Chapter 22

Day 28:

Madilim pa lang ay gising na sina Adonis at Ayesha upang abangan ang pagsikat ni haring araw. Naglakad- lakad sila sa paligid. At nang may makitang malaking bato ay naupo sila roon. Nakayakap sa kaniya si Adonis habang nakasandal siya sa dibdib nito.

Kapwa nila ninanamnam ang malamig na simoy ng hanging humahalik sa kanilang mga mukha. Ayaw na niyang matapos pa ang araw na ito dahil pagkatapos nito ay tiyak na kalungkutan na ang hatid niyon sa kaniya.

“Ang sarap dito, ‘no?” wala sa sariling tanong niya sa kasintahan habang nakatanaw sa maulap na kapaligiran.

“Hmm, oo naman. Lalo na’t kasama kita. Sana ganito rin kalamig sa atin para palagi kang nakalingkis sa akin. At ‘lagi akong titigasan sa iyo,” pilyong tugon naman nito sa kaniya. Natatawang pinalo niya ito sa braso at lalong sumiksik sa dibdib nito nang biglang humangin.

“Ang sarap naman. Sige, humangin ka pa para lalong magsumiksik ang aking Irog sa katawan ko,” narinig pa niyang sabi nito. Napangiti na lamang siya at hinayaan itong ikulong siya sa mga bisig nito. Nanamnamin na lang niya ang sarap ng mga yakap nito habang magkasama pa sila.

Ilang sandali pa ay nagpakita na sa kanila si haring araw. Mabilis niyang inilabas ang kaniyang kamera at inumpisahang kumuha ng mga larawan. Mayamaya pa ay niyaya naman siya ni Adonis na magtungo sa isang parte kung saan hindi masyadong matao. Halos nasa cliff na sila ng lugar na iyon at hawak-kamay na nakatanaw sa papataas nang araw.

“I love you, Ayesha!” Napalingon siya rito nang bigla itong sumigaw nang malakas. Tila naman napipi siya at hindi malaman kung ano ang kaniyang sasabihin. Nakangiti itong tumingin sa kaniya at ikinulong ang kaniyang mukha sa mga palad nito. Pinagdikit nito ang kanilang mga noo at tinitigan siya sa mga mata.

“I love you, Irog ko. Mahal na mahal kita.” Iyon lang at sinakop na nito ang kaniyang labi. Hindi naman niya napigilan ang kaniyang sarili at bigla na lang tumulo ang kaniyang mga luha. Alam niya sa kaniyang sarili na mahal na mahal na rin niya si Adonis.

Kung ibibigay lang ng pagkakataon ay ayaw niyang umalis sa tabi nito. Ngunit kailangan niyang gawin ang tama. Kailangan niyang ipagtapat dito ang katotohanan. Kung pagkatapos ng bagay na iyon ay mahalin pa rin siya ni Adonis, ipinangangako niyang hinding-hindi na ito iiwan kahit kailan.

“Bakit ka umiiyak?” nagtatakang tanong sa kaniya ni Adonis nang matapos ang kanilang paghahalikan. Mabilis naman niyang pinalis ang kaniyang mga luha at nakangiting umiling-iling.

“Wala. Masaya lang ako,” tanging nasabi niya sa lalaki.

“Dahil?” nakangising tanong nito sa kaniya.

“Dahil kasama kita ngayon. Wala nang iba pang dahilan,” sagot niya rito at niyakap ito nang mahigpit. Rinig na rinig niya ang mabilis ng pagtibok ng puso nito na lalong nakapagbibigay ng kakaibang emosyon sa kaniya.

“Masaya rin ako, Ayesha, na ikaw ang kasama ko ngayon.” Para namang sirang gripo ang kaniyang mga mata dahil sa tuloy-tuloy na pagpatak ng kaniyang mga luha. Lalo siyang nahihirapan ngayon sa nalalapit nilang paghihiwalay.

Ilang minuto rin siyang nanatiling nakasubsob sa dibdib ni Adonis at kinakalma ang kaniyang sarili. Hanggang sa tawagin na sila ng kanilang tour guide upang mag- agahan.

