Chapter 24
Isang buwan ang mabilis na lumipas at hindi pa rin sila nag-uusap ni Adonis. Ayaw naman niyang puntahan ito sa bahay nito para ipagpilitan ang kaniyang sarili. Matapos ang nangyari sa pagitan nilang dalawa ay mukhang malabo nang maayos pa ang kung ano mang mayroon sila ng lalaki.
Nakapangalumbaba siya ngayon sa mesa sa garden niya at nakatitig sa bukas niyang laptop. Kanina pa siya sa ganoong ayos at tila wala na namang pumapasok na idea sa kaniyang utak. Napahinga siya nang malalim dahil matapos niyang ipasa kanina kay Eds ang manuscript ay wala na siyang ginawa kung hindi ay ang makipagtitigan sa kaniyang laptop.
Ayaw naman niyang lumabas ng bahay para mamasyal dahil tinatamad siya. At isa pa ay wala naman siyang makakasamang lumabas dahil may date ang kaibigan niya. Mayamaya ay nagulat siya nang may biglang gumalaw sa kaniyang paanan. Muntik pa siyang mapatili kung hindi lang ito gumawa ng tunog.
“Meow!” Napangiti siya nang makita ang mataba at kulay abuhing pusa na kumikiskis sa kaniyang paanan. Agad niyang dinampot ang pusa at saka kinalong. Hinaplos- haplos niya ang balahibo nito at marahang niyakap.
“Mabuti ka pa... Hindi ka galit sa akin. Samantalang ang amo mo... hindi pa rin ako kinakausap. Kumusta na siya,
Honey?” kausap niya sa pusang tila tuwang-tuwa sa paghaplos niya sa balahibo nito.
“Babantayan mong maigi ang amo mo, ha?” sabi pa niya rito. Mayamaya ay narinig niya ang tinig ni Adonis na tinatawag ang alaga nito.
“Honey! Nasaan ka na naman bang pusa ka? Honey!” Bigla namang tumalon si Honey mula sa kaniyang kandungan at mabilis na tumakbo. Tumalon ito sa bakod niya patungo sa bakuran ni Adonis. Nasundan na lang niya ng tingin ang pusa habang napabu-buntong-hininga.
“Saan ka na naman naglakwatsa, ha? Ikukulong na talaga kita para hindi kung saan-saan ka pumupunta,” narinig pa niyang sabi ni Adonis sa pusa nito.
Na-mi-miss na niya ito. Ang pakikipagkulitan nito sa kaniya. Ang kamanyakan ng lalaki sa tuwing kausap niya ito. Ang mga ngiti, ang mga yakap nito, at higit sa lahat ay ang mga halik nito sa kaniyang labi. Na-mi-miss niya ang lahat dito. May chance pa kaya na magka-ayos sila nito?
“Hayst. Kung sana lang mayroon pang isang pagkakataon,” naibulong na lang niya sa kaniyang sarili.
Lumipas pa ang ilang araw. At ngayong araw ay napag- usapan nila ni Eds na lumabas. Ang sabi kasi ng kaniyang kaibigan ay kailangan niyang lumabas ng lungga niya para makalimutan ang kapitbahay na manyak. Knowing Eds, hindi rin naman siya tatantanan ng kaibigan kaya pumayag na lamang siya. Isa pa ay nababagot na rin naman siya sa bahay kaya pumayag na rin siya.
“Eds, hindi ba masyado naman yatang revealing itong suot ko?” tanong niya sa kaibigan habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin ng kuwarto niya.
Isang red plunging neckline na spaghetti strap ang kaniyang pang-itaas habang hanggang kalahati naman ng kaniyang mga hita ang suot niyang maong skirt na parang tastas ang laylayan, at ang kaniyang sandals naman ay one-strap sandals na pula rin ang kulay.
“Gagsti! Ang sexy mo kaya! Nako, kung ako lang talaga ang may ganyang katawan ay ipaparada ko talaga sa madla!” nakangiting turan pa nito sa kaniya.
