Chapter 9

Day 3:

Ngayong araw ay naisipang magpalit ng mga kurtina ni Ayesha, at isabay ang paglalaba niyon sa kaniyang maruruming mga damit. Tambak na kasi ang mga ito sa labahan, at isang buwan na ang nakalilipas nang huli niyang palitan ang mga kurtina.

Nasa likod bahay na siya at nag-uumpisa nang magsalang ng mga labahin sa washing machine nang may marinig siyang kumakalansing sa may gate. Ipinihit niya muna ang timer ng washing machine bago siya nagtungo sa harapang bahagi ng kaniyang bahay.

“O, bakit?” tanong niya sa lalaking nakangisi na ngayon sa kaniyang harapan.

“Magandang araw, aking Irog,” bati nito sa kaniya habang nakahawak ito sa grills ng gate.

“Ano’ng kailangan mo? Busy ako. Mamaya ka na lang manligaw,” wika niya kay Adonis habang nakapamaywang siya sa harapan nito.

“Ganoon ba? Baka gusto mong tulungan kita. Hindi naman ako busy ngayon, e,” prisinta naman nito sa kaniya.

“Huwag na. Naglalaba kasi ako ngayon, e. Bumalik ka na lang mamaya kapag tapos na’ko.” Napakamot siya sa ulo habang nakatingin kay Adonis.

“Sige na. Tutulungan na lang kita para hindi ka masyadong mapagod. At isa pa ay parte ito ng panliligaw ko sa’yo.” Kumindat pa ito habang sinasabi iyon sa kaniya. Bigla na namang nagwala ang kaniyang puso sa simpleng pagkindat lang na iyon ni Adonis.

“Hindi na nga kasi!” masungit na pagtanggi niya pa rin dito upang maitago ang kaba na nararamdaman.

“Oo na kasi. Alam mo namang ayaw kitang napapagod, e,” pangungulit nito sa kaniya.

Napa-hinga na lamang tuloy siya nang malalim bago binuksan ang gate. Hindi na siya nakipagtalo pa sa lalaki dahil alam naman niyang hindi siya mananalo sa kakulitan nito. Tuwang-tuwa naman itong pumasok sa kaniyang bakuran, at ito na rin mismo ang nagsara ng gate.

“So, saan tayo maglalaba?” excited pang tanong nito sa kaniya.

“Sa likod. Tara na!” sagot at pagyaya niya rito saka nagpatiunang maglakad papasok sa bahay. Sumunod naman ito sa kaniya at nag-umpisang mangialam sa kaniyang mga labahin. Hinayaan niya lang ito habang nagpupuno siya ng tubig sa batya para sa pagbabanlaw ng mga damit.

“Uy! Red is a sexy color!” Napalingon siya sa direksiyon ng lalaki nang marinig niya itong magsalita. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita niyang hawak-hawak nito ang kaniyang underwear na pula, at tila tuwang-tuwa pa ito habang pinagmamasdan iyon. Mabilis siyang lumapit kay Adonis at inagaw iyon.

“Napakamanyak mo talagang lalaki ka!” galit na sita niya rito matapos niyang maagaw ang panloob mula rito.

“Irog ko, alam mo bang mas lalo kong gustong masungkit ang matamis mong oo, dahil sa kulay pula mong—” Hindi na nito naituloy pa ang ano mang sasabihin nang batuhin niya ito ng tsinelas.

“Isa pang banat mo ng kamanyakan, palalayasin na talaga kita rito sa bahay at ba-basted-in na talaga kita!”

“Ito naman hindi na mabiro. Joke lang naman iyon, e. HB ka naman agad diyan. Pero, totoo iyong sinabi ko na—”

“Lumayas ka na nga! Letse kang lalaki ka talaga!” napipikon na niyang hasik sa lalaki.

“Hindi na, hindi na. Promise! Shut up na ako. Maglaba na tayo bago pa umusok iyang bumbunan mo, aking Irog,” nakangising saad nito at ipinagpatuloy ang paghihiwalay ng mga damit sa lalagyan nito.

Napanatag naman ang kaniyang loob nang hindi na nga ito muli pang nagsalita, at tanging ang paglalaba na lamang talaga ang inatupag nito. Wala pang dalawang oras ay natapos na rin sila sa kanilang paglalaba, at tinulungan na rin siya nito sa pagsasampay.

“O, ako na rito. Doon ka na muna sa loob ng bahay at baka mamaya kung ano na naman ang maisipan mong pakialaman,” pagtataboy niya rito nang tanging ang mga undergarments na lang ang natitirang kailangang isampay.

“Aw! Iyan pa naman ang inaabangan ko kanina pa,” nakalolokong tugon naman nito sa kaniya.

“Mamang manyakis, kung alam ko lang na i-a-apply mo iyang kamanyakan mo, sana hindi na kita hinayaang tumulong sa akin ngayon!” nakapamaywang niyang turan dito.

“Grabe ka naman makatawag ng manyakis sa’kin. Sa guwapo kong ‘to? Manyak? It hurts, ha!” pagda-drama nito sabay hawak pa sa dibdib.

“Tigilan mo’ko sa drama mo! Tsupi! Doon ka na kasi sa loob. Ako na rito nang matapos ko na’to. Magtimpla ka na lang ng juice para malamig na pagkatapos ko rito,” utos niya sa lalaki.

“Kita mo ‘to. Uutusan lang pala ‘ko ang dami pang sinasabi. Kung hindi lang kita mahal, e,” bubulong- bulong pa nitong sambit habang naglalakad papasok sa loob ng bahay.

