Kabanata 9: Kapalaran

Erika's POV

"Ako si Erika Flores at sya naman si Rhys Mabini. Mula kami sa taong 2020, higit isang siglo mula sa panahong ito. Napunta kami sa katauhan nila noong araw na nagpaalam si Ysabella na dadalawin nya si Carolina pero ang totoo ay... para talaga rito, sa misyon namin na baguhin ang kapalaran nila."

Kasama namin ngayon si Ate Estella sa kwarto. Nag-decide kami na sabihin na sa kanya ang lahat. Naiilang pa rin sya sa presence ni Rhys pero mas nananaig sa kanya ang kagustuhan na malaman ang katotohanan.

"Kapalaran? Ang maikasal kay Lorenzo Suarez?" tanong nya at tumango na lang ako.

"Pero hindi namin magawang pigilan ang kasal dahil kapag hindi sila nagkatuluyan, mawawala sa hinaharap si Rhys. Mula si Rhys sa salinlahi nila. A-Apo sya nina Lorenzo at Ysabella."

Hindi na maitago ni Ate Estella ang pagkagulat sa mga nalaman. Kahit papaano ay maluwag sa pakiramdam dahil hindi na namin kailangang magpanggap sa harap nya.

"Pero... kahit na hindi namin magawa ang misyon, may isang bagay pa kami na pwedeng gawin."

"Ang pigilan ang pagkamatay namin," seryoso nyang sabi.

Yumuko na lang ako. Narinig pala talaga nya ang tungkol doon. Nanlaki ang mga mata ko nang mapansin ang mahigpit na pagsara ng kamao nya at mayamaya ay may tumulong tubig dito. Agad akong napatingin sa kanya. Parang biglang nadurog ang puso ko nang makita syang umiiyak.

"Bakit hindi nagsabi sa akin si Ysabella? Bakit hindi nya sinabi na sobra na pala syang nahihirapan?"

Dali-dali ko syang nilapitan at niyakap. Hindi ko alam kung anong mga salita ang makakatulong para lumuwag ang nararamdaman nya. Ito lang ang tanging paraan na alam ko. Tumayo at lumipat naman ng kinauupuan si Rhys sa aking bandang likuran.

"Alam mo ba, nasasakop namin ang ilan sa mga alaala nila. At... mayroong sinabi si Ysabella kay Alejandro tungkol sa iyo," wika ni Rhys at pareho kaming napatingin sa kanya. "Ang sabi nya, Si Ate Estella, bata pa lang kami ay lagi na syang nakasuporta sa akin. Kahit na kagalitan din sya ni Ama, kinakampihan nya ako. May mga bagay tuloy na naisasakripisyo na nya. Ayaw ko na syang madamay sa problema. Ayaw ko na pati sya ay madamay sa galit ni Ama at ikasira pa ng aming pamilya."

Naaalala ko 'yon. Nagkita sila ilang araw matapos ang pagkakasundo kay Lorenzo. Gusto nang makipaghiwalay ni Ysabella upang tanggapin na lang ang kanyang kapalaran. Bukod doon ay may iba pa syang sinabi.

.

"Kapag pinilit nating labanan 'to, alam kong kasama syang lalaban. Naulinigan ko ang pag-uusap nina ama at ina na mayroong isang pamilya sa Maynila ang nais ipagkasundo ang kanilang anak kay Ate. Matagal na silang may pagtingin sa isa't isa ni Ginoong Crisostomo na hindi nila magawang aminin.

"Kung hindi ko susundin ang nais ni ama ay baka hindi na sya magdalawang-isip na gawin iyon dahil nakasalalay din doon ang paglawak ng aming negosyo. Mahal kita, Alejandro. Ngunit simula pa lang ay talo na tayo. Kailanman ay hindi matatanggap ni Ama ang ating relasyon. Mas lalo lamang tayong mahihirapan. Mas lalo lamang lulubha ang sitwasyon kung pilit natin itong ipagpapatuloy."

.

Kapalit ng pagtanggap ni Ysabella sa pakikipag-isang dibdib kay Lorenzo ay ang pakikiusap nya na huwag nang ituloy ang pagkakasundo kay Ate Estella sa pamilyang taga-Maynila. Tinulungan nya ang dalawa na umamin sa kanilang sekretong pag-iibigan na nagawa namang tanggapin ni Don Joaquin.

Walang nagawa si Alejandro para mabago ang isip ni Ysabella. Kahit pa handa syang ipaglaban ito, batid nya na hindi sya nito sasamahan. Alam at ramdam man nya na nagmamahalan sila, mas naging matimbang ang pagmamahal nito sa pamilya.