“Tapos ka na bang umiyak? Halika na’t baka maubusan tayo ng pagkain,” untag nito sa kaniya. Tumingala siya rito at nakangiting tumango-tango bilang tugon. Pinahid nito ang natirang mga luha sa kaniyang mga mata at pisngi saka muling hinalikan sa noo.

“Kung makaiyak ka naman para bang sinaktan kita riyan. Samantalang no’ng saksakin kita noong nakaraang gabi ay hindi ka naman umiyak. Puro ungol ka pa nga, e,” pilyong sambit pa nito sa kaniya. Mabilis niya itong pinalo sa dibdib nito at kinurot.

“Iyang bunganga mo!” saway niya rito sabay linga sa kanilang paligid. Mabuti na lamang at walang taong malapit sa kanilang kinatatayuan. Kung hindi ay baka kung ano pa’ng isipin ng makaririnig.

“Ayan, bumalik na sa dati ang aking Irog,” nakangising turan nito sabay akbay sa balikat.

“Kumain na tayo bago pa ikaw ang maisipan kong kainin diyan sa tabi-tabi,” pilyong saad pa nito kaya muli niya itong kinurot sa tagiliran nito na ikinapitlag naman nito.

“Umandar na naman iyang kamanyakan mo, ha!” sita niya rito.

“Ikaw naman. Pinatatawa lang kita. Masyado ka kasing seryoso, e,” wika nito sa kaniya. Hindi na lang siya umimik sa tabi nito at nagpatuloy na lang sila sa paglalakad.

Ilang sandali pa silang nanatili sa Mt. Kiltepan bago sila bumaba ng bundok. Nang makabalik na sila sa pinagparadahan ng sasakyan ni Adonis ay saglit silang namahinga bago bumiyahe patungong Baguio.

Habang nasa biyahe ay binalot ng kalungkutan si Ayesha. Masyado kasi siyang na-attached sa ganda ng Sagada kung kaya ay parang nakalulungkot itong lisanin. Ngunit ang totoong ikinalulungkot niya ay ang nalalapit na paghihiwalay nila ni Adonis. Iwasan man niyang isipin iyon ay tila tukso namang nagpabalik-balik ito sa kaniyang isipan.

Day 30:

Nang makarating sila sa kanilang lugar ay agad na nagpahinga sina Ayesha at Adonis sa bahay nito. Sobrang haba ng ibiniyahe nila kaya tuloy patang-pata ang kanilang mga katawan. Gabi na nang magising sila kaya naman hindi na siya hinayaan pang umuwi ng kaniyang kasintahan, kahit pa nga sa kabilang bakuran lang naman siya nakatira.

“Spend the rest of the night with me, please?” pakiusap nito sa kaniya.

“Hmm, sige. Pero... puwedeng kumain na muna tayo? Nagugutom na kasi ako, e,” nakangisi niyang saad dito. Kinurot naman siya nito sa tungki ng kaniyang ilong bago dampian ng halik ang kaniyang labi. Napahagikgik naman siya matapos gawaran ng halik ng kasintahan.

“Tatawa-tawa ka pa riyan, ha. Mamaya ka lang sa akin. Sasaksakan kita ng malaking injection!” pagbabanta nito sa kaniya saka ito bumangon mula sa kama. Binato niya ito ng unan at mabilis na gumulong patungo sa kabilang panig ng higaan.

“Uuwi na lang pala ako kung ganoon,” sabi niya rito saka basta na lang itinaling pataas ang kaniyang buhok.

“Ano’ng uuwi? Walang uuwi! I-lo-lock ko ang pinto at gate para hindi ka makalabas,” anito sa kaniya at nagsuot ito ng t-shirt. Naghubad kasi ito ng t-shirt kanina bago sila natulog.

“Dami mong alam. Magluto ka na’t nagugutom na ako,” pairap niyang saad dito at nagpatiunang lumabas ng silid ng lalaki.

