Chapter 15

Day 20:

Alas-singko ng hapon nang mag-umpisang maghanda si Ayesha para sa dinner date nila ni Adonis sa bahay nito. Isang pink floral wrap-around dress na hanggang kalahati ng binti ang kaniyang napiling isuot. Pinaresan niya ito ng two inches glass sandals. Itinali lang niya ng kalahati ang kaniyang buhok saka siya nag-apply ng makeup sa mukha.

Ilang beses pa niyang tiningnan sa harapan ng salamin ang kaniyang itsura bago lumabas ng silid na iyon. Iniwan na lang niyang bukas ang mga ilaw sa loob ng bahay dahil sa kabilang bakuran lang naman siya pupunta.

Eksaktong alas-siyete ng gabi nang magtungo siya sa bahay ni Adonis na halatang hindi pa nakaliligo dahil suot pa rin nito ang apron nang pagbuksan siya nito ng gate. Nakatatakam ang amoy ng lalaki na parang nais niya itong lantakan.

Iginiya siya nito papasok sa loob ng bahay nito at pinaupo sa sofa ng sala saka binigyan ng maiinom.

“Ang aga mo naman, Irog ko. Nakakahiya. Ahm, okay lang ba kung iwanan muna kita rito para makaligo na ako?” tanong nito habang nagkakamot ng ulo.

“Oo naman. Take your time,” nakangiti niyang tugon sa lalaki.

“Mabilis lang ako. Promise!” wika naman ni Adonis habang tinatanggal ang apron na nakasabit sa katawan nito at mabilis na umakyat sa ikalawang palapag ng bahay nito.

Ito ang ikalawang beses na nakapasok siya sa pamamahay ng lalaki, at hanggang ngayon ay namamangha pa rin siya sa kalinisan at kaayusan ng bahay nito. Inilibot niya ang paningin mula sa kinauupuan at nakita kung gaano ka- organize si Adonis. Mula sa mga displays nito hanggang sa mga CD collections, pati sa mga kurtina at iba pang kagamitan sa loob ng bahay—lahat nasa ayos.

In fairness naman sa iyo, Adonis, kahit na manyak ka, ang sinop mo sa bahay, ha, puri niya sa binata sa kaniyang isip.

Makalipas ang ilang minuto ay nakita na niya itong pababa sa hagdan ng bahay nito. Bahagya pa siyang napanganga nang masilayan ang preskong itsura ni Adonis. Nakasuot ito ng pink short sleeve polo na naka- tucked in sa maong pants nito habang naka slippers lang ito na pambahay. Magkaganoon pa man ay hindi naman iyon nakabawas sa kakisigan at kaguwapuhan nito.

“Bakit naman ginalingan mong magpaguwapo ngayon, Adonis?” bulong niya habang nakangiti ito at papalapit na sa kaniyang kinaroroonan. Tila nang-aakit ang malalalim nitong mga mata habang nakatitig sa kaniya. At kahit malayo pa ito ay parang ang bango-bango na kay sarap amuyin ng lalaki.

“Nainip ka ba? Sorry, ha? Nakahihiya naman kasi sa ka- date kong maganda kung mukhang basura ang ka-date niya,” nakangiting turan pa nito sa kaniya.

“Okay lang. Ano ka ba? Kasalanan ko rin naman, e. Napaaga ang punta ko rito,” sagot naman niya sa lalaki.

“So, shall we?” Inilahad nito ang kamay sa kaniya na agad naman niyang tinanggap. Gumapang ang mainit na pakiramdam sa buo niyang katawan sa paglalapat ng kanilang mga balat na kaniya namang nagustuhan.

Namangha siya nang makarating na sila sa naka-set up na dining table sa loob ng kusina nito. Maayos ang pagkalagay ng pulang table cloth sa bilog na mesa habang nakalatag ang mga plato at kubyertos sa ibabaw niyon. May maliit na chocolate fountain din sa gitnang bahagi ng mesa na siyang nagsisilbing center piece.

“You like it?” tanong nito sa kaniya.

“This is amazing! Ikaw ang nag-ayos ng mga ito?” nagniningning ang mga matang tanong niya sa lalaki.

“May nakikita ka pa bang iba?” pabirong tugon naman nito sa kaniya.

“Well, yeah! Para sa babaeng mahal ko,” nakangiting tugon nitong muli sa kaniya. Bigla namang natunaw ang puso niya sa huling katagang sinabi ni Adonis.

That’s it! Mahal na nga niya ang lalaking nasa kaniyang tabi ngayon. Hindi niya alam kung kakayanin pa ba niyang pigilan ang nararamdaman para dito pagkatapos ng gabing ito. Masyado naman kasing ginalingan ng lalaki ang paandar nito ngayong gabi para sa kaniya.

“Halika na. Alam kong gutom ka na. Baka mamaya ako pa ang kainin mo,” pilyong saad nito na kaniya namang ikinatawa.

“Sira! Tara na nga’t kumain. Mukhang gutom ka na rin kaya kung ano-ano na iyang nasasabi mo,” nakangiti niya ring yaya rito at naglakad na sila palapit sa mesa.