* * *

"Kumusta na ang iyong pakiramdam, Binibining Ysabella? Hindi ka na ba nakararamdam ulit ng pagkahilo?"

Nandito ako ngayon sa salas ng masyon kasama si Crisostomo. Umuwi na si Rhys at nagtungo naman sa kusina si Ate Estella.

Bukod sa kasiguraduhan na hindi kailanman tatanggapin ni Don Joaquin si Alejandro sa kanilang pamilya, gusto ni Ysabella na iligtas ang kanyang kapatid sa pangit na tradisyon ng mayayamang angkan. Nais nya na isa man lang sa kanilang magkapatid ay maging malaya at maligaya sa pag-ibig. Pero hindi nangyari. Namatay si Ate Estella.

"Ayos na ako. Nagdulot pa ako ng gulo sa pagdiriwang."

"Tamang-tama ang pagkakataon, ikaw ang naging unang pasyente ng aking kapatid," matawa-tawa nyang sabi.

Napangisi na lang ako. Parang gusto nya pa akong i-push kay Eduardo eh. EduarLla love team.

"Nakakalungkot isipin na... hindi isang Lopez ang iyong nais," pang-eechos nya pa ulit.

Gosh. Manang-mana silang dalawa kay Don Severino. 'Yan ba ang tatak Lopez? Ang alam ko ay abogado sya. Tss. Kaya siguro sanay mang-hot seat. Ugh, I kennat.

"Wala bang napusuan si Eduardo sa Espanya?" biglang pagsingit ni Ate Estella habang naglalakad palapit sa pwesto namin at may bitbit na pagkain.

"Sa tingin ko ay naiwan sa pag-alis nya ang kanyang puso," sabay tingin sa akin ng nakakaloko. "Mabuti na lamang dahil natagpuan ko na ang aking panghabambuhay," at inilipat naman ngayon kay Ate Estella.

Ngumiti lang ng bahagya si Ate Estella at parang pilit pa. Umupo sya sa tabi ni Crisostomo pagkalapag ng mga pagkain sa maliit na lamesa. Tumingin sya sa akin ng may lungkot sa mga mata.

Ang maisip pa lang na iiwan mo agad ang taong mahal mo ay sobrang hirap nang tanggapin. Paano pa kaya kapag nalaman mo na iyon pala talaga ang mangyayari, iyon pala talaga ang magiging kapalaran. Ang hirap nang ngumiti. Parang mas lalo ka pang dinudurog hangga't nakikita mo sya. Hindi ko hahayaan na maulit 'yon.

Tumambay ako sa kwarto ni Ate Estella kinagabihan. Bukas pa ang uwi nina Don Joaquin at Donya Eleanor. Napag-usapan namin kung paano sila makakaiwas na makakain ng lason. Nahirapan kaming mag-isip dahil hindi naman namin alam kung paano iyon isasagawa ni Kapitan Felipe. Isa lang talaga ang naiisip ko, kailangan naming nakawin iyon sa kanya.

"Umm, Ate Estella. P-Patawad pala dahil... nagpanggap akong si Ysabella."

"Ako nga ang dapat humingi ng tawad. Hindi ko dapat nalaman ang tungkol sa inyong mga pagkatao. At salamat din kasi kung hindi dahil sa inyo at sa taong nagdala sa inyo rito, hindi kami mabibigyan ng pangalawang pagkakataon."

Napangiti ako. Lumapit ako ng kaunti sa kanya, pagkatapos ay hinawakan ang kamay nya.

"Sa oras na matapos na kami sa misyon at makabalik na si Ysabella, ikaw na sana ang bahalang humingi ng tawad para sa amin. Patawad dahil hindi namin nabago ang kanilang kapalaran at nabigo ulit sila."

"Dugo ni Ysabella si Rhys. Sa katunayan ay apo ko rin sya." Napapangiti sya habang nagsasalita. "Kaya siguradong mauunawaan ka ni Ysabella. Hindi sya pagkakaitan ng pagkakataong mabuhay lalo na't naryan ka na nagmamahal sa kanya."

Pareho na lang kaming napayakap sa isa't isa kasabay ng pagtulo ng aming mga luha. Kung sakaling hindi sa amin ibinigay ni Lola Esperanza ang misyon at magtagumpay sila rito, hindi ko ma-imagine na isang araw ay gigising na lang ako at hindi kailanman nag-exist si Rhys. Na hindi ko sya kilala at nakilala.

