Chapter 18

HAILA’S POV

“Oh, mag-ingat kayo sa byahe.”

Paalala ni Lola habang nag-aayos ako ng gamit ko. Nakaupo siya sa left side ko samantalang si Papa naman ay nakatayo sa right side ko.

Nakapagdesisyon na kasi kami ni Sir na uuwi na kami ng Manila ngayong araw para kay Rhaivee. Naiintindihan ko naman ang dahilan niya e. Hindi naman ako ganoon kaselfish para umangal.

Abala naman sina Kuya at Ate na inaayos ang mga pasalubong namin sa mga kasamahaan ko sa mansyon. Kahit hindi nila kilala ang pamilya ni Sir ay naglaan rin sila ng pasalubong para sa kanila.

Alam ko na nalulungkot sina lola dahil uuwi na kami’t babalik ng Manila. Gustuhin ko man silang makasama sa bagong taon ay hindi na talaga pwede. Gusto kong maging espesyal ang bagong taon nina Sir at Rhaivee. Halos taon-taon na walang ganap ang selebrasyon na iyon sa kanila kaya ngayon ay gagawin kong espesyal.

“Huwag ka masyadong magpatakbo, hijo. Alalahanin mo, may babae kang kasama.” Usal ni Lola kay Sir na nakatayo rin sa di kalayuan sa pwesto ni Papa. Alam kong maski siya ay nalulungkot pero iniisip nito ang kapatid niyang naiwan.

“Opo,” magalang na sagot ni Sir.

“Lola, safe naman kaming nakarating dito kaya safe rin siguro kaming makakabalik ng Manila.” Depensa ko. Nagiging OA na naman kasi si Lola e. Baka mamaya atahikin siya sa puso.

“Apo, mabuti nang sigurado tayo.”

Wala na akong nagawa pa kundi tumango nalang. Tinulungan kami ni Papa na dalhin lahat sa sasakyan ni Sir ang mga karton na naglalaman ng aming mga pasalubong.

Nakikita ko ang ilang mga kapitbahay na nakatingin sa amin. Mukhang alam na nila kung ano ang nagaganap. Wala nalang akong nagawa kundi ngitian sila na kunwaring hindi nalulungkot sa pag-alis namin.

Bago namin napagdesisyunan na lumuwas, hindi kami pinayagan ni Lola hangga’t hindi namin siya sinasaluan sa hapag sa huling pagkakataon. Hindi ko pa nga naiwasang umiyak dahil pakiramdam ko ang bilis ng oras. Kaya para mapasaya ako ay gumawa sina Kuya, Ate at Criza ng paraan. Aaminin kong nawili ako pero habang nakikita ko si Papa na matamlay at walang imik, nalulungkot ako bigla.

Alam kong kailan lang noong nagkaayos kami at ngayon aalis na ako’t babalik ng Manila. Talagang maikling oras ito para sa aming dalawa. Pero hindi pa naman ito ang huli. Marami pang pagkakataon na makakasama ko siya, sila nina Lola. Ang sarap lang sa pakiramdam na magtratrabaho na akong walang kinikimkim na sama ng loob sa kanya.

Napatayo ako sa aking kinauupuan ng biglang lumabas si Papa. Nagkatinginan kaming lahat dahil sa inasta nya. Sinenyasan ako ni Lola na sundan ko ito kaya naman mabilis akong tumayo at sinundan si Papa palabas. Mukhang napansin rin nila ang pananahimik nito. Ni hindi kasi siya sumasali sa usapan at tawanan. Sobrang tamlay nya kung ilalarawan ko.

Naabutan ko siya sa may hardin namin. Nakatalikod ito sa akin habang nakapameywang ang isa nyang kamay. Napansin kong pinunasan niya ang kanyang mukha. Hindi na ako magtataka kung bakit niya iyon ginawa. Ang papa ko umiyak dahil sa pag-alis ko.

.

“Pa..” tawag ko sa kanya. Narinig ko pa ang pagsinghot nya. Hindi pa rin siya humarap sa akin. “Ba’t lumabas kayo? Sobrang saya natin sa loob e.” Nagkunwari akong walang alam sa nangyayari sa kanya.

Naghintay muna ako ng ilang segundo bago niya ako sinagot. Humarap siya sa akin at hind nga ako nagkakamali, umiiyak siya. Mabilis siyang naglakad palapit sa akin at ikinulong sa kanyang mga bisig. Niyakap ko siya pabalik at hindi na rin napigilan ang sariling lumuha.