Ipinaghila siya nito ng upuan bago ito nagtungo sa kitchen counter upang i-serve ang kanilang dinner. Masaya naman nilang pinagsaluhan ang kanilang hapunan. At talaga namang wala siyang maipipintas pagdating sa pagluluto nito ng pagkain.

Matapos nilang kumain ay niyaya na siya nito sa sala habang bitbit ang bote ng wine at dalawang wine glass. Nagpatugtog muna si Adonis ng slow music bago bumalik sa kaniyang tabi at nagsalin ng wine sa kanilang mga baso. Tahimik lang silang sumisimsim ng wine habang nakikinig ng relaxing music na isinalang nito. Mayamaya pa ay tumayo ito at inilahad ang kamay sa kaniyang harapan.

“May I have a dance with you?” magalang na tanong nito sa kaniya. Nginitian niya ito at tinanggap ang kamay nitong nakalahad sa kaniyang harapan. Umaarangkada na naman ang malakas na pagtibok ng kaniyang puso lalo na nang hapitin siya nito sa baywang palapit sa katawan ng lalaki.

“Don’t worry, I’ll be gentle,” nakangisi pa nitong saad na ikinainit naman ng kaniyang mukha.

“I’ll be gentle ka riyan! Umaandar na naman iyang kamanyakan mo, a!” sita niya rito.

He just laughed at her and slowly moved as they started to sway to the sound of the music.

Nakatitig lang sila sa mata ng isa’t isa habang dinarama ang init na gumagapang sa kanilang mga katawan.

“Ayesha, alam mo ba kung gaano ka kaganda?” pabulong na tanong nito sa kaniya habang marahan silang gumagalaw sa pagsayaw.

“Binobola mo ba ako?” ganting tanong naman niya rito. Napangiti ito at marahang hinaplos ng isang kamay nito ang kaniyang pisngi habang matamang nakatitig sa kaniya. Kapagkuwan ay pinisil naman nito ang kaniyang baba. Tila nanuyo ang kaniyang labi at lalamunan nang dumako roon ang mga mata ni Adonis.

Dahan-dahang ibinaba nito ang mukha sa kaniyang mukha hanggang sa ga-pulgada na lang ang pagitan ng mga iyon. Para siyang nahihipnotismo sa pagkakalapit ng kanilang mga mukha kung kaya napapikit na lamang siya at hinintay ang susunod na mangyayari. Nakalalasing ang mainit na hininga nitong tumatama sa kaniyang mukha.

“I want to kiss you. Will you allow me?” paanas na tanong nito sa kaniya. Bago pa man siya makasagot sa tanong nito ay nakalapat na ang labi ng lalaki sa kaniyang labi. Dahan-dahan iyong gumalaw na tila nilalasahan nito ang bawat sulok ng labi niya. Para siyang nakikiliti na hindi niya maunawaan sa bawat paghalik nito sa kaniya.

At dahil ito ang unang beses niyang mahalikan ay hindi niya alam kung paanong tutugon sa paghalik nito sa kaniya. Naramdaman na lang niya ang isang kamay nitong nakasapo sa likod ng kaniyang ulo upang lalong paglapitin ang kanilang mga mukha. Napakapit siya sa batok nito dahil sa biglaang panlalambot ng kaniyang mga tuhod.

“Kiss me back, Ayesha,” narinig niyang bulong nito sa kaniya.

“Hindi ako marunong,” ganting tugon naman niya rito na ikinangiti ng lalaki sa kaniyang harapan.

“Just follow my lead,” anito saka muling sinakop ang kaniyang labi. Kagaya nga ng sinabi nito ay ginaya niya ang bawat paggalaw ng labi nito sa kaniyang labi. Hanggang sa masanay siya at magustuhan na ang halik na kanilang pinagsasaluhan. Kapwa pa sila hinihingal nang maghiwalay ang kanilang mga labi.

“Fast learner ka naman pala, Irog ko, e,” nanunuksong turan sa kaniya ni Adonis na ikinainit ng kaniyang mga pisngi.

Sinapo niya ang magkabilang pisngi saka sumubsob sa dibdib ng lalaki. Matapos niyang makipaghalikan ay tila bigla siyang nahiya sa lalaki. Paano ba namang hindi? Naghalikan na sila at lahat ni Adonis kahit hindi pa naman sila!

Muling iniangat ni Adonis ang kaniyang mukha at nakangiting tinitigan siya sa mga mata. Nangingislap ang mga iyon na parang sa mga bituin.

“So, sinasagot mo na ba ako sa lagay na iyan?” mayamaya ay tanong nito sa kaniya. Muli niyang tinakpan ang kaniyang mukha dahil sa hiya. Alangan naman kasing magpakipot pa siya? E, naghalikan na nga sila, ‘di ba? Kaya naman tumango-tango siya rito bilang sagot habang nakatakip pa rin ang dalawang palad niya sa mukha. Masuyo naman siyang ikinulong ni Adonis sa mga bisig nito at dinampian siya ng halik sa kaniyang noo, as they continue swaying.

She loves the warm feeling that she’s feeling inside his arms.

Mayamaya pa ay muling iniangat ni Adonis ang kaniyang mukha at sinalubong ng labi nito ang kaniyang labi.

And then once again, she tasted his sweet lips against hers.