“Isa pa ay bar ang pupuntahan natin, ‘day. Kaya carry lang iyan!”
Muli niyang pinagmasdan ang kaniyang sarili sa salamin at napahinga nang malalim. Hinayaan lang nilang nakalugay ang mga buhok nila ni Eds, at light makeup lang din ang in-apply niya sa kaniyang mukha. Feeling niya kasi ang bigat sa mukha kapag kinapalan niya iyon.
“O, siya. Tara na,” yaya niya na sa kaibigan at dinampot ang itim niyang purse.
“Teka. Magkalinawan pala muna tayo. Huwag na huwag mong maisip-isip na iwanan ako sa bar, ha? Ipakukulam kita!” pagbabanta niya rito nang muli siyang humarap sa kaibigan. Bumungisngis naman ito at nagpatiuna nang lumabas ng kuwarto.
“Promise! Nakakaloka ka!” tumitirik pa ang mga mata nitong sambit sa kaniya.
“Mabuti na ngayon pa lang ay nagkakalinawan na tayo. Baka mamaya ay may makita ka lang na pogi at iwan mo na ako kaagad,” sabi niya rito saka isinara ang bahay. Bumungisngis na naman ito habang naglalakad sila palapit sa sasakyan nito.
Mayamaya ay may bigla itong ini-nguso sa kaniyang likuran. Kunot-noo naman siyang dahan-dahang napalingon sa direksiyong ini-nguso ni Eds. At nakita niyang nakatayo sa gate nito si Adonis habang nakatanaw sa kaniya. Biglang bumilis ang pagkabog ng kaniyang dibdib nang matiim siya nitong tinitigan. Mabilis siyang bumaling kay Eds nang makaramdam nang pagkailang.
“H-halika na, Eds,” nauutal niyang saad sa kaibigan saka mabilis na sumakay sa sasakyan nito. Sumakay na rin naman ang kaniyang kaibigan at mabilis na pinatakbo ang sasakyan.
Habang nasa biyahe ay hindi niya maalis sa kaniyang isipan ang seryosong mukha ni Adonis habang nakatingin ito sa direksiyon nila ni Eds kanina. Magkahalong kaba at excitement ang kaniyang naramdaman nang muling masilayan ang mukha nito.
Gusto niyang maiyak sa tuwa dahil nakita niyang muli ang lalaki. Pero sa kabilang banda ay kailangan niyang pigilan ang kaniyang emosyon. Masyado na siyang madaming luhang iniluha para dito, at ayaw na niyang muling umiyak pa nang dahil kay Adonis.
“Okay ka lang ba, Ayesha?” nag-aalalang tanong ni Eds sa kaniya. Lumingon siya sa kaibigan at pilit na ngumiti rito.
“Oo naman,” matipid niyang tugon sa kaibigan.
“Ako, hindi,” sabi naman nito sa kaniya. Kunot-noong pinagmasdan niya ang kaibigan.
“Nakaka-shokot kaya iyong itsura ng ex mo kanina! Susko! Parang mananapak ng tao nang makita ka niya kanina, e!” sabi pa nito sa kaniya.
“Hayaan na natin siya,” turan naman niya rito saka bumuntong-hininga. Sa totoo lang ay nakaramdam siya ng pagka-ilang sa dati niyang kasintahan sa paraan nang pagtitig nito sa kaniya kanina. Hindi niya alam pero bakit pakiramdam niya ay parang pinagbabantaan siya nito kanina? Dahil ba iyon sa kaniyang suot? Pero hindi ba ay wala naman na sila? So, ano’ng paki nito sa suot niya?
Ambisyosa ka, girl! Baka naman napatingin lang siya sa inyo kanina at walang ibang dahilan iyon! kontra naman ng isang parte ng kaniyang isip.