"Maiba ang usapan. Kwentuhan mo naman ako tungkol sa hinaharap. Ano ang mga naging pagbabago matapos ang higit isang siglo?" Umayos sya ng upo at handa nang makinig sa akin.

"Hmm, maraming nagbago."

"Tulad ng?"

Natawa na lang ako. Talagang mahilig nga sya sa mga kwento. Nagkaroon naman ako ng kaunting outlook. Sa dami ng pagbabago, hindi ko alam kung anu-ano ang mga sasabihin ko. Just give significant changes. Gosh. Parang Q&A ng Miss Universe lang. Dapat pa ba akong magsabi ng Thank you for that question? Haha umayos ka nga, Erika.

"Sige. Simulan muna natin dito. Alam mo ba, mananatiling nakatayo ang mansyong ito hanggang sa hinaharap. Titirhan at daraanan ito ng maraming henerasyon."

"Talaga? Sa loob ng mahabang panahon?" Biglang nagliwanag ang mukha nya.

Marami pa akong sinabi tulad ng paglabas ng iba't ibang mga makina. Hindi na kakailanganing maglaba sa ilog dahil mayroon nang washing machine na maglalaba para sa tao. Kapag magpapadala ng mensahe, hindi na kailangan ng papel at tinta. Isang pindot lang sa cellphone, matatanggap na ang mensahe na gustong iparating.

Ang gabi ay magiging maliwanag dahil sa elektrisidad. Dadating din ang iba't ibang sasakyan na magpapabilis sa paglalakbay. Saka kung ngayon ay mga lalaki lang ang nakakapag-aral ng mga kurso at nagtatrabaho para sa pamilya, pagdating ng panahon ay magkakaroon na ng pantay na karapatan ang mga lalaki at babae.

"Sobrang maunlad na ang Pilipinas. Sayang lang dahil hindi ko maaabutan iyon."

Ngumiti na lang ako at hindi na nagsalita. Siguradong malulungkot sya kapag nakita ang modernong Pilipinas. Dahil sa totoo lang, mas magiging mahirap ang pamumuhay sa hinaharap. Oo, nahihirapan ang maraming Pilipino ngayon dahil sa mga abusadong Espanyol at sa pamumuno nila.

Makakalaya ang Pilipinas mula sa pananakop ng mga dayuhan. Aakalain na iyon na ang simula ng pag-unlad pero sa paglipas ng mga taon, mas lulubha pa pala ang kahirapan. Lalawak nga ang mga kaalaman ngunit hindi naman lahat ay makikinabang. Mapupuno ang bansa ng mga negosyanteng dayuhan habang ang maraming Pilipino ay mananatili pa rin sa ibaba.

Minsan iniisip ko, may kasalanan din ang tao kung bakit sya naghihirap. Humihinto na sa pangangarap ang iba matapos makapag-aral at makahanap ng trabaho. Marami ang hindi maawat sa paggastos at pagbili ng mga bagay na hindi naman mahalaga. Sabi ng isang chinese businessman na napakinggan ko, dapat daw ay money less savings equals expenses ang mindset ng tao.

Sa mga Pilipino ang Pilipinas pero mga dayuhan ang mas nakikinabang. Higit sa lahat, ang paniniwala ng marami sa kasabihan na Ipinanganak kang mahirap, mamamatay kang mahirap. Nasa tao minsan ang pagbuo ng kapalaran at marami na ang nakapagpatunay nito. Parang ang dami kong narerealize sa mundo habang tumatanda. Is this what's called maturity?

Nagpakwento rin sya tungkol sa love story namin ni Rhys. Sobrang kinilig sya nang ichika ko na madalas akong tugtugan ni Rhys ng gitara at awitan. Nagpa-sample pa sya sa'kin kaya nag-acapella tuloy ako ng wala sa oras.

Nakakalungkot lang dahil iilan na lang ang mga lalaki sa future na katulad ni Rhys na maginoo. He's not like other guys na manliligaw lang dahil gusto ng mapaglilibangan o dahil maraming kabataan ang in a relationship na. Oo, maaga kaming pumasok sa relasyon dahil maaga naming natagpuan ang isa't isa and because we are really in love.

Nag-stargazing muna ako bago matulog. Maliwanag na ang kalahati ng buwan. Hindi ko akalain na nakakapitong gabi na pala kami sa panahong ito. Kahit papaano ay mami-miss ko sila at syempre, si Ysabella. Sana ay manatiling maayos ang lahat hanggang sa matapos kami.

* * *

"Shit! Shit! Shit!"

