” Sinulyapan niya ang naglo-load ng pagkain sa van.
“After lunch. Kaya… no pressure, right?”
“Huh! You tell me,” sabi pa niya at naiiling. Iniisip na niya ang trapiko at kinakalkula kung ano’ng oras aalis kasama ang bata.
Tinapos na niya ang tawag na iyon. She was in trouble. Ang kulit pa naman ng pamangkin niyang iyon. Pero baka naman ay hindi dahil sa ngipin nito. Napangiti pa siya sa sarili. Baka nga naman ay walang disaster na mangyayari.
Napasulyap siya sa kanyang relo at tinawag si Mike. Kailangan na nilang pumunta sa condo para makapaghanda na sa lahat bago ang oras ng bridal shower. Dapat maayos na ang lahat bago dumating ang mga bisita ng kanilang kustomer.
“Roda!” tawag niya sa assistant.
Tumakbo naman itong papalapit sa kanya. “Yes, Nini? May nakalimutan ka?”
“Pang-cover ng mga… phew! Penises!” Nandilat siya ng mga mata habang kumumpas. Plastic lang kasi ang mayroon doon at transparent iyon. Ayaw niyang may makakakitang may dala siyang napakaraming “ari ng mga lalaki” na may iba’t ibang sukat. Baka kung ano pa ang iisipin ng mga tao. Hindi niya pinalagay ang mga ito sa isang container at baka matunaw at saka magdidikit-dikit ang mga ito.
“Oh! May Japanese paper. Naubusan na kasi tayo ng tin foil, eh. Pero huwag kang mag-aalala. Si Lala na ang bibili mamaya bago bumalik dito. Teka lang, kukunin ko lang ‘yong Japanese paper, ha?” sabay takbo nito pabalik sa loob ng shop.
Ilang saglit lang ay bumalik na ito at ibinigay sa kanya ang dalawang piraso ng pulang Japanese paper.
Tumango na siya at lumulan sa van nang masiguradong magiging okay lang ang mga pagkain. Umupo na siya sa harap.
“Okay na tayo?” tanong ni Mike na nasa driver’s seat, handa nang umalis.
“Yup. Let’s go!” kumpirma niya.
***
Pagkatapos ng isang oras na biyahe ay ibinaba na ni Mike ang trolley at inilagay roon ang mga putahe saka napatingin ito sa amo.
“Ang isang lollipop stand ay hindi kakasya,” turan ng lalaki.
“Sige, ako na ang magdadala. Susunod na ako,” mungkahi ni Niam na bahagyang napakislot ang mukha.
Tumalima na ang empleyado niya.
Kinuha ng dalaga ang stand at saka inayos ang Japanese paper sa ibabaw ng mga lollipops. Sumunod na siya kay Mike habang napasulyap sa magarang lobby ng condo building. Sa unang tingin pa lang ay halatang mamahalin ang bawat unit doon. Gawa sa marmol ang beige na sahig nito at may ilang bahaging salamin ang dingding at kongkreto na ang iba.
Nasa fifth floor daw ang unit ng kanilang kustomer sa condo building na iyon. Hiningan pa sila ng ID ng guard bago sila makatungo sa elevator. Samakatuwid, istrikto ang patakaran ng security roon, bagay na mainam para sa mga residents upang ligtas ang mga ito.
Ilang saglit din silang naghihintay nang bumukas ang elevator door. Nagsilabasan ang mga nasa loob. Pumasok na sila nang wala nang taong natira roon. Sasara na sana ang elevator door nang may humabol kaya nagbukas iyon ulit.
Isang mestisuhing lalaking may well-built ang pangangatawan at matangkad ang pumasok. Naka-jogging pants at nakasando lang ang lalaki. Litaw na litaw ang kagandahan ng pisikal nitong anyo. Pawis na pawis ito at may earphones sa tainga na halatang nakikinig sa iPod nitong nakaipit sa garter ng jogging pants. Napalingon ito sa kanya pagkasara ng pinto ng elevator.
Ewan ni Niam pero parang nag-slow motion ang ginawa nito sa paningin niya. Kaya naman ay napatitig siya rito nang husto, nang walang kakurap-kurap. Maikli ang pawisan ding buhok nito, matangos ang ilong, medyo deep-set ang kulay-tsokolateng mga mata, medyo makapal ang mga kilay na maganda ang porma, clean-shaven face, at maganda ang pinkish nitong mga labi. Kahit sa pawisan nitong katawan ay mabango pa rin ito. Naaamoy niya ito na parang magkahalong musk at sandalwood. Hindi masakit sa ilong. Sakto lang.
Nagkatitigan pa silang dalawa bago ito nagbawi at inalis ang earphones mula sa tainga para isukbit sa malapad nitong balikat. Pagkatapos ay napatingin na ito sa sariling cell phone para siguro magbasa ng text.
Pansin niyang papunta ito sa sixth floor pala. Pinindot na ni Mike ang button sa fifth floor nang ma-realize nitong hindi niya pinindot ang floor na pupuntahan.
Sa katitig pa niya sa lalaki ay hindi niya napunang tila napakapit siya nang husto sa hawak na stand. Dahil dito ay umunat ang Japanese paper at napunit ito sa halos pinakagitna kung nasaan naroroon ang masterpiece ni Lala na ten-inch phallus chocolate lollipop.
Dahil sa tunog ng pagkapunit na iyon ay napalingon ang lalaki. Saktong lumitaw na ang dulo ng lollipop at nanlaki ang mga mata nito sa nakita. Pagkatapos ay tila naaasiwa na itong nagbawi ng paningin. Siya naman ay pinamulahan sa hiya dahil dito. Napatingin pa siya kay Mike nang napangiwi at para naman itong matatawa at tinulungan na siyang ayusin iyon kahit papaano.
‘Shems! Kahiya!’