“Anak, alam kong maikling panahon lang ang pagsasama natin pero nalulungkot ako sa sobra sa pag-alis mo. Kung maaari lang na pigilan kita ay gagawin ko makasama lamang kita ng matagal.” Humahagulgol na usal nya.

Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya tinignan ko siya ng direkta sa mata. Mababasa ko talaga sa mukha nyang malungkot siya. Nasasaktan akong makita siyang ganito.

“Pa, magkikita pa naman tayo e. Babalik lang ako doon kasi may trabaho akong iniwan. Dumito ka na muna at tulungan sina Kuya na paghandaan ang kasal nila ni Ate. Huwag ka mag-alala pa, aattend kami ni Sir sa kasal kung iyon ang gusto niyo. Ilang buwan na rin lang naman matatapos na ang kontrata ko, magkakasama na tayo nina Lola.” Saad ko upang mapagaan ang kanyang pakiramdam.

“Pa’no iyong scholarship mo kung matatapos na ang kontrata mo?”

“Sila pa rin daw ang bahala basta makatapos ako. Titigil na rin daw ako sa pagtratrabaho’t sila na rin ang bahala sa allowance ko. Sapat na rin siguro iyong mga naipon ko para sa gamutan ni Lola. Napapagod na rin kasi ako na magtrabaho e.” tumawa ako ng mahina at pinipigilang maiyak.

Naramdaman kong hinawakan nya ang buhok ko. Hinaplos nya rin ang mukha ko at pinunasan ang luha kong bumagsak gamit ang kanyang daliri.

“Nandito na ako, hindi ko na kayo iiwan, anak.”

Ngumiti ako sa kanya. Kung magiging mahina ako ngayon, maaapektuhan siya. Kinakailangan kong maging matatag sa harapan niya ngayon. Ayokog makita syang nasasaktan ng dahil sa akin.

“E, pa’no si Rhaiven kung aalis ka? Ilang buwan na rin ang bibilangin at matatapos na ang kontrata mo sa kanila.”

Natigilan ako sa sinabi ni Papa. Hindi ko. Maintindihan ang sarili ko. Inaamin kong nasasaktan ako sa katotohanang iiwan ko sila pagdating ng panahon. Iniisip ko pa lang na iiwan ko sila ay nasasaktan na ako. Iba talaga kapag nasanay ka sa isang tao.

“Pa, hindi pa ito ang tamang oras para pag-usapan ang bagay na ‘yan. Darating tayo sa puntong yan balang araw.” Mungkahi ko.

Niyakap ulit ako ni Papa at pinaalalahanan na mag-ingat ako palagi. Biniro niya pa ako tungkol kay Sir. Kung sya raw ang tatanungin, manhid daw ako at hindi marunong makiramdam sa paligid ko. Alam ko naman na ang tinutukoy nya ay si Sir.

Bumalik na kami sa loob habang nakaakbay sya sa akin. Nagpaalam na kami ni sir sa kanila dahil baka gabihin kami sa byahe. Todo paalala at yakap ang natanggap ko. Hindi ko maiwasang isipin na mamimiss ko sila. Mahabang panahon na naman ang hihintayin ko bago ko ulit sila makita.

“Bes, mag-iingat ka don ha?” umiiyak na paalala ni Criza sa akin. Mukha naman ako mangingibang bansa sa ginawa nila.

“Oo naman basta bantayan mo si Lola, wag mo siyang pababayaan.” Saad ko. Tumango siya at niyakap ulit ako ng mahigpit. Sunod na yumakap si Lola sa akin at gaya ni Criza ay pinaalalahanan niya rin ako. Mahigpit ang yakap na binigay ko sa kanya.

“Uy, aattend kayo ni bayaw sa kasal ko ha.” Dahil sa sinabi ni Kuya ay pinagdilatan ko siya. Narinig naming lahat iyon lalong lalo na si sir na nagulat pa.

“Tsk! Sige lang, pagtripan mo lang ako. Makikita mo talaga.” Pagbabanta ko sa aking kapatid naghandgesture ako ng eye-to-eye sa kanya upang matakot. Natawa naman sila sa naging usapan namin ni Kuya.

Yumakap rin sa akin si Ate, sinabi niyang hindi ako pwedeng mawala sa kasal nila ng asungot kong Kuya. Pagkatapos ay inihatid na nila kami sa labas kung saan nakaparada ang sasakyan ni sir.

