Chapter 24
HAILA’S POV
“Anong gusto mong meryenda? Ako na bibili para sa’yo, Haila. “
Alok sa akin ni Sir nang tuluyan na kaming makarating dito sa kantina. Mula kaninang papasok kami ay hindi na niya ako tinantanan pa. Nagmumukha siyang aso kakahabol sa akin at hindi ko na alam ang gagawin kung paano sya papatigilin.
Napatingin tuloy sina Luis at Chris dahil sa sinambit kanina ni Sir. Hindi nalang ako umimik at tahimik na naupo dahil ramdam ko ang stress. Alam ko naman na magtatanong ang dalawa kung ano ang meron sa amin ni Sir ngayon. Well, hindi na sila dapat magtanong pa dahil halata naman na kung ano ang nangyayari sa amo ko. Psh.
“Hoy, tinatanong kita. Anong gusto mong meryenda kako, “ bahagya pang tinapik ni Sir ang mesa kaya umingay ito upang makuha ang aking atensyon.
Nakayuko kasi ako kanina at nagkunwaring abala sa pagbabasa sa librong inilabas ko mula sa aking bag. Wala akong alam na sasabihin sa kanya kaya para tumigil ay tumahimik nalang ako. Pero, ang buong akala ko na tatantanan niya ako ay nagkamali ako. Makulit pa rin sya hanggang ngayon kahit hindi ko siya pansinin.
“Kahit ano nalang. “ sagot ko at muling ibinalik sa libro ang aking atensyon. Wala ako sa mood para makipag-usap sa kanya. Baka mamaya ay masasakit na salita ang lumabas sa bunganga ko.
Palipat-lipat ng tingin ang dalawang kasama namin bago sila tuluyang maupo. Nagtataka siguro kayo kung bakit wala si Kenneth. Oo, wala siya sa hindi ko malamang dahilan. Alam ko naman na nasasaktan siya kaya irerespeto ko ang anumang desisyon niya. Sana lamang ay makapag-usap ulit kami ng maayos para matigil na lahat ng ito.
“Rhaiven, hindi mo ba tatanungin kung ano ang gusto naming meryenda? “ nakangising asar ni Luis sa kanya. Nabuhayan naman si Chris na mukhang nagbabakasakali rin na mailibre sya.
Napasimangot si Sir at inambangan ng suntok ang dalawang kaibigan ngunit nakailag sila. Alam niya kasing inaasar na naman siya ng mga ito at iyon ang pinakaayaw nya sa lahat.
“Oh, huwag ka namang ganyan sa harapan ni Haila, bawas pogi points ‘yan, pre.” Pang-uuto sa kanya ni Luis habang dinuro pa ako. Napatingin tuloy si Sir sa akin ngunit ako ay umiling lang.
Nananahimik na nga ako ay dinamay pa talaga ako. Ewan ko nga ba sa kanila at bakit gustong-gusto nila kaming asarin ni Sir. Si Sir naman kasi parang bata kung napipikon. Daig niya pa ang batang inagawan ng laruan kung pumutok ang bunganga niya. Psh.
“Agree ako kay Luis. Gusto mo ba no’n, Rhaiven, bawas pogi points ka kay Haila? Kung ako siguro, ayoko baka maunahan ako ng iba. “ Pang-uuto rin ni Chris sa kanya at naghighfive silang dalawa ni Luis.
Hindi ko alam kung sinasadya ba nilang utuin si Sir para mailibre sila. At hindi ko rin alam kung pansin iyon ng amo ko o talagang uto-uto siya para magpaniwala siya sa dalawang bugok na’to. Kung ilalarawan ko siya, para na siyang nangangamba ngayon na baka magkatotoo ang huling sinabi sa kanya ni Chris.
“Tsk! Sige, para naman hindi mabawasan ang puntos ko kay Haila, ililibre ko kayo. Pasalamat kayo nandito si Haila at kung hindi baka kanina ko pa kayo binatukan. “ Usisa ni Sir na mukhang takot na takot na hindi sundin ang ninanais ng kanyang mga kaibigan. Psh! Dakilang uto-uto.
“Sus! Takot ka lang maturn off si Haila sa’yo e. “ biro sa kanya ni Luis at malakas silang tumawa ni Chris. Mabuti na lamang at hindi nagreklamo ang mga tao na narito sa kantina dahil sa ingay nilang dalawa.