Para akong mawawala sa katinuan at kulang na lang ay maglupasay ako sa sahig. Naiiyak na ako habang nakaharap sa salamin. Ayaw kong maniwala sa nangyayari. Hindi ako nagising sa totoo kong katawan! Bakit nandito pa rin ako? May nangyari kayang masama sa akin?

Dali-dali akong lumabas ng kwarto pero biglang sumalubong si Ate Estella.

"Anong nangyari? Bakit ka sumigaw?"

"K-Kailangan kong umalis. Bye," saka ako kumaripas ng takbo.

"Erika, sandali!"

Hindi ko na sya nilingon. Kailangan kong puntahan si Lola Esperanza. Sya lang ang makakapagpaliwanag ng nangyayari. Hindi kaya resulta ito ng pagkakaalam ni Ate Estella sa pagkatao namin?

"Erika!"

Napatigil ako sa pagtakbo nang biglang may humintong kalesa sa harap ko. Nakasakay doon si Rhys at dali-dali syang bumaba.

"Rhys, ano'ng nangyayari?!" natataranta kong tanong.

"Shh. Kumalma ka lang. Pupuntahan natin si Lola Esperanza."

Halos kalahating oras kaming bumyahe papunta sa bayan ng Milagroso at sampung minutong tinahak ang gubat. Pumasok na agad kami pagdating sa bahay-kubo at hindi na kumatok pa. Naabutan namin syang nagluluto ng nilaga. Biglang sumabay sa pagkulo ng sabaw ang tiyan ko. Gosh. Hindi pa pala ako nag-aagahan.

"Bakit kayo naparito?"

Hindi ako makapag-focus dahil sa bango ng ulam. Kanina pa ako singhot ng singhot. Pakainin mo muna kami, please.

"Uhh, ang sharaf." Napapikit na lang ako pagkasubo ng tatlong sunud-sunod na kutsara ng nilaga at kanin.

"Hinay-hinay lang sa pagkain, Erika. Ano bang sadya ninyong dalawa?"

Hindi naman ako makasagot dahil punung-puno pa ng pagkain ang bibig ko. Ang sarap talaga ng luto ni Lola Esperanza.

"Hindi na po kami nakabalik sa katawan namin. Dalawang magkasunod na araw na po kaming nandito," itirada ni Rhys at tumango naman ako.

"Ano?! Paano... Sino ang pinagsabihan nyo tungkol sa misyon?"

Nagkatinginan kami. So totoo nga na nangyari ito dahil nalaman ni Ate Estella ang tungkol sa amin. Lagot na.

"S-Si Ate Estella po. Narinig nya po kasi ang usapan namin k-kaya... umamin na kami."

"Bakit kasi hindi kayo nag-ingat?" napahawak na lang sa noo si Lola Esperanza. "Dahil sa ginawa nyo, hindi na kayo makababalik sa iyong mga katawan hanggang sa matapos ang misyon."

"Ha?!" sabay naming bulalas.

Biglang kong nabitawan ang hawak na kutsara. Balak ko pa sana himatayin kaso nakita ko na lupa ang sahig at madudumihan lang ako. Hindi pwede!

"Bakit po kasi hindi mo sinabi na ito pala ang magiging parusa?" pagdadabog ko.

"Sabihin ko man o hindi, kung pabaya kayo, pareho lang ang mangyayari."

"Baka po may paraan pa! Hindi kami pwedeng manatili lang dito!"

Bumuntong-hininga lang sya tapos bumalik na sa pagkain. Inalog-alog ko naman si Rhys. Hindi ko matanggap. Ilang araw kong hindi makikita ang katawan ko, hindi mahahawakan ang cellphone ko. Ni hindi ko pa rin nakakausap si Papa.

"Oo nga pala. Nalaman nyo na ang kaugnayan ni Rhys kay Ysabella. Kung gayon ay hindi nyo na gagawin ang misyon?"

Isa pa 'yan. Hindi nya man lang sinabi sa amin ang tungkol doon. Paano kung hindi namin nalaman 'yon? Edi kung anu-ano na ang nagawa namin para hindi matuloy ang kasal.

"Bakit hindi mo po sinabi agad? O may balak ka po bang sabihin? Lola, kung may iba ka pa pong itinatago, sabihin mo na po."

"'Wag kayong mag-alala, wala na."

Siguraduhin mo lang. Naku talaga. Unang beses kong makakakurot ng lola. Bigla ko namang naalala ang naging pangitain ko.

"Wait. M-May alam ka po ba sa... p-pagkakagahasa kay Ysabella?" Nailapag ni Lola ang kutsara at kunut-noong tumingin sa akin.