Nagkalat ang mga chismosa sa paligid at pinapanood ang nagaganap sa amin. Hindi naman iyon bigdeal sa akin e. Nagpaalam na rin si sir kina lola, niyakap nila ito at nagpasalamat sa magagandang ipanakita niya sa amin. Ganoon rin ang ginawa ni Sir, nagpasalamat rin siya sa pamilya ko. Alam kong sya ang higit na nasiyahan sa pagbisita namin dito.

“Mag-iingat ka doon. Kung may problema ka tumawag ka kaagad sa amin. Alagaan mo sana ang sarili mo, anak.” Naiiyak na naman na paalala ni papa sa akin nang pasakay na sana ako sa sasakyan.

Napakalungkot niya talaga. Kung maaari lang na hindi ako sumama kay sir ay ginawa ko na. Kaso hindi naman pwede.

Niyakap ko ulit sya sa huling pagkakataon. Napaluha ako’t napakahigpit ang yakap ko sa kanya. Ayoko pa sanang kumalas pero tinawag na ako ni Sir.

“Ikaw na ang bahala sa anak ko, Rhaiven.” Utos ni papa kay sir.

.

“Opo tito.” At mabilis naman itong tumango. Inalalayan na ako ni papa pasakay at maingat na isinarado ang pintuan ng sasakyan.

Binuhay ni sir ang makina at bumusina pa kina papa upang magpaalam na. Nakita kong kumaway ang ilang tao na madaraanan namin. Tumingin ako sa gawi nina papa. Nakatalikod na sya at ayaw nya yatang makita ang pag-alis ko.

Pumatak ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Patuloy na naming tinatahak ang daan palabas ng sitio na lalong nagpabigat sa dibdib ko. Tahimik lang si Sir na nakahawak sa manibela pero alam kong gustong gusto niya akong patahanin.

Tanging hikbi ko ang maririnig sa loob ng sasakyan. Napatingin ako sa labas ng bintana habang inaalala ang mga oras na kasama ko sina lola. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na iiwan ko sila pero bakit parang naninibago ako. Mas mabigat ang pag-alis kong ito dahil kasama na si papa sa mga iniwan ko. Sobrang bigat sa pakiramdam. Gusto ko yatang umiyak hanggang sa mapagod ako.

Napatigil ako sa pag-iyak nang may iniabot si sir na panyo. Napatingin ako sa kanya. Sa itsura nya ay mukhang nag-aalala siya sa akin. Ngumiti ako sa kanya at kinuha ang alok nitong panyo.

Dahil sa walang tigil kong pag-iyak ay dinalaw ako ng antok. Nagising na lamang ako noong naramdaman kong tinatapik ako ni Sir.

“Haila, wake up. Kumain na muna tayo.” Narinig kong usal nya. Tinapunan ko ng tingin ang relong nasa aking palapulsuhan. Palubog na ang araw at nasisiguro kong malapit na kami sa Manila. Mahaba pala ang tulog ko kanina at hindi namalayan ang oras. Sana lang hindi kami abutan ng traffic sa daan papasok ng Manila.

Inayos ko ang aking sarili at sumunod sa kanya pababa ng sasakyan. Dinala niya ako sa mamahaling kainan. Masasabi kong mamahalin dahil sa mga disenyo nito na kumikinang. Magaganda ang mga muwebles na makikita sa loob nito at isama na rin ang mga taong narito na kumakain. Mga taong masasabi kong hindi ko kalevel dahil tinitignan ko pa lamang sila ay talo na ako. Sobrang presentable ang kanilang mga suot samantalang ako nakatshirt lang at nakapantalon.

“Sir, lumipat kaya tayo sa ibang kainan,” usal ko kay Sir habang nahihiyang tinatakpan ang mukha ko. May ilang kababaihan kasi ang nakatingin sa direksyon namin. Hindi naman ako ang tinitignan nila kundi ang kasama.

Nakakunot ang noo ni sir na tumingin sa akin. Abala siya kasi sa pagpili ng oorder niyang pagkain sa hawak niyang menu.

Hindi ko na nagawang pagtuunan iyon ng pansin kanina dahil sa madaming mata ang nakatingin sa akin. Lalo na’t ang mga tingin nila sa akin ay para akong isusumpa. Psh!

“Bakit? Hindi mo ba nagustuhan ang restaurant na ‘to?” Nagtatakang tanong niya. Wala siyang kaalam-alam na pinagtitinginan nila kami.