Tama. Baka nga ganoon lang iyon. Naipilig na lamang niya ang kaniyang ulo at ibinaling na lang sa kanilang nadaraanan ang kaniyang paningin.
Ilang minuto pa at nakarating na rin sila sa bar kung saan siya naisipang dalhin ni Eds. Nang mai-park nito ang sasakyan ay agad na lumabas sila at naglakad patungo sa entrada ng bar. Mukhang hindi basta-basta ang bar na iyon dahil may kalakihan ito at tila hindi basta-basta ang nakapapasok sa lugar na iyon.
“Eds, baka mahal dito. Wala akong ipambabayad,” bulong niya sa kaibigan na tumawa lang sa kaniyang tabi.
“Gagsti! Okay lang. Ako’ng bahala sa iyo,” anito sabay kindat sa kaniya. Hinila na siya nito patungo sa entrance. May ipinakita lang itong gold card sa guard at pinapasok na sila sa loob. Pagpasok nila ay biglang nanibago ang kaniyang mga mata sa iba’t ibang kulay ng mga ilaw na sumalubong sa kanila. Kaya naman napakapit siyang mabuti kay Eds, at hindi ito binitiwan hangga’t hindi sila naka-uupo sa kanilang mesa.
“Eds, ang sosyal naman ng lugar na ito!” medyo malakas na pagkakasabi niya sa kaibigan. Masyado kasing malakas ang tugtog sa loob ng bar kaya kinailangan niyang lakasan ang boses niya.
“Siyempre naman! Ayaw ko kasing sa basta-bastang bar lang. At least dito, mas safe tayo dahil kilala ko ang manager nitong bar,” malakas ding sambit nito sa kaniya.
Mayamaya pa ay may kinawayan ito. Halos mapunit ang mga labi ng kaibigan sa pagkaka-ngiti. Nang lingunin niya ito ay isang matangkad na lalaki ang papalapit sa kanilang mesa.
“Hi, George!” agad na bati ni Eds saka nakipag-beso sa bagong dating. In fairness naman sa kaniyang kaibigan ay may itsura naman ang lalaki at mukha namang mabait.
“Ahm, George, si Ayesha nga pala—best friend ko. Ayesha, si George—manager ng bar na ito,” pakilala nito sa kanila.
“Hi!” bati niya rito at kinawayan ang lalaki. Ngumiti naman ito sa kaniya at kumaway lang din.
“Anything I can get for you, ladies?” tanong pa nito sa kanila.
“Hmm, dalawang frozen strawberry daiquiri at Chef’s special for two. Hindi pa kasi kami kumakain, e,” nakangiting saad ni Eds kay George. Halatang-halata na may pagtingin ang kaniyang kaibigan sa lalaking katabi nito ngayon.
“Okay, I’ll get it for you. Enjoy lang muna kayo rito, okay?” nakangiti rin namang paalam nito sa kanila. Napatango na lang sila at sinundan ito ng tingin nang maglakad na ito palayo mula sa kinaroroonan nila.
“Hayst! Ang guwapo talaga niya!” tila nangangarap namang sambit ni Eds habang nakatanaw pa rin ito sa malayo nang si George.
“Type mo, ‘no?” usisa naman niya sa kaniyang kaibigan. Tumango-tango ito sa kaniya bilang tugon.
Sinasabi niya na nga ba’t ang kire niyang kaibigan ay pinagnanasaan ang manager ng bar na ito, e. Sa paraan kasi nang pagngiti nito kanina, at pagtitig kay George ay masasabi niyang malakas ang tama nito sa lalaki. Natawa na lang siya rito at kinurot ito sa tagiliran nito na ikinahagikgik naman ng babae. Buong gabi lang silang nakaupo sa kanilang upuan habang pinanonood ang mga taong nagsasayawan sa dance floor.
Ngayong gabi, pansamantala muna niyang kalilimutan ang problema.
Ngayong gabi, magpapakasaya siya at kalilimutan muna si Adonis.