“Aba teka. Hindi pa man tayo naikakasal, ina-under mo na ako. Pambihira! Pero okay lang na under-in mo ako basta sa kama ikaw ang nasa under,” taas-baba ang mga kilay nitong turan nang lingunin niya ito.

“Tse! Halika na nga. Kung ano-ano na naman iyang pinagsasasabi mo riyan,” aniya rito saka siya nito inakbayan.

At nang makapagluto ay agad din naman nilang pinagsaluhan ang mga pagkaing inihain nito. Bilib na talaga siya sa galing nito sa pagluluto na kahit simpleng putahe lang ay napasasarap nito.

Matapos nilang kumain at magligpit sa kusina ay namahinga na muna sila sa sala at nanood ng kung ano- ano. Nakaupo siya sa sofa habang nakahiga naman ito at nakaunan sa kaniyang mga hita. Hinahaplos-haplos niya ang malambot nitong buhok habang nakatutok ang kanilang paningin sa kanilang pinanonood.

“Adonis, may sasabihin sana ako sa iyo. Sana... huwag kang magagalit,” lakas loob na wika niya sa lalaki. Hindi naman ito umimik kaya ipinagpatuloy niya ang kaniyang pagsasalita.

“Adonis, kasi iyong biglaang pagiging mabait ko sa iyo... At pagpayag kong manligaw ka sa akin—,” putol niya saglit sa sasabihin.

“Lahat ng iyon ay dahil sa isinusulat kong nobela... Pero huwag ka munang magsasalita, pakinggan mo muna ako,” aniya saka mabilis na nagpahid ng mga luhang kumawala na mula sa kaniyang mga mata.

“Isa kasi akong writer, okay? So, kinailangan ko ng isang inspirasyon para sa pagsusulat ko ng romance novel. Ang kaso ay wala naman akong kaalam-alam sa romance. Wala nga akong naging kasintahan man lang, e. Kahit manliligaw wala.” Hindi niya ito matitigan man lang.

“Kaya naman nang i-suggest ng kaibigan kong gamitin kita para ma-experience ko kung paano ba ang kiligin ay sinunod ko naman. Pero believe me, wala akong planong jowain ka sana. Kaso, wala, e. Nahulog ang puso ko sa iyo. Kahit pa malayong-malayo ka sa ideal man ko, sa iyo pa rin bumagsak ang puso ko.” Muli niyang pinahid ang kaniyang mga luha at huminga nang malalim.

“Sa maniwala ka’t sa hindi ay mahal na rin kita. Lahat ng mga ipinakita ko sa iyo simula nang sagutin kita... Totoo ang lahat ng mga iyon. Walang halong panggagamit doon. Kaya sana... Ngayong nasabi ko na sa iyo ang katotohanan... Sana mapatawad mo ako,” humahagulgol niyang saad dito.

Wala pa ring imik si Adonis na nakahiga sa kaniyang kandungan. Marahil ay nag-iisip ito nang mabuti. Siguro ay in-a-absorb pa nito ang lahat ng kaniyang mga sinabi. Ilang minuto pa ang kaniyang pinalagpas bago siya muling nagsalita.

“Adonis, magsalita ka naman, o. Kausapin mo naman ako. Murahin mo ako, awayin mo ako, basta magsalita ka. Tatanggapin ko kahit na ano’ng masasakit na salitang bibitiwan mo. Deserve ko iyon, e.” Hindi pa rin ito umiimik hanggang sa silipin na niya ang mukha nito.

Kaya naman pala hindi umiimik ang lalaki ay tulog na tulog na ito at mahina pang humihilik. Bigla siyang napasimangot dahil sa hinaba-haba ng kaniyang paliwanag ay sa tulog lang naman pala siya nakikipag- usap.

“Hayst! Akala ko pa naman matatapos na ang paliwanag ko sa lalaking ito. Tinulugan na pala ako,” bulong niya sa sarili.

Napapailing na lang tuloy siya habang pinagmamasdan ang mahimbing na natutulog niyang kasintahan. Wala na naman siyang choice kung hindi ay ang ulitin ang kaniyang paliwanag kapag nagising na ito.