“Oo na, oo na. “ Ubos na pasensyang usal ni Sir. Inis na inis na ang kanyang itsura at hindi ko naiwasan ang mapatingin. “Hoy, ikaw, samahan mo ‘kong bumili ng miryenda natin. Hindi naman ako oktopus para mabuhat lahat ng bibilhin e. “ Satsat niya habang tinapik pa si Chris sa balikat ng bahagya.
Natawa nalang ulit sila bago tuluyang pumunta ng counter para umorder ng makakain namin. Itinapon ko nalang ulit ang tingin sa libro na nakabuklat sa harapan ko. Kahit pa man nakayuko ako, alam kong nakatingin si Luis sa akin. Hindi ko tuloy maintindihan ng mabuti ‘tong binabasa ko. Nakaramdam kasi ako ng ilang kahit pa man close kami ni Luis.
“Ehem, “ pagkuha niya sa aking atensyon. Nakasandal ang dalawang siko niya sa mesa habang pinaglalaruan ang kanyang bibig. Diretso rin siyang nakatitig sa akin kaya nang mag-angat ako ay nagtama ang aming mga tingin. At hindi nga ako nagkakamali, titig na titig ito sa akin habang nakangiti.
“Psh! Ano na naman ba at ganyan ka makangiti sa akin? “ Walang ganang sambit ko habang inilipat sa susunod na pahina ang libro na hawak ko. Pinanood niya lang ang bawat kilos ko habang nakangiti pa rin siya.
“Wala, masaya lang naman ako, “ aniya at halata naman sa kanyang boses na masaya siya. “Bihira lang namin na makita si Rhaiven ng gano’n kaya natutuwa ako. Hindi nga kami nagkamali ni Chris, ikaw at ikaw ang makakapagpasigla sa mokong na ‘yon.”
“Dati naman na siyang gano’n, h’wag mo nga akong lokohin ng ganyan, Luis. “ Singhal ko sa kanya. Wala naman kasing bago kay Sir e. Dati naman na siyang palangiti kaya hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Luis.
“Nakakasigurado ka ba? “ Aniya na nakapagpatigil sa akin.
Oo nga pala, paano ko kaya nasasabi na ganoon na siya dati? Oo, masaya nga siya dati pero mukhang sobra na ngayon. Hindi nga pala pareho yung sigla niya noon kaysa ngayon. At tama si Luis, paano ako nakakasigurado?
Hindi ako nakasagot bagkus napatingin na sa counter na kung saan naroroon sina Sir at Chris. Abala sila sa pag-oorder ng makakain namin. Umikot si Luis sa left niya at tumingin rin sa direksyon na tinitignan ko.
Bakit ba hindi ko napansin kanina na sobra pala ang sigla ni Sir ngayong araw? Biruin niyo, pumayag pa siyang ilibre nya sina Luis na dati hindi naman niya ginagawa. Ipinaghugas pa niya ako ng pinagkainan ko at siya pa ang naghanda ng almusal na hindi naman niya ginagawa dati. Hindi naman siya ganito nitong nakaraang araw at linggo. Teka, magiging assumera ba ako kung sasasabihin kong epekto ito ng pag-amin niya sa akin kahapon? Gosh!
“Ang cute niya ‘no? “ ani Luis habang nakatitig kami kay Rhaiven. Tumatawa siya ngayon at mukhang nagkukulitan sila ni Chris habang hinihintay ang kanilang order. Napako ang tingin ko sa mga labi niya na bihira lang ngumiti dati. May itatamis pa pala ‘yong mga ngiti niya na dati halos hindi ko iyon makita sa labi niya.
“Hindi.” Sagot ko. Umiling pa ako ng bahagya dahil hindi ako sang-ayon sa sinabi niya.
“Nakakakilig siya ‘no? “ Sambit ulit ni Luis. Hindi pa rin naaalis ang tingin niya sa gawi nina Sir sa may counter.
“Hindi rin. “
Napatingin na si Luis sa akin dahil sa mga sinagot ko. Nagtaka naman ako dahil pinagsingkitan niya ako ng tingin. Mukhang naguguluhan siya sa mga sinagot ko. Pinagtaasan ko siya ng kilay. This time, nasa akin na ang kanyang tingin.
