Chapter 14

Katulad ng nakagawian ni Ayesha, kinabukasan ay nagsulat muna siya ng kaniyang nobela bago tuluyang tumayo sa kama. Kaunti na lang at mabubuo na niya ang kuwento. Kaya naman hindi niya maitago ang malapad na ngiti sa kaniyang labi.

Matapos magsulat ay itinabi na niya ang laptop at tumayo para magsuklay ng buhok bago lumabas ng silid bitbit ang cellphone. Nag-init siya ng tubig pagkatapos ay naglabas na rin siya ng apat na itlog at ham mula sa ref upang lutuin bilang kaniyang almusal.

Eksaktong luto na ang itlog at ham nang tumunog ang kaniyang cellphone. Agad niyang dinampot iyon sa ibabaw ng dining table at sinagot.

“O, Eds, napatawag ka?” tanong niya sa kaibigang tila napakaaga naman yatang manggulo.

“Makikikain sana ako sa bahay mo,” bumubungisngis nitong tugon sa kabilang linya.

“Loka! Nasaan ka ba? Halika na’t nakapagluto na ako ng itlog at ham,” tugon niya rito saka inipit ang cellphone sa pagitan ng tainga at balikat upang makakilos nang maayos.

“In two minutes, nandiyan na ako,” sagot naman nito sa kaniya. Ibig sabihin ay nasa malapit na ang loka-loka niyang kaibigan.

“Okay. Hihintayin kita. Ingat!” aniya rito bago ibinaba ang cellphone.

“Ano na naman kaya ang nakain ng babaeng iyon at naisipang magpunta rito sa bahay nang ganito kaaga?” kausap niya sa sarili habang isinasalin ang mainit na tubig sa thermos.

Mayamaya nga ay may kumakatok na sa gate. Agad siyang naglakad patungo sa pinto at lumapit sa gate upang pagbuksan ang kaibigan. At nasa gate na siya nang matanaw niya si Adonis na palabas ng bakuran nito.

“Good morning, ‘day!” bati ni Eds saka ito bumeso sa kaniya.

“Good morning! Halika, pumasok ka na,” sagot naman niya rito bago lingunin si Adonis na naglalakad sa kabilang direksiyon.

Saan naman kaya pupunta iyon?

“Mabali ang leeg mo, ‘day!” sita sa kaniya ni Eds na nakapagpabalik sa kaniya sa reyalidad.

“Sira! Halika na nga sa loob nang makakain na. Bakit ka nga pala napadpad dito nang ganito kaaga?” pag-iiba niya ng usapan habang naglalakad na sila papasok sa loob ng bahay.

“Hmm, wala naman. Kukumustahin lang sana kita at ang homework mo,” nakangiti namang tugon nito sa kaniya nang makaupo na ito sa harapan ng dining table.

“Huwag kang mag-alala dahil malapit ko na matapos. Kaunti na lang at maipapasa ko na iyon sa iyo,” tugon naman niya rito habang naglalagay ng mga plato at kubyertos sa mesa. Saglit siyang tumalikod sa kaibigan upang ipagtimpla rin ito ng kape.

“E, kumusta naman kayo ng kapitbahay mong manyak slash manliligaw mo?” mapanuksong tanong pa nito nang ilapag na niya ang kape sa harapan ng kaibigan.

“E, ‘di manliligaw pa rin. Alam mo namang for writing purposes lang kung bakit ko siya hinayaang manligaw sa akin, ‘di ba? Dahil sa idea mo!” nakairap niyang sagot dito saka naupo sa katapat nitong silya.

“Hmm, bakit parang hindi naman iyon ang nakikita ko?” turan nito habang nakatunghay sa kaniya.

“At ano naman ang nakikita mo? Manghuhula ka na ba ngayon?” nakataas naman ang isang kilay niyang tanong dito.

“Ayyiiieeee! Umamin ka. May gusto ka na sa manyak mong kapitbahay, ‘no?” pangungulit pa nito sa kaniya.

“Ano’ng pinagsasasabi mo riyan? Kumain ka na nga lang. Gutom lang iyan!” aniya rito kahit na ang totoo ay tama ito ng sapantaha.

“Galingan mong magtago, Ayesha. Kilala kita, ‘day! Mga paiwas tingin mong iyan at pag-segue mo ng usapan? Hmp! Alam na alam kong umiiwas kang ma-corner!” litaniya pa nito. Ang galing din naman talaga ng babaeng ito. Masyadong malakas ang radar.

