Chapter 16
Matapos sumayaw ay magkahawak kamay silang naupong muli sa sofa. Nakasandal siya ngayon sa malapad nitong dibdib habang ang kamay naman nito ay nakayakap sa kaniyang baywang. Kapwa sila nakangiti habang tahimik lang na ninanamnam ang mga sandali.
“Adonis, puwedeng magtanong?” mayamaya ay untag niya sa kasintahan.
“Nagtatanong ka na, Irog ko,” tugon naman nito sa kaniya. Pinalo niya ang kamay nitong nakayakap sa kaniyang baywang dahil sa sagot ng lalaki.
“Joke lang! Ano iyong itatanong mo? Pero bawat tanong may premyo dapat ako,” pilyong turan nito sa kaniya.
“Huwag na lang pala. Nagbago na ang isip ko,” kunwa’y tugon naman niya rito.
“Biro lang. Ito naman. Sige na, magtanong ka na. Basta huwag lang math, ha?” wika nito sa kaniya. Umayos naman siya sa pagkakasandal dito saka tiningala ang kasintahan.
“Nasaan ang mga magulang mo?”
“Wala,” maikling sagot nito sa kaniya. Nangunot naman ang kaniyang noo at saka matamang tiningnan ang reaksiyon ng mukha nito. Wala siyang mabasang reaksiyon doon kaya hindi niya alam kung itutuloy pa ba niya ang tanong dito.
“O, bakit ganyan mo ako tingnan? Wala nga sila rito. Bakit? May nakikita ka bang hindi ko nakikita?” nakangising tanong nito sa kaniya. Bigla niya itong sinimangutan na tinawanan lang naman ng loko-lokong kasintahan.
“Seryoso kasi. Nasaan nga sila? At napansin ko na mag- isa ka lang dito sa bahay mo. Hind ka ba nababagot?” muli niyang tanong dito.
Huminga ito nang malalim bago sumagot, “My parents are in Italy kasama ng mga kapatid ko. Doon na sila nakatira, matagal na. Ako lang naman itong matigas ang ulo na ayaw sumunod sa kanila roon, e. Mas gusto ko kasi rito. Dahil dito ay nagagawa ko ang gusto ko. Unlike kapag kasama ko sila, lahat na lang pinakikialaman. And I hate it,” natatawa nitong turan sa kaniya.
“Isa pa, nandito ang business ko. Kaya for your other question—no, hindi ako nababagot. Lalo na nang lumipat ka sa bahay mo,” nakalolokong saad nito sa kaniya.
Natawa naman siya rito at pabirong kinurot ang kamay nito. Naalala kasi niyang hindi naging maganda ang unang paghaharap nila ng lalaki. She hated him that day, dahil sa kaniyang nasaksihang pakikipagniig nito sa isang babae sa loob ng kaniyang bahay.
“Tuwang-tuwa ka talagang maalala iyong unang araw na nagkita tayo, ha!” pagsusungit niya rito.
“Oo naman! Because the day I first saw you, nabago na ang takbo ng buhay ko,” nakangising tugon nito sa kaniya.
“Weh? Paano namang nabago ang takbo ng buhay mo? E, wala ka ngang ibang ginawa kung hindi ay ang buwisitin ako araw-araw,” wika naman niya rito.
“Exactly. My life has never been that much fun until you came. Ikaw ang nagbigay kulay sa boring kong buhay,” pangiti-ngiti pa nitong turan sa kaniya.
“Siraulo ka talaga. Ginawa mo pa akong clown ng buhay mo!” pairap niyang tugon dito.
“Uy, grabe naman sa clown, Irog ko! Ang buwisitin ka araw-araw ay isang malaking excuse ko lang para mapansin mo at mapalapit sa iyo. Effective naman, ‘di ba? Kasi dumating ang araw na pumayag kang ligawan kita, at ngayon nga ay kasintahan na kita!” Kinindatan pa siya nito at hinalikan sa noo.
“Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya sa tuwing sinusungitan mo ako. Feeling ko kasi ang sweet-sweet mo sa akin kapag ginagawa mo iyon. Kaya hindi ako nagsasawang asarin ka araw-araw kasi hindi makukumpleto ang araw ko nang hindi ka nakakausap man lang,” dugtong pa nito sa sinabi nito sa kaniya.
Nakangiti lang naman siya habang nakatitig sa mukha nito. Hindi niya akalaing ang isang katulad ni Adonis ay magpapapansin sa isang manang at nerd na kagaya niya. Nakatataba lang ng puso na posible pala talagang mangyari iyon—na ang isang guwapo at makisig na kagaya nito ay mahuhulog sa isang manang at nerd na katulad niya.
Bigla naman ang pagsingit ng reyalidad sa kaniyang isipan. Paano kaya kapag natapos na niya ang kaniyang nobela? Maipagtapat kaya niya kay Adonis ang katotohanang ginamit lang niya ito para doon? Kayanin kaya niyang hiwalayan ito kapag natapos na ang deadline na ibinigay sa kaniya ni Eds?
Bigla siyang napaalis sa pagkakasandal sa dibdib nito, at nakaramdam ng guilt sa kaniyang puso. Parang ngayon pa lang ay gusto na niyang makipaghiwalay rito para hindi na umabot pa sa mas komplikadong sitwasyon ang lahat. Pero paano naman niya gagawin iyon ganoong hulog na hulog na rin siya sa lalaking nasa kaniyang tabi ngayon?
“Ayesha, may problema ba?” nag-aalalang tanong nito sa kaniya.
