Chapter 27

Tahimik lang silang nakaupo ngayon sa ibabaw ng hood ng sasakyan ni Adonis habang nakatanaw sa buong siyudad. Dumadampi sa kanilang mga balat ang malamig na simoy ng hangin mula sa kinaroroonan nila. Ito pala ang sinasabi ni Adonis na langit na pagdadalhan nito sa kaniya.

“Ang ganda ng mga ilaw sa siyudad mula rito, ‘no?” basag niya sa kanilang katahimikan. Yakap-yakap niya ang kaniyang mga tuhod habang nakapatong ang kaniyang baba sa mga iyon.

“Oo nga. Pero mas maganda ka pa rin sa mga iyan.” Napalingon siya rito na matamang nakatingin sa kaniya ngayon. Malungkot siyang ngumiti sa lalaki bago niya muling ibinalik sa harapan niya ang kaniyang paningin. Alam naman niyang huli na ang lahat para sa kanila ni Adonis. Ayaw niyang mag-assume na naman pagkatapos ay mabibigo lang siya.

Mayamaya ay naramdaman niyang umusog ito palapit sa kaniya at niyakap siya sa kaniyang baywang. Para naman siyang kinilabutan nang maramdaman ang pagkalat ng mainit na pakiramdam sa buo niyang katawan.

“I miss you, Ayesha,” paanas na saad nito sa kaniya habang nakapatong ang baba nito sa kaniyang balikat. Muli namang nangilid ang mga luha sa kaniyang mga mata nang marinig niya ang mga katagang iyon mula rito.

Nilingon niya ito at bahagyang pumihit paharap sa lalaki upang makita ang mukha nito. Hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili at hinaplos ang mukha nito. Napahikbi siya nang muling madama ang mukha ng lalaking kaniyang iniibig.

After more than a month na hindi sila nag-uusap at nagpapansinan ay sobrang na-miss niya ang lalaki.

“Bakit ka umiiyak?” masuyong tanong nito sa kaniya at pinahid ng hinlalaki nito ang luha sa kaniyang pisngi na umalpas mula sa kaniyang mga mata. Huminga siya nang malalim saka umiling-iling dito.

“Sana puwede pang itama ang lahat ng mga nagawa kong pagkakamali, ‘no? Sana puwede pang maayos ang lahat. Sana puwede pang maging tayo ulit,” aniya saka tuluyan nang humagulgol. Nasasaktan kasi siya dahil alam naman niyang malabo nang mangyari ang kaniyang sinasabi ngayon. Lalo na at alam naman niyang may bago nang minamahal si Adonis.

“Gusto mo ba?” tanong nito sa kaniya. Humihikbi siyang tumingin dito.

“Kahit naman gustuhin ko, alam ko namang hindi na puwede, e,” malungkot niyang tugon kay Adonis.

“Ang tinatanong ko ay kung gusto mo ba?”

“Kahit nga gustuhin ko hindi na puwede.” Napakamot ito sa ulo na tila nakukulitan sa kaniyang sagot kaya naman bumaba ito sa hood ng sasakyan nito at tumayo sa gilid ng sasakyan kung saan siya nakaupo.

“Oo o hindi lang ang sagot sa tinatanong ko sa iyo, Ayesha. Gusto mo ba? Kapag inulit mo pa iyong isinagot mo sa akin kanina ay itatapon kita sa bangin,” pagbabanta pa nito sa kaniya.

“Oo, gusto ko! Pero hindi na nga—ayy!” napatili na lang siya nang bigla siya nitong buhatin paalis sa hood ng sasakyan nito. Napakapit siya nang mahigpit sa leeg ni Adonis at nakapikit na sumubsob sa leeg nito.

“Sasagot ka rin naman pala, ang dami mo pang arte! Wala naman pa lang problema, e. Gusto mo, gusto ko rin naman. So, tayo na ulit. Ganoon ka-simple!” sabi pa nito. Bigla siyang napamulat at napatingala rito. Naguguluhan siya sa sinabi nito. Kaya nakakunot ang kaniyang noo at hinintay ang iba pang sasabihin ng lalaki.

“O, bakit ganyan ka makatingin?” nakalolokong tanong nito sa kaniya.