“Alam mo, ikaw? Kumain ka na lang diyan.” Iniabot niya ang ham at itlog sa kaibigan.

“Sige lang, friend, iwas lang. Pero, on the other thought. Kung ako rin naman ang nasa kalagayan mo ay hindi malabong magkagusto ako sa manyak mong kapitbahay. Guwapo, makisig, mukhang yayamanin, at higit sa lahat ay mukhang wild sa kama, ‘day!” Nagniningning pa ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya.

“Hoy, Eds! Iyang bunganga mo! Ang aga-aga puro kalaswaan ang nasa isip mo!” saway niya sa kaibigan habang pinanlalakihan niya ito ng mga mata. Ang loka- loka naman niyang kaibigan ay tawa lang nang tawa sa kaniyang harapan. Bagay sigurong magsama ito at ang kaniyang kapitbahay—parehong mahahalay mag-isip!

“Hmm, pero on a serious note, puwede mo namang seryosohin ang panliligaw niya sa iyo kapag na-fall ka na sa kaniya. Mahirap kasing magpigil ng nararamdaman. Baka sa iba lumabas iyan. Kawawa naman ang makaaamoy!” nakangisi pang saad nito sa kaniya.

“Ewan ko sa iyong babae ka. Kumain ka na nga lang diyan. May iba ka pa bang gusto?” tanong na lang niya rito.

“Mayroon. I want you to be happy!” nakangiti nitong sambit sa kaniya.

Napangiti naman siya sa sinabi nito at ipinagpatuloy ang kanilang pagkain. Hindi na rin naman siya kinulit pang muli ni Eds kaya nakahinga na rin siya nang maluwag. Tama ito na nahuhulog na nga siya kay Adonis. Pero kasi, na-gi-guilty siya sa binata. Na-gi-guilty siya kasi ginamit lang naman niya ito para sa kaniyang pagsusulat.

“Paano ba iyan, ‘day. Aalis na ako. Maraming thanks sa almusal. Mahaba-haba pa naman ang deadline mo kaya hindi na muna kita kukulitin sa manuscript mo,” paalam na sa kaniya ni Eds makalipas ang ilang sandali.

“Sige. Ingat ka sa pagmamaneho,” bilin naman niya sa kaibigan habang inihahatid ito sa labas ng bahay. Nag- beso sila bago ito pumasok sa sasakyan nito. Kumaway pa siya rito bago tuluyang makaalis ang sasakyan ng kaibigan.

Napahinga na lamang siya nang malalim habang inihahatid ng tanaw ang papalayong sasakyan nito. Nang hindi na niya ito matanaw ay pumihit na siya pabalik sa gate ng bahay. Ngunit sa pagpihit niyang iyon ay bumangga siya sa mabango at matigas na bagay.

“Aray!” aniya habang hinihimas ang nasaktan niyang ilong.

“Sorry, aking Irog! Maganda ka pa sa umaga!” Nakangiting mukha ni Adonis ang bumungad sa kaniya nang tingalain niya ito.

Suddenly, she noticed butterflies around them, heard sweet music, felt warm from his stares, and smelled freshly baked pastries.

Pastries? Saan nanggaling iyon? Suminghot-singhot pa siya upang hanapin ang pinanggagalingan ng amoy na iyon. Bilang tugon naman sa kaniyang katanungan ay itinaas ni Adonis ang isang paper bag na tila naglalaman nga ng pastries.

“Para sa’yo,” anito sa kaniya.

“Masarap kainin ito na may kasamang masarap na kape at ng masarap na kagaya ko—este, masarap kausap na kagaya ko,” nakangising saad nito sa kaniya.

“Style mo bulok! Halika na nga. Makikikape ka lang ang dami mo pang sinasabi.” Natatawa niya itong inirapan at naglakad na patungo sa gate ng bahay niya.

“At least naman may baon akong pastries,” depensang sagot naman nito habang nakasunod sa kaniya.

Matapos nilang kumain ay tinulungan siya nitong mag- imis ng mga pinagkainan nila bago naupo sa sofa ng sala. Lihim niyang pinagmamasdan si Adonis na ngayon ay nakatutok ang paningin sa TV. Tila mas gumuwapo ito ngayon kaysa kahapon, at parang mas naging makisig ito sa kaniyang paningin.

