Chapter 15

Hindi makapagsalita si Niam. Napasinghap lang siya. Pagkatapos ay napakurap-kurap siya ng mga mata. Peste na. Kabado siya ngayon. Halo-halo kasi ang nararamdaman niya sa pagkakataong ito. Nae-excite siya at natatakot. Iyon ay dahil sa baka hindi niya mapigilan ang sarili kapag nahalikan siya ni Byron.

Marahan siyang tumango. May usapan sila kaya dapat lang na harapin niya ngayon ang consequence dahil siya ang talo sa kanilang laro.

“Pero… saan ang gusto mong halik?” mahinang tanong niya. Nahihiya rin kasi siyang itanong ang obvious. Isa pa, baka naman ay nag-o-overthink lang siya o nag-a-anticipate lang masyado. In short, assuming. Kaya dapat lang ay malinaw rin. Para naman huwag siyang madi-disappoint o masyadong mabigla at nang maihanda niya ang kanyang sarili. O, talaga bang mapaghandaan iyon?

Nakita niyang unti-unting napangiti sa kanya ang binata at napatingin ito sa mga labi niya.

“Gusto ko sa labi,” sabi nito nang halos pabulong.

Gayunpaman, rinig na rinig niya iyon sa kabila ng paglakas ng tibok ng kanyang puso na halos mabibibingi na siya. Ilang saglit pang titigan ay marahan na lang siyang napapikit ng mga mata.

“Kung okay lang sa ‘yo,” mahinang dagdag na sabi ng lalaki. Medyo paanas pa rin iyon.

Napadilat siya ng mga mata at nakitang nakangiti pa rin ito sa kanya nang nakaloloko. Dahan-dahan niyang ipinikit ang mga mata nang dahan-dahan nitong mas inilapit ang mukha sa kanya.

‘OMG! Ito na ba talaga, Niam?’ sumingit na anang isang bahagi ng isipan niya.

“T-teka lang, nauuhaw ako,” aniya sa lalaking nakatitig sa kanya nang nakangiti at naaaliw.

Kinuha niya ang baso ng mango juice at ininom ang lahat ng laman nito. Pagkuwa’y napatingin siya sa lalaki.

“Okay, game,” aniya pa na ikinatawa nang mahina ng binata.

“Are you sure?” anito.

Ipinikit lang niya ang mga mata bilang sagot nito. Ilang saglit din siyang naghihintay bago naramdaman ang marahang pagdampi ng mga labi ng lalaki sa labi niyang bahagyang nakaawang. Kaya naman ay tuluyan na siyang napapikit ng mga mata.

Mainit, masarap, matamis, at medyo malambot ang mga labi nito. Sumigaw ang bawat selula ng kanyang katawan dahil sa malumanay na halik nito. Hindi niya inasahang ganito pala ang mararamdaman niya.

Ilang segundo yata iyong nanatiling nakadikit sa labi niya bago nito marahang ikinilos ang mga labi para ibuka pa nang kaunti ang kanyang mga labi. Dahil dito ay napatugon siya sa halik nito. Hanggang sa medyo lumalim na nga ang halik na iyon.

Lalong lumakas ang pintig ng puso niya na sigurado siyang maririnig na nito. Lumukob din sa kanyang katauhan ang amoy ng binata na pinaghalong musk at sandalwood. Para siyang malulunod nang mga sandaling iyon. Wala na siyang iba pang nasa isip kundi ang binata, ang mga labi nito, at siyempre, ang mainit at matamis na halik nito.

Wala na. Kaunti na lang ay mawawalan na siya nang tuluyan ng tamang huwisyo. Patuloy ang paggalaw ng mga labi ng binata hanggang sa naramdaman niya ang isang palad nitong nakahawak sa kanyang batok upang mas diinan pa ang ginawang paghalik sa kanya.

Marahan silang napahaluyhoy habang patuloy ang paghinang ng kanilang mga labi. Gumalaw sa ibang anggulo ang ulo ng binata at nagpatuloy sa paggalugad ang mainit nitong mga labi sa labi niya. Hanggang sa naramdaman niya ang pagpasok ng panlasa nito sa kanyang bibig upang damhin ang sarili niyang dila.

Atubili man ay sinalubong ng kanyang dila ang panlasa ng binata at lalong lumalim ang halik na iyon. Napasinghap siya ngunit patuloy pa rin ito sa paghalik sa kanya na gusto niya naman. Kahit medyo weird ay agad siyang naka-adjust at tila nga ay naaadik na siya ngayon.

‘Ganito pala ang makipaghalikan. Ang sarap pala…’ bulong ng isip niya. ‘Gusto ko pa. Parang ayaw kong matapos ‘to.’

Paglipas ng ilang sandali ay naramdaman niya ang paghawak ng isa pang kamay nito sa pagitan ng kanyang leeg at pisngi. Napaungol siya nang mahina dahil mas lalo pang naging mainit at marubdob ang halik na iyon. Ramdam niya ang kakaibang pagpintig sa kanyang pagkababae nang mga sandaling iyon, bagay na noon niya lang nadarama.

‘Natu-turn on na nga ba talaga ako ngayon? OMG!’

Kapwa sila hinihingal nang tinapos din ng binata ang halik na iyon. Pagkatapos ay kapwa sila marahang napamulat ng mga mata at nagkatitigan.

“We had to stop,” bulong ng lalaki. Parang namamalat ang boses nito.

Napalunok siyang tumango. “S-sabi ko nga.”

Napatawa ito nang marahan na nakatitig sa mga mata niya at saka naglandas iyon patungong muli sa mga labi niya.

“I think… I should probably go home. It’s getting late,” mahinang sabi nito.

Napalunok siyang muli. “Right. Dapat ka ngang umuwi. May pasok ka pa sa clinic bukas.”

“At may catering service ka rin bukas,” paalala nito.

Tumango siya ulit pero para pa rin siyang nahihipnotismo sa binata.

“Unless you want me to spend the night with you, Niam,” dagdag ng lalaki na muling humina ang boses.

“Dapat nga sigurong umuwi ka muna… para… safe tayo,” ang wika niya sa lalaki.

Napatawa ito sa kanya. “What?”

“Alam mo na ang ibig kong sabihin,” napahiyang aniya.

“All right. Para… safe ka sa ‘ kin.” Hinaplos nitong muli ang kanyang pisngi bago tumayo at muling nagpaalam sa kanyang aalis na ito. Parang alam kasi ng binatang gusto niyang huwag na lang itong umalis pero dapat lang. Ano at sino ba siya para pigilan ito?

“So… tayo na?”

Napakunot-noo pa siya sa sinabi ng lalaki. “Huh?”

“I really like you, Niam. I want you to be my girlfriend. Medyo ilang buwan na rin tayong nagkikita, ‘di ba?”

Tumikhim ang dalaga. “Um… pag-iisipan ko pa.”

“Hmm,” anang lalaki.

“Anong ‘hmm’? Umuwi ka na nga,” pagtatabuyan na niya sa lalaki sabay tulak nito papunta sa pintuan. Mahirap na, baka magbago pa ang kanyang isip.