“Hindi ako nababagay dito e,” kagat-labi kong sagot. Salubong ang kanyang mga kilay dahil sa naging sagot ko. Napansin niya ang ginawa kong pagyuko. Hindi ko kayang magtagal pa rito. Potek! Bakit nila ako pinagtitinginan? Alam ko naman na hindi ko sila kalevel, ba’t kailangan pa nilang ipamukha?

Nakuha ni sir ang ibig-sabihin ng pagyuko ko. Napatingin siya sa paligid at nakita niya kung paano kami pagtinginan ng mga tao.

Narinig ko siyang bumuntong-hininga at walang ano-ano ay tumayo siya na ikinagulat ko. Anong gagawin niya?

“Sir, saan kayo pupunta?” Kinakabahan kong tanong dahil baka gumawa siya ng gulo.

“May tatanungin lang ako sa kanila. Dumito ka nalang. Aalamin ko ang sagot ba’t ganyan sila makatingin sayo. Mabilis lang ‘to.” Hindi pa ako nakakasagot ay naglakad na sya papunta sa pwesto ng mga kababaihan sa ‘di kalayuan sa amin.

Ilang beses ko pa syang tinawag kaso hindi manlang niya ako nilingon. Sana pala hindi ko nalang ‘yon sinabi sa kanya. Ano nalang ang iisipin ng mga kababaihan. Sabihan pa ako ng sumbungera. Psh!

“Hi girls,” magalang na bati ni sir sa kanila nang makalapit na ito sa kanilang pwesto. Nag-iba bigla ang mga aura nila dahil sa presensya ni sir. Sabi na e, may galit sila sa akin. Psh!

Isa-isang nagpakilala ang mga kababaihan kay Sir. Tuwang-tuwa ang mga ito sa kanya bago ginawa ang pakay nito sa kanila.”Huwag niyo sana mamasamahin. Tatanungin ko lang kung bakit pinagtitinginan niyo ang kasama ko.” Sabay duro sa akin. Napayuko ako dahil sa kahihiyan. Kahit kailan pamahak ang lalaking ito.

Nasisiguro kong nakatingin ang mga kababaihan sa akin. Gusto ko pa sanang tumakbo kaso nanghina ang mga tuhod ko sa kahihiyan. Bakit bakit ba kinakailangang mangyari ‘to? Potek.

“Pinagtitinginan? Hindi naman siya ‘yong tinitignan namin e,”sagot ng isa na ikinagulat ko.

Kung hindi ako ang tinitignan nila, e sino?

“E, ba’t nakatingin kayo sa pwesto namin?” tanong ulit ni Sir. Nakapagtataka naman talaga. Kung hindi ako ang tinitigna nila, pwes sino? Ako lang naman ang tao dito e. Kung makatingin sila sa’kin parang ito na ang huling araw ko dito sa mundo.

“Hahaha! Pogi, hindi kayo ang tinitignan namin. Nakikita mo ba ang dalawang ‘yon?” May dinuro siya sa ‘di kalayuan sa pwesto ko. Isang babae at lalaki.”Kilala kasi namin sila at nandidiri kami ng mga kasama ko.”

Potek! Nakakahiya! Akala ko ay ako ang tinitignan nila, iyon palang nasa bandang likuran ko. Bakit ba ako nagreact kaagad? Malay ko bang mali ako ng akala. Iba kasi sila makatingin kanina sa akin e.

“Alam mo, ikain mo nalang ‘yan. Baka gutom ka lang e,” napapahiyang sambit ni sir nang bumalik na ito sa gawi ko. Siya pa yata ang nahiya sa mga kababaihan na inakala kong nakatingin sa akin ng masama.

“Hehehe. Akala ko kasi ako e,” napahawak ako sa aking dibdib at pasimpleng inipit ang ilang hibla ng aking buhok sa likod ng teinga ko.

Si sir na ang umorder ng makakain namin. Nawala ako sa wisyo dahil sa kahihiyan na nangyari. Halos ayokong tumingin sa gawi ng mga kababaihan. Narinig ko ang pagtawa nila kaninang sinabi ni sir na inakala kong ako ang kanilang tinitignan. Sinabihan pa ako ng isa na assumera’t hindi pa maganda.

“Akala ko pagkain ang makakapagpangiti sa’yo, hindi pala,” pambabasag ni sir sa katahimikan. Ilang oras nang naihatid ng waiter ang inorder na pagkain ni sir pero hindi ko pa ginagalaw. Nilalaro ko lamang ito gamit ang hawak kong tinidor. Pumasok na naman kasi sa isip ko sina Lola. Namiss ko kaagad sila kaya nawalan ako ng ganang kumain.