"G-Ginahasa si Ysabella?"

"Hindi po ako sigurado. B-Basta na lang iyon pumasok sa isip ko. Sa tingin ko ay gusto nya talagang ipakita sa akin."

Ang sabi ni Lola Esperanza, ang mga masasakop lang naming alaala nina Alejandro at Ysabella ay hanggang sa araw lang bago kami mapunta rito. Hindi namin makikita ang tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Pero bakit nakita ko 'yon?

"Ang mga sinabi ko sa inyo tungkol sa nangyari kay Alejandro at sa pamilya ni Ysabella ay naging usap-usapan sa buong Las Tierras. Pero kailanman ay wala akong narinig patungkol diyan."

Kung totoo mang nangyari 'yon, ibig sabihin ay inilihim nila. Well, mahirap talagang isiwalat na nagahasa ang isang babae kahit pa para sa hustisya. Sobrang sensitibo ng bagay na iyon. Kaya maraming biktima ang pinipili na lang na manahimik kaysa malaman ng mga tao ang pagkawala ng kanyang puri.

Napatingin ako kay Rhys. Tulala lang sya at parang sobrang lalim ng iniisip. Natauhan naman sya bigla nang hawakan ko ang kamay nya.

"Anong problema?"

Tumitig sya ng ilang segundo sa akin. Hinintay ko na magsalita sya pero sa huli ay ngumiti lang sya at umiling. Alam ko na may tumatakbo sa isip nya pero bakit hindi nya sabihin?

"Ano po ang dapat naming gawin ngayon, Lola Esperanza? Napag-alaman po namin na baka ang tatay ni Lorenzo na si Kapitan Felipe ang salarin sa pagkamatay ng pamilya ni Ysabella. Bukod doon, mayroon pa palang mangyayaring masama sa kanya," seryosong pagkukwento ni Rhys.

Dahan-dahang tumayo si Lola Esperanza at nagtungo sa lamesa kung saan namin sya unang nakita. Ibinukas nya ang drawer nito at kinuha ang isang baraha.

"Hindi ko ipinagkaloob kina Alejandro at Ysabella ang pagkakataon na mabago ang kanilang kapalaran dahil lamang naaawa ako sa kalagayan nila," wika nya habang naglalakad pabalik sa pwesto namin. "Dahil ang totoo, naramdaman ko ang trahedyang mangyayari. Hindi ko nakita ng ganap ngunit nasisiguro ko na lubha nilang kakailanganin ito."

Inilapag nya sa harap namin yung card. Sa pangalawang pagkakataon, binasa ko ang tulang nakasulat. Totoo na maraming bagay ang nakasalalay ngayon sa amin. Alam na namin ang mga mangyayari. Ang kailangan na lang gawin ay ang pigilan ito.

"Kayo ang kinakitaan nila ng pag-asa kung kaya't kayo ang pinili nila."

Pinili nila kami? Hindi ba itong baraha ang pumili sa amin? Nanlaki ang mga mata ko. Ibig sabihin...

"Nanahan ang kanilang diwa sa barahang iyan upang hanapin ang dalawang tao na may iisang puso katulad ng sa kanila. Natagpuan nila kayo at ngayon ay kasa-kasama nyo sila sa iisang katawan. Nakikita nila ang inyong ginagawa. Marahil ay iyon din ang dahilan kung kaya nagagawa nilang ipakita sa inyo ang mangyayari. Ngunit huwag kayong mag-alala, hindi nila magagawang makontrol ang inyong pagkilos."

Napatingin ako sa sarili ko. Nandito rin si Ysabella? Kung gayon ay alam na pala nila ang plano namin na ituloy pa rin ang kasal. At ang hindi ko ma-gets na naging emosyon ko noong sinabi ni Carolina na ikakasal sila ni Manolo. Shocks. Sya pala ang may gawa roon.

"Rhys. Erika. Alam ninyo ang dapat gawin. Nasa harap nyo na ang sagot. Saan ba nagsimula ang lahat ng ito? Ano ang dapat maitama?"

Sa kasal. Hindi mangyayari ito kung hindi sila nagkaroon ng ugnayan kay Kapitan Felipe. Kailangang maputol ang bagay na nag-uugnay. At saan mang banda tignan, iisa lang ang mali na dapat itama. Ang kasal.

"Naisip ko lang na... hindi naman tayo mapupunta rito kung naging masaya ang pagsasama nila ni Alejandro. Wala ang misyon na 'to kung sila ang nagkatuluyan. Resulta lang ako ng paghihirap ni Ysabella. Pagkakamali na dapat itama."