Chapter 14

Nakita ni Niam ang tuwa sa mga mata at mukha ni Byron nang ibigay niya ang gawang chocolate pudding para rito at sa mga kasamahan nito. Ibinigay niya iyon nang inihatid siya nito pabalik sa bahay niya. Pinapasok pa niya ito sa loob.

“Matutuwa talaga sina Ate Nida nito. Mahilig pa naman iyon sa pastries at desserts,” wika ng lalaking nakangiti sa kanya.

“Alam kong in a way, kontra ng dentista ang sweets,” sabi niya sa binata.

Napatawa ito nang marahan. “Yeah, right. Sugars, soda, acidic juices, and other food constituents weaken the enamel. But who can resist?” tugon naman nito. “It’s fine once in a while. Don’t forget to take calcium. It’s essential for your teeth.”

Tumango naman siya. “Thanks for the tips, and I really appreciate your service… sa pamangkin ko.”

Humakbang itong papalapit sa kanya. Titig na titig ito sa mga mata niya na para siyang hindi makahinga dahil sa intensity. Ninakaw ba nito ang oxygen niya kaya palaging ganito?

“Anytime.” Halos pabulong ang pagkasabi nito. Parang biglang nagsiliparan ang mga paru-paro sa tiyan niya. Teka, may alaga pala siya noon sa sikmura niya? Tsk! Nasamyo pa niyang muli ang pabango nito na tila nagpapatindi sa pagiging aware niya sa binata.

“Byron…” marahang sambit niya.

Nilandas ng mga daliri nito ang nag-iinit na malambot niyang pisngi, pababa ang mga ito sa kanyang jawline. Sumunod naman doon ang mga mata ng binata at tumigil sa mga labi niya.

“I really, really like you a lot, Niam,” pabulong na usal nito.

Napasinghap ang dalaga. Palapit nang palapit ang mukha nito at halos gahibla na lang ang layo ng mga labi nito sa mga labi niya. Bigla na lang tumunog ang isang cell phone. Halos mapalundag siya dahil dito pero hindi niya cell phone ang tumunog kundi ang sa binata.

“Sorry,” bulong ng lalaki. Napabuga ito ng hangin at marahan siyang binitiwan. Hinugot nito ang cell phone mula sa bulsa ng suot na slacks. Napuna niyang biglang gumuhit ang simangot sa mukha nito nang mapagsino ang tumatawag. Humingi pa ng despensa ang mga mata nito.

Ngumiti lang siya nang matipid at medyo napakibit ng balikat. Dapat nga sigurong pasalamat siya, as she was saved by the bell⸺er⸺cell phone. Hindi niya alam kung handa na nga ba siya sa halikan.

“I’m sorry. I got to go. It’s my dad. Maybe we can… resume what we started some other time?” His hopeful eyes searched hers.

Sino ba siyang maganda upang tumanggi?

Pinilit ng dalagang itago ang ngiti kaya napakagat na lang siya ng labi at tumango rito.

***

Minsan ay bumisita kay Niam ang binata dahil sa imbitasyon niya. Wala lang, gusto niya lang kasi itong makita, makausap, at maipagluto ng dinner. Kahit ilang beses na rin silang nagkikita at nagkakasama ay hindi pa rin siya nagsasawa.

Wala namang patid ang pagbibigay nito ng mga bulaklak at iba’t ibang regalo para sa kanya. Nagpalipad-hangin na ito sa kanya nang ilang beses pero hindi pa rin niya pinapatulan. Gusto niya rin naman kasing mas makilala ito bago niya sasagutin. Kahit na nga ba gusto na niyang sagutin ito ay pinigilan niya lang talaga ang sarili dahil ayaw niyang magsisisi sa bandang huli. Maano’t magkakaroon na nga siya ng nobyo sa wakas pero hindi pala ito ang endgame niya? Kahit papaano ay natatakot siyang sumugal at masaktan. Sa ngayon ay nais niya muna itong kilalanin.

Pagkatapos ng kanilang dinner ay hinamon niya itong maglaro ng Scrabble. Nakaupo sila sa sahig sa magkabilang panig ng center table.

“Tingnan nga natin kung magaling ka,” tukso ng lalaki sa kanya habang binubuksan ang board at inilatag ang mga tiles sa ibabaw ng maliit na mesa.

“Titingnan ko rin kung may mas marami ngang alam ang isang dentistang katulad mo kaysa sa isang caterer na katulad ko,” balik niyang nakangiti. Hinalu-halo niya ang mga tiles pagkatapos baliktarin ang mga ito upang hindi makita ang mga letra.

Kani-kanya na silang kumuha ng walong tiles at inilagay sa kanilang rack.

“Okay, sino’ng mauuna?” tanong niya sa lalaki. Inaayos niya ang isang papel at ballpen sa isang panig ng mesa para sa scoring.

“Ladies first. Gentleman ako, eh,” ngising anito. Kumikislap ang kulay-tsokolateng mga mata dahil sa pagkagiliw.

Para na namang nagsisiliparan ang mga alaga niyang paru-paro sa tiyan nang dahil sa simpleng ngisi at tingin nito. Subalit pinilit niyang mag-concentrate sa laro.

“Okay.” Ngumiti siya sa binata.

Titig na titig naman ito sa kanya habang siya ay napatingin sa mga letrang nakuha niya. Nakaporma siya ng ‘ALLURE’ na salita. Pagkatapos ay nag-tally na siya ng kanyang score bago kumuha ng panibagong mga tiles.

“Hmm. Not bad. Sino ang nasa isip mo sa salitang ‘yan?” Napangiti ito sa kanya nang nanunudyo.

“Wala, ah,” anang babae.

Napangisi ito bago napasulyap sa sariling rack kung nasaan nakalagay ang kinuhang tiles nito. Dinagdagan ni Byron ng ‘ABLE’ ang salitang pinorma niya.

Napatawa siya nang marahan.

“So, ano nga pala ang consequence ng matatalo at ano ang prize ng mananalo?” tanong ng lalaki habang napapaisip siya kung anong salita ang isusunod na buuin sa board na makapagbigay sa kanya ng malaking score.

“Hmm… ang mananalo, puwedeng maka-request ng kahit na ano. Ang matatalo, siyempre susundin kung ano ang request na ‘yon,” tugon niya.

“Okay. Game ako riyan,” saad ng lalaki.

Ilang puntos lang ang agwat nila pero sa huli ay siya ang natalo ni Byron. Napamaang siyang napatingin sa lalaki.

“Huwag ‘yong pitik sa ilong o noo, ha? Masakit ‘yon,” ang pakiusap niya rito. Napalabi pa siya.

Tumawa naman ang lalaki sa kanya. “Don’t worry. Hindi kita sasaktan at hindi iyon ang request ko sa ‘yo.”

“Eh, ano naman?” Napakurap siya.

Lumapit ito sa kanya habang nakatukod ang mga siko sa center table. Inilapit nito ang mukha sa kanya at nakatitig sa mga mata niya.

“Isang halik ang gusto ko.” Biglang bumaba ang tono ng boses nito.

Nakapagtatakang iyon ang dahilan ng pagtaas ng dugo niya, este pagbilis ng daloy sa dugo niya dahil sa lakas ng pagkabog ng kanyang dibdib. Sobrang lapit ng mukha nito sa kanya at halos hindi siya makahinga.

‘Shems. Is this it?’