“Ahm, wala. Gumagabi na kasi. Kailangan ko nang umuwi sa bahay.” Pilit niyang pinasigla ang kaniyang tinig sa harapan nito upang hindi mahalata ni Adonis na may bumabagabag nga sa kaniya.
“Para namang ang layo ng bahay mo, Irog ko. Puwede ka namang dito na lang matulog kasama ako,” taas-baba pa ang mga kilay nitong turan sa kaniya.
“Ayan, ayan, diyan ka magaling! Umaandar na naman iyang kamanyakan mo!” sita niya rito habang pinanlalakihan ito ng kaniyang mga mata. Kakamot- kamot naman ito sa ulo habang nakangiti sa kaniya.
“Baka lang naman makalusot,” sabi pa nito.
“Puro ka kalokohan. Halika na at ihatid mo na ako sa bahay,” yaya niya na rito at tumayo mula sa kinauupuan.
Napatili pa siya nang bigla siya nitong hilahin pabalik sa kinauupuan ng lalaki at basta na lang siyang hinalikan sa kaniyang labi.
Agad naman niyang ikinawit ang kaniyang mga braso sa batok ni Adonis at tinugunan ang mainit nitong halik. Ilang sandali pa at kumalas na ito sa kaniya saka siya inalalayang tumayo.
“Halika na, bago pa kung ano’ng magawa ko sa iyo,” wika nito habang nakaakbay sa kaniyang balikat. Napapangiti na lamang siyang sumabay sa paghakbang nito palabas ng bahay. Nang makarating sila sa kaniyang bahay ay hindi na rin naman nagtagal ang kasintahan dahil ayon dito ay maaga pa itong papasok sa trabaho nito bukas.
“Good night, aking Irog. Panaginipan mo sana ako. At sana sa panaginip mo, gawin natin ang bagay na—alam mo na,” pilyong saad pa nito sa kaniya.
“Napakamanyak mo talaga! Umuwi ka na nga bago ko pa maisipang i-break ka!” kunwari ay pagsusungit niya rito.
“Uy, ‘wag kang magbibiro ng ganiyan, Irog ko. Baka mamaya gahasain kita riyan para hindi ka na makawala pa sa akin, makita mo!” pagbabanta naman nito sa kaniya.
“Heh! Uwi na nang makapagpahinga na tayong pareho,” pagtataboy na niya sa lalaki.
“Wala bang goodnight kiss man lang diyan?” hirit pa nito.
“Abusado ka na, ha! Nakakarami ka na—” At hindi na niya naituloy pa ang kaniyang pagpo-protesta nang basta- basta na lang siyang halikan ni Adonis sa kaniyang labi.
“Sus, kunwari ka pa riyan. Gustong-gusto mo naman talagang magpahalik sa akin, e,” panunukso nito sa kaniya nang bitiwan na siya nito. Nag-init naman ang kaniyang mukha sa sinabi ng kasintahan at hinampas ito sa dibdib. Hinuli ni Adonis ang kaniyang kamay at dinala iyon sa sariling labi at hinagkan. Matapos niyon ay marahan siyang ikinulong ng lalaki sa mga bisig nito.
“I love you, Ayesha,” bulong nito sa kaniya. Tila naman siya biglang napipi matapos niyang marinig ang sinabi nitong iyon sa kaniya. Muli ang pagkurot ng konsensiya sa kaniyang puso. Kaya naman mabilis na siyang kumalas mula sa pagyayakapan nila.
“Ahm, sige na, Adonis, umuwi ka na. Goodnight!” pilit ang ngiting paalam pa niya rito.
“Okay. Pero kiss muna,” muling hirit nito na kaniya namang pinagbigyan. Isang halik sa pisngi nito ang kaniyang iginawad sa lalaki bago niya ito muling ipinagtabuyan.
“Goodnight, Adonis. Sweet dreams!” sabi pa niya rito habang marahang itinutulak ito palabas ng bahay.
“Ang kuripot naman nito magbigay ng halik,” nagrereklamong sambit pa nito sa kaniya.
“Eeiii! Bukas naman ulit. Baka mamaya maubos ang labi ko kahahalik mo!” Natatawang naglakad naman na ito patungo sa gate. Nabigla pa siya nang muli itong pumihit at hapitin siya sa baywang at muli ay halikan sa labi. Mabilis at magaan lang ang halik na ipinagkaloob nito sa kaniya ngunit sapat na iyon para mawala siya sa sariling katinuan.
“Goodnight, Irog ko,” bulong pa ni Adonis saka ito lumabas ng gate at pasipol-sipol pang naglakad patungo sa bahay nito. Napahinga na lamang siya nang malalim habang sinusundan ng tingin ang kasintahan.
Hindi niya akalaing darating sa puntong mamahalin niya ang isang manyak na lalaking walang ginawa kung hindi ay ang asarin at buwisitin siya.
Muli siyang napahinga nang malalim bago siya tuluyang pumasok sa loob ng bahay. Walang pagsidlan ang kaligayahang nadarama niya ngayon lalo pa at ngayon lang niya naramdaman ang ganitong klaseng kasiyahan. Ngunit sa kabila ng kaligayahang iyon ay ang pag-usig ng kaniyang konsensiya.
“Ginusto mo iyan, Ayesha, kaya lusutan mo!” aniya sa sarili.
Hindi niya alam kung papaano niyang lulusutan iyon. Pero sa ngayon ay hahayaan na lang muna siguro niya ang kaniyang sarili na mag-enjoy sa kaligayahang kaniyang nararamdaman.