“Wow! Hindi ka ba talaga natutuwa sa kanya? “ interesadong tanong niya sa akin. Tinutukoy niya ay si Sir.
“Psh! Mukha ba akong natutuwa? “ dinuro ko pa ang aking mukha. Napabuga ako ng hangin ng marinig ko siyang tumawa at bahagya pa itong umiling ng paulit-ulit.
“You know what, Haila, we’re very happy that finally he confess his feelings to you. We waited it for a long time pero ngayong nagawa na niya, ikaw naman ‘tong hindi masaya.” Ani Luis. Mababasa ko naman sa mukha niyang naoffend ko siya. Hindi ko alam kung totoo ang hinala ko na naoffend ko nga siya.
Napabuntong-hininga ako ng malalim saka isinara ang pahina ng librong nasa harapan ko. Hinintay niya lang ang mga susunod kong sasabihin.
Alam ko naman na suportado nila si Sir. Ang hindi ko lang maintindihan, iniisip rin kaya nila si Kenneth. Ibig kong sabihin ay concern rin ba kaya sila sa mararamdaman ni Kenneth? Kung tutuusin kasi magkakaibigan silang apat. Kaibigan nila si Kenneth at nararapat rin na isipin nila ang mararamdaman nito. Hindi ‘yong porket umamin na ‘yong isa, pababayaan na nila ‘yong isa. Para sa akin, hindi ‘yon maganda. Psh.
“Paano ako magiging masaya kung ganito na ang nangyayari? “ panimula ko. Tinignan ko siya ng seryosong tingin. “Luis, nag-aalala ako kay Kenneth, iniisip ko ang nararamdaman niya dahil sa nangyari. Kung kayo masaya na umamin na si Sir, ako naman ay nilalamon ng kaba. Hindi ba kayo natatakot na baka mawasak ‘yong friendship ng dalawa? Dapat ‘yon ang pagtuunan niyo ng pansin hindi ‘yong pagpapapansin ni Sir sa akin. “ Mahabang komento ko na puno ng pag-aalala sa aking boses.
“Haila, I know what you are thinking right now but you don’t have to worry about. Oo nga suportado kami kay Rhaiven but at the same time concern rin kami kay Kenneth. Stop thinking na hindi kami nag-aalala sa kanya, ‘coz you’re wrong. Syempre, siya ang mas nasaktan sa pag-amin ni Rhaiven. Hindi kami ganoon kasama para pabayaan siya. Don’t worry, binabalanse namin ni Chris ang atensyon sa kanilang dalawa.” Suhestiyon niya na mukhang kampante pa.
Naiintindihan ko lahat ng sinabi niya pero hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alala. Hindi ko maimagine kung paano nila nakakaya ni Chris na ihandle ang ganitong sitwasyon. Hindi ba sila naiipit o nawiwirduhan? Gosh! Ako ang mas naiistress sa mga nangyayari.
“Pero, hindi ko maintindihan e, bakit hindi niyo nalang kaya awatin si Sir para maayos na kaagad ‘tong gulo. Tutal siya naman ang nagpasimuno lahat ng ito e.” Komento ko. Desidido na kasi akong patigilin si Sir. Kinakailangan ko lang makiusap ng maayos kay Luis. Alam ko na siya ang mas nakakaalam sa pwedeng gawin.
“Nagpapatawa ka ba?”
“Bakit, pangit ba ‘yong suggestion ko?” Salubong ang kilay na tanong ko.
“Haila, wala ng makakapigil kay Rhaiven, kahit ikaw hindi mo na siya mapipigilan. Hindi mo ba nakikita, baliw na baliw ‘yon sa’yo. Nagmumukha na nga siyang aso kakahabol sayo e. Kahit makipag-usap ka ng maayos sa mokong na ‘yon, hindi mo na siya maaawat pa. “ Depensa ni Luis na mukhang desidido sa kanyang mga sinasabi.
“What if lang naman ‘diba. Try natin baka gumana.” Pagpupumilit ko pa rin.
“What if?” Tanong niya at bahagyang tumaas ang isa niyang kilay. Umiling siya.” What if…what if hayaan mo nalang si Rhaiven? Wala naman masama kung susubukan niyang manligaw sa’yo, ‘diba?”