Pigil na pigil naman niya ang sariling mangiti dahil sa itsura nitong nanghahaba ang nguso habang naglalakad palayo sa kaniya. Nang tuluyan na itong makapasok sa loob ng bahay ay saka siya nagmadaling magsampay ng kaniyang mga undergarments. Baka kasi mamaya makaisip na naman ng kung ano ang lalaki at baka mapukpok na niya ito sa ulo.

Pagkatapos niyang magsampay at magligpit ng mga ginamit nila sa paglalaba ay saka lang siya pumasok sa loob ng bahay. Inabutan niya pang nasa harapan ng kalan ang lalaki at tila nagluluto ito ng kung ano. Lumapit siya rito at sinilip ang niluluto nito.

“Ano ‘yang niluluto mo?” tanong niya rito.

“Chopsuey. Masisira na lang kasi ang mga gulay mo sa ref nang hindi man lang napakikinabangan,” tugon nito sa kaniya.

“E, sa hindi ako marunong magluto, e,” aniya rito. Marunong naman siyang magluto, tamad lang talaga siyang gawin iyon. Lumingon ito sa kaniya at saka kunot- noong siyang pinagmasdan. Tinaasan niya ito ng isang kilay habang nakahalukipkip siya sa tabi nito.

“O, bakit ganyan ka makatingin?” Napailing naman ito bago sumagot, “Kaya naman pala ganyan ang katawan mo, e.”

“Hoy! Ano’ng ibig mong sabihin sa kaya naman pala ganito ang katawan ko? May problema ka ba sa katawan ko?” mataray niyang tanong dito sabay tingin sa sarili niyang katawan.

“Malaki ang problema ko sa katawan mo. Walang kalaman-laman. Nakatutusok kapag niyakap. At higit sa lahat ay baka mabali iyang mga buto mo kapag naglaro na tayo sa kama—aray ko naman, Ayesha!” reklamo nito nang bigla niya itong pingutin.

“Masasaktan ka talaga sa aking lalaki ka kapag hindi mo ako tinigilan diyan sa kamanyakan mo!” hasik niya rito.

“At isa pa, huwag kang mag-alala kasi hindi ka naman matutusok dahil hindi ako magpapayakap sa’yo. At lalong hindi madudurog ang mga buto ko dahil hindi ako makikipaglaro sa’yo sa kama!” Muli niya itong piningot at kinurot sa braso. Napahimas na lamang tuloy ito sa brasong nakurot. Pero hindi niya naman ito kinakitaan ng galit. Bagkus tila aliw na aliw pa ito sa kaniya.

“Aking Irog, huwag kang magsasalita ng tapos. Baka mamaya kainin mo’ko—este, lahat ng mga sinabi mo,” tatawa-tawa pang saad nito sa kaniya.

“O! Tama na, ha. Nakararami ka na. Isang pananakit mo pa, gagahasain na kita riyan,” pagbabanta pa nito sa kaniya. Agad naman siyang lumayo sa lalaki, at naupo na lang sa harapan ng maliit na mesa sa kaniyang kusina. Ayaw naman niyang magahasa siya ni Adonis, ‘no! Ano ito sinusuwerte? Pero, on the other thought, ano nga kaya ang feeling na makulong sa mga bisig ng isang Adonis?

Ayesha, talaga ba? Ang landi mo, girl! kantiyaw ng kaniyang isipan. Mabilis niyang ipinilig ang kaniyang ulo, at tumayo upang kumuha ng baso. Iinom na lang muna siya ng tinimpla nitong juice habang abala pa ito sa pagluluto.

Ilang sandali pa ay natapos na rin ito sa pangingialam sa kaniyang kusina. Mabilis itong kumilos at naghain. Habang siya naman ay inabala lang ang sarili sa panonood sa kakisigan ni Adonis. Kahit na hindi ito mag- effort, natural na lumalabas sa lalaki ang pagiging makisig nito.

“And lunch is served. Halika na at kumain na tayo, Irog ko. Nang makapagpahinga na tayo,” sabi nito sa kaniya at nagsalin ito ng pagkain sa kaniyang plato bago nito asikasuhin ang sarili.

Napapasunod na lang siya sa bawat pagkilos nito habang inaasikaso siya. Sa tanang buhay niya ay wala pang kahit na sinong lalaki ang nag-asikaso sa kaniya nang katulad ng pag-aasikaso nito sa kaniya ngayon. Bigla ang tila paglukso ng kaniyang puso nang ngitian pa siya nito bago ito sumubo ng pagkain. Hindi niya alam kung para saan ang pagluksong iyon ng kaniyang puso. Basta ang alam niya lang ay bago iyon sa kaniyang pakiramdam.

“O, Ayesha, may problema ba sa luto ko?” mayamaya ay tanong nito sa kaniya nang hindi pa rin siya kumikilos upang kumain.

“Ahm, wala. Sige, kain na tayo,” alangang ngiti niya sa lalaki.

“Sus! Iniisip mo sigurong may gayuma iyan, ‘no? Huwag kang mag-alala, hindi ko nilagyan ng gayuma ‘yan. Hindi naman kasi tumatalab sa iyo, e. Expired na siguro ‘yon. Hayaan mo at sa susunod ay bibili ako ng malakas ang talab,” nakangising saad nito sa kaniya.

“Sira! Kumain na nga lang tayo. Napakadaldal mo!” sabi na lang niya rito at nag-umpisa na siyang sumubo.

Sa totoo lang ay nagugustuhan na niya ang presenisya ni Adonis. Unti-unti nang nawawala ang pagkairita niya sa lalaki, at napapalitan na iyon ng pagkatuwa rito. Bigla naman siyang natigilan sa naisip.

Hindi nga kaya nagkakagusto na siya sa sutil na lalaking ito?