“Ayesha, baka naman matunaw ako sa paraan ng pagkatitig mo sa akin.” Mabilis siyang nag-iwas ng tingin dito at nagkunwaring inaayos ang throw pillow sa kaniyang tabi.

“Ha? Feeling mo naman!” defensive niyang turan dito.

“Huwag ka nang mahiya. Okay lang naman sa akin kahit pagnasaan mo pa ako. Hindi ako tututol,” nakangising tugon ni Adonis saka siya binalingan.

“Feelingerong frog!” nakairap naman niyang saad. Tumawa lang ang lalaki na tila musika sa kaniyang pandinig at muling ibinalik sa TV ang atensiyon nito. Hindi niya maintindihan ang sarili. Bakit parang bigla siyang natutuwa sa bawat simpleng galaw ni Adonis? Hindi na nga lang kaya simpleng pagkagusto ang nararamdaman niya para dito?

OMG! Mahal ko na ba sa lagay na ito ang manyakis na’to?! nanlalaki ang mga matang tili niya sa kaniyang isip.

“Ayesha, Irog ko, ayos ka lang ba?” untag ni Adonis na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kaniyang tabi.

“H-ha? P-paano kang nakalapit sa akin?” nauutal niyang tanong dito.

“E, ‘di lumipat ako from there to here,” simpleng sagot naman nito sa kaniya habang itinuturo pa nito ang pinanggalingang upuan. Bigla namang parang na-te- tempt siyang halikan ang mga labi ni Adonis habang nagsasalita ito. Parang gusto niyang madama ang maninipis nitong balbas at bigote na maayos na nakakorte sa baba at upper lip nito.

Isang pitik ang nakapagpabalik sa kaniyang katinuan. “Ayesha, sigurado ka bang okay ka lang?” na-we-weirdo- hang tanong ng lalaki sa kaniya. Mabilis niyang naipilig ang kaniyang ulo at mabilis na tumayo mula sa kinauupuan. Maski ang kaniyang sarili ay hindi rin alam kung okay nga ba siya. Lalo na ngayon na tila namang may karera ng mga kabayong nagaganap sa loob ng kaniyang dibdib sa lakas ng pagkabog niyon.

“Ahm, o-okay lang ako. Wala ka bang trabaho ngayon? O, lakad kaya?” natatarantang tanong niya rito. Hindi naman sa ipinagtatabuyan niya ito pero parang ganoon na nga. Parang bigla na lang niyang gustong paalisin na muna ang binata para mapakalma niya ang sarili. Tumayo naman ito mula sa kinauupuan nito at nakapamulsang humarap sa kaniya.

“Sige, aalis na muna ako. Pero sure kang okay ka lang, ha?” paniniyak pa nitong tanong na kaniya namang tinanguan.

“Okay. Bye, Irog ko!” paalam na nito sa kaniya at pabirong ngumuso pa.

“Adonis, please lang! Huwag kang tukso!” bulong niya sa sarili. Naglalakad na ito palabas ng bahay nang muli itong pumihit paharap sa kaniya.

“By the way, can I invite you for a dinner tonight? Don’t worry, sa bahay ko lang naman. Kaya no need to dress formally,” nakangiting turan nito sa kaniya.

“What time?” tanong niya rito. Bigla namang nag- aliwalas ang mukha nito sa tanong niyang iyon.

“Probably, around seven-thirty?”

“Okay. Pupunta na lang ako sa bahay mo before seven- thirty,” kinakabahan pa rin niyang tugon sa lalaki.

“Great!” tila tuwang-tuwa naman nitong sagot sa kaniya.

“Sige na, Irog ko. Paalam!” malapad ang pagkangiti nitong paalam sa kaniya at tuluyang lumabas na ng bahay niya.

Nang tuluyan na itong mawala sa kaniyang paningin ay pabagsak siyang naupo sa sofa at naisubsob ang sariling mukha sa throw pillow na nadampot niya. Nagtititili siya roon dahil sa pinaghalong kaba, kilig, at kung ano-ano pang emosyong bumabalot sa kaniyang puso ng mga sandaling ito.

Paano niya ngayon haharapin ang panibagong damdaming nabuhay sa kaniyang puso?