“Ano’ng pinagsasasabi mong tayo na ulit? ‘Di ba’t may girlfriend ka nang bago? Iyong kasama mo kanina? ‘Di ba iyon ang bago mong girlfriend?” naguguluhang tanong niya rito.

“Ha? At sino naman ang may sabi sa iyong girlfriend ko iyon?” Oo nga naman. Saan nga ba niya nakuha ang idea na kasintahan nga ni Adonis ang babaeng iyon? Pero magkasama ang mga ito kanina sa bahay ng lalaki at naghaharutan pa ang mga ito. ‘Tapos sa bar, ito rin ang date ni Adonis.

“E, kasi kaharutan mo siya kanina sa bahay mo. Ang saya-saya niyo pa nga habang nagbabasaan kayo sa garden mo. ‘Tapos kanina sa bar, akala mo hindi ko kayo nakikita? Halos magkapalit na kayo ng mukha ng babaeng iyon,” nakanguso niyang saad dito.

“Aha! So, pinanonood mo pala kami kanina, ha?” pilyong turan naman nito sa kaniya. Inirapan niya ito at nagsimula na siyang magpumiglas upang ibaba siya nito. Ibinaba naman siya nito ngunit isinandal lang siya sa sasakyan habang nakayakap ang mga braso ni Adonis sa kaniyang baywang.

“Isang tanong, isang sagot. Mahal mo ba ako?” tanong nito sa kaniya habang mataman siyang tinititigan sa mga mata.

“Bakit mo itinatanong?” paiwas ang mga matang tanong niya rin dito.

“Ayesha, sasagot ka ba nang matino, o gagahasain na lang kita rito?”

“Napakamanyak mo!” naiinis niyang hasik dito. Bigla siyang napasinghap nang basta-basta na lang sakupin ni Adonis ang kaniyang labi at gawaran siya nito ng mapagparusang halik. Agad naman siyang napapikit at ninamnam ang halik na ipinagkakaloob sa kaniya ng lalaki. Napahawak siya sa balikat nito at akmang tutugon sa halik nang bigla nitong pakawalan ang kaniyang labi.

“Ano? Mahal mo ba ako o mahal mo ako?” Natawa siya sa tanong nito dahil wala naman siyang pagpipilian sa ibinigay nitong option sa kaniya. Kahit ano kasi ang piliin niya ay iisa lang ang ibig sabihin niyon.

Well, ganoon naman din ang isasagot niya rito kaya tumango-tango na lang siya rito bilang tugon.

“Ano iyan? Ayaw ko ng ganyang sagot,” naiiritang turan nito sa kaniya.

“Napaka-demanding mo! Wala naman kaya akong pagpipilian sa sinabi mo kung hindi ay mahal kita!” Napangisi naman ito saka nito muling inilapit ang mukha sa kaniya at akmang hahalikan siyang muli. Ngunit inilayo niya ang mukha niya rito. Ito naman ang pinangunutan ng noo habang nakatingin sa kaniya.

“Ano na namang problema mo, Irog ko?”

“Bago mo ako halikan ulit ay kailangan muna nating magkalinawan. Sino iyong babaeng kalandian mo kanina?” nakangusong tanong niya rito.

“Kerida ko! Puwede na ba kitang halikan?” mabilis nitong tugon sa kaniya. Kinurot naman niya ito sa braso at pinanlakihan ng mga mata. Tumawa lang naman ito sa kaniyang harapan at tila hindi man lang nasaktan sa kurot.

“Sumagot ka nang maayos. Kung hindi ay iiwan kita rito!” pagbabanta niya rito.

“At sa tingin mo makakawala ka sa akin? Kahit magpumiglas at magsumigaw ka pa rito ay hindi kita pakakawalan,” nakangising tugon nito sa kaniya.

“Sumagot ka na kasi!” naiinis niyang turan dito.

“Okay fine. Si Mix ay isa sa mga ex ko. Pero matagal na kaming wala. As in, walang romantic thing na namamagitan sa amin,” paliwanag nito sa kaniya. Nakataas naman ang isang kilay niyang tiningnan ito at tila hindi naniniwala sa sinasabi ng lalaki.