“Namiss ko kaagad sina lola lalo na si papa.” Nakabusangot kong saad. Napatingin siya sa akin at bahagyang napahinto sa paglamon.

“Magkikita pa naman kayo e. Hindi pa naman end of the world kaya huwag kang mag-emote ng ganyan.” Suhestiyon niya’t sumimsim sa kanyang iced tea.

Matalim ang tingin na tinapon ko sa kanya. Porket ba hindi pa end of the world bawal mag-emote? E sa nalulungkot ako. Kung may pakpak lang ako, kanina pa sana ako lumipad pabalik ng probinsiya.

“Psh! E, sa gusto kong mag-emote, ba’t ba” singhal ko sa kanya. Inirapan ko pa sya dahil nainis ako. Nakita ko kung paano siya umiling.” Ang tagal naming hindi nagkita tapos ang ikli lang ng panahon na nagsama kami. Para sa akin hindi ‘yon sapat e. Pero, hindi ako payag na ‘di matuloy ang oplan bagong taon natin para kay Rhaivee.”

“Handa kang mangulila kay tito para lang sa kapatid ko?” Tanong niya.

Mabilis akong tumango dahil talagang kaya ko iyong gawin para kay Rhaivee. Gusto kong maranasan niya rin ang galak sa mga ganoong okasyon. Hindi ako madamot hindi iyon iparanas sa kanya.

“Oo naman, kayang-kaya basta sumaya si Rhaivee.” Masiglang usal ko. Iniisip ko pa lang ang mga plano ko sa bagong taon para kay Rhaivee ay natutuwa na ako. Hindi na ako makapaghintay.

Napangiti si Sir sa sinabi ko.

“But, you know what, I’m very happy for you. Sa wakas nagkaayos na kayo ng papa mo.” Bakas sa mukha niya ang tuwa. Doble yata ang saya sa kanya kesa sa akin.

“Hindi ko naman makakamit lahat ng ito kung hindi mo ako tinulungan. Kahit walang kwenta ang mga advice mo minsan, counted pa rin ‘yon. Tinulungan mo akong tuparin ang kaisa-isa kong hiling sa buhay, sir.” Saad ko at pakiramdam ko maiiyak na naman ako. Sobrang babaw talaga ng luha ko.

“Oh, walang iyakan. Nakatulog ka nga kanina sa pag-iyak e.” Asar niya sa akin at nakaduro pa sa mukha ko. Napansin niyang namuo ang luha sa mata ko. Hindi ko alam pero kabisado na niya lahat ng ganap sa akin.

Tumawa ako dahil para siyang bata. Pinunasan ko ang mata ko para matuyo ang luhang nais bumagsak sa maamo kong mukha.

“Tama ka, sir, magkikita pa kami nina Papa. Ilang buwan na rin naman matatapos na ang kontrata ko sa’yo.”

Dahil sa sinabi kong iyon ay parehas kaming natigilan. Nagsisisi akong sinabi pa ang mga iyon. Ako ang unang umiwasi ng tingin dahil nailang ako. Naramdaman ko kung paano bumilis ang tibok ng puso ko. Shit! Mga katangahan ko talaga.

“Kumain ka nalang ng marami dyan para ‘di ka gutumin sa byahe.” Iyon na lang ang kanyang sinabi sa akin. Hindi niya ako nagawang tignan bagkus nakatingin siya sa ibang direksyon. Maski ako ay hindi makatingin sa kanya.

Nagpauna siyang maglakad nang palabas na kami ng restaurant. Nahihiya akong magsalita dahil sa nangyari. Kung maaari lang na bumukod ako, ginawa ko na. Dalawang katangahan na ang ginawa ko, ayokong umabot pa ng tatlo.

Nakakabinging katahimikan ang nabalot sa pagitan naming dalawa. Tanging tunog ng makina ang maririnig. Ni hindi ko magawang tumingin sa kanya. Nahihiya pa rin ako.

Nahuhuli ko siyang tumitingin sa akin. Kaagad naman siyang umiiwas at natatakot na magtama ang aming tingin. Bigdeal ba sa kanya ang sinabi ko tungkol sa kontrata? Naalala ko, hindi pa namin napag-uusapan ang bagay na iyon.