“Luis, “ napahilot na ako sa aking sentido. “Iniisip ko si Kenneth, okay?” Pagpapaintindi ko. Gusto kong maintindihan niya na si Kenneth ang mas mahihirapan sa sitwasyon namin ngayon.
“Hindi rin lang naman si Kenneth ang involved dito e,” prangka niya sa akin kaya natigilan ako.”Alalahanin mo rin sana si Rhaiven.”
Ilang minuto akong natigilan sa sinabi niya. Alam ko na may pinupunto siyang hindi ko maintindihan at ganoon rin sa akin. Hindi ko alam kung kaninong dahilan sa aming dalawa ang mas lamang. Basta ang alam ko, naiipit at naiistress ako sa mga nangyayari. Naguguluhan na rin ako kung ano ang dapat at mga hindi ko dapat gawin.
Naramdaman ko na hinawakan ni Luis ang kamay ko na nakalapag sa mesa. Diretso ang tingin na tinapon niya sa akin. Hindi kayang magsinungaling ng mga mata niya. Nababasa ko roon na puno rin iyon ng takot at pangamba.
“Alam mo ba kung sino ang makakaayos lahat ng ito? “ usisa niya habang seryoso ang kanyang mga tingin sa akin. “Ikaw lang naman, Haila. Ikaw lang at wala ng iba.”
Parehas na kaming tumahimik ni Luis nang dumating na ang dalawa habang may dalawang apat na tray. Tigdalawa sila ng buhat at may inilapag na isang tray si Sir sa harapan ko. Abot teinga ang kanyang ngiti kaya napaiwas ako ng tingin. Naupo siya sa tabi ko at tahimik na sinimulan ang paglamon. Nakayuko lang ako dahil hindi mawala sa utak ko ang napag-usapan namin ni Luis.
“Kumain ka ng madami para hindi ka magutom mamaya. “ Paalala sa akin ni Sir at may inilagay siya sa plato na isang burger. Kung hindi ako nagkakamali, sa kanya iyon. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ‘yon ibigay sa akin. Napatingin tuloy ang dalawang kasama namin lalong-lalo na si Luis.
Akma kong ibabalik sa plato niya ang burger nang pigilan niya ako. Nakangiti pa rin siya at mukhang mas iniisip ako. “Don’t mind me, mind yourself instead. Hindi naman ako gutom e. “ Sagot niya.
Nagsibalikan na kami sa aming mga klase. Umattend kami ni Sir ng afternoon class namin. Hindi ako gaano nakafocus sa discussion dahil iniisip ko si Kenneth. Ni anino niya kasi ay hindi ko pa nakita. Hindi rin siya nagrereply sa mga text ko sa kanya. Nag-aalala ako sa kanya at naguiguilty na rin.
“Haila, pwede bang manligaw? “ tanong sa akin ni Sir nang hinahatak namin ang daan papuntang parking lot. Katatapos lang ng klase namin at pauwi na kami.
Natigilan naman ako sa tinanong niya. Pakiramdam ko ay nagulo na naman ang utak ko. Hindi ko maintindihan ang lalaking ‘to dahil halos wala nang preno ang bunganga niya. Lahat na yata ng gusto niyang sabihin ay sinasabi na niya kaagad ng walang kahirap-hirap.
Sinulyapan ko siya. Para siyang sasalang sa madugong gyera dahil puno ng kaba at takot ang kanyang mukha kung ilalarawan ko. Titig na titig siya sa akin na parang aso habang naghihintay sa isasagot ko sa kanya.
“Pwede, “ sagot ko naman at nagsimula na ulit maglakad. Nabuhayan siya at halos mapunit ang labi niya sa laki ng kanyang ngiti. Gulat na gulat siya at gustong-gusto ko siyang pagtawanan.
“Talaga? “ hindi makapaniwalang tanong niya. Para siyang nanalo sa lotto kung ilalarawan ko siya. Parang tanga. Psh.
Huminto ako sa paglalakad at ganoon rin siya. Hindi niya maalis ang tingin sa akin at nilalabanan ko ang ilang.
“Oo, basta huwag sa’kin. “ sagot ko kaya mabilis na nawala ang ngiti sa kanyang labi. Nakangisi akong nagpatuloy sa paglalakad at rinig na rinig ko ang paulit-ulit niyang pagmumura.