“Sure ka wala? E, bakit kung magharutan kayo kanina, akala mo naman kayo talaga? Nagbabasaan pa kayo sa bakuran mo, at ang harot-harot tumawa! ‘Tapos sa bar, akala mo linta kung makakapit sa iyo!” pairap pa niyang saad dito.

Nagniningning naman ang mga mata ni Adonis habang nakatingin sa kaniya saka nito ikinulong ang magkabilang pisngi niya sa mga palad nito at pilit siyang iniharap sa direksiyon nito.

“Hindi ko alam na selosa ka pala, Irog ko. Pero para sa ikatatahimik mo, ginamit ko lang si Mix para pagselosin ka. Gusto ko kasing malaman kung mahal mo ba talaga ako, o talagang dahil lang sa nobela mo kaya mo ako sinagot noon. Ang sakit naman kasi noong malaman kong ginamit mo lang ako dahil sa nobela mo,” anito sa kaniya na tila nagtatampo.

“Sorry,” nahihiyang sambit naman niya rito.

“Pero totoo namang mahal kita, e. Noong una, aaminin kong for writing purposes lang talaga kung bakit ako nakipaglapit sa iyo at pumayag na magpaligaw. Pero habang lumilipas ang mga araw ay unti-unti na akong nahulog sa’yo. Ewan ko ba. Kahit na nakaka-buwisit ka at napakamanyak mo ay nahulog pa rin ako sa’yo! Minsan nga naiisip kong baka nga nilalagyan mo ng gayuma iyong mga pagkaing ibinibigay mo sa akin, e.” natatawang saad niya rito.

“Pero noong magalit ka sa akin at naghiwalay tayo ay roon ko lang talaga na-realized kung gaano kita kamahal. Parang nawalan na ako ng gana sa pagsusulat at kulang na palagi ang araw ko. Araw-araw na-mi-miss ko iyong mga kamanyakan mo, pang-aasar mo sa akin, pagluluto mo, iyong mga yakap mo, at iyong mga halik mo. Lahat iyon na-mi-miss ko. Pero ano nama’ng magagawa ko, e, galit ka sa akin?” malungkot niyang wika rito.

“Kaya sabi ko rin sa sarili ko. Kapag nagkaroon ng pagkakataon na magkausap tayong muli, sasabihin ko talaga sa iyo kung gaano kita kamahal.” Ikinulong niya ang mukha nito sa kaniyang mga palad at saka ito pinakatitigan.

“Adonis, mahal na mahal na mahal kita. Hindi dahil sa gusto ko lang ma-experience kung paano ang kiligin para sa nobela ko, kung hindi ay iyon talaga ang nararamdaman ko. Kung magiging tayo ulit, gusto kong itama ang lahat. At promise, araw-araw kong ipararamdam sa iyo na tunay ang pagmamahal ko sa iyo, hindi pang-nobela lang,” maramdamin niyang saad sa lalaki na ngayon ay tila naluluha na rin sa kaniyang harapan.

“Nakakaiyak naman, Irog ko,” sabi nito saka nagpunas ng gilid ng mga mata nito bago siya muling hinarap.

“Mahal na mahal na mahal kita, Ayesha. Kahit gawin mo pa akong inspirasyon sa nobela mo, papayag ako. Kung gusto mo akong gamitin para sa lahat nang mga isinusulat mo, sige lang gamitin mo ako. Kung gusto mo pati katawang lupa ko, gamitin mo na rin. Hinding-hindi ako aangal, pangako! Pero ipangako mo lang na hinding-hindi ka mawawala sa tabi ko, at mamahalin mo ako habang buhay,” maramdamin ding turan nito sa kaniya.

Natawa naman siya sa sinabi nito, and at the same time, kinilig din siya nang bongga.

“Pangako, Irog ko. Mahal na mahal kita, Adonis!” aniya rito at tinawid ang pagitan ng kanilang mga labi.

Kalakip ng maalab na paghahalikan nila ay ang pangakong kanilang binitawan para sa isa’t isa.

Sa wakas, muli ring nagtagpo ang kanilang mga pusong tunay na nagmamahalan.

WAKAS