Maraming gumugulo sa utak ko lalong-lalo na ang nagpag-usapan namin nina ate noon. Tutal kasama ko na siya ngayon, tatanungin ko ba siya? Halos hindi na kasi ako makatulog kakaisip sa bagay na iyon. Kinakailangan ko na ng kasagutan para naman matahimik na ang sistema ko.

“S-sir, may tanong po ako senyo.” Pagkuha ko sa kanyang atensyon. Bahagya niya akong tinapunan ng tingin bago binalik iyon sa kalsada.

“What is it?”

Huminga muna ako ng ilang beses para magkaroon naman ako kahit papaano ng lakas ng loob. Wala nang hiya-hiya, kinakailangan ko ng kasagutan sa mga katanungan na gumugulo sa utak ko. Sana lang makatanggap ako ng maayos na sagot mula sa kanya upang ‘di ako mapahiya.

“Nagkagusto ka na ba sa babae? Iyong nararamdaman mo ay totoo at hindi ‘yong peke. Naranasan mo na ba, sir?” tanong ko kaya mabilis siyang napatingin sa akin.

“Ba’t mo naman natanong ‘yan?”

“Wala naman, curious lang ako kung kaya mo rin bang magseryoso sa nararamdaman mo.” Saad ko.

Hindi siya kaagad nakasagot at mukhang nag-iisip siya. Gusto ko ‘yong ganitong klase ng usapan, alam ko kasi na mas makikilala ko siya ng lubusan.

“Kung ako ang tatanungin mo, oo, naranasan ko na magseryoso. Aaminin kong playboy ako pero minsan, naiisip kong magseryoso naman. Nakakapagod rin palang manloko ng ibang tao. Gusto ko ring maranasan ‘yong seryosong relasyon.” Seryosong sagot niya. Ilang segundo na napako ang tingin ko sa kanya. Nagulat lang ako sa naging sagot niya. Kaya niya pa lang magseryoso, ngayon alam ko na.

“Ako rin, pangarap ko nga na kapag nagkaroon ako ng boyfriend, gusto ko siya na rin ‘yong mapapangasawa ko.” Mungkahi ko habang nasa malayo ang tingin.

Hard to get akong babae dahil ayokong masaktan ng dahil lang sa pag-ibig. Gusto kong kilatisin ng maayos ang lalaking iibig sa akin. Ayokong magsisis sa huli. Ayokong maranasang umiyak gaya ng mga napapanood. Alam ko kasi na hindi ko kakayanin pag nagkataon.

“Hindi naman ‘yon ganoong kadali e. Kung madaling makahanap ng tamang tao, bakit maraming naloloko at nasasaktan sa mundo.” Komento niya na sinang-ayunan ko naman.

“Sabagay.” Tumango-tango pa ako. “E, ngayon ba, sir, may nagugustuhan ka bang babae?” tanong ko ulit sa kanya. Hindi ko na kayang pigilan ang kuryosidad ko. Pakiramdam ko kasi hindi ko kayang palampasin pa ang pagkakataong ito.

Doon siya ulit natigilan na para bang nakakagulat ang binato kong tanong sa kanya. Hindi ko mawari kung natutuwa pa ba siya sa mga tinatanong ko. Nakita ko na lamang kung paano siya umiwas ng tingin. Mukhang gusto niyang takasan ang tanong ko.

“Kailangan ko bang sagutin ‘yang tanong mo,” Napansin ko kung paano mamula ang kanyang pisngi. Teka, kinikilig ba siya?

“Depende sa’yo kung meron ka nga talagang nagugustuhan ngayon na gusto mo ring ishare sa’kin.” Asik ko.

Hindi niya ako sinagot at tanging tawa lang ang natanggap ko. Hindi ko alam kung bakit namula siya bigla sa usapan namin. Pansin na pansin ko kasi ang pamumula ng kanyang pisngi na nagpapahiwatig na may epekto sa kanya ang usapan namin ngayon.

“Sir,” tawag ko ulit sa kanya dahil may isa pa akong tanong. Ito talaga ang tanong na gustong-gusto kong sagutin niya. Aaminin kong kinakabahan ako sa pwede niyang isagot sa akin. Ayokong mapahiya ulit sa kanya.

“Oh?”

“May gusto ka ba sa’kin?” matapang kong sagot sa kanya. Bahagya pa akong napakagat sa aking pang-ibabang labi. Napansin ko kung paano namilog ang kanyang mata sa gulat.

Potek! Kinakabahan na ako sa pwede niyang isagot sa akin.